Ang mga Sudanese refugee sa Camp Ecole sa Adré. Chad, August 2023. © MSF
Ang alitan sa Sudan ay naging sanhi ng pagkawala ng tirahan ng mahigit apat na milyong tao. 3.3 milyon sa kanila ay lumikas sa loob lamang ng bansa, samantalang mahigit 380,000 naman ang tumawid patungo sa silangang Chad. Karamihan sa kanila ay pumunta sa mga kampo at mga pamayanan sa loob at labas ng bayan ng Adre.
Kasalukuyang nasasaksihan ng mga team mula sa pandaigdigang organisasyong medikal na Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ang kalunos-lunos na kalagayan ng pamumuhay sa mga pamayanang iyon. Ang mga refugee ay kulang na kulang sa pagkain, tubig, sanitasyon, masisilungan at sa pangangalagang medikal. Umaapela ang Doctors Without Borders sa UN, sa mga pandaigdigang donor at sa mga organisasyong humanitarian na bilisan ang pagtugon sa mga kagyat na pangangailangang humanitarian ng mga refugee sa Adre at iba’t ibang bahagi ng probinsya ng Ouaddai.
Mahirap ilarawan ang pinagdadaanan ng mga taong ito. Sila’y desperadong naghihintay para sa rasyon ng pagkain. Ang ilan sa kanila ay limang linggo nang hindi nakatatanggap ng pagkain. May mga magulang na ang pinapakain sa kanilang mga anak ay mga insekto, damo at mga dahon. Ang kanilang tubig ay hindi sapat para sa kanilang mga pangangailangan, at marami sa kanila ang walang kahit anong masisilungan. Paano sila nabubuhay nang ganito? Wala man lang silang mga gamit para sa pagluluto. Paano sila magluluto kung ni kaldero, wala sila?Susana Borges, emergency coordinator
Ginagamot ng mga medical team ng Doctors Without Borders na nasa silangang Chad ang mga refugee para sa mga sakit na maiiugnay sa kondisyon ng kanilang pamumuhay at sa kakulangan ng pagkain. “Ang mga pinakakagyat na pangangailangang pangkalusugan na hinaharap namin ay malaria, diarrhoea at malnutrisyon,” sabi ni Borges.
Sa Sudan, araw-araw umaakyat ang bilang ng mga taong napipilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan. Ang mga medical team ng Doctors Without Borders sa Sudan ay maraming pasyenteng nasaktan dahil sa mga insidente ng pamamaril at pagpapasabog. Ang sistemang pangkalusugan ay bumibigay na dahil sa mga hamon ng pagkilos sa gitna ng mga labanan. May mga ilang pasilidad medikal na nagtamo ng mga pinsala dahil sa digmaan, samantalang ang ibang pasilidad naman ay napupuspos sa dami ng pasyente at kakulangan ng medical staff, supplies at para sa ilan, ang kawalan ng tubig at kuryente.
Mga pasyenteng naghihintay para sa triage sa klinika ng Doctors Without Borders sa kampo ng Adre. Chad, August 2023. © MSF
"Kami’y nag-aalala para sa mga taong nakatira sa Sudan. Nababahala kami sa kawalan nila ng access sa pangangalagang pangkalusugan, pati na rin sa hinaharap nilang panganib ng mga epidemya dahil sa kanilang kasalukuyang sitwasyon," sabi ni Trish Newport, ang pinuno ng emergency response para sa Doctors Without Borders. "Nangangamba rin kami para sa mga taga-Sudan na lumikas sa Chad.Ang sitwasyon sa silangang Chad ay isang major emergency at maaari pa itong lumala kung di sila mabibigyan agad ng mas malaki at mas maraming humanitarian aid."
Sa silangang probinsiya ng Ouaddai sa Chad, nakikipagtulungan ang mga team ng Doctors Without Borders sa Ministry of Health sa pagbibigay ng kritikal na pangangalagang medikal. Pinalaki na rin nila ang kapasidad ng Adre Hospital at ng apat na kalapit nitong mga health centre sa 420 na kama. Ang mga team naman ng Doctors Without Borders na nasa klinika sa Camp Ecole ay nagsasagawa ng humigit kumulang 460 na konsultasyon kada araw, at sa kasalukuya’y nagbibigay-lunas sa 372 na batang may malnutrisyon.
View of the nutritional unit of the Doctors Without Borders clinic in Adré. Chad, August 2023. © MSF
Sa Adre Hospital, 150 na pasyente ang kasalukuyang ginagamot para sa trauma, karamihan ay dahil sa mga natamong sugat mula sa pamamaril sa mga labanan sa Sudan. 133 na bata naman ang ginagamot para sa mga kumplikasyong maaari nilang ikamatay, mga kumplikasyong bunga ng pagkakaroon ng malaria at malnutrisyon.
Nagbibigay rin ang mga team ng Doctors Without Borders ng pangangalagang pangkalusugan para sa mga ina , at sa mga survivor ng karahasang sekswal. Ang mga Doctors Without Borders mental health team na nagtatrabaho sa Camp Ecole ay marami nang natanggap na ulat ukol sa panggagahasa at iba pang karahasang sekswal na nararanasan ng mga babaeng Sudanese sa kanilang paglalakbay papunta sa Chad. Marami ang naglahad na ikinulong sila sa isang kuwarto at doo’y ginahasa ng mga grupo ng kalalakihan. Sa bigat ng kanilang pinagdaanan at sa lalim ng trauma na ibinigay nito sa kanila, kinakailangan nila ng tuloy-tuloy at komprehensibong suporta, sabi ng Doctors Without Borders mental health staff.
Nananawagan ang Doctors Without Borders sa UN, mga pandaigdigang donor at mga organisasyong nagbibigay ng tulong na tugunan ang mga kagyat na pangangailangang humanitarian ng mga taga-Sudan na refugee sa Chad upang mapigilan ang karagdagang pagdurusa, at ang posibleng pagkawala ng buhay.