West Bank: “Hayaan ninyo akong mamatay kasama ang aking pamilya.”
Settlers Violence sa Nablus. Ang syudad ng Nablus nung Abril 12, 2023. © Samar Hazboun/MSF
“Hayaan ninyo akong mamatay kasama ang aking pamilya.”: ang kuwento ng isang refugee mula sa Gaza na ngayo’y nasa West Bank
Si Abbas* ay isa sa mahigit 6,000 na Palestino mula sa Gaza na dating nagtatrabaho sa Israel at naging refugee sa West Bank bilang resulta ng digmaan sa pagitan ng Israel at Gaza. Ngayon, si Abbas ay isang pasyente na ng mga team ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) na nagbibigay ng suportang sikolohikal sa Nablus. Inilarawan niya ang kanyang pinagdaanan noong siya’y nawalan ng tirahan at nahiwalay sa kanyang pamilya. Hanggang ngayon ang pamilya niya’y hindi pa rin makaalis sa Gaza.
Pagdating ng bukang-liwayway, nagsindi ng sigarilyo si Abbas habang siya’y nakatingin sa malayo, tinatanaw ang West Bank. Buong gabi siyang hindi nakatulog sa kakaisip sa kanyang pamilyang nanganganib sa mga pagbomba sa Gaza, mahigit isang daang kilometro ang layo nila sa isa’t isa. Araw-araw, isa lang ang layunin niya: ang makausap ang kanyang pamilya.
“Ang buong pamilya ko ay nasa Gaza, magkakahiwalay sila – mayroong nasa hilaga, at mayroon sa Khan Yunis at Rafah sa timog. Ang aking asawa at mga anak ay nakatira sa isang tolda: apat na beses na silang lumilipat-lipat mula noong mag-umpisa ang giyera. May mga panahong natutulog sila sa kalye, sa mosques o sa mga abandonadong gusali. Ang aking apat na anak, ay edad lima hanggang labing-apat na taong gulang pa lamang, isipin mo iyon?” sabi ni Abbas habang tumitikhim. “Araw-araw, pagdating ng bukang-liwayway, sinusubukan ko silang tawagan para malaman ang kalagayan nila. May mga araw na putol ang mga linya ng komunikasyon kaya’t naghihintay pa ako ng ilang araw bago ko sila makausap.”
Si Abbas ay isa sa mga tinatawag na ‘Gazan worker’: isang Palestinong galing sa Gaza na dati’y pumupunta sa Israel para magtrabaho. Kada buwan, tinatawid niya ang hangganan mula sa hilaga ng Strip kung nasaan ang kanyang tirahan, upang pumunta sa kanyang pinagtatrabahuhang pabrika ng bakal. Ilang linggo siyang mamamalagi roon, at uuwi lang para magbakasyon ng tatlong araw. Mula noong namatay ang kanyang ama, bilang pinakamatanda sa kanilang magkakapatid, inako na rin niya ang responsibilidad para sa mga ibang miyembro ng pamilya, tulad ng kanyang mga kapatid na lalaki at babae.
Noong Oktubre 7, nang naglunsad ang Hamas ng pagsalakay sa Israel, nasa pabrika si Abbas. Nang sumunod na araw, may mga dumating na sundalong Israeli sa pabrika at nagsimulang manggulo sa pamamagitan ng panliligalig sa mga Palestinong manggagawa. Pinagbabantaan nilang babarilin ang mga ito kung sila’y hindi lilikas papunta sa West Bank. Dalawang araw na nagkubli si Abbas sa bundok bago siya tumuloy sa West Bank. Ayon sa Ministry of Labour ng Palestinian Authority is siya sa mahigit 6,000 na residente ng Gaza na gumawa nito. Noong dumaan siya sa Israeli checkpoint, kinuha ng mga sundalo ang lahat ng kanyang pera at mga pag-aari, maliban sa kanyang telepono.
"Sinuwerte ako, dahil hindi kinuha ang mobile phone ko.” Hindi pareho ang naging kapalaran ng iba. May mga inaresto, binugbog, at ang iba’y basta na lang naglaho. Wala akong kamag-anak sa West Bank, kaya’t sumama na lang ako sa ilang mga manggagawa, at naghanap kami ng ligtas na komunidad. Hindi komportable ang buhay doon. Sa lupa kami natutulog, walang mga kama, kumot, o heating, pero mas mainam iyon kung ikukumpara sa kahindik-hindik na pamumuhay sa Gaza.Abbas*
Programa para sa kalusugang pangkaisipan
Habang winawasak ang Gaza ng walang humpay na pagbobomba ng mga puwersang Israeli, ang West Bank ay mayroon ding pinagdadaanang madugong karanasan. Bago pa man mag-Oktubre 7, laganap na ang karahasan at panliligalig ng mga dayo at mga puwersang Israeli laban sa mga Palestino. Noong 2023, ayon sa United Nations, hindi mapapantayan ang bilang ng mga Palestino na pinatay sa lugar na ito, isang pagpapatuloy ng nakagigimbal na mga pangyayari nitong mga nakaraang taon. Pagkatapos ng mahalagang petsang ito, ang bilang ng mga pagsalakay sa mga Palestino ay lalong umakyat. Naging pang-araw-araw nang pangyayari sa buhay ng mga Palestino sa West Bank ang masalakay ng mga dayo o maaresto at mabugbog ng mga puwersang Israeli. Samantala, ang mga pagkilos ng militar sa mga refugee camp sa Jenin at Tulkarem ay naging sanhi ng pagkamatay ng marami.
