Sudan: Ang agarang pagkilos ay kinakailangan upang mapigilan ang mga kamatayan at pagkagutom
Ang simula ng pamamahagi ng pagkain. Sa lugar na ito, ang mga batang kasali sa outpatient malnutrition programme ng Doctors Without Borders ay makatatanggap ng dalawang buwang pagkain para sa kanila at sa kanilang mga pamilya. Sudan, Enero 2025. © Abdoalsalam Abdallah
Ang mga pandaigdigang donor, ang UN, ang mga magkalabang partido sa Sudan, at ang kanilang mga kakampi ay kinakailangang kumilos na upang mapigilan ang pagdami ng mga namamatay dahil sa malnutrisyon sa Sudan, na inaasahang lalo pang lalala ngayong taong ito. Ito ay ayon sa Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF).
Nahaharap ang kalahati ng populasyon ng Sudan (24.6 milyon na tao) sa mataas na antas ng acute food insecurity. 8.5 milyon sa mga taong iyon ang nasa sitwasyon ng emergency o ng mistulang taggutom, ayon sa pinakahuling ulat ng Integrated Food Security Phase Classification (IPC).
Sa kabila nito, ang mga pagkilos na pandaigdigan upang makatulong sa paghahatid ng aid ay hindi pa rin sapat para sa mga pangangailangan. Upang mabigyan ang mga pinakanangangailangan ng buwanang rasyon ng pagkain, 2,500 na trak ng aid ang kinakailangan kada buwan, subali’t 1,150 lang ang pumasok sa Darfur mula Agosto hanggang Disyembre.Stephane Doyon, Operations Manager
Ang Doctors Without Borders ay naglabas ng datos na nagpapakita ng kahila-hilakbot na antas ng malnutrisyon sa iba’t ibang lugar, sa kasagsagan ng tagsalat sa Sudan nitong nakaraang taon at nito lamang Disyembre 2024. Ang krisis ng malnutrisyon ay pinalala ng patuloy na paghadlang sa pagpasok ng aid ng mga partidong sangkot sa digmaan, ng pagpapabaya ng UN, at ng aid system sa Darfur. Dahil sa paparating na hunger gap ngayong Mayo, ang mapagpasyang pagkilos ay kailangan nang gawin sa lalong madaling panahon.
“Mahirap magtrabaho sa ilang bahagi ng Sudan. Ngunit posible pa rin naman, at ito ang dapat gawin ng mga organisasyong humanitarian at ng UN,” sabi ni Marcella Kraay, ang Doctors Without Borders Emergency Coordinator na nagsalita mula sa Nyala, sa estado ng South Darfur.
“Sa mga lugar na madaling puntahan, at maging ang mga pinakamahirap maabot gaya ng North Darfur, ang mga dadaanan gaya ng mga air route ay hindi pa nasusubukan. Ang hindi pagkilos ay isang desisyon, at marami ang namamatay dahil dito,” pagpapatuloy ni Kraay.
Ang krisis ng malnutrisyon sa Sudan ay di na maitatanggi. Sa katunayan, naglabas ang UN noong Oktubre ng babala na “sa kasaysayan ng mundo, walang ganito karaming tao ang nahaharap sa pagkagutom at pagkasalat gaya ng nangyayari sa Sudan ngayon.” (Pinagkunan: OHCHR).
Ngayong parating ang tag-ulan at panahon ng kasalatan, ang paghatid ng mga supply ay lalong magiging mahirap dahil ang mga kalsada ay lubog sa tubig-baha at mahirap daanan. Sa Malawi, ang pagtugong humanitarian ay kailangan nang ilunsad sa lalong madaling panahon. Kabilang na rito ang malaking dagdag sa pondo at ng kapasidad para sa lohistiko, ang pagkakaroon ng mga food pipeline at ang paglalaan ng mga naka-imbak na pagkain sa Chad at sa mga karatig-bansa.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.
Pauwi ang isang pamilyang nakatanggap ng food basket. Sudan, Enero 2025. © Abdoalsalam Abdallah
Nananawagan ang Doctors Without Borders sa mga ahensya ng UN, mga pandaigdigang organisasyon, mga donor na bansa, at mga pamahalaang may kakayahang subukan ang lahat ng maaaring gawin, gaya ng pagtahak sa mga air route, na maaaring isabay o kaya’y gawing alternatibo sa mga kalsada kung kinakailangan.
Ang mga hinihingi ng burukrasya ng magkabilang partido ng digmaan ay hadlang upang maipaabot ng pandaigdigang organisasyon ang kanilang mga serbisyo sa mga tao. Sa halip na makapagbigay ng napapanahong pagtugon sa mga kritikal na pangangailangan, naaantala o ipinagkakait ang pahintulot para rito ng mga partido ng digmaan. Ito’y nakasasagabal sa trabaho ng Doctors Without Borders sa South Darfur. Sa ngayon, ang mga aid truck namin ay di makaalis ng Chad dahil sa hinihintay na pahintulot mula sa Rapid Support Forces (RSF). Kamakailan lang, ipinagpaliban din namin ang pamamahagi ng pagkain sa South Darfur dahil hindi binigyan ang Doctors Without Borders ng kinakailangang mga travel permit.
