Skip to main content

    Sudan: Tumutugon ang Doctors Without Borders sa mga pangangailangang medikal, at naghahanda para sa pagdagdag at pagpapalaki ng mga aktibidad

    MSF flag
    Nang magkaroon ng sandaling natigil ang labanan, nakapagbigay ang Doctors Without Borders ng donasyong mga medical supplies sa isang pasilidad pangkalusugan sa Khartoum noong Linggo, ika-23 ng Abril. Nakikipag-ugnayan kami sa mga ospital, sa mga awtoridad, at sa mga asosasyong sumusubok na magbigay ng mga supplies sa mga karagdagang ospital at pasilidad na nasa kabisera. Ngunit ito’y tila imposibleng mangyari hangga’t patuloy ang labanan. 
    Dr Ghazali Babiker, Country Director
    Scenes from within South Hospital, El Fasher, North Darfur, where multiple people have been wounded in the fighting. Sudan, April 2023. © MSF/Ali Shukur

    Scenes from within South Hospital, El Fasher, North Darfur, where multiple people have been wounded in the fighting. Sudan, April 2023. © MSF/Ali Shukur

    Sa El Fasher, maraming sugatan ang nagsidatingan sa ospital na sinusuportahan ng Doctors Without Borders. Walang tigil ang aming mga team sa pagtatrabaho upang gamutin ang mga nasaktan. Sa ngayon, 404 na tao ang nakarating sa ospital—ang tanging pasilidad pangkalusugan na lang sa buong siyudad na bukas at tumatakbo.

    Libo-libong tao na ang tumakas mula sa Khartoum at pumunta sa Wad Madani.  Pinag-aaralan ng mga team ng Doctors Without Borders, pati ng aming mga staff mula sa Khartoum at mula sa aming proyekto sa Damazin, kung ano ang pinakamabuting gawin upang tumugon sa mga pangangailangan doon.

    Ang mga iba pang pasilidad na sinusuportahan ng Doctors Without Borders ay patuloy pa rin sa paggamot sa mga pasyente sa Damazin, Blue Nile State, Omdurman, Khartoum State, sa Kreinik at El Geneina sa West Darfur, sa Rokero, Central Darfur, Um Rakuba at sa estado ng Gedaref sa silangang Sudan.

    Hindi kami bibitiw sa pangako naming magbibigay kami ng kinakailangang pangangalagang pangkalusugan sa mga taga-Sudan, lalo na sa mga mapanghamong sandali na ito. Pero upang magawa namin iyon, kailangan naming matiyak ang kaligtasan at seguridad ng aming staff at mga pasyente.

    “Ang mga bihasang emergency team ng Doctors Without Borders ay nakaantabay, handang pumasok sa Sudan kapag kaya na nilang suportahan ang aming mas pinalaking mga aktibidad. Ang ibang mga team ay kasalukuyang naghahanda at tinutukoy ang mga pinakamainam na paraan upang makapagpadala ng medical at humanitarian supplies sa bansa,” ayon kay Kate Nolan, Doctors Without Borders Deputy Director of Operations.

    Pagkatapos ng mahigit isang linggo ng pagsilong upang makaiwas sa umaatikabong kaguluhan sa Sudan, ang ilan sa aming mga team ay lumipat na sa mga mas ligtas na lugar, habang ang iba naman ay nagbabalak nang umalis ng bansa. Ang ibang staff naman ay dinala ang kanilang mga pamilya sa mas ligtas na lugar, at kadalasa’y pumupunta sila sa mga lugar kung saan sila’y may kamag-anak. May komunikasyon pa rin kami ng lahat ng mga miyembro ng aming mga team. Ang kaligtasan ng aming staff ay isa sa aming mga prayoridad, at nagpapasalamat kami sa suportang aming natanggap upang ligtas naming mailipat ang aming mga team.

    Muli kaming nananawagan sa lahat ng sangkot sa karahasan na tuparin ang kanilang mga obligasyon sa ilalim ng pandaigdigang humanitarian law na tiyaking ligtas ang mga medical personnel at ang mga pasilidad pangkalusugan, na pahintulutang makadaan ang aming mga team, ang mga ambulansiya, at ang mga sibilyang naghahanap ng pangangalaga, at padaliin ang pagkilos ng mga tagapaghatid ng humanitarian assistance.
    Dr Abubakr Bashir Bakri, Ops. Manager
    Categories