Search and Rescue: Ano ang iyong dadalhin?
Sinagip si Dilba ng Doctors Without Borders noong Pebrero 5, 2024 habang sinusubukan niyang tumawid ng Mediterranean Sea lulan ng isang siksikang bangkang gawa sa kahoy, kasama ang 130 na tao. Mediterranean Sea, Pebrero 2024. © Mohamad Cheblak/MSF
Mula 2015, nagsasagawa ang Doctors Without Borders ng mga search and rescue mission sa Central Mediterranean Sea. Noong Mayo 2021, sinimulang gamitin ng aming team ang Geo Barents rescue vessel, na mula noo’y nakasagip na ng mahigit 11,300 na tao. Ang bawat pagsagip ay may dalang hindi mabilang na mga buhay, mga kuwento, at mga alaala.
Napilitang lisanin ng mga tao ang kanilang mga tahanan at iwan ang lahat ng kanilang ari-arian sa kanilang paghahanap ng proteksyon at kaligtasan. Lagi naming tinatanong ang mga survivor at ang aming mga pasyente: Ano ang inyong dinadala?
Si Amer* at ang kayang kapatid na si Khalil*, 26 taong gulang, ay tumira sa Damascus, Syria hanggang 2021. Mula rito’y umalis sila papuntang Libya upang subukang tumawid sa Mediterranean Sea. Sina Amer* at Khalil* ay sinagip ng Doctors Without Borders noong Nobyembre 30, 2023 mula sa isang fiberglass na bangka. Mediterranean Sea, Disyembre 2023. © Mohamad Cheblak/MSF
Amer*, 31 taong gulang, mula sa Syria
“Sa ilang kabanata ng aking buhay, noong ako’y nagdurusa at muntik nang sumuko, ang mga maliliit na bagay na ito ang nagbigay sa akin ng pag-asa. Pinapaalala nila sa akin kung bakit ako lumipat dito— upang makahanap ng mas magandang kinabukasan para sa akin at sa aking kasintahan, na hinihintay ako sa aming bansang sinilangan. Maraming dalang alaala at kahulugan ang mga gamit na ito. Dala ko ito noong tumawid ako sa disyerto at naglakad sa mga lambak. Ang kahoy na ito ay nasira na dahil sa init at kahalumigmigan, ngunit aayusin ko ito. Ibinigay sa akin ng kasintahan ko ang kuwadernong ito dahil mahilig akong magsulat ng mga tula at iba’t ibang anyo ng literatura.”
*pinalitan ang kanilang mga pangalan
Nilisan ni Precious ang kanyang bansa noong Enero 2022 dahil sa paglala ng karahasan at dahil sa kawalan ng katatagan ng sitwasyong pulitikal. Sampung buwan siya sa Libya, kung saan siya’y nakaranas ng karahasan, at siya rin ay nakulong. Iniligtas siya ng Doctors Without Borders noong gabi ng Oktubre 15, 2023 mula sa isang siksikang rubber boat. Ito ang kanyang ikaapat na pagsubok na makatawid sa dagat upang marating ang Europa. Mediterranean Sea, Oktubre 2023. © Mohamad Cheblak/MSF
Precious, 27 taong gulang, mula sa Nigeria
“Nangamba ako na mawala ang aking SIM card, dahil nandoon ang lahat ng mga numero ng aking mga kapamilya at mga mahal sa buhay. Prinotektahan ko ito sa pinakamahirap na mga sandali ng aking paglalakbay; ito lang ang tangi kong kaugnayan sa mga taong iniwan ko sa aking bansa. Noong kami’y ikinulong sa Libya, itinago ko ito sa pagitan ng mga tahi ng aking T-shirt. At nagtagumpay naman ako, hindi nila ito nahanap. Nasa akin pa rin ang SIM card, na lubos kong ipinagpapasalamat.”
Si Khadijah ay dating nagtatrabaho bilang serbidora sa mga okasyong gaya ng mga kasal sa Libya. Namatay ang kanyang unang asawa at ang kanyang mga magulang sa isang pagbobomba sa Libya. Pagkatapos nito at ng iba pang mararahas na insidente, nagdesisyon siyang lisanin ang bansa. Sinubukan nina Khadija, ng kanyang pangalawang asawa at ng kanilang mga anak na babae na tumawid sa Mediterranean Sea sa unang pagkakataon noong Hulyo 2023, ngunit sila ay pinigilan ng Libyan Coast Guard at ikinulong sila sa isang detention centre. Ang pamilya ni Khadijah ay sinagip ng Doctors Without Borders noong Nobyembre 30, 2023. Mediterranean Sea, Disyembre 2023. © Mohamad Cheblak/MSF
Khadijah, 35 taong gulang, ipinanganak sa Morocco ngunit dating nakatira sa Libya
"Ang mga bag na ito ay mahalaga para sa akin. May mga laman itong mga iba’t ibang tradisyonal na halamang gamot (lavender, celery, clove, cress) na inihanda ng aking lola. Ginagamit namin ang mga ito sa Morocco para sa buhok at balat, at mayroon din para gamiting pantunaw ng kinain. Wala na kaming natitirang kaugnayan sa aming pamilya, lalo na sa aking lola, maliban dito. Noong nasa bangka kami, hindi ko inaalala ang aking mga dokumento. Nakatuon lang ako sa mga bag na ito.”
