Sudan: Nananawagan ang Doctors Without Borders para sa aid upang suportahan ang mga refugee na tumatakas papuntang Chad
Ang staff ng Doctors Without Borders sa Tine Camp. Chad 2024 @ Hareth Mohammed/MSF
N'Djamena – Sa Tine transit camp at sa mga kalapit nitong mga kampo ng refugee sa Eastern Chad malapit sa hangganan ng Sudan, pinalalaki ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ang kanilang pagtulong sa mga bagong dating na mga refugee na Sudanese. Tumakas sila mula sa mga tumitinding pagsalakay at karahasan sa North Darfur.
Mula noong katapusan ng Abril, tinatayang may 40,000 na Sudanese refugee na ang nakarating sa Tine, sa probinsya ng Wadi Fira. Karamihan ay galing sa El Fasher at sa mga nakapaligid ritong mga kampo para sa mga taong nawalan ng tirahan. Ang mga taong ito na walang lakas ay nahaharap ngayon sa pamumuhay sa mga nagsisiksikang lugar kung saan limitado ang kanilang nakukuhang mga pangunahing serbisyo.
Sa Tine, ang ilan sa mga dumating ay malnourished at nakararanas ng matinding psychological distress dahil sa kahila-hilakbot na karahasan sa North Darfur at sa mga daan patungong Chad. Karamihan sa kanila ay mga kababaihan at mga batang galing sa mga kampo ng El Fasher at Zamzam para sa mga internally displaced people (IDP). Nakaranas na sila ng matinding pagkagutom noong kinubkob ng Rapid Support Forces ang mga lugar na ito. At ayon sa Famine Review Committee, ilang buwan nang laganap ang mga kondisyon ng taggutom sa kampo ng Zamzam.
“Malayo ang nilakad namin upang makarating rito. Dumaan kami sa ilang mga barangay upang makarating sa Tine kung saan makakukubli kami mula sa karahasan at pagbobomba. Ilang araw na kaming naririto ngunit hirap pa rin kaming makahanap ng mapagkukunan ng pagkain at tubig. Ilang araw na kaming hindi nagpapalit ng suot na damit”, sabi ng isang 20 na taong gulang na babaeng refugee. Sa kasalukuyan, mahigit sa 18,000 na tao na ang nasa Tine transit camp. Karamihan sa kanila ay natutulog maski saan, kahit na ang temperatura ay umaabot sa 40°C. Wala silang masisilungan at limitado ang kanilang mapagkukunan ng tubig at pagkain sa kabila ng suportang ibinibigay ng mga taga-roon.
Malayo ang nilakad namin upang makarating rito. Dumaan kami sa ilang mga barangay upang makarating sa Tine kung saan makakukubli kami mula sa karahasan at pagbobomba. Ilang araw na kaming naririto ngunit hirap pa rin kaming makahanap ng mapagkukunan ng pagkain at tubig. Ilang araw na kaming hindi nagpapalit ng suot na damit.20 taong gulang na babaeng refugee
Dinagdagan ng Doctors Without Borders ang mga medical at humanitarian na aktibidad sa transit camp na nasa hangganan ng Tine upang mas marami pa ang mga maaaring makuha ng mga refugee na mga pangunahing serbisyo para sa pangangalagang pangkalusugan. Bukod sa mga screening para sa nutrisyon at sa mga pagbabakuna sa border point, nitong mga nakaraang linggo ay nagsagawa rin ang Doctors Without Borders ng mahigit sa 900 na konsultasyon kada linggo sa health post ng transit camp. Sa health post, ang pandaigdigang antas ng malnutrisyon ng mga batang wala pang limang taong gulang ay umaabot sa 29%, nang may 9% na severely malnourished.
