Syria: Isang taon matapos ang mga lindol, nananatiling malalim ang mga sugat sa isipan
Ang sitwasyon pagkatapos ng mga lindol sa Northwestern Syria nung 2023. Syria, 7 Pebrero 2023. © Omar Haj Kadour
“Nakatira kami sa isang tolda. Takot na ang mga bata sa mga bahay at gusali,” sabi ni Hind, isang tatlumpu’t anim na taong gulang na ina ng limang supling sa Afrin, sa probinsiya ng Idlib sa Northwest Syria. “Pagod na pagod na kami.”
Saan ka tatakbo kapag ang iyong mismong tahanan ay hindi na ligtas? Paano mo aaluin ang iyong mga anak kapag lagi silang nangangamba na mabibitak ang lupang kanilang tinatapakan? Ilan lang ito sa mga tanong na nananatili sa isipan ng mga tao sa Northwest Syria, isang rehiyong nakikipagbuno sa epekto ng krisis sa ekonomiya at sa higit isang dekada ng digmaan, na pinalala pa ng mapanirang lindol na yumanig sa Northwest Syria at sa South Türkiye noong Pebrero 2023
Dahil sa mga lindol, dumami ang naghihirap, mga nawalan ng tirahan at mga napilitang lumikas. Ito rin ay naging sanhi ng paglala ng kondisyon ng pamumuhay ng mga tao, nagpabagsak sa ekonomiya at sa sistema ng edukasyon, at nagdulot ng pinsala sa mga imprastruktura. Dagdag pa rito, libo-libong mga bata ang nawalan ng tagapangalaga o di kaya’y nagdusa dahil sa mga pinsala sa kanilang mga katawan, kabilang na ang mga amputation. Ang lahat ng ito ay nakaapekto rin sa kalusugang pangkaisipan ng libo-libong tao sa rehiyon.”Thomas Balivet, head of mission
Bago mag-Pebrero nitong taong ito, marami sa mga residente ng Northwest Syria ang napilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan dahil sa digmaan. Nag-iwan ang mga lindol ng mga taong naghihirap –walang masisilungan, walang pagkain, malinis na tubig at iba pang pangunahing pangangailangan.
“Nilisan namin ang aming bayan sa Saraqib, sa silangan ng Idlib, dahil sa digmaan at walang patid na shelling. Matapos ang ilang taon ng displacement at paghahanap ng kaligtasan, pinili naming mamalagi sa Afrin, sa hilaga,” sabi ni Hind. “Walang mga dingding ang tinirhan namin – kinailangan naming magsabit ng mga kumot para sa aming proteksyon at upang magkaroon ng privacy. Dati, kahit nagtatrabaho ang aking asawa, sapat na sapat lang ang aming kinakain. Pagkatapos ng lindol, marami ang nawala sa amin.”
Ang unang paglindol, na may magnitude na 7.8, ay nag-iwan ng mga pinsalang kasingtindi ng iniwan ng digmaan sa Northwest Syria.
Naaalala pa rin ni Omar Al-Omar, ang mental health supervisor ng Doctors Without Borders sa Idlib, ang mga unang oras pagkatapos ng lindol. “Pagbukang-liwayway, pumunta ako sa bayan ng Salqin, sa probinsiya ng Idlib. Nakita ko ang mga gumuhong gusali, na naging mga tumpok na lang ng semento at bato. Pinakamasakit para sa akin ang marinig ang tinig ng mga taong nakalibing sa ilalim ng mga gumuho. Humihingi sila ng tulong, na hindi ko naman maibigay."
"Pumunta rin ako sa Salqin Hospital, kung saan isa ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) sa mga nangangasiwa. Pagpasok ko roon, nagimbal ako nang makita ko ang dami ng mga sugatan at mga bangkay sa mga kuwarto at sa mga pasilyo ng ospital. Hindi na ako makatayo – napaupo na lang ako at naiyak. Sa ospital, ramdam pa rin namin ang mga aftershock, at sa bawat sandali ay may mga dumadating na mga sugatan at nasaktan. Iyon ay isang gabing hindi ko makakalimutan sa buong buhay ko," pagpapatuloy niya.
Bago pa man dumating ang Pebrero, ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa Northwest Syria ay nahihirapan na, dahil sa kakulangan ng pondo para sa mga pasilidad medikal at sa mga limitadong serbisyo. Winasak ng mga lindol ang 55 na pasilidad pangkalusugan, at hindi na magamit ang mga ito. Bukod sa tulong medikal, ang mga tao sa rehiyon ay nangangailangan ng mga palikuran, paliguan, mga heating system, mga masusuot sa taglamig, mga generator, mga kumot, mga hygiene kit at mga produktong panglinis.
Ilang oras matapos ang unang paglindol, ang mga team ng Doctors Without Borders ay nagbigay ng emergency medical care at agad nagsimulang mamahagi ng mga kinakailangang relief item mula sa kanilang mga stock. Sa mga sumunod na araw, nagpadala ang Doctors Without Borders ng 40 na trak na punong-puno ng mga medical at non-medical na gamit, kasama na rito ang mga pagkain at mga kagamitan para sa pagtatayo ng mga pansamantalang tirahan. Samantala, ang mga dalubhasa sa water and sanitation mula sa Doctors Without Borders ay nagtayo ng mga palikuran at paliguan para sa mga survivor ng lindol at nagbibigay sila ng malinis na inuming tubig.
