Skip to main content

    Doctors Without Borders sa UN Security Council: Kailangan ng mga taga-Gaza ng agaran at mapapanatiling ceasefire ngayon

    Doctors Without Borders vehicle parked in front of our clinic in Gaza city were destroyed by the intervention of the Israeli forces in November 2023.

    Noong Nobyembre 20, limang sasakyan ng Doctors Without Borders na nakaparada sa harap ng aming klinika sa siyudad ng Gaza ay winasak ng mga puwersang Israeli. Palestinian Territories, 24 Nobyembre 2023. © MSF

    NEW YORK, Pebrero 22, 2024 — Hiningi ni Christopher Lockyear, secretary general ng pandaigdigang organisasyong medikal at humanitarian na Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF), mula sa United Nations Security Council (UNSC) ang isang agaran at mapapanatiling ceasefire sa Gaza. Sa kanyang paglalahad sa buwanang pagpupulong ng Council ukol sa Gaza, nananawagan din si Lockyear para sa malinaw na proteksyon ng mga pasilidad medikal, staff, at mga pasyente.

    "Sa bawat pagpupulong, sa bawat resolusyon, nagkulang ang Council na ito sa pagbibigay ng epektibong pagtugon sa alitang ito,” sabi ni Lockyear “. Napanood namin kung paanong ang mga miyembro ng Council ay nagsayang ng oras sa mga diskusyon habang patuloy na nadaragdagan ang mga sibilyang namamatay. Ang mga kamatayang ito, ang pagkawasak, at ang sapilitang pagpapalikas ay resulta ng mga desisyong militar at pulitikal na hayagang nagsasawalang-bahala ng buhay ng mga sibilyan. Ang mga desisyong ito ay maaaring naging iba — o maging iba — gawing ibang-iba.”

    Pagkatapos ng apat na buwan ng digmaan, halos 30,000 Palestino na ang napatay sa Gaza dahil sa walang patid na pagbobomba at pagsalakay ng Israel. Mga 1.7 milyong tao — halos 75% ng populasyon — ang tinatantiyang napilitang lumikas at nagkaroon ng mga sugat na may impeksyon at mga sakit dahil sa kanilang hindi ligtas, hindi mabuti sa kalusugan, at kahiya-hiyang kondisyon ng pamumuhay. Halos ititigil na ang pagbibigay ng pangangalagang pangkalusugan sa Gaza sapagkat kahit na mga pasilidad medikal ay hindi iginalang at hindi ligtas mula sa mga pagsalakay ng mga militar.
     

    “Ang aming mga pasyente ay nagtamo ng mga malalang pinsala sa kanilang katawan, mga amputation, nadurog na mga braso at binti, at mga matinding pagkasunog,” sabi ni Lockyear. “Kailangan nila ng de-kalidad na pangangalaga. Kailangan nila ng matagal at masinsinang rehabilitasyon. Hindi kayang gamutin ng mga medic ang ganitong klaseng pinsala sa gitna ng digmaan o sa mga labi ng mga nasunog na ospital. Nauubusan na rin ang aming mga surgeon ng simpleng gauze na ginagamit upang pigilan ang tuloy-tuloy na pagdaloy ng dugo. Kaya’t matapos nilang gamitin ito sa isang pasyente, pipigain nila ang dugo mula rito, huhugasan, at muli nila itong gagamitin sa susunod na pasyente.”

    Noong Pebrero 20, sa araw ng pagveto ng US sa UNSC ceasefire resolution, namatay ang asawa at manugang ng isang staff member ng Doctors Without Borders at nasaktan ang anim na iba pang tao nang naputukan sila ng isang tangke ng mga Israeli habang sila’y nasa isang pansamantalang tirahan na may malinaw na nakasulat na pangalan ng Doctors Without Borders sa Al-Mawasi, Khan Younis. Nitong nakaraang linggo, inilikas ng mga puwersang Israeli ang mga nasa Nasser Hospital, at nilooban ito. Ang Nasser ang pinakamalaking pasilidad medikal sa timog Gaza. Ang mga pinuwersang lumabas ay walang mapuntahan. Hindi na sila maaaring bumalik sa lubhang napinsalang hilagang bahagi ng Gaza at hindi rin sila ligtas sa Rafah sa timog, kung saan ang mga puwersang Israeli ay nagsagawa ng mga airstrike at inanunsiyo na ang kanilang mga plano para sa malawakang pagsalakay sa lupa.

