Tinamaan ng malakas na lindol ang Türkiye and Syria
Matapos ang pagyanig ng malalakas na lindol sa timog na bahagi ng Türkiye at sa hilagang kanlurang bahagi ng Syria noong Pebrero 6, ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF), na dati nang sumusuporta sa populasyon ng hilagang kanlurang Syria, ay nagpakilos ng kanilang team at ng mga katuwang nila sa bansa upang matugunan ang dumaraming pangangailangan sa naturang lugar. Libu-libo ang sugatan, at libu-libo ang nasawi sa parehong bansa.
Pinakabagong balita
Noong ika-19 ng Pebrero, ang convoy ng Doctors Without Borders ng 14 na trak ay nagdala ng mga kinakailangang medikal at di-medikal na suplay para sa mga taong naapektohan ng mga lindol. Ito ay pumasok sa hilagang-kanluran ng Syria, at dumating mula sa Türkiye sa pamamagitan ng Hammam border crossing point. Ngunit higit na marami pa ang kailangan upang tumugma sa laki ng krisis na ito.
Sa loob lamang ng ilang oras, ang aming mga team ay nakagamot na ng mga 200 sugatan, at tumanggap ng 160 na nasawi sa mga pasilidad at klinika na pinapatakbo namin o di kaya’y sinusuportahan sa hilagang Idlib.Sebastien Gay, Head of Mission sa Syria
Sa pagpapatuloy ng search and rescue operations, patuloy rin ang pag-akyat ng bilang ng mga nasawi sa dalawang bansa. Maraming mga gusali ang gumuho, napinsala ang mga imprastruktura, at ang mga tao sa hilagang Syria at sa timog na bahagi ng Türkiye ay walang mga pangunahing pangangailangan tulad ng kuryente, gasolina, at gas na pangluto. Ikinalungkot namin ang balitang may isang miyembro ng aming staff ang natagpuang patay sa ilalim ng kanyang gumuhong bahay sa Idlib. Ang iba naman naming kasamahan ay nawalan ng mga kamag-anak.
Paano tumutugon ang Doctors Without Borders sa iniwang pinsala ng lindol?
Sa Hilagang Kanlurang Syria, kami ay:
- Sumusuporta sa 30 ospital at mga pasilidad pangkalusugan sa pamamagitan ng mga donasyon na emergency kits, trauma kits, medical supplies, at mga kumot. Kabilang rito ang mga pasilidad sa Azaz, Afrin, Mare’, Bab El Hawa, at iba pang mga bayan.
- Gumagamot ng mga nasaktan na pasyenteng nasa 4 na pasilidad pangkalusugan (mga ospital at klinika) sa governorate ng Idlib
- Dumadagdag sa kapasidad ng mga ospital kung saan kami kumikilos sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga tolda para sa triage ng mga ward sa labas
- Nagpapadala ng aming mga ambulansiya at nagbibigay ng suporta sa 90 pang ambulansya upang mapadali ang pagdala ng mga pasyenteng nangangailangan ng emergency assistance sa pinakamalapit na pasilidad pangkalusugan.
- Nagbukas ng mga mobile clinic sa tatlong reception center na itinalaga sa siyudad ng Idlib at sa paligid nito, upang makapagbigay ng kinakailangang serbisyong medikal sa mga taong naapektuhan ng mga paglindol
- Nagbibigay ng relief items gaya ng:
- Pagkain at mga kumot sa mahigit 500 pamilya sa mga reception center sa Afrin, bilang unang pagtugon, kasama ang aming mga local partners.
- Mahigit sa 450 kits na naglalaman ng mga gamit para sa personal na kalinisan, mga magagamit sa kusina, mga kinakailangan para sa tag-lamig, at mga kumot ay ipinamahagi sa mga nakatira sa Jindires, isa sa mga siyudad na lubhang naapektuhan, at sa mga pamilya sa mga reception center sa Azaz, Mare’, at sa mga karatig-barangay.
- 2,500 na kumot, plastic sheeting, at 100 winter kits sa mga pamilya sa kanluran ng siyudad ng Idlib.
Sa Turkiye:
- Isang team na nakikipagugnayan sa mga partner at mga awtoridad para palakihin ang tugon sa pamamagitan ng relief at gawaing medical
- Dalawa pang team na sinusuri ang mga pangangailangan sa mga pinakaapektadong lugar, at nag-aalok ng tulong sa mga awtoridad
Napakalimitado ng ating nakikitang pangangailangang medikal. Alam nating naapektuhan ng paglindol ang dalawang ospital. Ang mga awtoridad ay nakikipag-ugnayan na sa mga blood bank para sa kapakanan ng mga unang pasyente sa araw na ito. Sa mga darating na araw ay makakakuha tayo ng mas maraming impormasyon. Sa ngayon, maaari nating ikumpirma na tayo’y magtutuon sa pamamahagi ng masisilungan, non-food items (NFI), mga kumot, at mga damit. Lahat ng suportang ito sa Turkiye ay isasagawa sa tulong ng ating katuwang, ang International Blue Crescent, na ating nakatrabaho noong lumindol sa Izmir noong 2020.Michel Lacharité, Head, Emergency Desk
Nananatiling bukas ang Doctors Without Borders sa pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng hilagang kanlurang Syria at ng Türkiye upang makapagbigay kami ng tulong kung saan kinakailangan.

Kahramanmaraş, pagkatapos ng mga lindol. Türkiye, Pebrero 2023. © International Blue Crescent

Idlib province, hilagang kanlurang Syria. Syria, Pebrero 2023. © Omar Haj Kadour
Susuportahan mo ba ang aming tugon sa krisis?
Tulungan ninyo kaming makapagbigay ng pangangalagang medikal na sasagip sa buhay ng mga biktima ng paglindol sa Türkiye o Syria. Suportahan kami sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.