Tinuligsa ng ulat ng Doctors Without Borders ang mga “tahimik na pagpaslang” sa Gaza
Ang mga medical staff sa Gaza ay madalas na nagtatrabaho sa mga pansamantalang pasilidad, kung saan ang mga pasyente ay kailangang pumila ng mahabang oras bago makahingi ng tulong. Palestinian Territories, Marso 2023. © MSF
- Hindi makatao ang mga kondisyon ng pamumuhay sa Rafah. Dahil mahina ang sistema para sa pangangalagang pangkalusugan, ang mga tao sa Rafah ay nanganganib ng outbreak ng mga sakit, malnutrisyon, at ang pangmatagalang epekto ng sikolohikal na trauma.
- Inilarawan ng aming teams ang matinding hamong hinaharap ngayon ng mga Palestino sa Gaza upang makakuha ng pangangalagang medikal at nagbigay ng babala ukol sa malalaking bilang ng mga maaaring mamatay dahil sa mga sakit na maaari namang pigilan kung hindi naaantala ang pagbibigay ng kritikal na pangangalagang pangkalusugan.
Gaza/Jerusalem/Barcelona, 29 Abril 2024 – Ang sistema para sa pangangalagang pangkalusugan ng Gaza ay nawasak, kung kaya’t ang mga kalalakihan, kababaihan, at pati mga bata lalaki man o babae, bata o matanda, ay nahaharap sa tumitinding panganib ng acute malnutrition at sa mabilis na paglala ng kondisyon ng kanilang mga katawan at isipan. Ito ay ayon sa isang ulat na inilabas ngayong araw na ito ng pandaigdigang organisasyong medikal, ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF). Ang ulat ay pinamagatang, “Ang mga tahimik na pagpaslang sa Gaza: Ang pagwasak sa sistema para sa pangangalagang pangkalusugan at ang pakikibaka upang mabuhay sa Rafah.”
Makalipas ang mahigit anim na buwan ng digmaan sa Gaza, ang pinsala ay higit pa sa mga napatay ng mga pagbomba at mga airstrike ng mga Israeli. Inilarawan ng Doctors Without Borders ang matinding hamong hinaharap ngayon ng mga Palestino sa Gaza upang makakuha ng pangangalagang medikal at nagbigay ng babala ukol sa malalaking bilang ng mga maaaring mamatay dahil sa mga sakit na maaari namang pigilan kung hindi naaantala ang pagbibigay ng kritikal na pangangalagang pangkalusugan.
“Ilan nang mga bata ang namatay dahil sa pulmonya sapagkat napupuspos na ang mga ospital?” tanong ni Mari-Carmen Viñoles, ang namumuno sa mga emergency programme ng Doctors Without Borders.
“Ilang mga sanggol na ang namatay dahil sa mga sakit na maaari namang mapigilan? Ilang mga pasyenteng may diabetes ang di nagagamot? At paano naman ang mga kinahantungang pagkamatay dahil sa pagsara ng mga kidney dialysis unit sa mga ospital na nilusob nila? Ito ang hindi nauulat sa gitna ng mga kaguluhan – ang mga tahimik na pagpaslang sa Gaza, at ang sanhi nito ay ang pagbagsak ng sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa buong Gaza.”Mari-Carmen Viñoles
Ayon sa mga Doctors Without Borders team na nagtatrabaho sa Rafah, ang pinahinang sistema para sa pangangalagang pangkalusugan at ang mga di makataong kondisyon ng pamumuhay ay nagdadala ng panganib ng outbreak ng mga sakit, malnutrisyon, at ang pangmatagalang epekto ng sikolohikal na trauma. Babala ng Doctors Without Borders na kung lulusob ang mga puwersang militar sa Rafah, dadagdag ito sa kasalukuyang krisis na humanitarian sa Gaza. Ito’y magiging malaking kapahamakan, at mangangailangan ng agaran at pananatiliing ceasefire.
Ang mga kondisyon ng pamumuhay sa Rafah ay nagpapalala sa mga isyung pangkalusugan.
Ayon sa ulat ng Doctors Without Borders, ang mga kondisyon ng pamumuhay sa Rafah ngayon ay hindi angkop upang mabuhay nang maayos ang mga tao. Ito’y batay sa mga datos na medikal at sa mga patotoo ng mga pasyente. May nakababahalang kakulangan ng malinis na tubig para inumin at para gamitin sa pagligo, habang ang mga basura at ang mga duming galing sa imburnal ay naiipon sa mga kalsada ng maliit na lugar kung saan nakatira ang mahigit isang milyong taong napilitang lumikas mula sa hilaga ng Gaza.
Sa tapat ng dalawa sa mga sentro para sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan na pinatatakbo ng Doctors Without Borders sa Al-Shaboura at Al-Mawasi, ang aming mga team ay nagbibigay ng humigit-kumulang limang libong konsultasyong medikal kada linggo. Karamihan dito ay may kaugnayan sa mababang kalidad ng kanilang pamumuhay. Mahigit 40% ng mga konsultasyong ito ay para sa mga pasyenteng may upper respiratory tract infection. Nasaksihan ng Doctors Without Borders ang pagdami ng mga pinaghihinalaang kaso ng hepatitis A. Sa huling tatIong buwan ng 2023, ang mga kaso ng sakit na kaugnay ng diarrhoea na nakita sa mga batang wala pang limang taong gulang ay 25 na beses na mas mataas kaysa noong mga buwan ding iyon noong 2022. Sa pagitan ng Enero at Marso 2024, ang aming mga team ay gumamot ng 216 na bata na wala pang limang taong gulang para sa moderate o severe acute malnutrition, isang kondisyong halos wala rito bago nagsimula ang kasalukuyang alitan.
