Balik-tanaw sa Taong 2024
Isang sasakyan ng Doctors Without Borders ang nakaparada sa tabi ng kalsada habang hinihintay ang mga outreach team na bumalik mula sa paghahatid ng malaria chemoprevention supplies sa mga kalapit na komunidad sa paligid ng Aweil. South Sudan, 2024 © Isaac Buay.
Sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw na ito, na gawa ng mga Directors of Operations ng Doctors Without Borders – sina Dr. Ahmed Abd-elrahman, Akke Boere, Renzo Fricke, William Hennequin, Dr. Sal Ha Issoufou, Kenneth Lavelle at Mari Carmen Viñoles Ramon – pagninilayan natin ang ilan sa mga hamong hinarap namin at ang mga epektong ibinunga ng aming mga ginawa.
Noong 2024, milyon-milyong tao ang patuloy na naapektuhan ng mga disease outbreak, pagkabukod mula sa pangangalagang pangkalusugan, at sa mga krisis gaya ng mga digmaan, mga hidwaan, at mga natural na kalamidad sa mahigit 75 na bansa. Mga 69,500 na staff ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ang nagbigay ng suporta kung saan at kung paano sila makatutulong.
Mga Hidwaan sa Middle East
Matapos ang mga pagsalakay ng Hamas noong Oktubre 7, 2023, ang pakikidigma ng mga puwersang Israeli sa mga taga-Gaza ay patuloy na nagdudulot ng nakapanlulumong epekto sa buhay ng mga Palestino. Ginatungan ng digmaan ang mga tensyon at kawalan ng seguridad sa malalaking bahagi ng Middle East, at pinalala rin ang hidwaan sa pagitan ng Lebanon at Yemen.
Ang puwersang Israeli ay naglunsad ng mabagsik na kampanya ng mga airstrike at mga ground incursion mula sa hilagang bahagi ng Gaza Strip, pababa patungo sa hangganan sa timog. Mga buong kapitbahayan ang kanilang pinuksa. Libo-libong mga pasyente ang ginamot ng aming mga team para sa mga pinsalang natamo mula sa digmaan at sa ibang mga sakit gaya ng diarrhoea at mga sakit sa balat, pati na rin psychological trauma. Gumamot din kami ng mga nagdadalang tao at ng mga bata. Ngunit ang aming pagsusumikap na lakihan ang aming mga aktibidad ay hinadlangan ng mga puwersang Israeli, na kinubkob ang Strip, at nagpataw ng mga patakarang nagpapahirap sa pagpasok ng supplies sa Gaza. Hinaharangan ang mga trak na may dalang mahahalagang medical supplies. Dahil sa kawalan ng seguridad, napilitan kaming itigil ang aming mga aktibidad, lumikas, at magsimula uli, upang makibagay sa mga pagbabago sa sitwasyon. Mula noong nag-umpisa ang digmaan, 11 na sa mga kasamahan namin sa Doctors Without Borders ang napatay; ito’y malaking kawalan, at nagdadalamhati kami sa kanilang pagpanaw.
Ang mga komunidad sa West Bank sa Palestine ay nagdusa rin dahil sa digmaan sa Gaza. Naghasik ang mga puwersang Israeli ng matinding karahasan sa mga kampo ng mga refugee at sa mga komunidad. Sa kanilang mga pagsalakay, na minsa’y tumatagal ng ilang araw, winasak ng mga Israeli ang mga bahay, at pinagpapatay o sinaktan ang mga tao. Noong mga panahong ito, nagpataw ang mga puwersang Israeli ng mga paghihigpit sa paglalakbay ng mga tao. Hindi sila maaaring umalis sa kanilang lugar kahit na kailangan nilang makatanggap o maghatid ng pangangalagang pangkalusugan. Sa kabila ng mga di makataong pamamalakad na ito, nagsumikap ang aming mga team na maabot pa rin ang mga taong nangangailangan.