    Mula noong nag-umpisa ang digmaan sa Gaza, ang mga medical team ng Doctors Without Borders at ang kanilang mga pasyente ay napilitang lisanin ang siyam na pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan sa Gaza Strip. Sa kabuuan, lima na sa mga kasamahan namin sa Doctors Without Borders ang napatay. Ang pagbibigay ng pangangalagang pangkalusugan at pagpapalawak ng makasagip-buhay na pagtulong ay halos imposible dahil sa grabeng pagbobomba at shelling, at pati na rin ng matitinding labanan.

    Ang mga kapinsalaang ibubunga ng pagsasawalang-bahala ng international humanitarian law ay mararamdaman kahit pagkatapos ng pangyayari sa Gaza. Ito’y magiging pasanin sa ating mga konsensiya. Ito’y hindi lang di pagkilos nang dahil sa pulitika—ito’y pagkilos nang may sangkot na pulitika.
    Christopher Lockyear, Secretary General

    Basahin ang buong mensahe

    Ang briefing ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières sa UN Security Council ukol sa sitwasyon sa Gaza, 22 Pebrero 2024 

    Madam President, mga kagalang-galang na kinatawan sa Council, at aming mga kasamahan, 

    Ngayon, habang ako’y nagsasalita rito, mahigit 1.5 milyong tao ang hindi makalabas ng Rafah. Ang mga taong pinuwersang manatili sa lupaing ito sa timog na bahagi ng Gaza ay labis na nagdurusa sa ilalim ng kampanyang militar ng Israel. 

    Nabubuhay kaming laging  takot na bigla na lang kaming sasalakayin.

    Ang aming mga pangamba ay nakaugat sa karanasan. 48 oras pa lang ang nakalilipas nang sa Khan Younis, ang isang pamilyang nakapalibot sa lamesa sa kusina ng kanilang bahay (kung saan namamalagi  ang MSF staff at ang kanilang mga pamilya) ay nagulantang sa  biglang pagsabog ng isang 120mm tank shell. Lumusot ito sa pader, nagsimula ng sunog, at naging sanhi ng pagkamatay ng dalawang tao at nagdulot ng matinding pagkasunog ng anim pang indibidwal. Lima sa anim na nasaktan ay mga babae at bata. 

    Ginawa namin ang lahat ng pag-iingat upang protektahan ang 64 na humanitarian staff at ang mga  miyembro ng kanilang mga pamilya mula sa ganitong pagsalakay sa pamamagitan ng pagbibigay-alam sa mga partidong bahagi ng alitan ukol sa kinaroroonan ng mga taong nabanggit. Malinaw din naming minarkahan ang gusali sa pamamagitan ng pagtatayo ng bandila ng MSF.

    Gayunpaman, ang aming gusali ay sinalakay ng isang tangke at pinaulanan ng bala. May mga nakulong sa isang nasusunog na gusali, at dahil sa pamamaril, hindi sila masaklolohan ng mga ambulansiya. Kaninang umaga, tiningnan ko ang mga larawan ng matinding pinsala na naidulot sa lugar. Nanood din ako ng mga video ng mga rescue team habang kinukuha ang mga sunog na katawang nalibing ng mga durog na bato.

    Napakapamilyar nito— hindi ito ang unang pagkakataon na sinalakay ang aming mga convoy ng mga puwersang Israeli, pinigilang makaalis ang aming mga staff, pinadaanan ng bulldozer ang aming mga sasakyan, at ang mga ospital ay binomba at nilooban. Ngayon, sa pangalawang pagkakataon, pinasabog na naman ang isa sa aming mga staff shelter. Ang mga pagsalakay na ito ay isa lang sa dalawang bagay: maaaring ito ay sinadya, o ito’y indikasyon ng kapabayaan o kawalan ng kakayahan. 

