Ang idinulot ng lindol. Ang larawang ito’y kinuha noong ika- 7 ng Pebrero 2023 sa probinsiya ng Idlib, Northwestern Syria. © Omar Haj Kadour
Ayon sa mga huling tala, ang mga lindol na yumanig sa Türkiye at Syria ay naging sanhi ng pagkamatay ng mahigit 35,000 na tao at nagdulot ng pinsala sa libu-libo pang mga buhay. Nagtatrabaho ang halos 500 staff members ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) para sa mga apektadong populasyon sa Northwestern Syria. Noong nangyari ang sakuna, naroon na ang Doctors Without Borders sa bansa, sumusuporta sa mga komunidad sa hilagang kanluran na naging mga biktima ng mahigit labindalawang taon ng digmaan. Ibinahagi ni Ahmed Rahmo, ang Project Coordinator ng Doctors Without Borders at namumuno sa proyekto ng Doctors Without Borders sa rehiyon ng Idlib at nakabase sa Gaziantep sa Türkiye, ang pinakabagong balita tungkol sa sitwasyon.
"Apat na araw matapos ang mga lindol, ipinagpatuloy ng mga Doctors Without Borders team ang kanilang emergency response sa Northwestern Syria. Sa ngayon, kaunti pa lang ang natatanggap naming tulong mula sa labas ng bansa. Mahalaga ang aming ginagawa, ngunit tila isang patak lang ito sa dagat: napakalaki ng mga pangangailangan sa rehiyon. Nakatuon kami sa mga pangunahing pangangailangan, sa pagbibigay ng pagkain, tubig at pangangalagang medikal.
Dahil sa kakulangan ng pondo para sa humanitarian aid at sa hirap ng pagpapaabot ng tulong sa ganitong lugar na landlocked, o nasa gitna ng mga lupain, maraming mga ospital sa Syria ang hinahamon ng mga kahirapan at kakulangan. Ang pagdala pa lamang ng mga supplies at gamot mula sa Türkiye patungo sa Syria ay isa nang hamon, dahil sa tensyong politikal sa Bab al-Hawa, ang tanging crossing point para sa humanitarian convoy sa Northwest Syria.
Pagkatapos ng mga lindol, tatlong araw na nakasara ang crossing point. Kahapon pa lang ito binuksan, at sa ngayon, kaunti pa lang ang dumadaan dito. Kaya naman ginagamit na ng mga humanitarian organization na nagtatrabaho sa Northwest Syria ang kanilang mga emergency stock na nasa bansa.
Walang panahong maaaring sayangin sa pagtulong sa mga nakatira sa rehiyong ito. Mahalagang maihatid agad ang mga supplies sa kanila. Dalawang milyong tao ang nakatira sa mga displacement camp, kadalasa’y sa mga tolda lamang kung saan maaari silang maapektuhan ng sama ng panahon. Isang linggo bago ang lindol, nagkaroon ng snowstorm sa lugar na iyon kung kaya’t naging mahirap ang mga kondisyon sa pamumuhay roon.Ahmed Rahmo, Project Coordinator
Nagbigay kami ng mga donasyon gaya ng mga heating equipment, mga kumot at kutson, at iba pang mga kinakailangan kapag ganito ang klima: pagsapit ng gabi’y bumabagsak ang temperatura. Ngayon, dumarami ang mga taong napipilitang lumagi sa mga kampong ito, kaya’t nagbukas na ng mga reception center upang patuluyin ang mga taong nawalan ng tirahan. Sa ngayon, may 15 na kampo sa rehiyon ng Idlib, at sa lima sa mga ito’y naglunsad kami ng mga mobile clinic upang makapagbigay ng mga konsultasyong medikal. Palalawakin namin ang mga aktibidad na ito sa mga susunod na araw.
Nagbigay na rin ang Doctors Without Borders ng medical items sa mahigit sampung ospital. Tumutugon kami sa iba’t ibang pangangailangan, lalo na sa mga may kaugnayan sa traumatology, obstetrical care at dialysis. Pinadala namin ang ilan sa aming medical staff mula sa ospital sa Atmeh, kung saan ang partikular nilang kasanayan ay ang pangangalaga sa mga biktima ng sunog, patungo sa ibang ospital upang suportahan ang mga staff na napupuspos sa dami ng mga pasyente. Nakatulong ang aming mga surgeon sa kanila. Pinapagamit na rin namin ang aming mga ambulansya para sa paglipat ng mga pasyente sa ibang ospital.
Araw-araw, nagbabahagi ang aming mga team ng mga nakapanlulumong kuwento. Ikinuwento nila ang kinahinatnan ng ilan sa mga survivor, na bagama’t hindi naospital ay nawalan ng lahat: tahanan, mga damit, pagkain, pera, maaaring pati miyembro ng kanilang pamilya— lahat talaga. At ngayon, nakatira na lang sila sa isang tolda. Kailangan nila ng mga damit at mga gamit pangkalinisan, tubig at pagkain. Kailangan nila ng lahat.
- Basahin ang kuwento ng aming kasamahan na si Sherwan Qasem
Mahigit sampung taon nang nagtatrabaho si Sherwan Qasem para sa Doctors Without Borders sa Türkiye, Syria, Somalia, at Lithuania. Tubong Syria siya, at ngayo’y nagtatrabaho para sa emergency team ng Doctors Without Borders sa Amsterdam. Ibinahagi niya ang kanyang personal na karanasan.