Noong Hunyo 8, 2024, binomba ng mga puwersang Israeli ang gitnang bahagi ng Gaza Strip, kabilang rito ang Al-Nuseirat refugee camp. Ayon sa mga ulat, 270 na Palestino ang napatay ng mga matinding pagsalakay na ito ng mga Israeli. Ayon naman sa lokal na awtoridad pangkalusugan, umabot naman sa mga 700 ang nasugatan. Ginamot ng mga team ng Doctors Without Borders at ng medical staff ng Al-Aqsa Hospital ang daan-daang pasyenteng nagtamo ng matinding pinsala. Karamihan sa kanila ay mga kababaihan at mga bata. Palestine, 2024 © Karin Huster/MSF
Ang tensyon na namumuo sa pagitan ng Israel at Hezbollah sa Lebanon mula noong mga pagsalakay noong Oktubre 2023 ay sumabog na noong huling bahagi ng Setyembre 2024. Nilusob ng mga puwersang Israeli ang Lebanon at naglunsad ng mga malawakang airstrike sa bansa, pati na rin sa kabisera, ang Beirut. Bagama’t ito’y naganap sa maikling panahon lamang, nagdulot ito ng matinding pagkabalisa sa aming mga staff at mga pasyente, na kinailangang lumikas nang madalas upang makatakas mula sa mga pagsalakay at pagbobomba. Bilang tugon, dinagdagan namin ang aming mga aktibidad sa mga lugar kung saan kami pinahihintulutan. Nagpatakbo kami ng mga mobile clinic at namahagi ng supplies.
Noong simula ng Disyembre, bumagsak ang rehimen ng Assad sa Syria matapos silang salakayin ng oposisyon. Sa pagtatapos ng taon, pinag-aralan ng aming mga team ang mga paraan kung paano kami makapagbibigay ng pangangalagang pangkalusugan sa mga bahagi ng bansa kung saan hindi pinahintulutang makapasok ang Doctors Without Borders sa loob ng mahigit isang dekada.
Digmaang Sibil sa Sudan
Ikalawang taon na ng hidwaan sa Sudan ang 2024, at patuloy ang mga labanan sa pagitan ng Sudanese Armed Forces at Rapid Support Forces sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Naging kumplikado ang aming pagtugon dahil sa burukrasya at sa paghihigpit sa seguridad ng magkalabang partido. At dahil naman sa mga limitasyong kanilang ipinataw, hindi kami nakatugon nang sapat sa mga napakalaking pangangailangan ng mga tao. Ang kawalan ng iba pang organisasyong humanitarian at ang kakulangan ng aid para sa maraming mga lugar ay nangahulugang may mga sitwasyon ng mass displacement, taggutom, at karahasan na di napagtuunan ng pansin o di kaya’y hindi nabigyan ng angkop na pagtugon.
Isang paslit na 20 na buwan pa lamang ay natamaan ng shrapnel habang kasama ang kanyang ina sa isang pamilihan matapos yanigin ng pagbobomba ang kanilang kapitbahayan. Dinala ang batang babae sa Bashair Training Hospital sa South Khartoum. Inoperahan siya ng emergency team ng Doctors Without Borders at nasagip nila ang kanyang buhay. Sudan, 2024 © MSF
Sa Darfur, dahil sa pagkubkob na ginawa sa Zamzam displacement camp at sa karatig-siyudad ng El Fasher mula noong Mayo, halos wala silang natanggap na medical supplies o therapeutic food. Umakyat ang antas ng malnutrisyon sa kampo at umabot sa puntong nagdeklara na ng taggutom noong Agosto*, pero dahil sa kakulangan ng supplies, napilitan kaming ihinto ang aming outpatient malnutrition treatment noong Oktubre. Dahil sa kawalan ng seguridad noong taong ito, kabilang na ang mga insidente ng pagpapasabog ng mga ospital, napilitan kaming umalis mula sa El Fasher.
Ang aming mga team sa Sudan, at sa karatig-bansang Chad at South Sudan, kung saan maraming mga Sudanese ang lumikas, ay gumamot ng mga pasyenteng nagtamo ng mga pinsalang nakapagpabago ng kanilang buhay at nagdulot ng trauma sanhi ng mga pagsabog. May mga pasyente ring nagpagamot dahil sa naranasang karahasang sekswal, at may mga nahawa sa sakit na mabilis kumalat sa mga lugar na may hidwaan at malawakang paglikas, gaya ng cholera, malaria, at hepatitis E.
Mga nalimutang krisis
Tumindi ang karahasan sa pagitan ng mga armadong grupo at ng mga pulis sa Port-au-Prince, ang kabisera ng Haiti. Masasabi naming sa buong mundo, ito ay isa sa mga pinakamapanganib na lugar para sa aming mga team. Ang sistema para sa pangangalagang pangkalusugan ay gumuho na, at maraming mga tao ang napipilitang mamuhay sa mga di pormal na displacement site, kung saan kakaunti ang mapagkukunan ng malinis na tubig at ng mga serbisyo para sa sanitasyon. Noong kalagitnaan ng Nobyembre, matapos salakayin ang isang ambulansya ng Doctors Without Borders ng mga pulis at mga self-defense group, kung saan dalawang pasyente ang pinatay at ang mga kasama nilang staff ay binantaan at hinagisan ng tear gas, pansamantala naming sinuspindi ang aming mga aktibidad sa Port-au-Prince. Sa pagtatapos ng taon, muli naming sinimulan ang mga aktibidad na ito.
