Sudan: 240 pasyenteng may trauma, ginamot sa Khartoum hospital
Dumadami ang mga pasyenteng dumadating sa Bashair Hospital dahil ito lang ang mapupuntahang ospital sa southern Khartoum. Sudan, May 2023. © MSF/Ala Kheir
Ang isang team ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) na nagtatrabaho kasama ang mga Sudanese staff at mga boluntaryo sa isang ospital sa South Khartoum ay nakapaggamot ng 240 na pasyenteng may trauma sa loob lamang ng isang linggo. Marami sa kanila ang nabaril, o di kaya’y nasaktan dahil sa mga pagsabog na dala ng mga nagaganap na airstrikes at shelling sa ilang mga lugar sa kabisera.
Mula noong ika-15 ng Abril 2023, nang sumiklab ang matinding labanan sa Khartoum, ang kabisera ng Sudan, at kumalat ang karahasan sa ibang mga bahagi ng bansa, nahirapan na ang mga ospital at mga pasilidad pangkalusugan na ipagpatuloy ang kanilang pagbibigay ng serbisyo. May mga pasilidad na nawasak, samantalang ang iba nama’y kinulang sa staff matapos tumakas ang mga ito mula sa kaguluhan. Ang Bashair Teaching Hospital sa South Khartoum ay napilitan ding magsara nang pansamantala.
Ang mga doktor, nars at ang mga kabataan mula sa komunidad ay nagdesisyong subukang buksang muli ang ospital pagkatapos itong isara dahil sa pag-alis ng mga staff na nangangamba para sa kanilang kaligtasan. Noong dumating ang surgical team sa South Khartoum, ang inabutan namin ay isang ospital kung saan ang mga nagtatrabaho ay ginagawa ang lahat ng kanilang makakaya nang walang pag-aalinlangang makipagsapalaran kung kinakailangan. Kapit-bisig kami sa pagsusumikap na makapagbigay ng pangangalagang pangkalusugan at makasagip-buhay na surgical care sa mga tao rito.Will Harper, emergency coordinator
“Magulo ang sitwasyong naabutan namin dito,” sabi ni Dr. Hisham Eid ng Doctors Without Borders. “Hindi tumatakbo ang ospital. May iilang doktor at mga boluntaryo na ginagawa ang lahat ng kanilang makakaya upang mabigyang lunas ang napakaraming pasyente kahit na kulang na kulang sila sa supplies, at wala pang kuryente. Mabuti -buti na ang sitwasyon ngayon, at nabibigyan na namin ng sapat na atensyon ang maraming mga pasyente.”
Mula noong nag-umpisang magtrabaho ang team ng Doctors Without Borders sa ospital noong Mayo 9, mahigit 240 na surgical procedures na ang kanilang naisagawa, at kasama rito ang kung minsa’y umaabot ng 4 na major procedures sa isang araw. Karamihan sa mga kaso ay masalimuot at kritikal.
“Nakakita kami ng ilang mga pasyenteng may mga sugat dahil sa pagbaril at pagsaksak. Sila’y nasa kritikal na kondisyon, at hindi sila mabubuhay kung di sila ooperahan,” sabi ng surgeon ng Doctors Without Borders na si Shahzid Majeed. “Ang mga napinsala ay ang dibdib, papunta sa tiyan, sa atay, sa pali, sa bato, at sa bituka. Nakapagsagawa na rin kami ng vascular reconstructive surgery dito, na kung di nagawa’y maaaring ikinamatay ng pasyente o di kaya’y maging dahilan ng pagkawala ng isa niyang paa.
Sinusubukan ng Doctors Without Borders staff at mga boluntaryo na makapagtrabaho gamit ang kahit ano lang ang meron, upang tumakbo ang ospital. Sudan, May 2023. © MSF/Ala Kheir
Hindi madaling tiyakin na ang aming surgical team at ang iba pang mga medical professional ay may tamang supplies upang patuloy kaming makapagbigay ng pangangalagang medikal na makasasagip ng buhay. Ang Doctors Without Borders at ang iba pang mga organisasyon ay nagbibigay ng mga medical supplies sa mga ospital sa Khartoum at sa ibang mga lugar mula sa stocks na dati nang nasa bansa. Ang mga pagkaantala sa pagpapadala ng mga supply sa mga lugar sa Sudan kung saan ito pinakakailangan ay itinuturing na seryosong hamon sa lohistika at pangangasiwa. Isa sa pangunahing alalahanin dito ay ang gasolina para sa mga generator, dahil sa ngayon ay aandap-andap ang supply ng kuryente.
“Napabuti na namin ang kalidad ng pangangalaga at napaunlad namin ang kapasidad ng mga boluntaryo at ng staff dito. Nakapagsagawa na kami ng multiple major surgical interventions – mga kumplikadong operasyon – dahil sa karahasan. Pero nariyan din ang pagpapabuti ng post-operative care, infection control, at lahat ng mga bagay na hamon sa kahit saang ospital. Mas malaking hamon ito para sa amin dahil limitado ang aming tubig, kuryente, at medical supply,” sabi ni Will Harper, ang Emergency Coordinator ng Doctors Without Borders.
Inihahanda ng isang anesthetist ang pasyente para sa isang operasyon kung saan tatanggalin ang bala sa kanyang katawan sa Bashair Hospital sa Khartoum. Sudan, May 2023. © MSF/Ala Kheir
Dahil mukhang matatagalan pa bago maresolba ang alitan sa Sudan, kailangang makarating ang mas maraming supplies at medical staff sa mga lugar na pinakanangangailangan upang makatiyak na ang mga taong nabubuhay at nasasaktan dahil sa karahasan ay makakakuha ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal.
Ang mga surgical activity sa Khartoum ay isa sa mga proyekto ng Doctors Without Borders na kasalukuyang pinatatakbo sa mga estado ng Khartoum, North Darfur, West Darfur, Central Darfur, Al-JAzeera, Blue Nile, at Al-Gedaref. Kasama rito ang pagpapatakbo at pagsusuporta sa mga ospital at mga klinika, pagpapatakbo ng mga mobile clinic, pagbibigay ng non-food items, at ang pagsagawa ng water and sanitation activities. Ang Doctors Without Borders ay naninindigang mananatili sa Sudan at magpapatuloy sa pagbibigay ng tulong medikal at humanitarian para sa mga taong apektado ng krisis.