“Pagkatapos ng yugtong ito ng emergency response, dapat nating pagtuunan ang pagbibigay ng masisilungan, pagkain at mga relief item, at matiyak ang access sa pangangalagang pangkalusugan pati na rin sa water and sanitation services,” sabi ni Balivet. “Ang kakulangan ng mga pangunahing pangangailangang ito ay lubhang nakaapekto sa kalusugang pangkaisipan ng mga tao.”
Matapos ang isang taon, ang mga pisikal na pinsalang dulot ng mga paglindol ay hindi kasing kapansin-pansin tulad dati ngunit ang epekto nito sa kalusugang pangkaisipan ng mga tao ay matindi.
Mula noong nangyari ang mga paglindol, dumami ang mga kaso ng post-traumatic stress disorder at mga maling asal, lalo na sa mga bata. Dagdag sa mga panic attack, nakasaksi rin kami ng iba’t ibang klase ng mga phobia at psychosomatic na sintomas.Omar Al-Omar, mental health supervisor
Pagtuon sa mga pangangailangan ng tao sa kalusugang pangkaisipan
Ang Doctors Without Borders ay nagbibigay ng mga serbisyo para sa kalusugang pangkaisipan sa mga tao sa Northwest Syria mula noong 2013. Pagkatapos ng mga lindol, naglunsad ang Doctors Without Borders ng komprehensibong mental health initiative bilang bahagi ng emergency response nito.
Ang mga mobile team ng mga mental health counsellor ay ipinadala upang magbigay ng psychological first aid, pati na rin ng specialist counselling para sa mga moderate at high-risk na pasyente, sa 80 na lugar sa buong rehiyon. Nagpapatakbo rin sila ng mga sesyon na makatutulong sa mga taong haharapin ang kanilang agarang reaksyon at ang mga damdaming kasunod nito. Sa kabuuan, ang mga team ng Doctors Without Borders ay nakapagbigay ng 8,026 na indibidwal na konsultasyon para sa kalusugang pangkaisipan pagkatapos ng mga paglindol.
Mga ligtas na lugar para sa mga kababaihan at mga bata
Nagtaguyod din ang Doctors Without Borders ng safe spaces programme sa apat na lugar sa mga hilagang probinsiya ng Aleppo at Idlib, sa pakikipagtulungan sa mga katuwang na mga organisasyon, upang mabigyan ng mga espasyo kung saan ang mga kababaihan at mga bata ay maaaring makaranas ng kaunting pahinga mula sa malupit na realidad ng mundo. Ang mga aktibidad na ito ay tumatakbo pa rin, nang may tatlong idinagdag na lugar sa probinsya ng Idlib.
Sa mga toldang nakalaan lamang para sa kanila, ang mga kababaihan at mga bata ay naglalaro o di kaya’y gumagawa ng mga aktibidad, tulad ng pagguhit, pagsali sa mga sesyong pang-grupo, o di kaya’y maupo lang at magpahinga. Tahimik man silang nagmumuni-muni o maingay na nag-uusap, kapag ang mga kababaihan at mga bata ay nasa mga lugar na ito, nakahahanap sila ng paraan na kumalas muna mula sa bigat ng kanilang mga problema at huminga lang.
25,000 na mga kababaihan at mga bata ang nakagamit na ng mga safe space na ito. Isinangguni na rin ng mga team ng Doctors Without Borders ang 1,900 na mga kababaihan at mga bata sa ibang organisasyon upang sila’y makatanggap ng follow-up na paggamot para sa mga isyung pisikal at kalusugang pangkaisipan.
Namahagi ang Doctos Without Borders ng mga relief item sa isang reception center kung saan namamalagi ang ilang displaced na pamilya pagkatapos ng pagyanig ng mga lindol sa Syria at Turkiye noong Pebrero 6, 2023. Syria, Pebrero 2023. © Omar Haj Kadour
Sabi ni Hind, na madalas bumibisita sa isa sa mga safe space ng Doctors Without Borders, “Kapag pumapasok ako sa safe space, nakakalimutan ko ang lahat, nakakalimutan ko ang sakit at pangamba. Kasama ko ang mga anak ko at naglalaro kami. Nalilimutan naming lahat ang takot, at nalilimutan din namin ang mga nangyari pagkatapos ng lindol.”
Sa kanilang pamumuhay sa gitna ng mga labi ng alitan at mga lindol, ang mga tao sa Northwest Syria ay nangangailangan pa rin ng malinis na tubig, pagkain, masisilungan at access sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan. "Ang pamumuhunan sa pagpapabuti ng mga kondisyon ng pamumuhay ng mga tao sa Northwest Syria ay napakahalaga,” sabi ni Balivet. “Sa pagtuon sa mga sanhi ng pagdurusa ay nagkaroon tayo ng pag-asang bigyang-daan ang pagbangon.