Skip to main content

    Türkiye: Suporta para sa kalusugang pangkaisipan ng mga taong naapektuhan ng mga paglindol

    A psychologist from a Doctors Without Borders-supported organisation conducts a psychosocial support activity for women and men in Arguvan, on the outskirts of Malatya. Türkiye, 2023. © Mariana Abdalla/MSF

    Isang psychologist mula sa isang organisasyon na sinusuportahan ng Doctors Without Borders ang nagsasagawa ng psychosocial support session sa Arguvan, sa labas ng Malatya. Türkiye, 2023. © Mariana Abdalla/MSF

    Sa mga araw matapos ng pagyanig ng mga lindol, naghihintay ang mga tao sa labas ng kanilang mga gumuhong tirahan, habang sinusubukan ng mga search and rescue team na sagipin ang mga taong naiwan sa loob. Nakakadagdag pa sa trauma na kailangang tingnan ng mga tao ang mga nakuhang mga labi, at tiyaking iyon nga ang kanilang mahal sa buhay. Ayon sa mga awtoridad ng bansa, pagdating ng Abril, umabot na sa mahigit 50,300 ang iniulat na namatay dahil sa lindol sa Türkiye. 

    “Kahit na hindi kanais-nais ang mga kondisyon para sa kalinisan, at madalas na masama ang panahon, marami sa mga tao ang takot pa ring pumasok sa mga gusali. Pakiramdam nila, di sila ligtas. Namamalagi pa rin sila sa labas dahil sa survival instinct,” sabi ni Adiyaman Nazlı Sinem Koytak, isang sikolohista para sa İmece İnisiyatifi, isang lokal na NGO na sinusuportahan ng Doctors Without Borders.

    Suporta sa mga lokal na organisasyon sa pagbibigay ng psychosocial support

    Sinusuportahan ng Doctors Without Borders ang mga lokal na organisasyon sa pagbibigay ng psychosocial support sa mga taong nasa mga apektadong lugar, gaya ng İmece İnisiyatifi para sa mga probinsiya ng Adıyaman at Malatyathrough, at ng organisasyong Maya Vakfi para naman sa mga probinsiya ng Hatay at Kahramanmaras.  Sa pakikipagtulungan sa mga organisasyong ito, 7,500 na tao ang natulungan sa pamamagitan ng mga konsultasyon, para sa mga indibidwal man o grupo, hanggang Marso 24.  

    “Sa isa sa mga barangay, inilarawan ng mga tao ang kanilang mga bahay bilang ‘mga halimaw’. Dati’y itinuturing nila ang kanilang mga tahanan bilang ligtas na lugar, ngunit ngayon ang kanilang mga tirahan ay isang lugar na kinakatatakutan, kung saan maaari silang mamatay,” sabi ni Koytak. 

    Inuudyukan ng mga mental health worker ang mga tao na ibahagi ang kanilang mga nararamdaman, ang kanilang mga kuwento, at ang mga hamong hinaharap nila. Ipinapaalam sa kanila na normal lang ang kanilang nararamdaman dahil sa pinagdaanan nila. Binibigkis ng mga sesyong panggrupo ang mga lumalahok, at pinagsasama ang mga tao upang suportahan nila ang isa’t isa sa mga panahon ng pagsubok.  

    A psychologist from a Doctors Without Borders-supported organisation conducts a psychosocial support session for women in Kayatepe (Rezip), on the outskirts of Adıyaman. Türkiye, 2023. © Mariana Abdalla/MSF

    Isang psychologist mula sa isang organisasyon na sinusuportahan ng Doctors Without Borders ang nagsasagawa ng psychosocial support session para sa mga babae sa Kayatepe (Rezip), sa labas ng Adıyaman. Türkiye, 2023. © Mariana Abdalla/MSF

    Psychologists from an Doctors Without Borders-supported organisation conduct a psychosocial support activity for children in Arguvan, on the outskirts of Malatya. Türkiye, 2023. © Mariana Abdalla/MSF

    Mga psychologist mula sa isang organisasyon na sinusuportahan ng Doctors Without Borders ang nagsasagawa ng psychosocial support session para sa mga bata sa Arguvan, sa labas ng Malatya. Türkiye, 2023. © Mariana Abdalla/MSF

    Alertong-alerto pa rin ang mga tao. Nahihirapan silang tumutok sa kanilang mga gawain at hindi sila makatulog. Ang iba sa kanila ay binabangungot gabi-gabi, naging makakalimutin, at nawalan ng ganang kumain. Araw-araw pa ring may aftershocks, at laging binabalikan ng mga tao ang kanilang mga naranasan. Iniisip nilang mangyayari uli ang ganoong kalaking trahedya.