Hawak ng isang ina ang kanyang kambal na sanggol, na ipinanganak sa Emirati maternity hospital, Rafah. Palestinian Territories, Marso 2023. © Annie Thibault/MSF
Dahil ang mga ospital ay napupuspos sa dami ng mga pasyenteng may trauma, ang mga taong may ibang pangangailangang medikal, gaya ng mga nagdadalang-tao nang may komplikasyon at mga taong may talamak na sakit, ay kadalasang hindi makakuha ng kinakailangan nilang pangangalagla. Sa Emirati Hospital, kung saan sinusuportahan ng Doctors Without Borders ang postpartum department, ang mga medical team ay humaharap sa halos isandaang panganganak kada araw, limang beses na mas marami kaysa noong bago nagkaroon ng digmaan. Sa mga klinika ng Doctors Without Borders, dumarami ang mga konsultasyon para sa altapresyon, diabetes, hika, epilepsy at mga kanser. Dumarami rin ang mga pasyenteng humihingi ng paggamot at pagsubaybay. Kaya lang, kapag lumala ang kanilang kondisyon at mangailangan sila ng paggamot ng mga dalubhasa o ng mga di-pangkaraniwang kagamitan na mahirap makuha sa Gaza, hindi sila matutulungan nang lubusan. Karamihan sa mga medical referral sa Gaza ngayon ay naaantala, o mas malala, hindi posible.
Ang kalusugang pangkaisipan ng mga nasa Gaza – kabilang na rito ang medical staff – ay gutay-gutay na rin. Marami sa mga dumarating sa mga klinika ng MSF ay may mga sintomas na dulot ng pagkabalisa at stress, katulad ng mga psychosomatic at depressive na kondisyon. Ang ibang mga tagapangalaga ng kanilang mga kapamilya na may malalang sakit sa isip ay gumagamit na ng malalakas na gamot para sa pagpapakalma ng mga pasyente, panatiliin silang ligtas, at mapigilan sila na manakit ng iba o saktan ang kanilang mga sarili. Ito’y dahil sa kakulangan ng mga dalubhasang serbisyo sa Gaza.
Para sa Doctors Without Borders, malaking hamon ang magsumikap na suportahan ang nawasak na sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa Gaza dahil sa kawalan ng seguridad. Hinarap din ng Doctors Without Borders ang mga di-birong hamon sa paghahatid ng medical supplies at humanitarian aid sa Gaza dahil sa mga pagkaantala at paghihigpit ng mga awtoridad na Israeli, na detalyadong inilarawan sa annex ng ulat.
“Bilang isang pandaigdigang emergency medical organisation, taglay namin ang kadalubhasaan at kakayanan na gumawa nang higit pa, at palakihin ang aming pagtugon. Ang mga Palestinong medical staff ay mahuhusay. Kailangan lamang silang mabigyan ng daan upang makapagtrabaho sa mga kondisyong katanggap-tanggap at may dignidad upang sila’y makapaggamot at makasagip ng mga buhay. Ngunit ngayon, ang lahat ng ito ay imposibleng mangyari. Hangga’t walang agaran at pananatiliing ceasefire, at pagpasok ng makabuluhang humanitarian assistance, patuloy nating masasaksihan ang pagpanaw ng mas maraming tao.”Sylvain Groulx, Emergency Coordinator
Tungkol sa aming mga ginagawa sa Gaza:
Ang Doctors Without Borders ay kasalukuyang nagpapatakbo ng tatlong ospital sa Gaza: ang Al-Aqsa Hospital (Middle Area), ang Rafah Indonesian field hospital at Emirati maternity hospital (South Gaza), at ng tatlong pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan sa Al-Shaboura at Al-Mawasi, sa Rafah.
Ang mga Doctors Without Borders medical team ay nagbibigay ng suporta sa mga pag-opera, ng pangangalaga para sa mga sugat, physiotherapy, post-partum care, pangunahing pangangalagang pangkalusugan, pagbabakuna, at mga serbisyong para sa kalusugang pangkaisipan. Ngunit ang mga sistematikong pagkubkob at mg utos upang lisanin ang mga ospiital ay naglalagay ng limitasyon sa aming mga gawain, sa lugar na aming naaabutan ng tulong, at sa aming kakayahang tumugon sa mga pangangailangan ng mga tao.
Nagbibigay rin ang Doctors Without Borders ng 300 cubic metres ng malinis na tubig kada araw sa iba’t ibang lugar sa Rafah at patuloy ang aming pagsusumikap na madagdagan ito. Noong Marso 28, nagbukas ang Doctors Without Borders ng bagong desalination plant sa Al-Mawasi.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.