    Ang aming mga kasamahan sa Gaza ay nangangamba na sa pagsasalita ko ngayong araw na ito, sila’y mapaparusahan kinabukasan.  

    Madame President, araw-araw kaming nakasasaksi ng mga kalupitang di mo mauubos-isip. 

    Tulad ng karamihan, kami’y nasindak sa naganap na massacre ng Hamas sa Israel noong Oktubre 7, at gayundin ang aming naging reaksyon sa pagtugon ng Israel. Ramdam namin ang paghihinagpis ng mga pamilya ng mga hostage noong Oktubre 7. Masakit din sa aming kalooban ang pagdurusa ng mga pamilya ng mga indibidwal na ikinulong sa Gaza at sa West Bank. 

    Bilang mga humanitarian, nabigla kami sa mga insidente ng karahasan laban sa mga sibilyan. 

    Ang pagkamatay, pagkawasak, at ang sapilitang paglilikas ay resulta ng mga ginagawa ng militar at pulitiko na hayagang ipinagwawalang-bahala ang buhay ng mga sibilyan.

    Ang mga pinili nilang gawin ay maaaring naiba—at maaari pa ring baguhin.  

    Sa loob ng 138 na araw, nasaksihan namin ang di kapani-paniwalang pagdurusa ng mga taga-Gaza. 

    Sa loob ng 138 na araw, ginawa namin ang lahat ng aming magagawa upang makapagbigay ng makahulugang pagtugon na humanitarian.  

    Sa loob ng 138 na araw, nasaksihan namin ang sistematikong pagtanggal ng sistemang pangkalusugan na ilang dekada na naming sinusuportahan. Nakita namin kung paano pinatay at ginawang lumpo ang aming mga pasyente at mga kasamahan. 

    Sukdulan na ang mga ginagawa ng Israel laban sa buong populasyon ng Gaza strip—

    isang digmaan ng kolektibong pagpaparusa, 
    isang digmaang walang patakaran, 
    isang digmaang pinagbabayaran ng lahat.

    Ang mga batas at mga prinsipyo kung saan nakabatay ang ating pagbibigay  ng humanitarian assistance ay nawawalan na ng kahulugan ngayon. 

    Madam President, ang pagtugong humanitarian sa Gaza ngayon ay isang ilusyon— ilusyon na ang digmaang ito ay sumusunod sa mga pandaigdigang batas.

    Ang mga panawagan para sa karagdagang humanitarian assistance ay ilang ulit nang narinig sa silid na ito.  

    Gayunpaman, paunti nang paunti ang mayroon kami sa Gaza— mas kaunting lugar, mas kaunting gamot, kaunting pagkain, kaunting tubig, at kaunting kaligtasan.  

    Hindi na natin pinag-uusapan ang isang humanitarian scale-up; sa halip, ang pinag-uusapan na lang ay  kung paano mapananatiling buhay ang mga nasa Gaza kahit kulang na kulang sa mapagkukunang-yaman.   

    Ngayon, ang pagsusumikap na makapagbigay ng tulong sa Gaza ay basta-basta na lang, at wala nang sistema. Ang nakikinabang nang lubos ay ang mga mapagsamantalang  oportunista, at ang tulong na nakararating sa nangangailangan ay talagang hindi sapat.  

    Paano kami makapaghahatid ng makasagip-buhay na tulong sa isang lugar kung saan ang pagkakaiba ng mga sibilyan at ng mga mandirigma ay isinasawalang-bahala?  

    Paano namin mapapanatili ang kahit anong klase ng pagtugon kung ang mga medical worker ay pinupuntirya, sinasaktan, at inaalipusta dahil sa pagtulong nila sa mga biktima ng alitan? 

    Madam President, ang mga pang-aalipusta sa pangangalagang pangkalusugan ay pang-aalipusta sa sangkatauhan. 

    Wala nang sistemang pangkalusugan sa Gaza. Isa-isa nang nilansag ng mga puwersang Israeli ang mga ospital dito. Ang mga naiwan ay napakakaunti lamang upang makayanang harapin ang patayang nagaganap. Ang lahat ng ito ay isang malaking kalokohan.

