Sino ang magtataguyod sa mga Rohingya? Mga marahas na refugee policies, dapat nang wakasan
Rohingya refugee Nur Huda and his daughter Hosna, have been living in a small, bamboo shelter in Jamtoli camp in Cox’s Bazar district, Bangladesh, for the past five years. Nur Huda fled from his village in Myanmar with his family of six after violence broke out. “It took us 14 days to reach Bangladesh. My children were starving and dehydrated when we reached Bangladesh.” Bangladesh, June 2022. © Saikat Mojumder/MSF
Halos tatlumpung taon na akong naging saksi ng mga emergency at humanitarian crisis. Pero habang nakatayo ako sa aming ospital sa burol ng Cox’s Bazar, Bangladesh, na ngayo’y siya nang pinakamalaking refugee camp sa buong mundo, nagulat pa rin ako sa laki ng kampo. Tila nakabalot ang samu’t saring pagkatao sa kawayan at plastik, at pinalibutan ang mga ito ng kilo-kilometrong alambre.
Ika-limang taon na mula noong nagsimula ang brutal na kampanya ng karahasan ng mga militar ng Myanmar, at bumabalik sa aking alaala ang kuwento ng isang inang Rohingya na may anim na anak. Sabi niya, “Pinagpapatay ng mga militar ang mga Rohingya at sinunog ang aming mga tirahan... ngayon dito na kami nakatira sa mga refugee camp. Limang taon na kaming nabubuhay nang balisa...”
Ang kapalaran ng mga Rohingya – inusig sa Myanmar, pinatira nang may pagpigil sa Bangladesh, puwersahang dinala at nakatira nang ilegal sa Malaysia at ibang mga lugar – ay tila isang pressure cooker na painit nang painit, ngunit walang gustong magtanggal nito mula sa lutuan.
Ang paraan ng pagtulong ng Bangladesh, ang tanging bansa na nagpapapasok at nagbibigay ng matitirhan sa mahigit isang milyong Rohingya, ay mahirap mapanatili, lalo na sa aspeto ng paghahanap ng pondo. Ngayong limang taon na ang nakalilipas, ang tugong humanitarian ay kinakailangang unti-unting baguhin mula sa pagbibigay ng sapat lang na mga emergency service tungo sa pangmatagalang realidad ng resettlement, o ang pagkakaroon nila ng panibagong tirahan.
Para sa Bangladesh, ang ganitong pagbabago sa patakaran ay hindi posible. Ang gusto nila—at may sapat na dahilan naman para kanilang naisin ito—ay bumalik na ang mga Rohingya sa Myanmar, kahit na apatnapung taon na mula noong tinanggalan ang mga ito ng citizenship. Ito rin naman ang gusto ng bawat Rohingya na nakausap ko. Pero mula noong sinunggaban ng militar ang kapangyarihan sa Myanmar noong Pebrero 2021, patuloy pa rin ang digmaan sa loob ng bansa hanggang ngayon. Sa Rakhine, umiigting ang tensyon sa pagitan ng militar at ng hukbong Arakan. Alam ng aming mga taong naroon na ang pamumuhay sa Rakhine ay hindi katanggap-tanggap, at hindi maituituring na responsableng desisyon ang ibalik ang mga Rohingya sa rehiyon.
Dagdag pa rito, tinatrato ang mga Rohingya sa rehiyon bilang mga ilegal na migrante at sila’y pinagsasamantalahan ng mga taong gustong makinabang sa kanilang delikadong katayuan. Sa Malaysia at Indonesia, ang mga Rohingyang dumadating lulan ng mga bangka ay hindi tinatanggap. Ang iba sa kanila’y iniiwan sa karagatan nang ilang buwan at may mga namamatay dahil sa init at gutom. Noong Abril ng taong ito, mahigit 500 Rohingya ang tumakas mula sa isang detention centre sa Malaysia, diumano dahil sa kalunos-lunos na kondisyon ng pamumuhay at sa kakulangan ng mga serbisyong medikal.
Pakiramdam ng Bangladesh, tanging sila lamang ang may pasan ng responsibilidad na tumulong sa mga Rohingya, at ito’y di makatarungan para sa kanila. Sumasang-ayon ako sa Bangladesh. Ang mga estado sa rehiyon ay nagiging bahagi pa ng problema, dahil mas nakatuon sila sa seguridad ng kanilang mga hangganan sa halip na sa pakikipagtutulungan upang makahanap ng solusyon sa mga problema ng Rohingya. Tila nawalan na ng gana ang ASEAN, wala na silang bagong ideyang gustong subukan at wala ring gustong manguna sa paglutas ng isang lumalalang problema.
Kamakailan lamang, ang scabies outbreak at ang tumataas na bilang ng mga nagkaka-dengue sa mga kampo ay indikasyon ng mga emergency health needs ng populasyon, habang ang taun-taong pagdami ng mga konsultasyon ukol sa kalusugang pangkaisipan at mga hindi nakahahawang sakit sa mga pasilidad ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ay nagpapakita rin ng pagtagal ng krisis. Ayon sa aming mga mental health professionals sa Cox’s Bazar, nakakaupos ang kaalaman na hindi nila maaalis ang pinakaugat ng mga problema ng mga tao sa kalusugang pangkaisipan. Pagkatapos ng isang psychosocial session, babalik na naman ang mga pasyente sa isang buhay na walang inaasahan, at sa mga siksikang kampo na araw-araw ay nagiging mas delikado para sa kanila.
