Turkiye: Doctors Without Borders, nagsimula nang ipasa ang kanilang mga emergency intervention sa bansa
Isang gumuhong gusali sa barangay ng Polat sa Malatya, pagkatapos ng mga lindol na yumanig sa Turkiye at Syria noong Pebrero. Turkiye, Mayo 2023. © Stefan Pejovic/MSF
Noong katapusan ng Mayo, habang papalapit na ang pagwawakas ng isinagawang emergency response, sinimulan na ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ang pagpasa ng mga intervention activities na ginawa nila sa Türkiye bilang tugon sa mga mapaminsalang lindol na kumitil sa buhay ng 51,000 na tao sa timog silangang bahagi ng bansa.
Pagkatapos ng unang paglindol noong Pebrero 6, sinuportahan ng Doctors Without Borders ang mga mamamayang nais tumulong at ang mga non-governmental organizations (NGOs) ng Turkey sa kanilang pagbibigay ng mga pangangailangang gaya ng psychosocial support at pangangalaga para sa kalusugang pangkaisipan, mga serbisyong para sa water and sanitation, mga gamit sa kalinisan, pagkain, masisilungan, at iba pang mahahalagang supplies at serbisyo.
"Bagama’t nakalipas na ang emergency phase, hindi mawawala sa aming isipan ang maraming taong naapektuhan ng mga lindol sa Türkiye. May mga tatlong milyong taong nakatira pa rin sa mga pansamantalang masisilungan, at habang patuloy silang nagsusumikap na makabangong muli, ang mga epekto ng kanilang pinagdaanan ay mananatili sa kanilang mga katawan at isipan,” sabi ni Ozan Ağbaş, Emergency Support Manager ng Doctors Without Borders.
Ngayong naibigay na ang karamihan sa kanilang mga kagyat na pangangailangan, kami, bilang isang medical humanitarian organization na nagbibigay ng tulong sa mga emergency, ay nagsimula na sa pagpasa ng aming mga ginagawa sa mga lokal na organisasyon at awtoridad. Sa mga darating na buwan, makakapagbigay pa rin kami ng kaunting suporta sa mga lokal na organisasyon na patuloy pa ring nagbibigay ng relief services.Ozan Ağbaş, Emergency Support Manager
Emergency response at relief sa Turkiye
Ang mga team na sinusuportahan ng Doctors Without Borders ay kabilang sa mga unang nagbigay ng suportang sikolohikal sa mga pamilya ng mga biktima, sa mga first response volunteers, at sa mga kabilang sa search and rescue teams. Noong nasa emergency phase pa ang pagtugon, ang mga staff ng NGO na sinusuportahan ng Doctors Without Borders ay nakapaghatid ng 4,344,792 na litro ng tubig, 96.6 tonelada ng mga prutas at gulay, at 38,841 hygiene kits, nakapagbigay at nagkabit ng 173 na shower, at 350 na toilet, nagbigay ng mga donasyon na 65 na lalagyan at 375 na tolda, habang 10,133 na tao naman ang nakatanggap ng psychosocial support. Nagbigay rin sila ng isang X-ray machine sa isang ospital sa Kahramanmaraş, at water pump at mga tangke sa Hatay Training and Research Hospital.
Tumulong rin ang Doctors Without Borders sa pagtayo ng tatlong NEFES centers – sa mga probinsiya ng Adıyaman, Kahramanmaraş, at Malatya – na nagsisilbi bilang mga espasyo para sa kalusugang pangkaisipan at maayos na pamumuhay. Ang mga center na ito ay itinuturing na mga ligtas na kanlungan sa mga sentral na lokasyon. Bukas ito sa lahat, lalo na sa mga kababaihan—bata man o matanda. Nagdadaos dito ng mga psychosocial activity para sa mga bata, at may mga magagamit na washing machine at mga shower. Nakabukod din ang mga inang kapapanganak pa lang sa mga pribadong silid kung saan maaari silang magpasuso. Patuloy na susuportahan ng Doctors Without Borders ang pagpapatakbo ng mga “NEFES”, kahit pagkatapos nilang bawasan ang kanilang mga aktibidad sa lugar.
Pinondohan ng Doctors Without Borders at sinuportahan ang mga lokal na NGO upang magtayo ng tatlong tinatawag na “NEFES" centers sa Adiyaman, Malatya at Elbistan. Ito ay itinuturing na ligtas na kanlungan na nasa mga sentral na lokasyon. Bukas ito sa lahat, lalo na sa mga kababaihan–bata man o matanda. Turkiye, Mayo 2023. © Stefan Pejovic/MSF
Mga 900,000 na tao ang nakatira pa rin ngayon sa mga impormal na pamayanan, at 200,000 sa mga iyon ay nakatira sa mga tolda. Ang Doctors Without Borders, sa pamamagitan ng mga lokal na NGO na sinusuportahan namin sa Türkiye, ay nagbigay ng water and sanitation services (WASH) sa ilang mga kampo sa mga suburban na lugar tulad ng Hatay, kasama ang kapitbahayan ng Sofular at Antakya, kung saan kami lang ang organisasyon na nagbibigay ng mga serbisyong para sa water and sanitation, at kasabay noo’y namahagi rin kami ng mga pangangailangang hindi pagkain, at nagbigay ng psychosocial support sa mga apektadong tao. Turkiye, Mayo 2023. © Stefan Pejovic/MSF
"Ito ang ikalimang beses sa loob ng tatlumpung taon na ang Doctors Without Borders ay nakipagtulungan sa mga lokal na grupo at staff upang tulungan ang mga taong apektado ng mga paglindol sa Türkiye. Ang aming mga team ay nagbigay ng tulong, tuwiran man o sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga lokal na NGO bilang pagtugon sa mga lindol noong 1996, 1999, 2011, at ngayong 2023. Bilang isang pandaigdigang medical humanitarian organization na may kasarinlan, walang kinikilingan at walang kinakampihan, kami’y nananatiling handang sumuporta sa mga mamamayan ng Türkiye sa hinaharap, sakali mang kailanganin nila ang aming tulong," pahayag ni Ozan Ağbaş.
Ang lahat ng mga Doctors Without Borders relief activities sa Türkiye ay isinagawa sa pamamagitan ng aming pagsuporta sa mga lokal na NGO, katulad ng Imece Inisiyatifi, Yardım Konvoyu, Maya Vakfı at iba pa. Sa simula pa lang ng earthquake response, aktibo na ang mga sinusuportahan ng Doctors Without Borders na mga NGO sa mga probinsiya ng Adıyaman, Gaziantep, Hatay, Kahramanmaraş, Kilis, at Malatya provinces, kung saan naghahatid sila ng mga kinakailangang tulong sa mga apektadong populasyon.