    Pangangatwiran nila, ginagamit daw kasi ang mga pasilidad medikal para sa mga gawaing militar, ngunit wala naman kaming nakikitang ebidensiyang nagpapatunay rito.  

    Sa bibihirang pagkakataon kung kailan tatanggalan ang isang ospital ng proteksyon, ang paglusob dito ay dapat sumunod sa mga prinsipyo ng proporsiyanalidad at pag-iingat. 

    Sa halip ng pagsunod sa pandaigdigang batas, ang nakikita natin ay ang sistematikong di pagpapagana sa mga ospital. Ang resulta nito ay ang pagkaparalisa ng sistemang medikal.

    Mula noong Oktubre 7, napilitan kaming umalis sa siyam na magkakaibang pasildiad pangkalusugan.  

    Noong nakaraaang linggo, ni-raid ang Nasser Hospital. Sa kabila ng paulit-ulit na pagtitiyak sa kanila na maaari silang manatili roon at magpatuloy sa pangangalaga sa mga pasyente, napilitan ang medical staff na umalis.

    Ang mga ganitong walang habas na paglusob, pati na rin ang mga klase ng sandata at bala na ginagamit sa mga lugar kung saan malalaki ang populasyon, ay nakapatay na ng sampu-sampung libong tao at nakapagdulot ng pinsala sa libo-libo pa.    

    Malala ang mga natamong pinsala ng aming mga pasyente. May mga nangailangan ng amputation (pagputol ng isang bahagi ng katawan upang pigilan ang pagkalat ng impeksyon), may mga nadurog ang buto sa mga braso o binti, at may nabiktima ng malalang pagkasunog. Kailangan nila ng mataas na antas ng pangangalaga. Kailangan din nila ng matagal at matinding rehabilitasyon. 

    Ang mga ganitong klaseng pinsala ay di maaaring gamutin ng mga medic sa gitna ng labanan o sa labi ng mga nawasak na ospital.

    Hindi sapat ang mga kama sa ospital, kulang ang mga gamot, at hindi husto ang mga supplies. 

    Walang magawa ang mga surgeon kundi ituloy ang mga amputation kahit na walang anesthesia—at isipin ninyo, mga bata ang kanilang inooperahan.

    Nauubusan na rin ang aming mga surgeon ng simpleng gauze na ginagamit upang pigilan ang tuloy-tuloy na pagdaloy ng dugo. Kaya’t ito ang ginagawa nila: matapos nilang gamitin ito sa isang pasyente, pipigain nila ang dugo mula rito,huhugasan, at muli nila itong gagamitin sa susunod na pasyente.  

    Dahil sa krisis na humanitarian sa Gaza, ang mga nagdadalang-tao ay ilang buwang di nakakakuha ng pangangalagang medikal. Ang mga babaeng manganganak na ay di na nakararating sa mga delivery room. Sa halip, sila’y nanganganak sa loob ng mga plastic na tolda o di kaya’y sa mga pampublikong gusali.  

    Ang aming mga medical team ay may idinagdag na bagong acronym sa kanilang bokabularyo: WCNSF— wounded child, no surviving family.  (batang sugatan, wala nang buhay na kamag-anak) 

    Para sa mga batang makalalampas sa digmaang ito, patuloy nilang iindahin di lamang ang mga pisikal at nakikitang sugat na natamo ng kanilang katawan. Patuloy rin nilang dadalhin ang mga di-nakikitang mga sugat, na dulot ng paulit-ulit na pagkawala ng tirahan, ang hindi nawawalang kaba, at ang pagsaksi sa marahas na pagpatay ng kanilang mga mahal sa buhay. Ang malalim na pinsalang idinudulot nito ang dahilan kung bakit may mga nakikilala kaming mga bata na wala pang limang taong gulang ay nagsasabing sana’y namatay na lang sila. 

    Malaki ang mga hamong hinaharap ng medical staff. Araw-araw, pinipili naming ipatuloy ang pagtatrabaho, sa kabila ng dumaraming panganib. 

