Skip to main content

    Mga pasilidad ng Doctors Without Borders, ninakawan; mga gawaing medikal, naantala dahil sa karahasan sa Sudan

    Doctors Without Borders vehicles stripped of its tires after the warehouse in Khartoum was looted and occupied by armed men. Sudan, May 2023. © MSF

    Ninakawan ng mga gulong ang mga sasakyan ng Doctors Without Borders matapos looban ang warehouse sa Khartoum ng mga armadong lalaki. Sudan, Mayo 2023. © MSF

    Mula noong nag-umpisa ang matinding labanan sa pagitan ng Sudanese military at ng Rapid Support Forces noong Abril 5, ang Doctors Without Borders, na nagpapatakbo ng mga proyektong medikal sa sampung estado sa Sudan, ay nagsusumikap na palakihin pa ang aming pagtulong. Ngunit ang aming mga pagsusumikap ay laging nahahadlangan ng karahasan, ng mga agresibong armadong pagsalakay, pandarambong o amadong pagsakop sa aming mga pasilidad, at pati na rin ang mga hamon sa pangangasiwa at sa lohistika.   

    Nananawagan ang Doctors Without Borders sa lahat ng mga may alitan na tiyaking nasa mabuting kalagayan ang mga medical personnel at mga pasilidad pangkalusugan, pahintulutang ligtas na makadaan ang mga ambulansiya at ang mga taong nangangailangan ng pangangalagang pangkalusugan, at gawing mas madali ang access upang makakilos nang mabilis at walang hadlang ang mga humanitarian worker, organisasyon, at maging ang mga pumapasok na supplies. Bagamat inanunsiyo ang isang pambansang ceasefire sa pagitan ng dalawang magkatunggali noong Mayo 20, kadalasa’y hindi ito iginagalang.   

    “Nakararanas tayo ng paglabag sa mga prinsipyong humanitarian at lumiliit ang nakalaang lugar para makapagtrabaho ang mga humanitarian sa sukat na bihira ko lang makita,” sabi ni Jean-Nicolas Armstrong Dangelser, ang Doctors Without Borders Emergency Coordinator sa Sudan.   
     

    Pagkatapos nakawan ang isa naming medical warehouse sa Khartoum, tinanggal ng mga magnanakaw sa pagkakasaksak ang mga refrigerator at inalis ang mga laman nitong gamot. Dahil dito, nasira ang mga naturang gamot at di na magagamit pa. Nakakagulat at kahindik-hindik ang mga pangyayaring ito. Maraming mga tao ang desperado na, at ang pangangailangan para sa pangangalagang pangkalusugan ay nasa kritikal nang antas, pero dumagdag pang pasakit ang ginawa ng mga taong ito. Walang saysay ang mga aksyon nila.
    Jean-Nicolas Armstrong Dangelser

    May ilan nang insidenteng nakaapekto sa Doctors Without Borders sa Sudan mula noong nag-umpisa ang alitan, kagaya ng mga ito: 

    • Sa pagitan ng Mayo 16 at 20, ang bodega ng Doctors Without Borders sa Khartoum ay ninakawan at sinakop. Ninakaw ang medical supplies, gasolina at mga sasakyan. Ang mga gamot ay nasira. 
    • Sa pagitan ng Mayo 17 at 23, ang opisina ng Doctors Without Borders sa Zalingei, Central Darfur, ay ninakawan at ganoon din ang Zalingei Teaching Hospital. Nasira ang isang generator at ang gasolinang binigay ng Doctors Without Borders ay ninakaw rin. 
    • Noong Mayo 19, tatlong kotse ng Doctors Without Borders ang ninakaw ng mga armadong kalalakihan pagkatapos nilang pasukin ang opisina ng Doctors Without Borders sa Khartoum. 
    • Noong Mayo 18, ninakawan din ang guesthouse ng Doctors Without Borders sa Nyala, South Darfur. Napilitan isuspinde ng Doctors Without Borders ang aming mga aktibidad sa South Darfur matapos ang bayolenteng nakawan na naganap sa aming compound at bodega sa Nyala noong Abril 16. Dalawang sasakyan ang ninakaw. Hanggang ngayon, ang aming bodega ay okupado ng mga armadong kalalakihan. 
    • Noong Mayo 11, ang opisina ng Doctors Without Borders sa Khartoum ay ninakawan. Dalawang sasakyan ang tinangay.
    • Noong Mayo 4, ninakawan ang opisina ng Doctors Without Borders sa El Geneina.   
    • Noong Abril 26, ang El Geneina Teaching Hospital, kung saan ang Doctors Without Borders ang namamahala sa paediatric and nutrition departments, ay ninakawan din. May mga ilang bahagi ng ospital ang nasira o sinira. Dahil dito, sarado pa rin hanggang ngayon ang ospital.  

