Lebanon: Pagkatapos ng 46 na araw ng walang patid na pagsalakay ng mga puwersang Israeli
Ang dalampasigan ng Sour sa Southern Lebanon, at ang pinsalang idinulot dito ng malawakang pagbobomba sa 46 na araw ng pagsalakay ng Israel sa Lebanon. 2026 © MSF
Southern Lebanon - Mabagal ang daloy ng trapiko papuntang timog ng Lebanon. Tumatawid ang mga sasakyan sa Qasmiyeh Bridge, na nagtamo rin ng pinsala mula sa mga puwersang Israeli. Bumabalik ang mga taong napilitang lumikas sa kanilang mga tirahan, at matatanaw sa paligid ang malalawak na lupaing taniman ng mga citrus at saging. Ang iba sa kanila’y papunta sa UNESCO World Heritage na baybaying lungsod ng Sour, na kilala rin sa pangalang Tyre. Matapos ang 46 na araw ng pagbobomba ng mga Israeli, ang Sour ay nananatiling tahanan para sa mga taong hindi inabandona ang lungsod.
Marami ang mga nabago sa lungsod at sa mga taong nakatira rito dahil sa laki ng pagkawasak na idinulot ng mga pagsalakay. Nakahilera sa tabing-dagat ng Mediterranean ang mga puno ng palma at mga bangkang ginagamit sa pangingisda. Sa di-kalayuan, ang mga gusaling may sampung palapag ay nahati. Ang mga tirahan at mga kalye ay napalitan ng mga malalalim na hukay, at nagkalat ang mga iniwang sasakyan na butas-butas dahil sa mga tama ng shrapnel.
Habang tumitindi ang labanan, karamihan sa mga residente ay napilitang lumikas. Ang mga nanatili ay naharap sa mga suliraning dulot ng pagkakabukod dahil sa pagkawasak ng mga pangunahing tulay na nag-uugnay sa lugar sa ibang bahagi ng bansa. Kinailangang umalis ng mga humanitarian worker, ang mga healthcare staff ay humarap sa halos araw-araw na mga pagsalakay, at napilitan ang mga taong manatili lang sa kanilang mga kinaroroonan dahil sa pagbobomba.
Bagama't ang sampung araw na ceasefire ay nakapagdulot ng kaunting ginhawa, ang karupukan nito – na nadarama tuwing naririnig ang tunog ng isang drone ng mga Israeli, o ang pag-alingawngaw ng mga pagsabog sa may hangganan - ay hindi nagbibigay ng katiyakan. Patuloy ang pagtatanong ng mga tao. Muli ba silang sasalakay? May mapagkukunan ba kami ng pagkain, gamot at fuel? Makakabalik pa ba kami sa aming mga tirahan?
Ang mga nawasak sa Tyre/Sour pagkatapos ng ceasefire. Lebanon, 2026 © MSF
Ibinukod, binomba at tinanggalan ng mapagkukunan ng pangangalagang pangkalusugan
Pagkatapos ng 46 na araw ng pagbobomba ng mga Israeli, ang mga taong nagpaiwan sa timog ay hindi nanatili roon dahil sa paniniwalang ligtas ang lugar. Hindi lang ito posible dahil di nila kaya ang gagastusin, wala silang masisilungan, takot silang mawala ang kanilang mga tirahan, at may kawalan ng dignidad na dulot ng puwersahang paglikas. Sa huling pag-igting ng labanan, maraming mga nasa loob at nasa paligid ng Sour ang napaalis na mula sa mga karatig-bayan dahil sa pagsalakay ng mga Israeli sa kanilang mga tirahan, at hindi na nila kayang muli itong pagdaanan.
“Nanatili kami rito at hindi kami umalis, salamat sa Diyos,” sabi ni Hamad Darweesh, ang secretary ng Jal El Bahr Palestinian na komunidad sa Sour, kung saan napadpad ang kanyang pamilya noong 1948 dahil sa Nakba. “46 na araw kaming hindi makaalis dito nang walang mga pangunahing pangangailangan upang mabuhay. Wala kaming nakukuhang pangangalagang medikal o kahit anong para sa kalusugan.”
