Skip to main content
SA KASALUKUYAN Ebola sa DRC: Doctors Without Borders, pinalalaki ang pagtugon sa mabilis na nagbabagong anyo ng outbreak Magbasa pa

    Lebanon: Doctors Without Borders, tumutulong sa pagbabalik ng mga mahahalagang serbisyo sa gitna ng mga pagbabanta ng mga militar at sapilitang pagpapaalis ng mga tao sa kanilang mga tirahan

    MSF WATSAN team leader checking water level

    Sinusuri ng isang Doctors Without Borders Water and Sanitation (WATSAN) team leader ang kalidad ng tubig bilang bahagi ng mga water trucking operation sa Dahiyeh kung saan 50,000 na litro ng tubig ang hinahatid araw-araw. Lebanon, 2026 © Kristen Poels/MSF 

    Ang Dahiyeh, isang mataong lugar sa labas ng Southern Beirut, Lebanon, ay naging isang urban frontline, na nagtamo ng malawakang pinsala mula sa daan-daang mga airstrike na isinagawa ng mga Israeli mula nang tumindi ang hidwaan noong Marso 2, 2026. Hinarap din ng kapitbahayang ito ang mga paulit-ulit na kautusan sa paglikas – ang pinakahuli noong  Hunyo 1, nang binantaan sila ng mga militar na Israeli na magsasagawa ng mga airstrike sa lugar, kaya’t napilitan ang maraming residente na iwang muli ang kanilang mga tahanan. Ang Doctors Without Borders, na kasalukuyang naroon upang tumulong sa pagbalik ng mga mahahalagang serbisyo, ay nag-aalala ukol sa sapilitang pagpapaalis at kakulangan ng seguridad ng mga residente.

    Ipinapakita ng sitwasyon sa Dahiyeh na dapat parehong tugunan agad ang mga kasalukuyang pangangailangang humanitarian at ang mga pangmatagalang kahihinatnan ng paglala ng sitwasyon sa Lebanon.
    Guilherme Bothelo, Doctors Without Borders Coordinator for Beirut Emergency Project

    Dati’y isang masiglang lugar, ang   Dahiyeh ngayon ay pinapasan na ang mga pangmatagalang epekto ng mga paulit-ulit na pagsalakay sa magkakaibang antas. Ang pagkawasak ay lubhang nakaapekto sa mga kalsada, mga serbisyong pampubliko, at mga imprastruktura para sa tubig, na nag-iiwan sa libo-libong mga residente na walang maaasahang mapagkukunan ng mahahalagang serbisyo at naglalantad sa mga komunidad sa mga dumaraming panganib sa kalusugan. Simula noong nag-umpisa ang hidwaan, ang karamihan sa mga  pasilidad pangkalusugan sa lugar ay naapektuhan. Ang mga sentro para sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan at ang mga ospital ay nawalan ng mga staff dahil sa kanilang  paglikas. Ang ibang mga pasilidad nama’y nagtamo ng mga pinsala, o nagsara dahil sa mga seryosong panganib sa seguridad, na lalong nakahahadlang sa pagkuha ng mga tao ng pangangalaga. 

    Si Jamila, isang  50 na taong gulang na inang nawalan ng tirahan. Dalawang  buwan siyang tumira sa mga tolda sa may labas lang ng Dahiyeh nang walang kinikita at walang suporta. Kasama  niya ang kanyang 14 na taong gulang na anak na lalaki, si Wissam, na may speech impairment.

    “Walang nagmamalasakit sa akin,” sabi niya. Ilang araw akong walang makain o mainom. Ni hindi ako makaligo.

    Ang kanyang sitwasyon ay hindi namumukod-tangi. Sa buong Dahiyeh, libo-libong  mga pamilyang pinalikas ang humaharap ngayon sa pagkawala ng tirahan at pagkaputol ng kanilang mga support system, kung kaya’t pakiramdam nila‘y hindi pa abot-kamay ang pagbangon.

    MSF collaborating with municipal workers

    Sa pakikipagtulungan sa Doctors Without Borders, ang mga municipal worker ay nagsasagawa ng matinding pagsasaayos ng mga tubo sa imburnal ng Burj El Barajneh matapos mapinsala ng isang Israeli airstrike ang imprastruktura para sa tubig noong Marso 2026. Lebanon, 2026 © Kristen Poels/MSF 

    Ang tugon ng Doctors Without Borders

    Bilang pagtugon, nilakihan ng Doctors Without Borders ang emergency intervention nito noong Marso, sa pamamagitan ng pagtatalaga ng 9 na mga mobile clinic upang maghatid ng pangangalagang medikal sa mga komunidad na hindi na nakakakuha ng mga serbisyo mula sa mga pasilidad pangkalusugan. Ang mga mobile unit na ito ay nagbibigay ng iba’t ibang mamahalagang serbisyo, kasama rito ang mga konsultasyong medikal, suporta para sa kalusugang pangkaisipan, mga acute at chronic na kondisyon, sexual and reproductive health at pagbabakuna. Nitong nakaraang anim na linggo, ang mga team ng Doctors Without Borders ay nagsagawa ng mahigit sa 2,730 na mga konsultasyong medikal.