    Kami’y natatakot. Hindi na rin mailalarawan ng aming mga team kung gaano na kami kapagod. 

    Madam President, kailangan na itong wakasan. 

    Kami, kasama ang buong mundo, ay nakatuon sa mga hakbang na gagawin ng Council at ng mga miyembro nito ukol sa sitwasyon sa Gaza.

    Nakatapos na kayo ng ilang pagpupulong, nakapasa ng ilang resolusyon. Ngunit hanggang ngayo’y hindi ninyo nareresolba ang alitan. Napanood namin kung paanong ang mga miyembro ng Council ay nagsayang ng oras sa mga diskusyon habang patuloy na nadaragdagan ang mga sibilyang namamatay.  

    Nagugulat kami sa paggamit ng Estados Unidos ng kapangyarihan nito bilang permanenteng miyembro ng Council upang hadlangan ang anumang pagsusumikap na pasulungin ang pinakamalinaw na solusyon: ang pagkakaroon ng agaran at mapapanatiling ceasefire. 

    Tatlong beses nang nagkaroon ng oportunidad ang Council na bumoto para sa kailangang-kailangang ceasefire at tatlong beses na ring ginamit ng Estados Unidos ang kanilang veto power upang hadlangan ito, ang pinakahuli ay nitong nakaraang Martes.  

    Gumawa ang Estados Unidos ng bagong draft resolution na animo’y nananawagan para sa isang ceasefire. Ngunit, hindi talaga ito ang kanilang layunin. 

    Dapat tanggihan ng Council ang kahit anong resolusyon na makakadagdag sa mga hadlang sa humanitarian efforts na isinasagawa sa lugar, ito ay mauuwi lamang sa animo’y pagpapahintulot ng Council na magpatuloy ang karahasan at pagmamalupit sa mga taga-Gaza.

    Kailangan ng mga taga-Gaza ng ceasefire ngayon, hindi kung kailan ito praktikal at madaling magagawa. Kailangan nila ng ceasefire na pangmatagalan, hindi ng isang  “pansamantalang panahon ng kapayapaan.” Ang anumang kakulangan sa ibibigay sa kanila ay katibayan ng matinding kapabayaan. 

    Ang pagprotekta sa mga sibilyan ng Gaza ay hindi maaaring nakasalalay sa mga resolusyon mula sa Council na ito, na ginagamit ang  humanitarianism upang maitago ang mga layuning pampulitika. 

    Ang proteksyon ng mga sibilyan at ng kanilang mga imprastruktura, ng mga health worker at pasilidad pangkalusugan, ay unang-una, pananagutan ng mga partidong kasama sa alitan. 

    Subali’t ito rin ay responsibilidad ng marami—responsibilidad ng Council at ng mga miyembro nito bilang bahagi ng Geneva Convention. 

    Pagkatapos ng digmaan sa Gaza, mararamdaman pa rin natin ang kahihinatnan ng pagsasawalang-bahala sa international humanitarian law.  

    Ito’y magiging pasanin ng ating kolektibong konsensya. 

    Ito’y hindi lang di pagkilos nang dahil sa pulitika—ito’y pagkilos nang my sangkot na pulitika.  

    Noong makalawa, sinalakay ang MSF staff at ang kanilang mga pamilya, at sila’y namatay sa isang lugar kung saan ang sabi sa kanila’y poprotektahan sila.

    Ngayong araw na ito, bumalik ang aming staff sa kanilang mga trabaho, at muli na naman nilang isasapalaran ang kanilang mga buhay para sa kanilang mga pasyente. 

    Kayo, ano ang kaya ninyong ipagsapalaran?  

    Hinihingi namin ang proteksiyong ipinangako sa amin sa ilalim ng International Humanitarian Law.  

    Iginigiit namin ang pagdeklara ng ceasefire mula sa magkabilang partido. 

    Kailangang bigyan kami ng lugar upang ang ilusyon ng tulong ay maging makahulugang suporta.

    Ano ang inyong gagawin upang maging posible ito?  

    Maraming salamat, Madam President.  

    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.

    Categories