Skip to main content

    Greece: Ang mga hamon ng pagpapagaling sa ilalim ng mga mahihirap na kondisyon ng pamumuhay

    Image of a plant and fence. Greece, August 2024. © MSF

    "Naiwan sa loob ng bakod, ang pagsusumikap na tumubo o mabuhay sa kabila ng mga paghahadlang." - Mesay*, 27, mula sa Ethiopia. Greece, Agosto 2024. © MSF

    Ang team ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) sa Lesvos Island, Greece, ay nagsagawa ng mahigit 1,500 na konsultasyon para sa kalusugang pangkaisipan sa pagitan ng Enero at Agosto 2024. Ayon sa aming mga sikolohista, marami sa mga pasyente ang nakararanas ng post-traumatic stress disorder, pagkalumbay, at acute stress disorder. Kabilang sa mga sintomas nito ay hirap sa pagtulog, mga flashback, pagkapagod, kawalan ng pag-asa, depersonalisation, kawalan ng kakayahan, at iba pa. 

    Ang kawalan ng dignidad ng pamumuhay sa Closed Control Access Centre (CCAC) kung saan nakatira ang humigit-kumulang 1,200 na tao, na pinapalala ng mga pagpigil sa pagkilos ng mga residente, ay may mapangwasak na epekto sa kondisyon ng kanilang katawan at isipan. Ito rin ay nakadadagdag sa kanilang pagdurusa habang naglalakbay.
     

    "Para sa mga mahihinang tao, gaya ng mga naghahanap ng kaligtasan pagdating sa Lesvos at nakatira sa Closed Control Access Centre, ang World Mental Health Day noong Oktubre 10 ay isang araw para mabigyang-pansin ang mga hamong dala ng mahihirap na kondisyon ng kanilang pamumuhay at ang epekto nito sa kanilang kagalingang pangkaisipan. Nais din naming gamitin ang oportunidad na ito upang bigyang-diin ang kahalagahan ng suporta ng komunidad, at kung ano ang magagawa noon upang makapagtaguyod ng katatagan at makatulong sa paggaling. 

    Ang mga kondisyon ng pamumuhay na hinaharap ng aming mga pasyente ay kadalasang nakababalisa at maaaring magdulot ng matinding epekto sa kanilang kalusugang pangkaisipan.  Marami sa mga indibidwal na aming sinusuportahan ay dala-dala hindi lang ang mga sugat mula sa kanilang paglalakbay o ang kanilang mga karanasan sa kanilang mga lupang tinubuan, ngunit pati na rin ang bigat ng kawalan ng katiyakan ng kanilang kinabukasan. Ang mga tao ay nakararamdam ng pagkawala ng kanilang kalayaang pumili o kontrolin ang kanilang pipiliin. Ang bawat desisyon ay ginagawa para sa kanila – mula sa kanilang kinakain hanggang sa anong oras sila maaaring maligo, batay sa pagkakaroon ng tubig na magagamit. Ang limitadong access sa mga pangunahing pangangailangan gaya ng tubig, pagkain, pangangalagang pangkalusugan, at mga damit, ay lumilikha ng palagiang estado ng kawalan ng seguridad."

    "Samantala, ang mga mismong kondisyon ng pamumuhay ay maaaring magsilbing paalala ng mga nakaraang trauma at makapagdudulot ng pakiramdam ng pagkabalisa."
    Quotes of migrants and refugees in Lesvos Island, Greece.

    "Naiisip n’yo ba na  para sa isang taong naghanap ng kaligtasan sa Lesvos, kahit ang makarinig lang ng malalakas na hangin at mababagsik na alon ng dagat ay maaaring makapukaw ng mga alaala ng traumatikong paglalakbay nila, kung saan lulan ng isang maliit na bangka’y tinawid nila ang Aegean? At ngayon, dahil sila’y pinatira sa isang tolda sa may tabing-dagat, nabubuhay muli sa alaala ng aming mga pasyente ang bangungot na kanilang pinagdaanan.

