Syria: Doctors Without Borders aid convoy para sa mga biktima ng paglindol, nakapasok na sa Northwest Syria
Kargamento ng mga kagamitang medical at non-medical ng Doctors Without Borders mula Dubai hub papunta sa Syria. Dubai, Pebrero 2023. © Ahmad Amer/MSF
Isang convoy ng 14 na trak ng Doctors Without Borders ang pumasok sa Northwestern Syria ngayong araw na ito, galing ang convoy sa Türkiye at dumaan sa Hammam border crossing point. Lulan sa unang convoy ang 1,296 na toldang nakalaan para sa mga pamilyang (may limang miyembro o higit pa) nawalan ng tirahan dahil sa lindol. Ito’y naglalaman ng 1,296 na winter kits na magpapanatili sa init ng loob ng tolda. Balak ng Doctors Without Borders na agad masundan ang mga convoy na ito ng mga trak na may dalang medical at non-medical equipment.
Ngunit, paalala ng Doctors Without Borders, kailangan ng agarang pagdagdag ng mga supplies upang tumugma sa mga pangangailangang dala ng krisis na ito. Sa loob ng sampung araw pagkatapos lumindol, ang bilang ng mga trak na tumatawid sa hangganan papasok sa Northwest Syria ay mas mababa pa kaysa karaniwang bilang noong 2022. Dahil sa mahigit sampung taon na ang Doctors Without Borders sa Syria, agad silang nakapaglunsad ng emergency response.
Sa loob lang ng tatlong araw, naubos na ang aming emergency stocks. Nagbigay kami ng donasyon na halos 12 tonelada (4,000 cubic meters) ng surgical equipment, dressing, at mga gamot sa mga ospital. Ang aming mga team ay nagbigay ng suporta sa mga pasilidad pangkalusugan hanggang sa maubusan kami ng lakas. Ngunit wala kaming nakikitang ibang tumutulong mula sa labas. Sa ngayon, ang pagdating ng tulong ay parang patak-patak lamang.Hakim Khaldi, Head of Mission sa Syria
Kargamento ng mga kagamitang medical at non-medical ng Doctors Without Borders mula Dubai hub papunta sa Syria. Dubai, Pebrero 2023. © Ahmad Amer/MSF
Maraming hindi natutugunang pangangailangan sa Northwestern Syria
Tinukoy ng aming mga team ang mga malalaking pangangailangang hindi natutugunan sa rehiyon. Walang naibibigay sa kanilang disenteng tirahan na may maayos na kondisyong pangkalinisan, lalo pa’t dadagdag ang 180,000 na nawalan ng tirahan dahil sa lindol noong Pebrero 6 sa dalawang milyong taong nawalan ng tirahan dahil sa labindalawang taon ng digmaan.
Kasalukuyang nagbibigay ang Doctors Without Borders ng relief at medical support sa mga taong nakatira sa limang reception center sa Northern Idlib. May mobile team na nagbibigay ng pangangalagang pangkalusugan, at namahagi kami ng mga tolda, tubig, tinapay, mga kumot, mga kutson at mga fire extinguisher. Sa susunod na linggo, sisimulan na ang mga aktibidad na naglalayong matiyak ang pagpapatuloy ng access ng mga biktima ng paglindol, pati na rin ng lahat ng tao, sa pangangalagang pangkalusugan.
Ang binigay na humanitarian aid para sa rehiyon sa pamamagitan ng cross-border mechanism ay hindi pa kapantay ng pre-earthquake average volume. Ayon sa datos mula sa UN, limang araw pagkatapos ng lindol, sampung trak lang ang dumaan sa Bab-al-Hawa, isang UN- coordinated border crossing point para sa humanitarian aid, mula sa Türkiye papunta sa Syria.
Labing-apat na trak ng Doctors Without Borders na may kargang mga tolda at mga winter kit na tumatawid sa Northwest Syria, mula sa Hamam crossing point sa Türkiye. Turkiye, Pebrero 2023. © Abdulmonam Eassa/MSF
Noong ika-17 ng Pebrero, labing-isang araw pagkatapos ng mga paglindol, 178 na trak na may kargang aid galing sa anim na ahensiya ng UN ang tumawid sa Bab Al-Hawa at Bab Al-Salama papuntang Northwest Syria. Noong 2022, 7,566 na trak na may kargang aid ang tumawid mula Türkiye papuntang Northwest Syria. Lumalabas na para sa parehong bilang ng araw, labing-isa, ang average noon ay 227 na trak.
Bukod sa higit na mababang bilang ng trak, ang ilan pa sa mga 178 na trak na nakarating sa Northwest Syria ay hindi naman bahagi ng pagtugon sa lindol kundi mga dati nang nakaplanong paghatid. Kahit na isaalang-alang natin ang tatlong araw na kung kailan sarado ang border, ang kasalukuyang bilang ng mga trak ay hindi kapantay ng humanitarian response bago nangyari ang paglindol.
Panawagan para sa kagyat ng pagdagdag ng humanitarian supplies
Ang pagtawid ng convoy ng Doctors Without Borders sa border crossing ay naging posible sa pamamagitan ng suporta ng Al Ameen, isang Syrian NGO na katuwang ng Doctors Without Borders. Ang paghatid ng mga supply ay isinaayos sa labas ng United Nations cross-border humanitarian mechanism na inaasikaso ng WHO. Hindi kasali doon ang logistical equipment.
Nananawagan ang Doctors Without Borders para sa kagyat na pagdagdag na tulong para sa mga naapektuhan ng lindol sa Northwest Syria, upang matugunan ang mga bagong humanitarian need na dumagdag doon sa dati nang mga pangangailangan sa lugar. Dapat bigyan ng prayoridad ang pagbibigay ng mga shelter, water and sanitation equipment, at mga medical supply na kailangan para sa pangangalaga matapos operahan ang pasyente. Layunin dito ang maipagpatuloy ang pangangalaga, kahit sa gitna ng ibang mga kagyat na pangangailangan.