Skip to main content

    Gaza: Nananawagan ang Doctors Without Borders para sa proteksyon at ligtas na paglikas ng mga pasyente mula sa Nasser Hospital

    Surgical team working in operating room at Nasser hospital, Khan Younis.

    Surgical team sa Nasser hospital, Khan Younis, Gaza. Palestinian Territories, Nobyembre 2023. © MSF

    May mga 130 na pasyente at hindi bababa sa labinlimang healthcare workers ang nasa ospital pa rin kahit na walang kuryente o tubig doon, at limitado ang pagkain. Ayon sa United Nations, nakapaglipat na sila ng 32 na pasyenteng nasa kritikal na kondisyon, at nagsusumikap silang ililipat ang iba pa sa mga susunod na araw. Ang Doctors Without Borders ay labis na nag-aalala para sa kapakanan ng mga pasyenteng ito at umaasang sila’y maililikas nang ligtas. Ang aming mga team sa al-Aqsa Hospital at Rafah Indonesian Field Hospital ay handang gamutin sila kung kinakailangan.

    Noong madaling araw ng Pebrero 15, isang shell ang sumabog sa orthopedic department ng pasilidad. Ito’y nagdulot ng kaguluhan, at naging sanhi ng pagkamatay at pagkakaroon ng pinsala ng hindi pa natitiyak na bilang ng mga tao. Dahil sa pangangamba para sa kanilang mga buhay, ang mga staff ng Doctors Without Borders ay kinailangang umalis mula sa compound at iwan ang ilang mga pasyenteng nasa malalang kalagayan. Kakaunti ang aming impormasyon ukol sa mga natirang medical staff at mga pasyente, pati na rin ang kanilang mga kondisyon.

    Kasunod ito ng ilang linggo ng mga matinding labanan malapit sa ospital, kung saan nasukol ang maraming medical staff, mga pasyente at iba pang tao nang walang gaanong access sa mga kinakailangang supply. Maraming mga taong nasugatan ng mga matinding pagbobomba sa Khan Younis ay hindi rin makapunta sa ospital para sa emergency care.

    Apat na araw pagkatapos ng pagsalakay, wala pa ring balita ang Doctors Without Borders mula sa dalawa sa aming mga staff member na nasa ospital noong nangyari ang insidente. Wala pa ring nakakaalam ng kinaroroonan ng isa sa kanila, samantalang ang isa naman ay ikinulong sa checkpoint ng mga puwersang Israeli habang siya’y nagtatangkang umalis sa Nasser Hospital. Humihingi kami sa mga awtoridad na Israeli ng impormasyon tungkol sa kanilang kinaroroonan at hinihiling namin na panatilihin silang ligtas at protektahan ang kanilang dignidad.

    Ang sitwasyon sa Nasser Hospital ay isa na namang halimbawa kung paanong isa-isang winawasak ang mga pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan sa digmaang ito. Kahit na sinabihan silang maaari silang mamalagi sa loob ng pasilidad, ang mga medical staff at ang mga pasyente ay nalagay sa panganib sa isang lugar kung saan sila’y dapat naprotektahan. Galit na galit kaming muli sa bigat ng kanilang kabayaran.
    Guillemette Thomas, Medical Coordinator

    Noong Pebrero 13, inutos ng mga puwersang Israeli ang paglikas ng libo-libong nawalan ng tirahan na namamalagi sa Nasser Hospital at sinabihan ang medical staff at mga pasyente na maaari silang manatili sa gusali na may kasamang isang tagapangalaga para sa bawat pasyente. Maraming mga sibilyan ang takot lisanin ang ospital dahil sa pinapaputukan ang mismong gusali at ang mga taong sumusubok na umalis mula sa hospital compound.

    Bagama’t ito ang dating pinakamalaking pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan sa timog ng Gaza, ang Nasser Hospital ay wala na ngayong kapasidad para gumamot ng mga pasyente. Ang natitira sa sistemang pangkalusugan ng Gaza ay halos hindi na gumagana dahil ang mga pangunahing ospital nito ay apektado ng mga pagkilos ng militar at ng matitinding labanan sa paligid nito. Sampu-sampung libong mga tao ang hindi lang nasaktan, sila’y nagtamo ng pinsalang dadalhin nila habambuhay, at sa kasalukuyan ay walang posibilidad na magagamot ito nang tama o mabibigyan ng patuloy na pangangalaga.

    Ang mga pagsalakay sa mga pasilidad medikal, ang kanilang mga staff at mga pasyente ay dapat ng tigilan. Inuulit ng Doctors Without Borders ang kanilang panawagan para sa agaran at mapanatiling ceasefire upang hindi na madagdagan ang mga sibilyang namamatay at para makapasok ang sapat na tulong sa enclave

    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.

    Categories