    Hindi lang Doctors Without Borders ang nakararanas ng mga ganitong insidente ng karahasan. Ito’y bahagi ng isang mas laganap na kalakaran kung saan ang mga magkatunggaling panig ay hindi inaalintana ang mga buhay ng mga sibilyan, at ang mga maaaring mangyari sa mga imprastruktura at mga pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan. Nitong Mayo 22, naitala ng WHO ang 38 na insidente ng pag-atake sa pangangalagang pangkalusugan mula noong nagsimula ang alitan sa Sudan. Ang mga ospital at healthcare workers ay protektado ayon sa international humanitarian law, ngunit may mga ulat ng pag-okupa ng mga armadong grupo sa mga ospital na maaaring maglagay sa mga pasyente, healthcare workers, at maging sa mga istruktura sa panganib.  

    Nangyayari ito sa panahong ang hindi pagkakaunawaan ay may matinding epekto sa mga tao sa Sudan. Ang mga tao sa Khartoum, Darfur at iba pang mga lugar kung saan matindi ang mga labanan ay patuloy na nagdurusa dahil sa nagaganap na karahasan. Marami ang mga nagiging biktima ng pamamaril, karahasang sekswal, pananaksak at mga pagsabog. Dahil may mga labanan, airstrikes at iba pang mga insidente ng karahasan na nagaganap malapit sa mga pasilidad pangkalusugan, maaaring katakutan na ng mga pasyente at staff ang pagpunta rito. 

    Boxes of ruined Oxytocin, medication used for for prevention and treatment of postpartum haemorrhage for women giving birth, after looters unplugged the fridges in Doctors Without Borders warehouse, as they needs to be kept under cold chain. Sudan, May 2023. © MSF

    Ang mga kahon ng mga nasirang Oxytocin, isang gamot para sa pagpigil at pagbibigay-lunas sa postpartum haemorrhage na nararanasan ng mga kababaihan matapos silang manganak, matapos tanggalin ng mga magnanakaw ang mga refrigerator sa pagkakasaksak sa bodega ng Doctors Without Borders. Nasira ang mga ito dahil kailangan itong mapanatiling nasa mababang temperatura. Sudan, Mayo 2023. © MSF

    Sa buong bansa, ang mga tao ay nakararanas ng kakulangan ng pagkain at inuming tubig, kaya napipilitan ang mga taong lumipat lagi para matugunan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan. Ang access sa suportang humanitarian at pangangalagang pangkalusugan ay mahalaga, ngunit ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan ng Sudan ay nahihirapan na dahil sa kakulangan ng supplies.    

    Ang mga hamon sa pangangasiwa at lohistika ay nakakasagabal din sa mga aktibidad ng Doctors Without Borders. Ang pagdadala ng mga supplies mula sa isang bahagi ng Sudan patungo sa ibang lugar ay napakahirap. Bagama’t ang Doctors Without Borders ay nakapagdala ng mga emergency team sa Sudan noong mga unang linggo ng digmaan, ngayo’y isang malaking hamon na ang makakuha ng permiso upang pumunta sa mga lugar kung saan nagsasagawaa ng mga proyekto, at mahirap ding makakuha ng visa para sa mga karagdagang staff.  

    Nagpapatakbo ang Doctors Without Borders ng mga proyektong medikal sa mga estado ng Al-Jazeera, El-Gedaref, Kassala, Khartoum, Red Sea, North, West, South at Central Darfur, at Blue Nile sa Sudan. Kasama rito ang paggamot ng mga taong nasugatan sa digmaan sa Khartoum at North Darfur, pagbibigay ng pangangalagang pangkalusugan at mga water and sanitation services para sa mga refugee at sa mga taong nawalan ng tahanan sa mga estado ng Al-Gedaref at Al Jazirah, at pagbibigay ng mga donasyong medikal at iba pang supplies sa mga pasilidad pangakalusugan. Bilang isang organisasyong medikal na walang kinikilingan, malaya at walang kinakampihan, ang Doctors Without Borders ay nagbibigay ng pangangalagang pangkalusugan na nakabatay lang sa mga pangangailangan ng tao. Ginagamot namin ang mga pinakanangangailangan, nang hindi isinasaalang-alang kung saang panig sila kabilang.   

    Categories