Dahil may mga natutuklasang kaso ng tigdas, ang mga regular na pagbabakuna ay itinuturing na pangunahing pangangailangan sa mga kampo. Isang malawakang kampanya para sa pagbabakuna ang kasalukuyang isinasagawa. Ang pangangalaga para sa mga nagdadalang tao at sa mga survivor ng karahasang sekswal ay ibinibigay rin sa health post. Ang mga team ng Doctors Without Borders ay nagsasangguni ng mga pasyenteng kritikal ang kondisyon sa mga ospital. Magpapatayo rin kami ng karagdagang 50 na palikurang pang-emergency. Naghahanda rin ang Doctors Without Borders upang mamahagi ng therapeutic food at ng iba pang mga pangangailangan. Bagama’t makapagbibigay rin ang organisasyon ng 60,000 na litro ng tubig kada araw, kalahati lang ito ng kasalukuyang kailangan doon.
“Ang mga Sudanese refugee ay dumarating na pagod na pagod, may mga malnourished at nangangailangan ng agarang pagtulong. Hinihiling namin sa mga donor, sa UN at sa iba pang mga organisasyong humanitarian na dagdagan ang kanilang mga ginagawa upang mas marami pa ang mabigyan ng pagkain, masisilungan, sanitasyon at pangangalagang medikal, pati mga serbisyo para sa kalusugang pangkaisipan. Ang kasalukuyang pagtugong humanitarian ay hindi sapat at ang paparating na tag-ulan ay malamang na magpapalala sa kondisyon ng pamumuhay, magpapalaganap ng sakit, at mas iigting rin ang kakulangan ng seguridad sa pagkain at ang kakulangan ng sanitasyon,” sabi ni Claire San Filippo, ang emergency coordinator ng Doctors Without Borders para sa Sudan.
Ang kasalukuyang pagtugong humanitarian ay hindi sapat at ang paparating na tag-ulan ay malamang na magpapalala sa kondisyon ng pamumuhay, magpapalaganap ng sakit at mas iigting rin ang kakulangan ng seguridad sa pagkain at ang kakulangan ng sanitasyon.Emergency Coordinator
Sa harap ng malalaking pangangailangan sa Tine transit camp at sa ibang mga kampo ng refugee sa Wadi Fira, nasasaksihan ng Doctors Without Borders ang napakalimitadong pamamahagi ng aid sa kabila ng pakikipagtulungan ng komunidad at ng mga grassroots organisation sa lugar. Ang pinansiyal na krisis na nakaaapekto sa buong sektor na humanitarian ay malinaw na nararamdaman din sa Eastern Chad. Patuloy ang digmaan sa Sudan, kung kaya’t mas maraming tao ang umaasang makararating sila sa Chad.
Ang Doctors Without Borders ay nasa mga kampo rin ng mga refugee sa Wadi Fira, tulad ng kampo ng Iridimi, kung saan inililipat ang mga refugee mula sa Tine transit camp. Upang makatulong sa pagpapabuti ng kahila-hilakbot na sitwasyon sa kampo ng Iridimi kung saan nasagad na ang kapasidad, sinimulan ng Doctors Without Borders kamakailan lang ang pagsuporta sa sentrong pangkalusugan sa Iridimi. Ang mga aktibidad ay nakatuon sa pagpapatuloy ng pangunahing pangangalagang pangkalusugan, pababakuna, pagpapalakas ng epidemiological surveillance, pagpapabuti ng daloy ng mga pasyente, pagpapatatag ng referral system, at pagpapabuti ng mga hygiene condition sa sentrong pangkalusugan. Nagpapatakbo rin kami ng mga mobile clinic sa Chad, sa may mga hangganan ng Sudan, kasama rito ang Kulbus at Birak.
Ang sitwasyong humanitarian sa hangganan sa pagitan ng Chad at Sudan ay nakarating na naman sa isang tipping point. Mula Abril 2025, mahigit 70,000 na mga bagong refugee ang dumating sa Chad. Sa ngayon, ang Chad ay ginawa nang tahanan ng mahigit sa isang milyong refugee, kabilang ang mahigit 800,000 na Sudanese na dumating mula noong nagsimula ang alitan, dalawang taon na ang nakararaan.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.