Skip to main content

    West Bank: Nahaharap ang mga Palestino sa tumitinding karahasan at paghihigpit

    Streets of Jenin refugee camp north of West Bank. Palestinian Territories, March 2024.

    Isang Palestinong babae ang naglalakad sa isang daan sa Jenin refugee camp sa hilaga ng West Bank. Palestinian Territories, Marso 2024.

    “Ilang oras ang nilalakad namin upang makarating sa mga pasilidad pangkalusugan. Kung minsa’y gumagamit kami ng mga asno upang madala ang mga may sakit sa ospital o sa klinika,” sabi ni Mahmud Mousa Abu Eram, isang Palestinong mula sa Hebron sa West Bank.

    “Matagal nang walang transportasyon dito, at kung mayroon mang kotse, ito’y kukumpiskahin ng hukbong Israeli,” sabi niya.

    Ang Hebron, na nasa isang tigang at bulubunduking rehiyon na kilala dahil sa mga taniman ng ubas na libo-libong taon nang naroon, ay itinuturing na isa sa mga pinakamatandang lungsod sa West Bank. Subalit ang mayamang kasaysayan nito at ng mas malawak na West Bank ay puno rin ng karahasan, na lalo pang tumindi sa modernong panahon. Bagama’t ang karahasan laban sa mga Palestino sa West Bank ay hindi na bago, ito’y tumindi mula noong Oktubre 7, nang pumutok ang digmaan sa Gaza

    Palestinians on their way back to their homes after visiting MSF mobile clinic in the Al-Majaz community in Masafer Yatta south of Hebron.

    Pauwi na ang mga Palestinong ito mula sa kanilang pagbisita sa mobile clinic ng Doctors Without Borders sa Masafer Yatta, Hebron. Palestine, 26 Marso 2024

    Ayon sa United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs (OCHA), sa mga buwang kasunod ng Oktubre 2023 ay 479 na Palestino ang napatay at kabilang rito ang 116 na mga bata. 462 sa kanila ang pinatay ng mga puwersang Israeli, sampu ng mga dayo,  at walo ang hindi malinaw kung pinatay ng dayo o ng  mga sundalo. Sangkatlo ng mga Palestinong ito ay pinatay sa mga kampo ng refugee sa, o malapit sa siyudad ng Tulkarem at Jenin.

    Isang maliit na lupain sa pagitan ng Israel at Jordan, ang West Bank ay isang Occupied Palestinian Territory. Mahigit 2.9 milyong Palestino ang nakatira sa 11 na distrito at kabilang sa populasyon ng West Bank at ng karatig-lugar na East Jerusalem ang tinatayang 630,000 na mga dayong Israeli (Source: UN).

    Tinatantiyang mga 61% ng West Bank ay hindi maaaring pasukin ng mga Palestino (Source: UN). Ang mga checkpoint, roadblock, at paglusob ng hukbong Israeli at ng mga dayo ay matagal nang naghihiwalay sa mga bayan at  mga barangay mula sa isa’t isa at humahadlang sa mga Palestino sa West Bank na makakuha ng mga pangunahing serbisyo gaya ng pangangalagang pangkalusugan at mga mabibilhan ng pagkain. Kaya naman ang mga residente ay nauubusan ng tubig, gasolina, at iba pang supplies, at ito’y nagiging sagabal upang sila’y makarating sa kanilang mga paaralan, trabaho, pamilya at mga kaibigan.

    "Isang araw, nakatayo ako sa may bintana ng aming bahay, nang may nakakita sa akin na dayo at inireklamo ako sa mga sundalo," sabi ng isang pasyente ng Doctors Without Borders na gustong itago ang kanyang pagkakakilanlan. "Lumusob ang mga sundalo sa bahay namin at winasak ang lahat ng mga gamit sa loob”.