    Ayon sa Turkish Disaster and Emergency Management Presidency (AFAD), nagkaroon na ng mahigit 25,000 na aftershocks mula noong lumindol noong Pebrero 6.  47 sa mga ito ay mas mataas sa magnitude 5 sa Richter scale. Dahil dito, napansin ng mga sikolohista sa mga organisasyong sinusuportahan ng MSF na hindi nababawasan ang mga sintomas ng post-traumatic stress.  

    Ang sikolohikal na epekto ng kalamidad ay makikita rin sa pisikal na kalagayan ng mga tao. Nakararanas sila ng mga panic attack, pananakit ng kalamnan at eating disorders.
    Abdurrahman Can: “Hindi pa rin kami makapag-isip nang maayos.”

    Abdurrahman Can, Başpınar (Küllüm) village leader, Adıyaman. Türkiye, 2023. © Mariana Abdalla/MSF

    Si Abdurrahman Can ay ang pinuno ng barangay ng Başpınar (Küllüm) sa Adıyaman. 

    "Nawalan ako ng manugang at apo. Pansamantalang inilagay namin sa loob ng kotse ang katawan ng aking apo, habang hinahanap namin ang mga labi ng kanyang ina. Dalawang araw pa ang nakaraan bago namin nailibing silang dalawa. Ni wala kaming pambalot sa patay. Binalot lang namin sila ng kumot. Punong-puno ang mga ospital ng mga bangkay. 

    Apat ang anak ko, dalawang babae at dalawang lalaki. Isa sa kanila ay namatayan ng asawa at anak. Ang isa naman, nasagip pa ang kanyang anak mula sa ilalim ng mga durog na bato. Nawasak lahat ang kanilang mga bahay, at wala nang natira.  Wala na silang naisalba.  

    Malaki ang nawala sa amin. Namatayan kami, at nawalan ng ari-arian.  
     
    Noong mga unang araw, sa loob lang kami ng kotse natutulog. Ngayon, sa mga tolda na kami namamalagi. Hindi na kami makapasok sa loob ng bahay.  

    Matinding takot ang nararamdaman namin. May aftershocks dalawang beses sa isang araw, araw-araw. Hindi pa rin kami makapag-isip nang maayos. Hindi rin kami makatulog nang maayos. Nagkakaroon na rin kami ng mga alitan sa pamilya.  

    Kailangan namin ng suportang materyal at emosyonal. Lahat kami’y nakakaramdam ng stress, pero sinisikap naman naming malampasan iyon. Hinaharap namin ito bilang isang pamilyang kumakapit sa buhay.  Mabuti na lang, may nakikinig sa amin."

    Sa mga lalawigang tulad ng Başpınar (Küllüm) at Kayatepe (Rezip) sa Adıyaman, kung saan nagsasagawa ang Imece İnisiyatifi (Imece Initiative) ng mga support activity, karamihan sa mga residente ay nawalan ng isa o mahigit pang miyembro ng kanilang pamilya. Nagsusumikap silang magkaroon uli ng pagkakakitaan at maitaguyod uli ang kanilang mga komunidad. May iba sa kanila na kailangan ding magpatuloy ng mga kamag-anak nilang galing sa mga siyudad. Pakiramdam kasi ng mga taga-siyudad,masyadong mapanganib sa lugar nila, kaya’t pinipili nilang lumikas sa kanayunan.  

    Para sa mga taong hindi umalis sa mga siyudad, ang mga pangangailangang nilikha ng mga paglindol ay maaaring makadagdag sa dati nang tensyon sa pagitan ng iba’t ibang grupo, dahil sa pag-aagawan ng mga mapagkukunang-yaman. Sa laki ng kalamidad na ito, nakapupuspos ang dami ng kinakailangang pagkain, tubig at sanitasyon, pati na rin mga tolda at iba pang mga kagamitan. Sa tulong ng Doctors Without Borders, ang Yardım Konvoyu (Aid Convoy Association), ay nakatuon sa pamamahagi sa mga taong nakatira sa mga di-pormal at pansamantalang kampo, na kalimitang nasa mga parke at mga paradahan.  

