Skip to main content

    Gaza: Dahil sa mga pagsalakay sa mga humanitarian worker, nagiging halos imposible ang pagbibigay ng kinakailangang tulong

    Doctors Without Borders health worker attends people at the waiting area in Al-Shaboura clinic.

    Isang Doctors Without Borders health worker ang nag-aasikaso sa mga pasyenteng nasa waiting area sa klinika ng Al-Shaboura. Palestinian Territories, Disyembre 2023. © Mohammad Abed

    Ang mahigpit na barikada ng Israel sa Gaza ay nakasasagabal sa pagpasok ng mga mahahalagang supply sa enclave. Kasabay nito, ang pagbibigay ng aid sa loob ng enclave ay halos imposible dahil sa pagsasawalang-bahala sa kaligtasan ng misyong medikal at humanitarian, at sa pagtigil ng kanilang staff sa pagbibigay ng makasagip-buhay na pagtulong. Dahil sa realidad na ito, ang pagsasagawa ng pagtugong humanitarian sa Gaza ay tila isang ilusyon lamang.

    Ang kawalan ng lugar para sa humanitarian aid at ang kakulangan ng mga supply na nakikita namin sa Gaza ay talagang nakapanlulumo. Kung ang mga tao ay hindi mapatay ng mga bomba, sila nama’y nagdurusa mula sa pagkakait sa kanila ng mga pagkain at tubig at binabawian ng buhay dahil sa kakulangan ng pangangalagang medikal.
    Lisa Macheiner, Project Coordinator

    Napipilitan ang mga medikal at humanitarian staff na ilagay sa panganib ang kanilang mga buhay

    Walang lugar sa Gaza na ligtas, para sa mga sibilyan man o sa mga taong nagsusumikap na mabigyan sila ng kinakailangang tulong.  Dahil sa hayagan at pangkalahatang pagsasawalang-bahala para sa proteksyon ng mga pasilidad medikal ng Gaza o ng mga humanitarian worker, ang pagbibigay ng pangangalaga at makasagip-buhay na pagtulong ay halos imposible nang magawa.

    Nitong nakaraang limang buwan, ang mga pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan ay nakatanggap ng mga evacuation order o mga utos na lumikas, at nakaranas ng paulit-ulit na pagsalakay, paglusob at panloloob. Inaresto, inabuso, at pinatay ang mga medical staff habang sila’y nangangalaga ng mga pasyente. Kasama rito ang lima sa aming staff sa Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF). Ilang miyembro ng mga pamilya ng aming mga staff ang pinatay rin.

    Sa isa sa mga pinakahuling walang awang pagsalakay sa mga pasilidad ng pangangalagang pangkalusugan, ang Nasser Hospital, ang pinakamalaking ospital sa timog ng Gaza, ay kinubkob nang ilang linggo. Pagkatapos tamaan ng shell ang orthopeadic department, at ilang tao ang namatay at nasugatan, ang Doctors Without Borders staff ay napilitang tumakas at iwan ang kanilang mga pasyente. Ang isang staff member ng Doctors Without Borders ay ipiniit sa isang checkpoint ng mga puwersang Israeli nang sinubukan niyang lumabas ng compound. Inuulit namin ang aming panawagan sa mga awtoridad ng Israeli na magbahagi ng impormasyon tungkol sa kanyang kinaroroonan at protektahan ang kanyang kapakanan at dignidad.
     

    Doctors Without Borders shelther in Al-Mawasi, Khan Younis, Gaza, which was shelled by Israeli forces.

    Sa gabi ng Pebrero 20, 2024, nagsagawa ang mga puwersang Israeli ng pagkilos sa Al-Mawasi, Khan Younis, Gaza, kung saan pinasabog ang isang pansamantalang tirahan ng mga MSF staff at ng kanilang mga pamilya. Palestinian Territories, Pebrero 2024. © Mohammed Abed

    Ang mga medical staff na nasa loob pa rin ng ospital ay naglarawan ng isang kahindik-hindik na sitwasyon kung saan ang mga pasyente ay hindi makalabas kahit limitado ang kanilang pagkain at walang kuryente o tubig.

    “Gabi-gabi, nagpapaalam ako sa aking mga kasamahang Palestino. Tuwing umaga, natatakot akong hindi ko na sila makikita sa susunod na pagpupulong namin,” sabi ni Macheiner. “Araw-araw, pakiramdam namin ay lalo kaming nauubusan ng maaaring gawin gaya ng paggamot sa mga sugatan, pagkuha ng mga medical supply, o pagbibigay ng tubig sa mga taong nangangailangan.”

    Noong kalaliman ng gabi ng Pebrero 20, isang tangkeng Israeli ang nagpasabog sa Doctors Without Borders shelter sa Al-Mawasi. Dalawang miyembro ng pamilya ng Doctors Without Borders staff ang pinatay at may pito ring sinaktan. Malinaw na nakakuha ng impormasyon ang puwersang Israeli tungkol sa eksaktong kinaroroonan ng shelter, isang pagpapatunay na walang ligtas na lugar sa Gaza at ang mga mekanismo ng deconfliction ay hindi maaaring asahan.
     

    Ang paghihigpit at kakulangan ng proteksyon sa mga aid convoy

    Sa hilaga o sa timog, ang mga humanitarian responder ay walang kasiguruhan na ligtas sila sa kanilang trabaho. Ang kanilang mga convoy ay hinaharangan at naaantala sa mga checkpoint, kung kaya’t nagiging imposibleng marating nila ang mga taong nangangailangan sa tamang panahon.