    Sa distrito ng Hebron sa Masafer Yatta, ang madalas na pagtatayo ng mga roadblock, pagsasagawa ng mga military raid, at ang pagsalakay ng mga dayo ay nagpapahirap sa mga Palestinong  makapunta sa mga pasilidad pangkalusugan. At ang nagpapalala pa rito ay ang kawalan ng lokal na organisasyong makapagbibigay ng mga pangunahing serbisyo para sa pangangalagang pangkalusugan  dahil sa kakulangan ng pondo, mga paghihigpit na ipinapataw ng mga hukbong Israeli, at sa hindi maayos na mga kalsada kung kaya’t limitado ang nakakapasok sa bayan.

    Samantala, ang tindi ng karahasan sa Masafer Yatta ay nagdudulot ng pangamba sa maraming Palestino kung kaya’t nag-aalinlangan silang lumabas ng bahay.

    “Kadalasa’y ipinagbabawal na tumayo malapit sa bintana.Isang araw, nakatayo ako sa may bintana ng bahay namin, nang may nakakita sa akin na dayo at inireklamo ako sa mga sundalo," sabi ng isang pasyente ng Doctors Without Borders na gustong itago ang kanyang pagkakakilanlan. "Lumusob ang mga sundalo sa bahay namin at winasak ang lahat ng mga gamit sa loob”.

    Kahit noong nakakapunta pa ang mga taga-West Bank sa mga pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan, ang kaligtasan nila at ng healthcare staff ay hindi nagagarantiyahan. Ayon sa World Health Organisation (WHO), mula Oktubre 2023 ay mahigit 447 na pagsalakay sa pangangalagang pangkalusugan sa West Bank ang isinagawa ng mga awtoridad na Israeli.

    Sa mga distrito ng Jenin at Tulkarem sa hilaga ng West Bank, ang mga puwersang Israeli ay nagsasagawa ng regular na mga ground raid kasabay ng mga air at drone strike, na may mga nakamamatay na kahihinatnan. Kasama ang mga paglusob ng mga militar, ang karahasan ng mga dayo sa hilaga ng West Bank ay isa sa mga pangunahing hadlang na hinaharap ng mga Palestino sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.

    A Doctors Without Borders mobile clinic in Al-Almajaz in Masafer Yatta, West Bank, Palestine.

    Isang mobile clinic sa Masafer Yatta, Hebron kung saan nagbibigay kami ng mga pangunahing serbisyong pangkalusugan at pangangalaga para sa kalusugang pangkaisipan. Palestinian Territories, Marso 2024.

    "Kadalasan, ang mga ambulansya ay hinaharangan sa mga checkpoint, kahit may medical emergency at umaalingawngaw ang aming sirena.”

    Ang mga Palestinong nakatira sa mga kampo para sa mga refugee sa Tulkarem at Jenin ay hinaharangan sa pagkuha ng serbisyo mula sa mga pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan. Ang mga taong may pinsalang maaari nilang ikamatay ay kinakailangan pang maghintay upang makarating sa mga ospital, kaya’t kadalasan ay binabawian na sila ng buhay nang di nabibigyang-lunas. Sa dalawang lugar na ito, ang mga team ng Doctors Without Borders ay nagbibigay ng emergency care reinforcement, at suporta para sa mga boluntaryong paramedic sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga donasyon at pagsasanay.

    Noong Abril 21, sa mga kampo ng Tulkarem at Nur Shams, isang boluntaryong paramedic ang nabaril sa binti habang nagtatrabaho. Dahil sa mga alitan, inabot ng pitong oras bago siya nakarating sa ospital. Sa isa pang insidente, ang isa naming staff member ay nagsagawa ng cardiopulmonary resuscitation (CPR) sa isang labing anim na taong gulang matapos itong barilin sa ulo. Hindi siya nailigtas.

    "Nabalitaan ng kanyang ama, na isa ring paramedic na nagsanay sa ilalim ng Doctors Without Borders, ang nangyari sa kanyang anak habang nagtatrabaho siya sa ambulansya,” sabi ni Itta Helland-Hansen, ang Project Coordinator ng Doctors Without Borders sa Jenin.

