Nabubuhay sa gitna ng mga durog na labi: Ang Syria at Türkiye, pagkatapos ng isang buwan
Larawan ng siyudad ng Elbistan sa timog na bahagi ng Türkiye, na lubhang naapektuhan ng mga lindol na yumanig sa bansang ito at sa Syria. Turkiye, Pebrero 2023. © Igor Barbero/MSF
Noong ika-6 ng Pebrero, dalawang malakas na lindol na may magnitude na 7.8 at 7.6 ang yumanig sa Southcentral Türkiye at sa hilagang kanluran na bahagi ng Syria. Pagkatapos ng mga lindol, nakaranas pa ang mga rehiyon ding iyon ng daan-daang aftershocks, na nakadagdag sa bilang ng mga nasawi, sa mga pinsalang materyal, at sa trauma ng mga survivor. Isang buwan pagkatapos ng mga unang lindol, tapos na ang search and rescue phase. Kaya lang, kahit na mas kalmado na ang sitwasyon, matindi pa rin ang mga pangangailangan.
Si Ahmed Rahmo ay ang project coordinator ng Doctors Without Borders sa Idlib, Syria. Sa panayam na ito, ibinahagi niya ang mga pangangailangang medikal at humanitarian sa kasalukuyan, pati na rin ang mga aktibidad ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) at ang suportang binibigay ng organisasyon sa dalawang bansa.
Isang buwan na ang nakaraan. Ano ang naging epekto ng kalamidad na ito sa Türkiye at Syria?
Sa Northwest Syria, sa mga governorate ng Idlib at Aleppo kung saan naroon ang Doctors Without Borders, pinalala ng kalamidad na ito ang dati nang desperadong sitwasyon. Ang 180,000 na taong nawalan ng tirahan dahil sa paglindol ay dumagdag sa 2.8 milyong taong nagtitiis sa napakahirap at delikadong pamumuhay matapos silang mawalan ng tirahan dahil sa 12 na taon ng digmaan.
Sa Türkiye, ayon sa mga opisyal na ulat hanggang Marso 4, mahigit 3 milyong tao ang napilitang umalis sa kanilang mga tirahan. Mahigit 1.5 milyon sa kanila ang nakatira ngayon sa mga tolda. Iba-iba ang antas ng epekto ng mga lindol sa labing-isang lalawigan kung saan nakatira ang 6% ng kabuuang populasyon ng bansa. Sa kabila ng pagtugon ng mga awtoridad at ang pagtulong ng mga mamamayan, marami pa ring mga hindi napupunang pangangailangan ang mga taong naapektuhan ng lindol.
Dagdag pa rito, marami sa mga tinamaan ng lindol sa Türkiye ay mga tahanan ng milyon-milyong refugee mula sa Syria na dati nang nagtitiis sa maraming hirap at panganib sa kanilang pansamantalang tirahan.
Ang pamamahagi ng Doctors Without Borders ng mga relief item sa isang reception center kung saan namamalagi ang mga pamilyang nawalan ng tirahan sa siyudad ng Salqin sa hangganan ng Türkiye sa Northwestern Syria. Syria, Pebrero 2023. © Omar Haj Kadour
Ano ang pinakakailangang medical at relief items sa kasalukuyan?
Karamihan sa mga nawalan ng tirahan ay wala pa ring masisilungan, pagkain, malinis na tubig, o kahit anong mga kinakailangan upang mabuhay. Kailangan ng mga tao ng medical assistance, mga palikuran, mga paliguan, heating systems, mga damit para sa taglamig, generators, mga kumot, hygiene kits at mga produktong panlinis. Tapos na ang search and rescue at acute emergency phase, ngunit mahalagang magpatuloy ang pagbigay ng agarang suporta sa mga taong naapektuhan.
Maraming mga tao ang nawalan ng tirahan at pagkakakitaan, nawalan din sila ng mga kamag-anak at mga mahal sa buhay at nabubuhay sila sa ilalim ng mga napakahirap na kondisyon. Karamihan sa mga tao ay malungkot, desperado, nag-aalala, hindi nakatitiyak sa kanilang kinabukasan, laging nangangamba at may post-traumatic stress dahil sa mga araw-araw na aftershock. Marami ang inuulit-ulit ang mga pangyayari sa kanilang isipan at naniniwala silang maaaring maulit ang ganoon kagrabeng pagkawasak ng kapaligiran. Kaya naman, mahalaga ang mabigyan sila ng psychosocial support pagkatapos ng kanilang matinding pinagdaanan.
Sa Northwest Syria, suliranin din ang huminang healthcare system at imprastruktura, dahil 55 na healthcare facilities ang napinsala o hindi ganap na gumagana.
Paano tumutugon ang Doctors Without Borders sa krisis na ito?