Sa Myanmar, ang kasalukuyang hidwaan sa estado ng Rakhine ay patuloy na nagdudulot ng malawakang pagkawala ng tirahan at ng pagdurusa. Gayunpaman, halos wala silang nakukuhang atensyon mula sa pandaigdigang komunidad. Ang mga buhay at mga ari-arian ay sinasadyang wasakin, at maraming mga tao ang sapilitang isinasama sa pagbibigay ng serbisyong militar. Sa kabila ng matinding paghihigpit sa aming mga ginagawa at ng paulit-ulit na mga pagsalakay sa aming mga pasilidad, nagtatrabaho kami upang makapaghatid ng pangangalaga, gamit ang mga alternatibong estratehiya, gaya ng mga teleconsultation, kung saan ito posible.
Ang Delmas 18 pagkatapos ng isang labanan sa pagitan ng mga armadong grupo at ng mga pulis. Haiti, 2024 © Corentin Fohlen/Divergence
Mula Enero, nagkaroon ng pagtindi ng labanan sa pagitan ng Congolese army, M23 at iba pang mga armadong grupo sa North Kivu at South Kivu sa Democratic Republic of Congo (DRC), kung saan ang mga tao at mga pasilidad medikal ay paulit-ulit na naiipit sa gitna ng labanan. Nagbigay ang Doctors Without Borders ng medical at humanitarian assistance sa iba’t ibang lugar, kabilang ang mga nasa paligid ng Goma, ang kabisera ng North Kivu, kung saan may humigit-kumulang isang milyong taong nawalan ng tirahan ang naghanap ng ibang matitirhan pagdating ng Mayo.
Sa mga bansa sa Sahel – gaya ng Mali, Burkina Faso at Niger – ang aming mga team ay patuloy na tumutugon sa mga pangangailangan ng mga komunidad na nagtitiis sa kasalukuyang karahasan at pabalik-balik na malnutrisyon. Ngunit kami’y nahaharap sa dumaraming paghihigpit sa mga aktibidad at access, at sa kakulangan ng seguridad mula sa mga estado at sa mga armadong grupo.
Mga pagsalakay sa pangangalagang pangkalusugan
Noong 2024, nakapagtala kami ng pagdami ng mga insidente kaugnay ng seguridad kung saan apektado ang staff ng Doctors Without Borders, o ang mga pasilidad at imprastruktura ng organisasyon, kumpara sa mga nakaraang taon. Ito ay indikasyon din na nagtatrabaho ang Doctors Without Borders nang mas malapit sa mga frontline ng mga armadong labanan. Ipinapakita nito ang delikadong sitwasyon sa karamihan sa mga lugar na aming pinagtatrabahuhan, gaya ng Palestine, Haiti, Sudan, at DRC. Ang ilan sa mga insidenteng naganap – ang mga pamamaril, pagpapasabog, mga raid sa aming mga pasilidad ng mga armadong grupo, ang mga pagsalakay sa aming mga ambulansya – ay naging dahilan upang suspindihin namin ang ilan sa aming mga aktibidad noong taong iyon. Ang desisyon na ihinto ang pagbibigay namin ng serbisyo kahit na pansamantala lang ay hindi naging madali para sa amin. Sa kahuli-hulihan, ang mga lokal na komunidad ang nawawalan ng mapagkukunan ng kinakailangan nilang pangangalagang pangkalusugan.
Subali’t ang mga kaganapang ito ay hindi limitado sa Doctors Without Borders lamang. Ito ay nararanasan ng mga taong tinutulungan namin at ng buong komunidad na humanitarian. Ngayon, ang mga armadong grupo ng estado at ng kanilang oposisyon ay parehong lumalabag sa International Humanitarian Law, na nagbibigay ng proteksyon para sa mga medical worker at sa mga imprastrukturang medikal. Pinaliliit nila ang lugar kung saan ligtas na makapagtatrabaho ang mga humanitarian.