    Ang hilaga ng Gaza ay hindi nabigyan ng tulong sa loob ng ilang buwan, at ang mga tao’y walang magawa kundi subukang mabuhay sa pamamagitan ng kakaunting pagkain, tubig at medical supplies. Binomba at winasak ang mga kapitbahayan. Bagama’t ang Doctors Without Borders ay limitado ang pagkakasangkot sa pangkalahatang sitwasyong humanitarian at pangkalusugan sa hilaga, may mga staff member kaming hindi pa rin makaalis doon.

    Ang sitwasyon sa hilaga ng Gaza ay malaking suliranin at lumalala pa. Walang mga ospital kahit para lang sa mga pangunahing paggamot, at walang laman ang mga parmasya. Ilang linggo nang may sakit ang aking mga anak dahil sa kakulangan ng malinis na tubig at tamang pagkain, at lumalala ang kanilang kondisyon.
    Doctors Without Borders nurse

    Ayon sa United Nations, sa gitna ng Enero 1 at Pebrero 12, kalahati ng mga misyong plinano ng mga katuwang na humanitarian para maghatid ng tulong at magsagawa ng pagtatasa sa mga lugar sa hilaga ng Wadi Gaza ay tinanggihang bigyan ng access ng mga awtoridad na Israeli. Ang World Food Programme (WFP) ay ang pinakabagong organisasyong humanitarian na napilitang tumigil sa pagbibigay ng makasagip-buhay na tulong sa hilagang Gaza. Sinasabi sa kanila na ang mga kondisyon dito ay hindi ligtas para sa pamamahagi ng pagkain.
     

    The number of trucks entering Gaza

    Ang bilang ng mga trak na pumapasok sa Gaza ay bumaba mula sa 300 hanggang 500 na trak araw-araw bago nagsimula ang digmaan, at ngayon, ang pangkaraniwang bilang ay 100 na trak na lang kada araw. Palestinian Territories, Nobyembre 2023. © MSF

    “Hindi na kaya ng mga tao ang dagdag pang pagdurusa.”

    Bilang bahagi ng kumpleto at hindi makataong pagkubkob ng Gaza, ang pagputol ng supply ng mga tulong ay naging sanhi ng pagiging desperado ng dalawang milyong tao sa Gaza. Ang bilang ng mga trak na pumapasok sa enclave ay bumaba. Mula sa 300 hanggang 500 na trak araw-araw bago nagsimula ang digmaan, ngayon ay karaniwang mga 100 na trak na lang kada araw mula Oktubre 21 hanggang Pebrero 23. Noong Pebrero 17, apat na trak lang ang pinayagang pumasok sa Gaza.

    Ang mga tumatagal at hindi matantiyang pamamaraang administratibo para sa mga paghahatid ng tulong sa Gaza ay nakasasagabal sa pagkuha ng mga gamit na makasagip-buhay at mga supply para sa mga pasilidad ng pangangalagang pangkalusugan. Maaaring umabot ng isang buwan para makapasok ang mga supply sa Gaza dahil ang bawat kahon sa bawat trak ay sumasailalim sa screening. Kung tatanggihan ng mga awtoridad na Israeli ang kahit isang bagay, ibabalik ang buong kargamento sa Ehipto. Dahil walang opisyal na listahan ang mga ipinagbabawal na gamit, ang Doctors Without Borders ay laging hindi pinapayagang mag-angkat ng mga power generator, mga water purifier, mga solar panel at iba’t ibang klase ng medical equipment.

    “Sa bawat segundong naaantala ang mga supply, sa bawat pagkakataong hinaharangan ang isang kagamitan, ito’y nagiging sanhi ng nakapanghihina at hindi katanggap-tanggap na pagdurusa,” sabi ni Macheiner. “Sa mga supply na ito nakasalalay ang buhay o kamatayan ng maraming tao.”

    Sa Rafah, sa timog ng Gaza, may mga 1.5 milyon na taong napilitang lumikas at ngayo’y nakatira sa mga kalunos-lunos na kondisyon. Kulang sila ng mga pangunahing pangangailangan upang mabuhay. Napipilitan ang mga kababaihan na gumamit ng retaso ng damit bilang pasador, at ang mga tao’y nakatira sa mapuputik na tolda nang walang mga kutson o mga damit para sa malamig na panahon.

    “Ang mga taong may talamak na kondisyon gaya ng kanser, diabetes o epilepsy ay halos walang makuhang mga gamot,” sabi ni Dr. Hossam Altalma, isang doktor mula sa Doctors Without Borders na nagtatrabaho sa klinika ng Al-Shaboura. “Ang mga tao ay desperado na at handang magbayad ng kahit magkano para sa gamot.”

    Patuloy ang mga team ng Doctors Without Borders sa pagbibigay ng humanitarian at pangangalagang medikal sa Gaza kung saan posibleng gawin ito. Kasama sa mga serbisyong ito ay ang pag-oopera, post-operative care, pangangalaga para sa mga nagdadalang-tao, suporta para sa kalusugang pangkaisipan at pamamahagi ng tubig. Ngunit mga maliliit na bagay lamang ang mga ito kung ikukumpara sa mga pangangailangan ng mga tao. Nanawagan muli ang Doctors Without Borders para sa isang agaran at mapanatiling ceasefire, mga makahulugang pagtiyak ng kaligtasan ng mga humanitarian worker, at ang pag-alis ng hindi makataong barikada, upang matiyak na ang mga tao ay makatatanggap ng makasagip-buhay na tulong.

    Hindi na kaya ng mga tao sa Gaza na madagdagan pa ang kanilang pagdurusa. Nawalan na sila ng pakiramdam ng kaligtasan, dahil sa patuloy na banta ng kamatayan sanhi ng pagbobomba sa gabi o sa walang katiyakan kung saan sila makakakuha ng pagkain o tubig na iinumin.
    Lisa Macheiner, Project Coordinator

    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.

    Categories