Gaza: Kinokondena ng Doctor Without Borders ang pagpapasabog sa shelter na naging sanhi ng pagkamatay ng limang taong gulang na anak na babae ng isang miyembro ng aming staff
Palestinian Territories, 9 Oktubre 2023. © MSF
Kahapon ng umaga, isang shell na hawig sa mga galing sa isang tangke ang lumusot sa dingding ng isang gusali kung saan mahigit isandaang Doctors Without Borders staff at ang kanilang mga pamilya ay pansamantalang namamalagi sa Khan Younis sa timog ng Gaza Strip. Malubha ang pinsalang tinamo ng limang taong gulang na batang babae at kinailangan siyang operahan sa Gaza European Hospital. Noong Enero 9, binawian na siya ng buhay. Tatlo pang tao ang nasaktan din nang bahagya dahil sa pagpapasabog.
Matinding galit at lungkot ang nararamdaman namin sa pagkamatay ng isa na namang miyembro ng pamilya ng aming Doctors Without Borders staff. Ang pagpupuntirya sa mga sibilyan ay di katanggap-tanggap, at nagpapakitang hindi ka ligtas saan man sa Gaza. Mabuti na lang pagtama nito, hindi sumabog ang shell, kung hindi’y mas marami pa sanang staff at kanilang mga pamilya ang malamang na napatay.Thomas Lauvin, Project Coordinator
Bago ang insidente, ipinagbigay-alam ng Doctors Without Borders sa mga puwersang Israeli na ang shelter malapit sa Gaza European Hospital ay ginawang pansamantalang tirahan ng mga Doctors Without Borders staff at ng kanilang mga pamilya. Dagdag pa rito, wala namang inilabas na pag-uutos na lumikas bago ang pagpapasabog. Bagama’t hindi makumpirma ng Doctors Without Borders ang pinanggalingan ng shell, ang hitsura nito’y kapareho ng ginagamit ng mga tangke ng Israeli. Nakipag-ugnayan na ang Doctors Without Borders sa mga awtoridad ng Israeli upang makakuha ng paliwanag.
Simula noong nag-umpisa ang digmaan, apat sa mga staff ng Doctors Without Borders ang napatay bukod pa sa ilang mga miyembro ng kanilang mga pamilya.
Inuulit namin ang aming panawagan para sa agaran at mapapanatiling ceasefire sa Gaza. Ang walang habas na karahasan laban sa mga sibilyan ay dapat nang wakasan ngayon.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.