Karahasang sekswal
Ang karahasang sekswal ay laganap sa marami sa mga lugar kung saan kami nagtatrabaho, lalo na sa mga lugar na may hidwaan, gaya ng Sudan, kung saan ito’y ginagamit bilang sandata sa digmaan. Mataas ang bilang ng mga kaso sa DRC. Noong 2023, ang aming mga team ay gumamot ng dalawang biktima o nakaligtas mula sa karahasang sekswal kada oras – may kabuuang bilang ng mahigit sa 25,000 na tao mula sa limang probinsiya sa loob ng isang taon. Ang nakakaalarma pa rito ay ang lalong pagdami ng mga kaso noong 2024. Sa unang limang buwan pa lamang, sa mga displacement site lang sa paligid ng Goma sa probinsiya ng North Kivu ay halos 17,500 na pasyente na ang sinuri namin.
Ang aming mga team na nagtatrabaho sa Darién Gap sa pagitan ng Colombia at Panama, at sa ibang mga lugar sa Central American migration route gaya ng Mexico at Guatemala, ay gumamot ng maraming kababaihang ginahasa o naging biktima ng sexual assault ng mga gang ng kriminal noong 2024.
Mga taong naglalakbay
Noong Disyembre, napilitan kaming wakasan ang paggamit ng aming barko, ang Geo Barents para sa search and rescue na aktibidad sa Central Mediterranean Sea, dahil sa masamang klimang pampulitika at sa mga bagong batas ukol sa migrasyon sa Italy, kung kaya’t hindi maaaring patuloy na gamitin ang aming modelo ng operasyon. Ang desisyong ito’y ginawa matapos sumailalim ang Geo Barents sa ilang 60-day detention order. Katulad ng mga kasama nito sa European Union, ang mga batas at patakaran ng Italy ay nagpapakita ng kanilang pagsasawalang-bahala para sa buhay ng mga taong naghahanap ng kanlungan at kaligtasan.
Karamihan sa mga taong tumawid sa Mediterranean ay galing sa Libya, kung saan sila ay nakaranas ng matinding karahasan at pang-aabuso. Sa Libya, ginagamot ng Doctors Without Borders ang mga tao para sa trauma sa katawan at sa isipan na idinulot ng pagdukot, trafficking, assault at pang-aabusong sekswal, pati na rin para sa mga sakit na pinalalala ng mga kahila-hilakbot na kondisyon ng pamumuhay at ng kakulangan ng pangangalagang pangkalusugan. Sa kontekstong ito, nagtagumpay kami sa negosasyon upang lumikas ang mga taga-Libya na natukoy namin bilang mga nangangailangan ng agarang paggamot sa Italy, kung saan sila’y maalagaan.
Noong Hunyo 8, 2024, pagkatapos naming mabigyan ng mga tagubilin ng mga awtoridad ng Italy, ang 11 na katawang nakuha mula sa Mediterranean Sea noong nakaraang araw ay inilipat na ng Geo Barents team sa isang sasakyang pandagat ng Italian Coast Guard sa may Lampadusa. Mediterranean Sea, 2024 © Frederic Seguin/MSF
Ang mga taong naglalakbay sa migration route mula sa Southern America patungong Northern America ay patuloy na humaharap sa pang-aabuso ng kanilang katawan at isipan. Bilang tugon, nagtrabaho kami sa Panama, Costa Rica, Honduras, Guatemala, Mexico, at sa Estados Unidos buong taon, kung saan nagbigay kami ng paggamot na medikal at paggamot para sa kalusugang pangkaisipan.
Bukod sa aming pagtugon sa mga pangangailangan ng mga taong nawalan ng tirahan dahil sa karahasan sa pamamagitan ng malalaking aktibidad sa DRC, South Sudan, o sa Sudan, tumugon din kami sa mga taong nasa mga ibang lugar, tulad ng Mali at Mozambique. Sa Niafounké, nagbigay kami ng pangangalagang pangkalusugan sa mga taong tumatakas mula sa mga hidwaan sa pagitan ng mga armadong grupo at ng hukbo ng Mali. Sa Mozambique, ang kasalukuyang nagaganap na karahasan sa probinsiya ng Cabo Delgado ay patuloy na tumutulak sa mga tao upang lisanin ang kanilang mga tirahan.
Pagtugon sa mga medikal na krisis
Since 2022, our teams have responded to a continuous cycle of large cholera outbreaks, including in Yemen, Sudan, South Sudan, and DRC, countries marked by conflict and displacement, which are key drivers of this highly contagious and potentially deadly disease. In 2024 we also launched activities in other places, such as Comoros, where we had never worked before; Zambia, where we returned for the first time since 2018; and Tanzania. Our response to these large and prolonged outbreaks was hindered by the lack of cholera vaccines, due in part to the high demand, and to the fact that one of the two principal oral vaccine manufacturers ceased production.