    Dagdag pa rito, dumadagdag sa kanilang pinapasan ang kawalang katiyakan ukol sa kanilang pagdadaanang proseso upang makakuha ng asylum. Ang kakulangan ng linaw ukol sa mga palakad kaugnay ng kanilang mga papeles ay nakapagpapatindi ng kanilang pagkabalisa at pangamba. Ang pagpapabilis ng mga pamamaraan o ang mga mahahabang prosesong burukratiko ay pinalalala ng hindi pagkakaintindihan dahil sa pagkakaiba sa wika at kultura, na ginagawang kumplikado ang access sa mga serbisyo at nakakasagabal sa pag-unawa ng mga makukuhang suporta. Ang lahat ng ito’y nagpapahirap sa pagtataguyod para sa kanilang mga pangangailangan. 

    Bilang mga sikolohista at mga social worker na nagtatrabaho sa Lesvos, sinisikap naming lumikha ng isang ligtas at sumusuportang kapaligiran, kung saan ang mga pasyente ay malayang makapagbabahagi ng kanilang kuwento. Ipinapahayag ng mga tao sa amin ang kanilang mga nararamdamang stress, pangamba, kawalan, at pagkawala ng pag-asa. Nakapanlulumong makita kung paanong ang lahat ng kanilang nararanasan noon at ngayon ay nakasasama sa kanilang kagalingan, at kadalasa’y nauuwi sa post-traumatic stress disorder, pagkalumbay, pagkabalisa, at psychosis."

    Quotes of migrants and refugees in Lesvos Island, Greece.

    "Nagsusumikap kaming makuha ang tiwala ng aming mga pasyente. Nauunawaan namin na para sa karamihan, ang pagbabahagi ng kanilang pinagdaanan ay nakakatakot at mahirap. Kailangan ding maglaan ng sapat na panahon para sa bawat indibidwal, ngunit kadalasa’y hindi ito posible dahil maaaring bigla silang ilipat mula sa kampo papunta sa mainland. Gayunpaman, ang bawat interaksyon namin sa kanila ay naghahatid ng mga bagong pananaw ukol sa katatagan ng tao. Nilalantad din nito sa amin ang mga hindi mabatang pinagdadaanan ng mga namumuhay sa kampo. 

    Ano ang maaari mong sabihin sa isang ina, na matapos maranasan ang mawalan ng tahanan, maiwang mag-isa, matulog sa isang parke sa Türkiye habang siya’y nagdadalang tao, at ngayo’y nasa isang siksikang kampo kung saan wala siyang ideya kung ano ang kahihinatnan niya at ng kanyang anak?

    Ang mga karanasang ito ay nagbibigay-diin sa kagyat na pangangailangan ng komprehensibong suporta para sa kalusugang pangkaisipan. Ang mga kondisyon ng pamumuhay na hinaharap ng marami ay hindi lang mga hamong pisikal – ito’y mga nagbabantang krisis sa kalusugang pangkaisipan. Mahalagang itaguyod natin ang pag-unlad ng mga kondisyon ng pamumuhay at access sa mga mapagkukunang-yaman para sa kalusugang pangkaisipan ng mga taong nakarating na sa Lesvos. Kailangan nating lumikha ng lugar kung saan pinahahalagahan ang kalusugang pangkaisipan, kung saan posibleng gumaling, at kung saan itinataguyod ang dignidad ng bawat indibidwal. Ipagpatuloy natin ang pagtutulungan upang matiyak na kikilalanin ang kagalingan ng kaisipan bilang batayang aspeto ng kalusugan — lalo na para sa may pinagdaanang hindi maubos-maisip."

     

    Ang mga aktibidad ng Doctors Without Borders sa Lesvos:
    Ang team ng Doctors Without Borders sa Lesvos ay nagbibigay ng mga pangunahing serbisyo para sa pangangalagang pangkalusugan, kung saan kasama na rin ang pangangalaga para sa kalusugang pangkaisipan, sexual and reproductive health, at emergency medical assistance para sa mga bagong dating. Dagdag pa rito, upang matiyak na makatatanggap ang mga tao ng kinakailangan nilang suporta, sinasaklaw rin ng aming multidisciplinary approach ang pagtataguyod ng kalusugan, pamamagitan sa magkakaibang kultura, at mga serbisyong panlipunan at legal.

     

    Categories