Türkiye: "Sa pagtugon, mahalagang makibagay sa mga pangyayari dahil sa laki ng epekto ng sakunang ito."
Noong ika-15 ng Pebrero, sa pakikipagtulungan sa Turkish Medical Association, nagbigay ng donasyon ang isang Doctors Without Borders team ng iba’t ibang mga essential relief item sa mga taong naapektuhan ng paglindol sa siyudad ng Adiyaman sa Southern Türkiye. Türkiye, Pebrero 2023. © Igor Barbero/MSF
Si Ricardo Martinez, logistics coordinator, ay pinuno ng isa sa mga Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) na unang dumating sa Türkiye pagkatapos ng mga lindol noong ika-6 ng Pebrero. Inilarawan niya ang sitwasyon sa siyudad ng Adiyaman.
"Katatapos lang ng mga lindol noong umalis ako papunta sa Southern Türkiye bilang bahagi ng unang emergency team na pinadala ng Médecins Sans Frontières/Doctors Without Borders (MSF) mula sa Spain. Iba ito sa Syria, kung saan nagtatrabaho na kami mula pa noong nag-umpisa pa lang ang digmaan. Wala kaming mga aktibidad sa Türkiye.
Sa ganitong mga sitwasyon, ang una naming ginagawa ay tukuyin ang mga napapabayaang lugar kung saan pinakakaunting tulong ang nakararating, at doo’y tinatasa namin ang mga pangangailangan ng mga tao. Nakikipag-ugnayan din kami sa mga lokal na awtoridad at mga organisasyon upang makita kung paano kami makatutulong.
Napagpasyahan naming dumiretso sa siyudad ng Adiyaman. Ang pinakamalapit na daan mula sa airport ay nasira dahil sa lindol kaya napalayo pa kami.
Imahe ng sentro ng siyudad ng Adiyaman, sa Southern Türkiye, pagkatapos gumuho ang maraming gusali dahil sa mga lindol na yumanig sa bansang ito at sa Syria noong ika-6 ng Pebrero, 2023. Türkiye, Pebrero 2023. © Igor Barbero/MS
Pagdating sa siyudad kung saan halos 300,000 ang nakatira bago nangyari ang trahedya, ang unang tumatak sa aking isipan ay ang matinding kaguluhang nagaganap. Walang humpay ang mga search and rescue team sa paghahanap ng mga survivor. Ang mga tao ay nagsasalit-salit sa paghihintay sa tabi ng mga gumuhong gusali, sa pag-asang buhay pa ang kanilang mga mahal sa buhay. O di kaya naman, gusto lang nilang makita ang mga labi upang maihatid ito sa kanilang huling hantungan nang may dignidad at hindi basta isasama na lang sa paglibing ng maramihan.
Sa Adiyaman, daan-daang gusali ang nawasak. Malaking bahagi ng siyudad ang nagtamo ng malubhang pinsala, habang karamihan sa mga natirang gusali ay may mga bitak at iba pang sira. Tinatanggal na ng mga bulldozer ang mga gumuho. Nagsasagawa na ng inspeksyon ang mga awtoridad ng mga gusaling nakatayo pa rin. Takot na takot ang mga taong bumalik sa kanilang mga tahanan, dahil maya’t maya ay may mga aftershock pa rin, kaya’t walang mga taga-siyudad ang nananatili sa kanilang mga tirahan ngayon.
Noong ika-15 ng Pebrero, sa pakikipagtulungan sa Turkish Medical Association, nagbigay ng donasyon ang isang Doctors Without Borders team ng iba’t ibang mga essential relief item sa mga taong naapektuhan ng paglindol sa siyudad ng Adiyaman sa Southern Türkiye. Türkiye, Pebrero 2023. © Igor Barbero/MSF
Maraming di-pormal na kampo para sa mga taong nawalan ng tirahan ang basta na lang lumitaw sa mga malalaking espasyong tulad ng mga stadium, square, at maging ang gitna ng kalsada. Karamihan sa mga kampong ito ay maliliit lamang, pero may dalawang malalaki. Maraming tolda ang nagkalat sa bawat sulok ng siyudad, malayo sa mga gusali ngunit malapit-lapit pa rin sa mga bahay ng mga survivor. Marami ang natutulog sa loob ng kanilang mga sasakyan upang protektahan ang sarili laban sa lamig. Panahon ngayon ng taglamig, at ang temperatura rito ay bumabagsak hanggang 10 degrees below zero sa gabi.
Tila isang abandonadong lugar na ang Adiyaman. Wala na itong buhay: iilang gasolinahan na lang ang bukas; sarado na ang mga bangko,mga negosyo, at halos lahat ng mga tindahan.
Ang ilan sa mga residente, lalo na ang mga maykaya, ay lumisan na gamit ang sarili nilang sasakyan. Tumutulong rin ang pamahalaan sa mga gustong bumiyahe sakay ng bus, eroplano o tren mula sa mga apektadong siyudad papunta sa mga lugar tulad ng Istanbul, Ankara at Antalya. Marami sa kanila ang piniling pumunta sa mga rural area sa paligid ng mga siyudad. Bagama’t mas kaunti ang pinsalang natamo sa mga ganoong lugar, kailangan din nila ng humanitarian aid dahil sa dami ng mga lumilikas mula sa mga siyudad. Sa mga barangay at maliliit na bayan, pangkaraniwan na ang makakita ng 20 hanggang 30 na tao na nakatira sa iisang bahay na may iilan lamang na silid.
Bagama’t makabuluhan ang pagtugon ng mga awtoridad at ng mga mamamayan ng Türkiye, maliit lang ang tulong na naibibigay sa harap ng napakalaking problema. Ngayon ay kailangang-kailangan ng mga tao ng masisilungan, mga palikuran, mga paliguan, tubig, heating system, mga damit para sa taglamig, mga generator, mga kumot, mga hygiene kit at mga kagamitang panglinis.
Dahil hindi rehistrado ang MSF sa Türkiye, nakikipagtulungan kami sa iba’t ibang mga NGO at lokal na civil society groups upang makapagbigay ng kinakailangang suporta. Kabilang sa ating mga nagawa ay ang pagbibigay ng mga donasyon ng mga essential relief item, transportasyon para sa mga taong kailangang pumunta sa mga mobile clinic sa labas ng Adiyaman, at enerhiya para sa dalawang kampo ng mga taong nawalan ng tirahan.
Hindi magtatagal at ang aming mga team ay magsisimula nang magbigay ng mental health support, na mahalaga dahil sa mga pinagdaanang paghihirap ng mga tao. Balak din naming magtayo ng mga mobile pharmacy at mga help point. Layunin naming mas makatulong pa, at makapag-ambag ayon sa aming mga karanasan sa pagharap sa mga emergency situation. Sa pagtugon, mahalagang makibagay sa mga pangyayari dahil sa laki ng epekto ng sakunang ito at dahil sa mga agarang pagbabago sa sitwasyon."