Noong nabalitaan ko ang mga naganap na lindol noong Lunes ng umaga, agad kong sinubukang kontakin ang aking mga kamag-anak at kaibigan sa Syria. Hindi ako nagtagumpay dahil wala silang kuryente o Internet. Stressful para sa akin na wala akong magawa at kung anu-ano nang eksena ang pumapasok sa isip ko.
Sa wakas ay nakausap ko ang aking ina. Sabi niya, pakiramdam ng lahat ay iyon na ang kanilang mga huling sandali. Sa kabutihang palad, ligtas ang lahat ng mga miyembro ng aming pamilya. Ngunit maraming mga tao ang nagdurusa. Maraming bahay at gusali ang nawasak, at nakagugulantang ang bilang ng mga nasawi at nasaktan, at ang pinsalang natamo ng mga imprastruktura saTürkiye at sa Syria. Libu-libong tao ang nawalan ng tirahan.
Sa Northwestern Syria, ang ospital na sinusuportahan ng Doctors Without Borders ay naging saksi sa libu-libong taong nasaktan at daan-daang namatay. Alam naming tataas pa ang bilang na ito, dahil habang tumatagal ay mas lumiliit ang posibilidad na mayroon pang mga survivor.
Nakausap ko na rin ang mga kasamahan ko sa Western Aleppo, kung saan dati akong nagtatrabaho para sa Doctors Without Borders. Ayon sa kanila, malala na talaga ang sitwasyon. Mahigit 11 na taon na silang nasa gitna ng digmaan, kaya bago pa man lumindol ay hirap na ang medical sector.
Sa ngayon, dalawa ang binibigyan ng prayoridad ng Doctors Without Borders. Una ay ang pagsuporta sa mga ospital at pasilidad pangkalusugan sa pagtugon sa emergency sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng supplies at pagsasanay ng kanilang staff. Binibigyan din namin sila ng gasolina para sa kuryente at heating. Ang Syria—tulad ng maraming bansa ngayon—ay humaharap sa isang krisis sa enerhiya, sanhi ng digmaan sa Ukraine. Wala silang sapat na gasolina upang patakbuhin ang mga generator.
Ang pangalawang prayoridad ay ang makapagpasok ng supplies. Isa sa mga pangunahing problema ay ang kakulangan ng access o daan papasok sa rehiyon. Ang tanging daan ay isang humanitarian corridor. Ilang taon nang mahirap magdala ng suporta at supplies sa rehiyon, at hanggang ngayon ay ganoon pa rin ang sitwasyon. Sa loob ng 48 na oras pagkatapos ng paglindol—ang kritikal na panahon para sa mga survivor—ay walang nakapasok na tulong. Tinagurian nga kaming Doctors Without Borders, ngunit sa kasamaang-palad, maraming borders kaming hinaharap. Nagsusumikap kaming gawin ang aming makakaya upang malampasan ang mga ito at makahanap ng ibang paraan upang maihatid ang tulong sa mga nangangailangan.
Itinatayang may apat na milyong taong nakatira sa rehiyong ito, at 2.8 milyon sa kanila ang nawalan ng tirahan at kinailangang lumipat. Ang iba sa kanila’y nakaranas ng ganito nang mahigit sa isang beses; may mga nakilala nga ako na dalawampung beses nang nararanasan ito. Karamihan sa kanila ay di makaalis ng bansa dahil sa kakulangan ng pera, o di kaya nama’y nananatili para mag-alaga ng mga kamag-anak nilang may sakit, nangangailangan ng suporta, o ayaw lisanin ang lugar kung saan sila ipinanganak. Dagdag pa rito, may mahigit sa 3.6 million na mga Syrian refugee sa Türkiye, at karamihan sa kanila’y nakatira sa apat na probinsiyang pinakanaapektuhan ng lindol. Nang tumakas sila mula Syria patungong Türkiye upang maging ligtas mula sa karahasan ng digmaan, marami ang nanatili sa mga lugar na malapit sa hangganan ng Syria, sa pag-asang balang araw ay makakabalik din sila sa kanilang mga tahanan.
Isa sa pinakamatinding pangangailangan ngayon ay para sa kalusugang pangkaisipan. Isipin ninyo na lang kung nakatira kayo sa kampo, sa isang tolda o isang pansamantalang tirahan, at maraming taon na ang nakalilipas pero wala pa rin kayong nakikitang pag-asa para sa hinaharap. Matinding pasanin ito para sa ating isipan.
Kahapon, ito ang sinabi ng aking ina: “Anak, di ko na alam kung ano ang maaaring mangyari bukas. Nitong nakaraang labindalawang taon, taun-taon ay umaasa kaming huling taon na ng aming pagdurusa.”
Naghatid ang aming mga team sa Syria ng 270 na kits ng non-food items, kasama ang hygiene items, kitchen kits, winter kits mga kumot, sa Jandaris, sa Afrin district, at sa mga camps at shelter centers na tumatanggap ng mga taong apektado ng mga lindol sa hilagang Aleppo. Syria, Pebrero 2023. © MSF
Kailangan ding protektahan ng mga humanitarian organization ang mga populasyong ito laban sa cholera, na nitong Setyembre lamang ay nagsisimulang kumalat sa rehiyon. Ang cholera ay umuusbong sa ganitong mga kondisyon, lalo na sa mga lugar na walang malinis na tubig. Nitong mga nakaraang buwan, nilalabanan na ng mga team ng Doctors Without Borders ang sakit na ito, ngunit hindi namin kayang talunin ito nang kami lamang lalo pa’t lumalala ang sitwasyon. Para sa karamihan sa mga nakatira sa rehiyong ito, naging lalong nakababahala ang mga kondisyon ng pamumuhay rito.”