Dapat bigyan ng mga partidong sangkot sa digmaan ng access ang mga organisasyong humanitarian. Ang access ay kailangang bigyang kahulugan bilang makasagip-buhay na tulong para sa mga taong nangangailangan nito, at hindi ng mga anunsiyong ipinagdiriwang ang mga paisa-isang hakbang na sa kabuuan ay kulang na kulang naman. Nananawagan ang Doctors Without Borders sa mga partido ng digmaan, sa kanilang mga kakampi, at sa mga maimpluwensiyang estado na gawin ang kanilang makakaya upang mabawasan ang mga balakid na nagdudulot ng kamatayan at pagdurusa.
Nagbigay ang Doctors Without Borders ng datos mula sa iba’t ibang lugar upang ipakita ang kalubhaan ng krisis ng malnutrisyon. Sa North Darfur, ang pagkubkob ng RSF sa kabisera nito na El Fasher ay nauwi sa pagkagutom ng mga tao at nagkakait sa kanila ng makasagip-buhay na pagtulong. Ang mga team ng Doctors Without Borders ay nagsagawa ng screening ng mahigit 9,500 na bata na wala pang limang taong gulang habang namamahagi sila ng therapeutic food sa purok ng Tawila noong Disyembre 2024. Doo’y nakakita sila ng nakababahalang global acute malnutrition estimate na 35.5 %, kung saan 7% ng mga batang sumailalim sa screening ay may severe acute malnutrition. Nitong Setyembre, 34% ng 29,300 na bata ang sumailalim sa screening ng Doctors Without Borders matapos mapag-alaman sa isang kampanya sa pagbabakuna sa kampo ng Zamzam na ang mga bata ay mayroong acute malnutrition. Noong simula ng Disyembre, naging imposible sa aming team na magsagawa ng karagdagang pagtasa sa kampo dahil sa paulit-ulit na shelling, na malamang ay nagpalala ng mga antas ng malnutrisyon.
Sinusuri ng doktor ang isang pasyente sa Kalma camp health centre na pinatatakbo ng Doctors Without Borders. Sudan, Disyembre 2024. © Abdoalsalam Abdallah
Ang mga team ng Doctors Without Borders ay nakakita ng mga nakababahalang antas ng malnutrisyon sa labas ng Darfur, sa mga lugar kung saan pumunta ang mga taong nawalan ng tirahan, o sa mga lugar na malapit sa mga sagupaan. Sa Omdurman sa estado ng Khartoum, sa isang conflict zone na kontrolado ng Sudanese Armed Forces (SAF), nagsagawa ang Doctors Without Borders ng nutritional screening habang tumutulong sa pagbabakuna ng mga bata noong Oktubre 2024. Dito napag-alaman nila na 7.1% ng mga batang sumailalim sa screening ay severely acutely malnourished.
Ibinunyag ng datos ng Doctors Without Borders na ang malnutrisyon ay di lang isyu para sa mga tao na nakatira malapit sa frontline, kundi maging sa mga mas matatag na siyudad gaya ng Nyala, ang kabisera ng South Darfur. Noong Oktubre 2024, 23% ng nga batang wala pang limang taong gulang na sumailalim sa screening ng mga pasilidad na sinusuportahan ng Doctors Without Borders sa Nyala at sa mga kalapit na lugar ay mayroong severe acute malnutrition. Sa dalawang pasilidad na sinusuportahan ng Doctors Without Borders, 26% ng mga buntis at nagpapasusong kababaihan ay may acute malnutrition. Dahil sa kakulangan ng pamamahagi ng pagkain ng WFP, naglunsad ang Doctors Without Borders ng nakatuong food distribution sa South Darfur noong Disyembre 2024, kung saan mga 30,000 na tao ang nakatanggap ng pagkain para sa dalawang buwan.
Si Zahra Abdullah, 25 na taong gulang, ay nakatanggap ng pagkain para sa kanyang sarili at para sa kanyang anak na lalaki. Magkasama silang namumuhay sa isang displacement camp sa Al Salam sa labas ng siyudad ng Nyala.
“Hindi ito ang unang digmaang naranasan ko, ngunit ito ang naging pinakamapangwasak sa aking buhay. Napakasama ng mga kondisyon ng pamumuhay rito, at ang lahat ay kinakailangan mong ipaglaban upang makamit. Bahagyang bumuti na ang aming sitwasyon dahil sa aid na aming natanggap. Kahit papaano, may inaalmusal na kami,” sabi ni Zahra.
Gayunpaman, walang katapusan ang aming pagdurusa. Nagsisimula sa paghahanap ng malinis na tubig na maiinom, magpapatuloy sa pagsusumikap na makakuha ng sapat na makakain, at magtatapos sa paghahanap ng matutulugan. Minsa’y mapapaupo na lang ako at mapapaisip: ganito na lang ba ako habambuhay?Zahra, babaeng nawala ng tirahan
Para sa kabutihan ng milyon-milyong taong tulad ni Zahra, kailangan ng agarang pagkilos upang mapigilan ang paglala ng sitwasyon. Magpapatuloy ang Doctors Without Borders sa paggawa ng lahat ng aming makakaya, ngunit di sapat ang kapasidad ng aming organisasyon upang matugunan ang ganito kalaking pangangailangan. Kailangan ng malawakang pagtugon upang mapigilan ang patuloy na pagdami ng namamatay at nagugutom; ang pagiging napapanahon ay usapin ng pagkabuhay, at hindi ng pamumulitika.