Nagkukunwaring ceasefire: Marami pa rin ang pinapatay ng mga puwersang Israeli sa Southern Lebanon
Nakabalik na ang mga pamilya sa Jebshit, sa ilalim ng marupok at pansamantalang ceasefire, kung saan ang isang mobile medical unit ng Doctors Without Borders ay bumibisita upang magbigay ng pangkalahatang pangangalaga, suporta para sa kalusugang pangkaisipan, at mga mahahalagang gamot. Lebanon, Abril 2026 © Salam Kabboul/MSF
Araw-araw nagsasagawa ang mga puwersang Israeli ng mga airstrike, na pumapatay at nakapagdudulot ng pinsala sa daan-daang mga tao. Patuloy pa rin ang paglalahad ng mga utos sa paglikas, kung kaya’t libo-libong tao ang napipilitang iwan ang kanilang mga tahanan, habang walang patid ang pagwasak ng mga bahay at mga pamayanan nitong mga nakaraang linggo.
Ang mga ospital sa Southern Lebanon, kung saan ang mga team ng Doctors Without Borders/Médecins Sans Frontières (MSF) ay nakikipagtulungan sa Ministry of Public Health upang gumamot ng mga pasyente, ay patuloy pa ring tumatanggap ng mga sugatan.
"Nakakita tayo ng iba’t ibang klaseng malalang pinsala mula noong nag-umpisa ang kunwaring ceasefire,” sabi ni Dr. Thienminh Dinh, isang emergency doctor ng Doctors Without Borders na ginugugol ang kanyang mga oras sa Qana Hospital at Jabal Amel Hospital, na parehong nasa distrito ng Sour/Tyre. “Sa isang pamilya lang, may batang nagtamo ng maraming sugat sa mukha, habang ang kanyang apat na taong gulang na kapatid na babae ay nagkaroon ng mga compound skull fracture, mga limb fracture at mga pasa sa kanyang baga. Ang kanilang ama ay nagtamo rin ng iba’t ibang pinsala, samantalang ang kanilang ina ay naipit sa ilalim ng guho ng kanilang bahay.”
“Ang mga medical team sa dalawang ospital ay di tumitigil sa paggamot ng mga pasyente. May mga pinsalang hindi ganoon kaseryoso, ngunit mayroon ding mga malala ang kondisyon at nangangailangan ng operasyon," sabi ni Dr. Dinh.
Mula Abril 18 hanggang Mayo 3, 173 na mga sugatang pasyente ang tinanggap sa Jabal Amel Hospital. 145 sa kanila ang namatay dahil sa kanilang natamong pinsala.
Dalawang buwan matapos umigting ang sagupaan, lalong nagiging kumplikado ang sitwasyon. Lumalala ang karahasan at ang naidudulot nitong pinsala sa paglipas ng panahon. Kung walang makahulugang proteksyon at pangangalagang pangkalusugan na hindi hinahadlangan, ang paglikas ay hindi makapagdudulot ng kaligtasan o pangangalaga para sa mga sibilyan.Jeremy Ristord, Head of Mission Lebanon
Ilang kilometro lang mula rito, ang mga team ng Doctors Without Borders ay nakasasaksi ng ganito ring sitwasyon sa dalawang ospital na aming sinusuportahan sa distrito ng Nabatiyeh. Mula Abril 26 hanggang Mayo 3, tumanggap ang mga ospital na ito ng 65 na pasyenteng nasaktan dahil sa digmaan. Kabilang rito ang dalawang pasyenteng namatay dahil sa natamo nilang pinsala, at 26 na dumating sa ospital na wala nang buhay.
Sa kabila ng patuloy na pagsuporta, tulad ng pagdagdag sa kanilang kapasidad para sa emergency care at sa mga ambulance referral, ang mga pasyente ay dumadating pa rin kung kailan huli na ang lahat o di kaya’y nasa kritikal nang kondisyon dahil sa kawalan ng seguridad at malalayong distansyang kailangang lakbayin upang maabot ang pangangalaga. Sa ilang mga kaso, ang paglipat ng mga pasyente sa ibang ospital ay mapanghamon dahil sa kakulangan ng kaligtasan sa daan. Gayunpaman, minsa’y kinakailangan talaga ng mga medical team na isangguni ang kanilang mga pasyente sa ibang ospital dahil sa kakulangan ng mga mahahalagang medical item tulad ng mga blood bag sa kanilang mga pasilidad. Halimbawa, sa Najdeh Al-Shaabiyeh Hospital nitong nakaraang linggo, dalawang pasyenteng malala ang kondisyon ay ililipat sana sa ibang ospital dahil sa kakulangan ng kinakailangan nilang dugo. Ngunit sila’y namatay habang nasa daan pa lamang.
