Gaza: Mariing kinondena ng Doctors Without Borders ang pagsalakay ng Israel sa Al-Mawasi shelter kung saan dalawa ang namatay at anim ang nasaktan
Ang loob ng Doctors Without Borders shelter sa Al Mawasi, Khan Younis, Gaza matapos tamaan ng Israeli shelling ang gusali. Dalawang tao ang namatay at anim ang nasugatan. Palestine, 21 Pebrero 2024. © Mohammed Abed
Mariing kinokondena ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ang pagkamatay ng dalawang miyembro ng pamilya ng mga staff ng Doctors Without Borders dahil sa pagsalakay ng mga Israeli sa Al-Mawasi, Khan Younis, Gaza. May anim ding taong nasaktan bunga ng pagsalakay.
Sa kalaliman ng gabi ng Pebrero 20, nagsagawa ang mga puwersang Israeli ng isang operasyong militar sa Al-Mawasi, sa baybayin ng Gaza. Pinasabog ng isang tangkeng Israeli ang isang bahay kung saan namamalagi ang ilan sa aming mga kasamahan sa Doctors Without Borders at ang kanilang mga pamilya. Namatay ang asawa at manugang ng isa sa aming mga kasamahan, at may anim pang nasaktan. Lima sa mga nasaktan ay mga babae o mga bata. Pinaulanan din ng bala ang gusaling may malinaw na pangalan ng Doctors Without Borders, tinamaan ang bakod sa harap, ang labas ng gusali, at ang loob ng unang palapag.
Naantala ang pagdating ng mga ambulansya nang mahigit dalawang oras dahil sa shelling na nagaganap sa lugar. Sa kalaunan, nakarating rin ang mga ambulansya at nadala ang mga sugatan, na ang ilan ay may mga pinsalang dala ng sunog, sa International Medical Corps Field Hospital sa Rafah.
“Lubos ang aming pagkagalit at pagkalungkot sa mga naganap na pagpaslang,” pahayag ni Meinie Nicolai, ang General Director ng Doctors Without Borders, na kasalukuyang nag-aasikaso ng mga aktibidad medikal ng Doctors Without Borders sa Gaza. “Sa araw kung kailan pinili ng Estados Unidos na i-veto ang isang agarang ceasefire, nasaksihan ng dalawang batang babae ang pagkamatay ng kanilang nanay at hipag dahil sa pagsabog ng isang shell mula sa isang tangkeng Israeli.”
Ang mga pagpatay na ito ay pagpapatunay sa malagim na realidad na wala nang ligtas na lugar sa Gaza, na hungkag ang mga pangako ng kaligtasan, at hindi maaasahan ang mga mekanismo ng deconfliction. Ang tindi ng puwersang ginagamit sa mga siksikang siyudad ay nakakagulat at ang pagpuntirya sa isang gusali na alam naman nilang puno ng mga humanitarian worker at kanilang mga pamilya ay pagpapakita ng kawalan ng respeto.Meinie Nicolai, General Director
Noong naganap ang pagsalakay, 64 na tao ang nasa loob ng bahay. Ang lahat na sangkot sa digmaan, pati ang mga puwersang Israeli ay regular na nakatatanggap ng impormasyon ukol sa pinamamalagian ng mga team ng Doctors Without Borders. Walang dudang alam ng mga puwersang Israeli ang eksaktong lokasyon ng pansamantalang tirahan ng Doctors Without Borders sa Al-Mawasi. Dagdag pa rito, may nakasabit na 2x3 na metrong bandila ng Doctors Without Borders sa labas ng gusali. Walang natanggap na pag-uutos ng paglikas ang Doctors Without Borders mula sa mga puwersang Israeli bago nangyari ang pagsalakay. Nakipag-ugnayan ang Doctors Without Borders sa mga awtoridad ng Israel upang makakuha ng paliwanag.
Bago ang pagsalakay sa Al-Mawasi, nalampasan na ng ilan sa aming kasamahang nakatira roon at ang mga miyembro ng kanilang mga pamilya ang pagsalakay noong Enero 8 sa shelter sa Rafah na naging sanhi ng pagkamatay ng limang taong gulang na anak ng isang staff member ng Doctors Without Borders. Muling ipinapakita nito na hindi tinitiyak ng mga puwersang Israeli ang kaligtasan ng mga sibilyan sa kanilang mga operasyong militar at nagpapakita ng pagwawalang-bahala sa buhay ng tao at kawalan ng respeto para sa misyong medikal. Kaya naman, halos imposibleng ipagpatuloy ang mga aktibidad na medikal at humanitarian sa Gaza.
Isang Doctors Without Borders shelter sa Al Mawasi, Khan Younis, Gaza, matapos tamaan ng bomba. Dalawa ang namatay at anim ang nasaktan. Palestine, 21 Pebrero 2024. © Mohammed Abed
Sinusuportahan ng mga Doctor Without Borders team ang aming mga kasamahan at mga miyembro ng kanilang pamilya na nakaligtas sa pag-atake kahapon, pati na rin ang mga mahal sa buhay ng mga namatay. Limang staff ng Doctors Without Borders na ang namatay mula pa noong simula ng digmaan, bilang karagdagan sa maraming miyembro ng pamilya.
Inuulit namin ang aming panawagan para sa isang agaran at patuloy na tigil-putukan sa Gaza. Dapat nang matapos ang karahasan laban sa mga sibilyan.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.