Si Hamid ay mula sa rehiyon ng Punjab sa Pakistan. Nilisan niya ang kanyang bansa noong 2022. Una niyang pinuntahan ang Dubai, at pagkatapos ay ang Ehipto at Libya. Sa Libya, nagtrabaho siya sa isang gasolinahan bago niya sinubukang tumawid sa dagat. Sinagip si Hamid ng Doctors Without Borders, kasama ang mahigit 50 na mga tao noong Nobyembre 17, 2023. Mediterranean Sea, Nobyembre 2023. © Mohamad Cheblak/MSF
Hamid, 27 taong gulang, mula sa Pakistan
“Ang singsing at ang kuwintas na nasa akin ay iniregalo sa akin ng dalawa kong kapatid na lalaki. Dahil dito, ramdam ko pa rin ang koneksyon ko sa aking pamilya kahit nasaan man ako. Kapag sinusuot ko ang mga alahas na ito, pakiramdam ko ay kausap ko ang aking mga kapatid, na para bang nakikita ko sila. Noong pumunta ako sa Libya, hindi ko isinuot ang singsing o ang kuwintas dahil alam kong kukunin nila ang mga iyon sa akin. Ngunit noong dumating ako sa Geo Barents, ang una kong ginawa ay isuot ang mga ito, dahil ito ay isang mapagkakatiwalaang lugar.”
Si Dilba ay sinagip ng Doctors Without Borders noong Pebrero 5, 2024 habang sinusubukang tumawid sa Mediterranean Sea lulan ng isang siksikang bangkang gawa sa kahoy kasama ang 130 na tao. Mediterranean Sea, Pebrero 2024. © Mohamad Cheblak/MSF
Dilba, 30 taong gulang, mula sa Syria
“Mayroon akong mga larawan ng aking asawa, mga anak, mga kapatid, mga matatalik na kaibigan, at iba pa. Ang pinakamahalagang larawan para sa akin ay ang larawan ng aking ama, na namatay na. Dala-dala ko ang lahat ng mga larawang ito upang mapanatiling buhay ang kanilang mga alaala. Noong nagkaroon ng digmaan sa Syria, lahat kami ay napunta sa iba’t ibang lugar. Napunta ako sa Kobanî. Kinailangan kong tumigil sa pag-aaral, lisanin ang aking barangay, mga kaibigan, at ang lugar kung saan ako lumaki. Ikinalat kami ng digmaan, pero kahit na ilang taon ko na silang hindi nakikita, dahil sa mga larawan, nananatili ang kanilang alaala."
Noong Pebrero 5, 2024, sinagip ng mga team ng Doctors Without Borders ang 134 na mga tao mula sa siksikang bangkang gawa sa kahoy sa Central Mediterranean. Isa si Mohammad sa mga taong iyon. Mediterranean Sea, Pebrero 2024. © Mohamad Cheblak/MSF
Mohammad, 33 taong gulang, mula sa Syria
“Ang sumbrerong ito ay espesyal para sa akin. Hindi ito isang tradisyonal na sumbrero ngunit ito ay napakaganda. Nasa akin na ito mula pa noong umalis ako sa Syria dalawang taon na ang nakararaan. Ibinigay ito sa akin ng aking ina, at ibinilin niya na huwag ko iyong wawalain. Kasama ko ito sa aking paglalakbay, kahit na noong ako’y nakulong. Noong nakakulong ako sa Libya, ginamit ko itong sumbrerong ito para takpan ang aking mga mata upang ako’y makatulog, at nang hindi ko makita ang pagsisiksikan at ang kalagayan ng mga tao. Kung nawala ko ito, walang ibang sumbrerong maaaring pumalit dito.”
Noong Pebrero 5, 2024, sumakay si Madrid kasama ang kanyang asawa, anak na lalaki at ang kanyang biyenan na babae sa isang bangkang hindi matibay mula sa Libya sa kanilang pagsubok na makarating sa Europa. Pagkatapos ng mga labinlimang oras, silang apat ay sinagip ng Doctors Without Borders, kasama ang 130 na tao sa kalagitnaan ng Central Mediterranean. Mediterranean Sea, Pebrero 2024. © Mohamad Cheblak/MSF
Madrid, 28 taong gulang, mula sa Syria
“Matagal na kaming magkakilala ang aking asawang si Moataz. Binigay niya sa akin ang relong ito nang nagsisimula pa lamang ang aming pag-iibigan. Di nagtagal at ikinasal kami. Mula noo’y lagi ko na itong suot. Dinala ko ang relo nang pumunta kami sa Libya, sa kabila ng pangamba kong baka mawala iyon o manakaw. Noong nasa kulungan ako sa Libya, nagkaroon ako ng skin allergy, ngunit di ko pa rin ito tinanggal. Suot ko ito kahit ako’y natutulog, naghuhugas o kahit anong ginagawa ko, dahil sa pamamagitan ng relong ito’y nararamdaman ko ang malakas na koneksyon sa kanya."
Sinagip si Ziyad ng Doctors Without Borders noong Mayo 1, 2024 mula sa isang bangkang gawa sa kahoy na umalis mula sa mga dalampasigan ng Libya. Dalawang taon na mula noong nilisan niya ang Ehipto, at pangalawang beses na niyang susubukang tumawid sa Central Mediterranean. Mediterranean Sea, Mayo 2024. © Stefan Pejovic/MSF
Zeyad, 24 na taong gulang, mula sa Egypt
“Ang isang scorpion, para sa akin, ay may mga espesyal na katangian. Natatangi siya, tulad ng leon o agila. Ang taong nagbigay sa akin ng singsing na ito ay natatangi rin, at espesyal sa akin. Binigyan ako ng singsing na ito ng pag-asa. Hindi suwerte, kundi pag-asa at lakas noong nawawalan ako ng pag-asa at napagsasarhan ako ng mga pinto. Hindi ko kailanman tatanggalin ang singsing na ito. Kahit pag kinasal ako, isusuot ko na lang ang wedding ring sa ibang daliri.”