    Ang iilang medical staff na nagtatrabaho pa rin ay nasasagad sa kanilang mga propesyonal na hangganan.

    A Doctors Without Borders team walking in the streets of Jenin refugee camp north of West Bank. Palestinian Territories, March 2024

    Isang team ng Doctors Without Borders ang naglalakad sa daan sa kampo ng mga refugee sa Jenin, sa hilaga ng West Bank. Palestinian Territories, Marso 2024

    "Kadalasan, ang mga ambulansya ay hinaharangan sa mga checkpoint, kahit na may medical emergency at tumutunog ang aming sirena,” sabi ng isang medic mula sa kampo ng mga refugee sa al Arrub sa pagitan ng Hebron at Bethlehem sa timog na bahagi ng West Bank.

    “Ang tagal ng pagpapatigil nila sa amin ay hindi nakasalalay sa medical emergency, kundi sa disposisyon ng mga sundalo. Pinapahintay nila kami ng isa hanggang dalawang oras... o di kaya’y sa ibang kalsada kami padadaanin," sabi niya.

    "Kung ang pasyente ay nabaril ng isang miyembro ng hukbong Israeli, maaari nilang arestuhin ang pasyente at kumpiskahin ang ambulansya. Hindi namin alam kung anong mangyayari sa pasyente, kung dadalhin ba siya sa ospital o sa kulungan, at kung makatatanggap ba siya ng pangangalagang medikal sa kulungan,” pagpapatuloy niya.

    Ang alternatibo sa paghihintay nang matagal at pagtitiis sa panliligalig sa mga checkpoint ay ang hindi pagtanggap ng pangangalagang medikal.

    “Bago mag-Oktubre 7, mas magaan nang kaunti ang sitwasyon. Gumamit ako ng mga alternatibong ruta upang makarating sa aking pupuntahan, at tinawagan pa ako ng aking therapist upang matiyak na ipagpapatuloy ko ang aking mga sesyon,” sabi ng isang pasyente ng Doctors Without Borders para sa kalusugang pangkaisipan mula sa Nablus, sa hilaga ng West Bank.

    “Ang pagpunta ko sa sesyon ay nagbibigay sa akin ng kaginhawaan. Hindi ko nararamdaman na ako’y nanganganib kapag narito ako,” dagdag pa niya.   

    Mula 1989 ay nagtatrabaho na ang mga team ng Doctors Without Borders sa West Bank. Ngayong 2024, dinagdagan ng ng Doctors Without Borders ang mobile clinic sa distrito ng Hebron (ginawa nitong 13 na ang  mga klinika) upang matugunan ang dumaraming pangangailangan ng komunidad. Sa pagitan ng Enero at Marso 2024, ang aming team ay nagsagawa ng mahigit 6,000 na outpatient consultation at mga 1,400 na individual mental health session, kasama na ang pagtatasa sa mga bagong pasyente at mga follow up consultation sa iba’t ibang lugar.

    Sa Hebron, ginawang angkop at pinalawak ng mga team ng Doctors Without Borders ang kanilang mga aktibidad upang matiyak ang pagpapatuloy ng pangangalaga at ang pagkakaroon ng access sa mga serbisyo para sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan ng mga pinakamahihina at mga nakahiwalay na pasyente. Sa Jenin at Tulkarem, ang mga team ng Doctors Without Borders ay sumusuporta at nagbibigay ng mga pagsasanay sa medical at paramedical staff upang sila’y makapagbigay ng first aid at makasagip-buhay na mga serbisyo sa loob at labas ng ospital kapag may mass casualty at wala silang access sa pasilidad medikal.

    Ang mga team ng Doctors Without Borders ay nagbibigay rin ng suporta para sa kalusugang pangkaisipan sa mga klinika sa Nablus at Hebron. Nilalayon nilang mapunan ang mga puwang sa pagbibigay ng pangangalaga para sa kalusugang pangkaisipan at tiyakin na ang mga nangangailangan ay makatatanggap ng suporta at pangangalaga.

     

    Categories