Mula noong 2022, ang aming mga team ay tumugon sa patuloy na siklo ng mga outbreak ng cholera. Kabilang rito ang Yemen, Sudan, South Sudan, at DRC, mga bansang may mga hidwaan at mga nawawalan ng tirahan, na mga salik sa paglaganap ng lubhang nakakahawa at maaaring nakamamatay na sakit na ito. Taong 2024 din noong naglunsad kami ng mga aktibidad sa mga lugar na gaya ng Comoros, kung saan hindi pa kami nakapagtrabaho dati; Zambia, kung saan bumalik kami sa unang pagkakataon mula 2018; at sa Tanzania. Ang aming pagtugon sa mga malaki at tumagal na mga outbreak ay nahadlangan ng kakulangan ng mga bakuna laban sa cholera. Ito ay dahil masyadong malaki ang pangangailangan na sinabayan pa ng pagtigil sa paggawa ng isa sa aming dalawang pangunahing oral vaccine manufacturer.
Pinapakain ni Maryam Muhammad, ang health promotion supervisor ng Doctors Without Borders sa Kebbi ang isang bata habang nagsasagawa ng Tom Brown recipe demonstration sa barangay ng Maishaka, sa estado ng Kebbi, Northwest Nigeria. Nigeria, 2024 © Georg Gassauer/MSF.
Sa buong taong ito, ang mga team ng Doctors Without Borders ay gumamot ng napakaraming malnourished na tao. Karamihan sa kanila ay mga bata, ngunit dumarami rin ang mga kababaihan, lalo na sa Afghanistan at Yemen. Nakita ng aming mga team ang kapinsa-pinsalang antas ng malnutrisyon sa mga bahagi ng Darfur, Sudan, pati na rin sa estado ng Zamfara sa Northwest Nigeria. Ibinunyag ng isang mass screening na isinagawa noong Hunyo sa Zamfara na sa dalawang lugar rito, isa sa bawat apat na batang wala pang limang taong gulang ay malnourished. Ang krisis na ito ay pinalala pa ng pagbawas sa pandaigdigang pondo para sa malnutrisyon, na naging sanhi naman ng kakulangan ng mga ready-to-use therapeutic food, na kailangan para sa pagpigil ng sakit at paggamot.
Noong 2024, nagkaroon ng outbreak ng mpox, isang nakahahawa at viral na sakit na maaaring makamatay kapag hindi naagapan. Nagsimula itong kumalat sa DRC at pagkatapos ay lumaganap sa ibang bansa sa Africa. Noong Agosto, idineklara ng World Health Organization na ito’y isang public health emergency na nangangailangan ng pandaigdigang atensyon. Tumugon ang aming mga team sa outbreak ng mpox sa DRC, Central African Republic, at sa Burundi.
Lumiliit na lugar para sa humanitarian aid
Pagkatapos ng 32 na taon, napilitan kaming wakasan ang aming mga aktibidad medikal sa Russia noong Agosto, noong nagpasya ang Russian Ministry of Justice na tanggalin sa rehistro ang bahagi ng Doctors Without Borders na nagpapatakbo ng aming mga aktibidad. Masakit ito para sa mga taong binibigyan namin ng serbisyo sa bansa, gaya ng mga pasyenteng may tuberculosis sa rehiyon ng Arkhangelsk; ang mga taong nabubuhay nang may HIV sa Moscow at sa St. Petersburg; at mga refugee at mga internally displaced people (IDP) na apektado ng digmaan sa Ukraine. Nais naming makabalik sa Russia, kung kami ay pahihintulutan ng mga awtoridad.
Nitong mga nakaraang taon, pababa nang pababa ang pondo para sa humanitarian aid. Makikita ito sa mga lumalaking kakulangan sa pangangalagang pangkalusugan at sa lumalagong pangangailangan sa mga bansang pinupuntahan namin. Nagpatuloy ito hanggang 2024 at 2025, kung kailan maraming mga bansa ang nagbawas ng pondo o ginamit ang mga pondo para sa aid sa ibang bagay. Bagama’t hindi kami tuwirang naapektuhan ng mga pagbabawas sa pondo, lubha kaming nag-aalala. Malinaw na walang isang organisasyong makakalutas ng lahat ng suliranin ng international aid system. Gayunpaman, mananatili kaming maninindigan sa pagbibigay ng may kasarinlan at walang kinikilingang medical humanitarian aid para sa mga nangangailangan.
* Integrated Food Security Phase Classification Famine Review Committee
Related articles