Dahil sa laki ng mga pangangailangan, ang mga medical team sa South Lebanon ay napipilitang magtrabaho nang dire-diretso sa loob ng 36 na oras nang mabilisan, at minsa’y kinakailangan pa nilang magtulungan sa paggawa ng sabay-sabay na operasyon sa iisang pasyente, dahil sa dami ng dapat gawin o sa tindi ng mga tinamong pinsala nito.
Ginagawang ankop ng Doctors Without Borders ang aming mga pamamaraan sa pagtatrabaho upang patuloy na makapagbigay ng suporta sa mga team na nasa mga ospital, na mahigit dalawang buwan nang pagod na pagod dahil sa patuloy na mga pagsalakay at dahil sa ceasefire na hindi naman nakapagbigay ng ginhawa. Ang mga team ng Doctors Without Borders ay nagtatrabaho nang magdamag sa Qana Hospital sa Sour/Tyre, at sa Najdeh Al-Shaabiyeh Hospital sa Nabatiyeh, upang makatulong sa pagbibigay ng walang patid na pangangalaga habang binabawasan din ang stress at bigat ng trabaho ng mga residenteng doktor.
Kumikilos ang Doctors Without Borders upang maghatid ng kinakailangang pangangalagang medikal nang mas malapit sa mga taong nawalan ng tirahan dahil sa digmaan. Ang aming mga Mobile Medical Unit ay naglalakbay upang maabot ang mga nangangailangang komunidad. Lebanon, ABril 2026 © Salam Kabboul/MSF
Lumalala ang kalusugang pangkaisipan ng mga tao
“Wala kaming tiwala sa ceasefire na ito, kinuha nito ang lahat ng aming pag-asa,” sabi ni Samia*, isang babaeng nawalan ng tirahan sa timog. Siya ngayo’y naninirahan sa Barja, isang bayan sa distrito ng Chouf ilang kilometro sa may taas ng Litani River. Nang inanunsyo ang ceasefire agad siyang umuwi sa kanila, ngunit ang naabutan niya ay ang matinding pagkawasak ng kanyang bahay. “Masama man ang pakiramdam ko bago ang ceasefire, ngayo’y 100 na beses na mas malala ang nararamdaman ko.”
Upang tugunan ang mga pangangailangan ng mga tao para sa kalusugang pangkaisipan, dinagdagan ng aming mga team ang bilang ng mga mobile clinic at ang dalas ng pagbisita ng mga ito sa mga governorate sa Nabatiyeh at sa South. Naaabot na rin nito ang mas maraming mga liblib na komunidad at ang mga pamilyang nagpasyang bumalik matapos ianunsyo ang ceasefire, at ngayo’y nangangailangan ng tulong para sa kanilang kalusugang pangkaisipan.
"Isang refugee mula sa Syria na naging double amputee dahil sa isang airstrike ilang linggo pa lang ang nakalilipas ay nagising sa balitang ang kanyang walong taong gulang na anak na lalaki ay napatay sa isang airstrike, habang ang kanyang anak na babae nama’y nagkaroon ng mga butas sa bituka dahil sa shrapnel," sabi ni Dr. Dinh. "Paano natin maaasahang makakayanan ng isang ina na harapin ang katotohanang ito?"
Marami ang nag-akalang ang ceasefire na ito, na inanunsyo tatlong linggo ang nakararaan, ay makapagbibigay ng kaunting kaginhawaan sa kanila at sa kanilang mga pamilya. Subalit iba ang realidad.
“Dalawang buwan matapos umigting ang sagupaan, lalong nagiging kumplikado ang sitwasyon. Lumalala ang karahasan at ang naidudulot nitong pinsala sa paglipas ng panahon," sabi ni Jeremy Ristord, ang head of mission ng Doctors Without Borders sa Lebanon. “Kung walang makahulugang proteksyon at pangangalagang pangkalusugan na hindi hinahadlangan, ang paglikas ay hindi makapagdudulot ng kaligtasan o pangangalaga para sa mga sibilyan."
*Pinalitan ang kanyang pangalan upang protektahan ang kanyang pagkakakilanlan.
Notes:
Sa Qana, ang mga team ng Doctors Without Borders ay nakaantabay sa mga ospital ng Jabal Amel, Nabatiyeh Governmental, at Najdeh Al-Shaabiyeh, at handang magbigay ng suporta sa mga pagod nang mga medical team sakali mang may mga malawakang insidente kung saan maraming biktima. Sa Jabal Amel, nagpadala kami ng isang surgeon upang suportahan ang operating theatre. Kami rin ay nagbibigay ng mga pagsasanay, mga karagdagang mapagkukunang-yaman, at mga kagamitan sa mga first responder sa Nabatiyeh at Sour/Tyre.
Ayon sa Lebanese Ministry of Health, 385 na tao ang pinaslang at 685 ang nagtamo ng pinsala mula noong inanunsiyo ang ceasefire hanggang noong Mayo 4.
Will you support our emergency response work?
Help us provide lifesaving medical care during emergencies by making a donation today.
Related articles