    Ang pagkawala ng mga hanapbuhay o kabuhayan ay lumilikha ng isa namang sitwasyon na kailangang bunuin ng mga tao, ayon kay Koytak. 

    Eylül, 13 years old, Kayatepe (Rezip) village, on the outskirts of Adıyaman. Türkiye, 2023. © Mariana Abdalla/MSF

    Si Eylül, 13, mula sa barangay ng Kayatepe (Rezip) sa Adıyaman: “Ilang araw na akng hindi gaanong makatulog. Hindi rin ako makapag-aral. Pakiramdam ko wala na ang lahat na impormasyong laman ng utak ko. Ang mga alam ko dati’y hindi ko na alam ngayon.” 

    Türkiye, 2023. © Mariana Abdalla/MSF

    “Di makabalik ang mga tao sa paghahanapbuhay o kahit sa kanilang mga dating gawaing-bahay. Sa pagdaan ng panahon, ang sitwasyon na ito, kapag may kasama pa ring takot ay lalong makakaapekto sa emosyon at asal ng mga tao at magiging lalong  mahirap ang kanilang pagbangon.”

    Ang mga lokal na organisasyon na sinusuportahan ng Doctors Without Borders ay nagbibigay ng psychosocial assistance sa iba’t ibang taong apektado ng paglindol: mga Turkish healthcare worker, mga Syrian refugee, mga boluntaryo, mga lalaki, mga babae at mga bata. Maaaring iba-iba ang anyo ng psychosocial support, lalo na para sa mga bata na kadalasa’y makikinabang sa mga simpleng gawain tulad ng pagguhit, pagsayaw o pakikinig sa musika.  

    Nakapanlulumo ang mga paglindol, at ang mga negatibong resulta nito ay ilang taon pang makakaapekto sa buhay ng mga tao. Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga lokal na organisasyon sa pagbibigay ng psychosocial support, layunin ng Doctors Without Borders na tulungan ang mga taong magkaroon ng lakas at katatagan upang maproseso ang matinding trauma na kanilang naranasan at bumangon muli. 

    - - - - -

    Sa Türkiye, sinusuportahan ng Doctors Without Borders ang mga lokal na organisasyon tulad ng Imece İnisiyatifi at Yardım Konvoyu. 

    Ang İmece İnisiyatifi ay isang non-profit organization na nakabase sa Izmir, Turkey at nakasentro sa tradisyonal na prinsipyo ng mga Turks na "imece", na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng pagkilos bilang isang grupo (collective action) at pagsuporta sa isa’t isa. Nakatuon sila sa community development sa pamamagitan ng mga pamamaraang nakabase sa komunidad. Mula noong mga paglindol, ang organisasyon ay namahagi na ng emergency relief items, at abala rin sila sa pagsasagawa ng mga aktibidad kaugnay ng edukasyon at psychosocial support para sa mga mahihinang populasyon. 

    Ang Maya Vakfi ay isang Turkish non-profit organisation na nakatuon sa pag-unlad ng mga pangkaisipan, pisikal at akademikong kakayahan ng mga kabataang edad 5 hanggang 24, pati na rin ng kanilang mga tagapangalaga. Sa kasalukuyan, bilang bahagi ng pagtugon nito sa mga paglindol at dahil sa lumalawak na karanasan nito sa disaster response, ang organisasyon ay nagsasagawa ng mga aktibidad at nagdadaos ng mga kaganapan upang paunlarin ang mga kasanayan ng mga tao sa pagharap sa trahedya at sa proseso ng paghilom. Mayroon din silang mga aktibidad para sa pag-unlad ng mga kapasidad at kapakanan ng mga empleyadong pampubliko na tutugon sa mga ganitong sitwasyon sa pangmatagalan.   

    Ang Yardım Konvoyu ay isang emergency response organisation na nakabase sa Istanbul. Sa mga lugar na nasalanta o nasa krisis, nagsasagawa sila ng mga relief effort  nang nakatuon sa kalusugan, water and sanitation at food security. Pagkatapos ng mga paglindol, ang organisasyon ay tumugon sa Kahramanmaraş, Adıyaman, Hatay at Gaziantep.