Sa Syria, sinusuportahan ang aming mga team ang mga gumaganang istrukturang pangkalusugan sa mga governorate ng Idlib at Aleppo. Nagpapatakbo rin kami ng mga mobile clinic na nagbibigay ng pangunahing pangangalagang medikal, at ng pangangalaga para sa kalusugang pangkaisipan sa mga reception centre at sa mga displacement camp sa mga governorate ng Idlib at Aleppo. Namamahagi pa rin ang aming mga team ng relief items at kits sa mga taong nangangailangan nito.
Sa Türkiye, kasalukuyan kaming nakikipagtulungan sa iba’t ibang lokal na NGO at mga civil society organization upang makapagbigay ng kinakailangang humanitarian at relief assistance. Nakatuon kami sa mga napapabayaang lugar kung saan mas mahalaga ang aming pagtulong.
Bilang bahagi ng aming pagsuporta sa mga katuwang naming lokal na organisasyon sa Türkiye, nagbigay kami at patuloy kaming nagbibigay ng mga donasyon tulad ng medical items, pagkain, tubig, logistical supplies, hygiene kits, relief items tulad ng mga kumot, mga de-kuryenteng pugon at thermal undergarments na makakatulong sa mga tao ngayong taglamig. Sinuportahan din namin ang mga pangangailangang may kaugnayan sa water and sanitation sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga paliguan at mga palikuran sa mga kampo. Sinusuportahan din namin ang mga psychosocial activity para sa mga taong naapektuhan ng lindol. Kabilang rito ang mga survivor, mga boluntaryo at mga miyembro ng search and rescue team.
Sa pakikipagtulungan sa Turkish Medical Association, nagbigay ang Doctors Without Borders ng mga kinakailangang relief items sa mga taong naapektuhan ng paglindol sa siyudad ng Adiyaman sa Southern Türkiye. Türkiye, Pebrero 2023. © Igor Barbero/MSF
Sapat ba ang humanitarian aid upang matugunan ang lahat ng mga pangangailangan ng apektadong populasyon sa Syria?
Lubhang limitado at masyadong mabagal ang pagpasok ng humanitarian aid sa Northwest Syria. Malaki pa rin ang pangangailangan para sa mga masisilungan, maiinom na tubig, mga pasilidad para sa paghuhugas, at heating equipment. Ang Bab Al-Hawa ang pangunahing humanitarian crossing na suportado ng UN sa pagitan ng Türkiye at Northwest Syria, kung saan maaaring dumaan ang mga mahalagang medical supplies papasok sa Northwest Syria. Noong Pebrero 13, inanunsiyo ang pagbubukas ng dalawang karagdagang humanitarian crossing points mula Türkiye papuntang Northwest Syria, ang Bab Al-Salam at Al Ra’ee, na sa ngayon ay bukas lamang sa loob ng tatlong buwan. Bagama’t nakapasok na sa Northwest Syria ang pangalawang Doctors Without Borders convoy ng 15 na trak sa tulong ng Al Ameen NGO, sinusuportahan pa rin namin ang panawagan na magkaroon ng mas madaming access points para makapasok ang mga humanitarian aid sa Northwest Syria, dahil pakonti nang pakonti ang mga supply, lalo na ang mga ginagamit para sa mga surgical procedure.
Ang Doctors Without Borders ay nananawagan para sa tulong na humanitarian na sapat lamang para sa kanilang mga pangangailangan. Sa kasamaang palad, napakalaki ng puwang sa pagitan ng dumadating na tulong sa Syria at sa kanilang mga pangangailangan.
Sa Northwest Syria, kasalukuyang sinusuportahan ng Doctors Without Borders ang mga ospital pati na rin ang isang burns unit, mga general healthcare centre at mga ambulansya. Dagdag pa rito, sinusuportahan din namin ang mga mobile clinic at NCD clinic na naglilingkod para sa mga taong nawalan ng tirahan na nasa mga kampo. Nagpapatakbo rin kami ng water, sanitation at hygiene activities sa mga kampo sa hilagang kanluran.
Sa Northeast Syria, nagpapatakbo kami ng general healthcare clinic, mga programa para sa mga sakit na hindi nakakahawa, mobile wound care at isang reverse osmosis plant upang mabigyan ng ligtas na inuming tubig ang kampo ng Al-Hol. Sinusuportahan din namin ang isang ospital, isang outpatient department, emergency room, nutrition programming, at sa kasalukuyan ay mayroong kaming team na nagsasagawa ng short-term influenza B intervention bilang tugon sa mataas na bilang na mga batang namamatay dahil sa sakit na ito.
Sa Türkiye, nakikipagtulungan kami sa ba’t ibang lokal na organisasyon na sumusuporta sa mga taong nasa mga apektadong lugar. Tuloy-tuloy ang aming pagtatasa sa mga pangangailangang medikal at relief needs upang maging angkop ang aming pagtulong. Sa ngayon, ang mga nasuportahan naming aktibidad ay nangyari sa mga lugar na ito: Gaziantep, Malatya, Adiyaman, Hatay, Elbistan, Nurdağı, Kilis, Islahiyeh, Defne, Samandag, Antakya, Narlicia, Pazarcik, Iskenderun at sa siyudad ng Kahramanmaraş.