Sa Nablus, nakipagtagpo si Abbas sa isang team ng mga social worker ng Doctors Without Borders. Isinangguni siya ng mga ito sa kanilang mga kasamahang nagbibigay ng konsultasyong sikolohikal bilang bahagi ng programa para sa kalusugang pangkaisipan na dalawang dekada na nilang pinatatakbo. Pagdaan ng panahon, naipaabot na rin ito sa mga kalapit-bayan ng Qalqiliya at Tubas. Pagdating ng katapusan ng Nobyembre, ang mga sikolohista at mga psychiatrist na nagtatrabaho para sa programa ay nakapagbigay na ng mahigit 2,600 na konsultasyon sa taong 2023.
Programa para sa kalusugang pangkaisipan sa Nablus at Qalqilya – social work at psychotherapy. Kuha ng isang sasakyan ng Doctors Without Borders sa labas ng bahay ng isang pasyente sa Salem, habang nagsasagawa sila ng psychotherapy session sa tahanan ng pasyente. © Laurie Bonnaud/MSF
Ang sikolohista ng Doctors Without Borders at ang kanyang tagasalin ay nakipagkita sa isang pasyente sa Burin. Ang mga nakatira sa mga liblib na nayon ay nangangambang iwan ang kanilang mga tahanan para pumunta sa mga klinika ng Doctors Without Borders dahil sa posibleng pagsalakay ng mga dayo. © Laurie Bonnaud/MSF
Therapy na nakatutulong
Ito ang unang pagkakataong nakaranas si Abbas ng therapy at ayon sa kanya, ito’y nakatutulong. Matagal na niyang kilala ang Doctors Without Borders mula pa sa Gaza: ang kanyang ama ay naging pasyente nila dati.
“Nagsusumikap akong makapunta sa Gaza upang makapiling ang aking pamilya, pero mukhang imposible,” sabi niya. “Sabi ng mga awtoridad na Israeli, papayagan nila ang mga manggagawang Gazan na bumalik sa Gaza, ngunit ang mga nagtangka ay inaresto, ninakawan, sumailalim sa interrogation, at binugbog. Kapag ako’y inaresto, mapuputol ang komunikasyon namin ng aking pamilya.”
Gayunpaman, determinado pa rin si Abbas na makahanap ng paraan para makabalik. “Gusto ng asawa kong bumalik ako para sama-sama kaming mamatay,” dagdag niya. “Mahirap para sa kanyang alagaan ang mga bata. Sa pagdaan ng mga araw, milagro na lang talaga na buhay pa sila. Walang maiinom na tubig at hindi sila makahanap ng makakain. May mga araw na iniinom nila ang tubig-alat mula sa dagat. Kapag may nagkasakit sa kanila, hindi sila makapunta sa ospital, dahil siksikan na roon at hindi ligtas.”
Nagpatuloy siya habang umiiyak: “Sabi ng anak kong limang taong gulang, ‘Tatay, bakit mo ako hinahayaang magutom? Ang ibang mga bata, kasama nila ang kanilang tatay hanggang sa sila’y mamatay, huwag mo kaming pabayaang mamatay nang wala ka rito'. Hindi ko alam kung anong isasagot ko, kaya sinusubukan ko na lang magsabi ng mga salitang makakapagpapagaan sa nararamdaman niya ngunit sinasagot lang niya ako ng 'huwag kang magsinungaling sa akin, pumunta ka na rito, para sama-sama tayong mamamatay.”Abbas*
“Dahil sa walang humpay na pagbobomba, nakaugalian na ng mga taga- Gaza na isulat ang kanilang mga pangalan sa kanilang katawan, upang matukoy pa rin kung sino sila kung sakaling sila’y mamatay. Maaaring isulat ang pangalan sa kamay, sa braso, sa binti o sa leeg. Sinulat ng asawa ko at ng tatlo kong anak ang kanilang mga pangalan sa kanilang mga sarili, ngunit hindi magawa ng asawa kong sulatan ang bunso naming anak. Masyado iyong masakit para sa kanya.”
“Pagkatapos ng mga pagbobomba, anong buhay ang naghihintay para sa amin? Wasak na ang lahat ng mga kalye, ospital, unibersidad at mga paaralan. Hindi ito tama, mabuti akong mamamayan. Nagtatrabaho ako, nagbabayad ako ng buwis, at iba pa. Mayroong akong mga pangunahing karapatan bilang tao. Tigilan na ang pagpapahirap sa amin,” pagtatapos ni Abbas.
* Hindi niya tunay na pangalan
_____________________________
Tala: Ang mga team ng Doctors Without Borders sa Nablus ay nagsimulang magbigay ng mga konsultasyon para sa kalusugang pangkaisipan noong 1988. Ang mga team naman ng Doctors Without Borders sa West Bank ay nagpapatakbo rin ng mg aktibidad para sa kalusugang pangkaisipan at emergency preparedness sa Hebron. Sinusuportahan din ng organisasyon ang emergency medical response sa Jenin, partikular na sa Khalil Suleiman Hospital, at sa refugee camp sa Tulkarem.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.