Madaling sabihin na maituturing na tagumpay ang tugong ito. Nabawasan ang mga namamatay, naibsan ang mga paghihirap, at nagkaroon ng kaayusan sa gitna ng kaguluhan. Ngunit dapat nating tanungin ang ating mga sarili: nagiging kasabwat ba tayo sa isang sistema na pumipigil (nanunupil? o baka nga apartheid pa?) sa isang populasyon na walang ibang mapupuntahan?
Ang realidad ay sinusubukan nating punan ang mga kakulangan ng Myanmar upang maiwasto ang mga pagkakamali nito. Nagsusumikap din tayong makaya ang kapalit ng di pagkilos, ang kawalan ng pagsusumikap ng mga estado sa rehiyon at ng pandaigdigang komunidad na makahanap ng mga pangmatagalang solusyon, o kahit mga pansamantalang solusyon na makabubuti pa rin naman.
Sa lahat ng ito, lubos na nagpapasalamat ang mga Rohingya sa Bangladesh sa pagbibigay sa kanila ng masisilungan, sa gitna ng kawalan nila ng pag-asa. Hindi nila tinitingnan ang kanilang mga sarili bilang walang estado. Sa halip, nakikita nilang sila ay tinanggalan sila ng karapatan sa isang estado at rehiyon na ayon sa kanilang mahabang kasaysayan ay kanila. Karamihan sa kanila’y gustong bumalik, ngunit hindi nila ilalagay ang kanilang mga anak sa panganib na makuha, nang may posibilidad na di na nila makitang muli.
Habang nakatanaw mula sa Doctors Without Borders’ Hospital on the Hill, napagtanto ko na dapat nating labanan ang umaapaw at nakapanghihinang pakiramdam na hindi na natin ito maaayos. May mga puwede tayong gawin. Isang magandang simula ang pagwawakas ng mga marahas na refugee policies sa rehiyon.
Ang bagong pamahalaan ng Australia ay maaaring manguna sa pagtataguyod ng humanity at pagkakaisa, simula sa mga Rohingya. Maaari nilang himukin ang Malaysia at Bangladesh na buksan ang mga daan para sa resettlement ng mga Rohingya. Maaari ring magkaroon ng pagbabago sa anti-human traffic support ng Australia sa rehiyon upang maging mas bukas sa mga taong maituturing na mga refugee at karapat-dapat bigyan ng karagdagang proteksyon.
Kailangang mas maging bukas ang Malaysia at Thailand sa pagtanggap ng mga refugee. Hindi sila puwedeng tratuhin bilang mga irregular economic migrant. Bagamat parehong nasa panganib, ang mga refugee ay nangangailangan ng matatakbuhan nila mula sa pag-uusig at ng espesyal na proteksyon.
Dapat manatiling bukas ang mga diplomatic channel sa pakikitungo sa Myanmar, at kailangang magkaroon ng mas malakas at komprehensibong stratehiyang pang-rehiyon at pandaigdigan, na kanilang ipatutupad sa pangunguna ng China. Maaaring manguna ang China sa mga negosasyon para sa ligtas na pagbalik ng mga Rohingya mula sa Bangladesh, nang may pagsaalang-alang kung paano mapapalitan ang mga nawala nilang ari-arian at kabuhayan. Ang pagbalik ng mga Rohingya ay di lamang isang palabas ng mga namumulitika. Kailangang kasama rito ang mga posibleng solusyon sa mga isyung hinaharap nila.
Kung hindi maisasakatuparan ang makahulugan at ligtas na pagbabalik nila sa Myanmar, ano kaya ang magiging kinabukasan ng mga Rohingya? Gaano katagal maaaring manatiling buhay ang mga taong walang gaanong proteksyon at pag-asa? Naiipon ang trauma. Pagkatapos ng apatnapung taong walang estado at hustisya, nangangamba akong ang binibigay nating pangangalaga ay sapat lamang upang mapanatiling buhay ang mga tao sa gitna ng kawalan ng pag-asa.
Ano pa ba ang nararanasan ng mga Rohingya? Magbasa dito.
Ang Doctors Without Borders ay isang pandaigdigan at independent medical humanitarian organisation na naghahatid ng emergency medical aid sa mga taong apektado ng mga alitan, epidemya, kawalan ng pangangalagang pangkalusugan, at mga trahedyang dulot ng kalikasan o gawa ng tao.
Si Paul McPhun ang kasalukuyang Director ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) regional South-East & East Asia Pacific Partnership (SEEAP). Saklaw nito ang Indonesia, Malaysia, Pilipinas at Thailand. Bago ito, nagsilbi siya bilang Executive Director ng MSF Australia mula 2010 hanggang 2020. Mula pa noong 1997 ay nagtatrabaho na siya sa iba’t ibang kapasidad para sa mga proyekto ng Doctors Without Borders.