    Sa kasamaang palad, kalahati sa aming mga mobile clinic ay kinailangang patigilin dahil sa mga alalahanin ukol sa seguridad at sa mga bagong pagkilos sa labas ng Dahiyeh. Muling tatakbo ang mga mobile clinic kapag pinahintulutan na ito.

    Kasabay nito, sinusuportahan ng Doctors Without Borders ang rehabilitasyon ng anim na  primary healthcare centre (PHCC) na napinsala ng mga airstrike ng Israeli, habang namamahagi rin ng mga  non-food item at ng mga hygiene kit sa mga taong naapektuhan. Nakikipagtulungan din ang Doctors Without Borders sa mga munisipalidad para sa pagpapatupad ng mga aktibidad kaugnay ng water, sanitation, and hygiene (WASH). Ang mga pagsisikap na ito ay naglalayong ibalik ang access sa ligtas na tubig at paunlarin ang sanitasyon para sa mahigit 30,000 na mga tao. Bilang resulta, inaasahang makababawas ito sa panganib ng mga outbreak ng sakit at mapapabuti ang mga kondisyon ng pamumuhay.

    “Ang mga mahihinang populasyon  –kabilang rito ang mga bata, mga matatanda, at ang mga may dati nang kondisyong medikal – ay nanganganib dahil sa ang mga mahahalagang serbisyo ay mahirap nang makuha o hindi na gumagana nang mabuti,” sabi ni Guilherme Bothelo, ang Coordinator ng Doctors Without Borders para sa Beirut Emergency Project.  “Ang kapasidad ng Doctors Without Borders na dalhin ang pangangalagang medikal nang mas malapit sa mga komunidad ay mahalaga, at nagbibigay-suporta sa mga umiiral na serbisyo sa mga oras ng matinding pangangailangan. Kasabay nito, ang aming layunin ay magbigay lamang ng pansamantalang suporta, habang ang mga lokal na awtoridad ng kalusugan ay nagsisikap na mabawi at mapanatili ang kanilang abilidad na magbigay ng pangangalaga nang malaya.”

    View of damage inside healthcare center

    Ang malawak na pagkawasak sa loob ng Haret Hreik Municipality Primary Health Care Center pagkatapos ng isang Israeli airstrike noong Marso 2026. Lebanon, 2026 © Kristen Poels/MSF 

    Mga balakid sa ligtas na pagbabalik  

    Mula noong Marso, maraming mga pamilya sa buong bansa ang napilitang iwan ang kanilang mga tahanan nang ilang beses, samantalang, ang iba naman ay nananatiling nasa mga delikadong kondisyon. Habang ang mga kautusan sa paglikas na iginigiit ng hukbong Israeli ay patuloy na nagtutulak sa mga taong lumipat ng tirahan, patuloy ang mga sersyosong alalahanin kung ang mga residente ay makakabalik nang ligtas sa kanilang pinanggalingan. Ang malawakang pagkawasak ng mga pampublikong serbisyo – partikular na ang mga sistemang para sa tubig, mga pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan, at mga mahahalagang imprastruktura –ay naglalantad ng  malalaking hadlang sa pagbangon. Kung walang maaasahang access para sa mga serbisyong ito, ang pagbabalik sa kanilang mga tirahan ay hindi posible o ligtas para sa maraming mga pamilya.

    “Ipinapakita ng sitwasyon sa Dahiyeh na dapat parehong tugunan agad ang mga  kasalukuyang pangangailangang humanitarian at ang mga pangmatagalang kahihinatnan ng paglala ng sitwasyon sa Lebanon,” sabi ni Guilherme Bothelo.

     

    “Habang tumitindi ang mga airstrike ng mga Israeli sa timog na bahagi ng bansa at sa Bekaa, nangangamba kaming ang mga ganitong sitwasyon ay mauulit, at mapipilitan ang mas maraming tao na iwan ang kanilang mga tahanan. Unti-unting masisira ang mga kondisyong kinakailangan para sa isang buhay na may dignidad sa mga komunidad. Ito ay maglalagay ng mas mabigat na pasanin sa isang sistemang pangkalusugan na dati nang pinahina ng mga sunod-sunod na krisis.”


    Will you support our emergency response work?

    Help us provide lifesaving medical care during emergencies by making a donation today.