Skip to main content

    Karahasang Sekswal, Pagpaslang, Pandarambong at Mass Displacement: Humanitarian Action Nasasagad na sa Ituri, DRC

    Ituri DRC

    © Louise Annaud/MSF

    “Kahindik-hindik.” Ganyan ang paglalarawan ni Amande Bazerolle, Doctors Without Borders Emergency Coordinator sa kalagayan ng pamumuhay ng 26, 000 na taong  nasa Ituri, sa silangang bahagi ng DRC, matapos mapilitang lisanin ang kanilang tahanan dahil sa isa na namang yugto ng brutal na karahasan. “Walang-wala sila: walang paraang makakuha ng pangangalagang pangkalusugan, walang sapat na pagkain o tubig, walang lugar na tutulugan, walang mga pangunahing kagamitan, kahit para sa pansariling kalinisan. Ang daming kailangan dito.” Dahil sa pagpapatuloy ng karahasan, hindi ligtas bumalik sa kanilang mga tahanan, at di sila makauwi.

    Talamak din ang karahasang sekswal sa Boga. Noong Enero at Pebrero 2021 lamang ay 67 survivors  ng karahasang sekswal ang pinangalagaan ng Doctors Without Borders. "Ang mga babaeng ito ay ginahasa  ng mga armadong lalaki,  sa kalsada, o sa mga taniman at bukid  kung saan sila nagtatrabaho," sabi ni  Bazerolle. "Takot na takot silang bumalik sa mga bukid nila, pero may mga bumabalik pa rin, kahit mapanganib. Dito natin makikita na wala silang gaanong magagawa sa sitwasyon nila, kailangan  nilang mabuhay at pakainin ang kanilang mga pamilya." Ang pag-abandona ng kanilang mga bukid, na kanilang pangunahing mapagkukunan ng pagkain, ang nagpapataas ng posibilidad ng malnutrisyon at nauuwi sa pag-asa ng mga tao sa mga magbibigay ng pagkain.

    Bukod dito, marami pang karanasan sa karahasan ang pinagdadaanan ng mga tao sa Ituri. Mga  pagpaslang, karahasang sekswal, mga pandarambong sa mga pamayanan at sa healthcare centres ay bahagi ng pang-araw araw na realidad nila. "Ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan ay sirang-sira na. Mahigit sa 70 healthcare centres ang nanakawan o nawasak, kaya’t  napagkaitan ang libo-libong tao ng pangangalagang pangkalusugan. Talagang malala na ang sitwasyon dito," sabi ni Frédéric Lai Manantsoa, head of mission para sa Doctors Without Borders sa DRC. 

    Katulad ng mga tao sa Boga, nabulabog ang buhay ng mga tao sa lahat ng komunidad sa probinsiya ng Ituri dahil sa tatlong taon ng karahasan, at nangangailangan sila ng tulong. Bagama’t maraming humanitarian organizations ang nasa rehiyon, di na nila kayang pasanin ang patuloy na lumalaking mga pangangailangan para sa kalusugan at sa sanitation, lalo pa’t karamihan sa kanila’y kulang rin sa pondo.   

    Sa Ituri, sinusuportahan ng Doctors Without Borders ang tatlong ospital, 12 healthcare centres, 3 health posts, at mga proyektong may kaugnayan sa sakit ng bata, malnutrisyon, malaria, karahasang sekswal, at suporta para sa kalusugan ng isipan. Nagbibigay din ng suporta ang Doctors Without Borders sa sanitation, sa pamamagitan ng pagbibigay ng latrines, at pagdaos ng mga aktibidad para itaguyod ang kalinisan. Para sa 49 na lugar na inilaan para sa mga nawalan ng tirahan, namigay ng mga non-food items, at nagbigay rin ng gamot sa limitadong bilang ng mga healthcare centres. 

    Categories