Dahil sa mga pagsalakay sa pangangalagang pangkalusugan at sa walang patid na pagbobomba ng mga puwersang Israeli ay nawalan ang mga tao ng mapagkukunan ng pangangalagang pangkalusugan. Ang mga pagsalakay ng mga Israeli ay nagaganap, may babala man o wala, sa mismong lugar o malapit lang sa mga pasilidad pangkalusugan at mga ambulansya. Habang karamihan sa mga pandaigdigang kumikilos para tumulong ay umalis sa timog dahil sa kawalan ng seguridad, may mga nagsara ring mga lokal na pasilidad pangkalusugan dahil sa mga pagsalakay malapit sa kanila. Hindi makakilos nang malaya ang mga tao, at umiiwas sila na magkumpulan upang mabawasan ang panganib na sama-sama silang mapapatay dahil sa pagbobomba.
“May mga pasyenteng tumigil na sa pag-inom ng gamot dahil wala na silang makuhang gamot,” sabi ni Aida Hassounch, ang general doctor ng Doctors Without Borders. “Nais nilang bigyang-prayoridad ang pagkain at tubig. Kasabay nito, wala silang nararamdamang seguridad para sa mga darating na araw.”
Habang nagsisimula nang bumalik ang mga tao ngayong may marupok at pansamantalang ceasefire, ang mga mobile clinic team ng Doctors Without Borders sa Sour at sa mga lugar sa paligid nito ay ginagawang angkop ang kanilang pagtugon, tinatasa ang mga pangangailangan at iaabot ang tulong maging sa mga nakabukod na komunidad. Lebanon, 2026 © MSF
Puwersahang pinaalis ng pagsalakay ng mga puwersang Israeli
Ang pagsalakay ng mga puwersang Israeli sa Southern Lebanon ay naging balakid sa mga tao upang makabalik sila sa kanilang mga tahanan sa 55 na mga barangay. Kabilang rito ang “yellow line” - isang no-go zone kung saan inokupa ng mga puwersang Israeli ang bahagi ng teritoryo ng Lebanon. Ang pagkawasak at pagguho ng mga buong barangay at mga komunidad ay nag-iwan ng libo-libong taong wala ng tirahan.
“Dahil sa sinapit ng kanilang barangay, nadurog ang puso at nalungkot ang lahat, at kasama kami roon,” paliwanag ni Salha Srour isang pasyente ng Doctors Without Borders. Ilang beses na siyang napilitang umalis sa kanyang tirahan, unang-una mula sa bayan ng Aita ash Shaab. “Narinig namin ang ingay ng mga pagsabog. Bakit nila winawasak ang aming mga pamayanan at ang aming mga tahanan? Bakit may dilaw, pula at asul na linya? Dati’y kinakain namin kung ano ang nasa aming mga bakuran: litsugas, mint, at parsley, lahat ng iyon ay itinatanim namin malapit sa aming bahay. Hindi dapat ganito ang pamumuhay namin.”
Habang ang mga lokal na mga health worker ay patuloy na nagtatrabaho kahit nagaganap ang digmaan, ang mga team ng Doctors Without Borders sa South Lebanon, kabilang rito ang Sour at Nabatyieh, ay nagbibigay ng pangunahing pangangalagang pangkalusugan, suporta para sa kalusugang pangkaisipan, mga serbisyong kaugnay ng sexual at reproductive health, suporta sa pagsangguni ng mga pasyente para sa secondary healthcare, at suporta rin para sa mga ospital na may trauma at emergency care.
Patuloy ang Doctors Without Borders na nananawagan para sa pagpapalaki ng humanitarian aid at pagbibigay ng walang hadlang na mapagkukunan ng tulong ng mga nangangailangan nito sa buong bansa.
Susuportahan mo ba ang aming trabahong kaugnay ng emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon.
Related articles