Sudan: Ang tahimik na pakikibaka ng luntiang lambak ng Darfur
Si Marwan Taher, Project Coordinator ng Doctors Without Borders sa Rokero mula Oktubre 2024 hanggang huling bahagi ng Marso 2025. Sudan, 2025 © MSF.
Nagsilbi si Marwan Taher bilang project coordinator ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) sa Rokero mula Oktubre 2024 hanggang unang bahagi ng Marso 2025, at kabilang rin siya sa unang pandaigdigang team na bumalik sa proyekto matapos itong lisanin, 18 na buwan na ang nakalipas. Ibinahagi ni Marwan ang kanyang karanasan sa pagtatrabaho sa Rokero kasama ng Doctors Without Borders, na isa sa apat lang na pandaigdigang organisasyong humanitarian na kumikilos pa rin sa lugar.
Si Marwan ang kasalukuyang Head of Mission ng Doctors Without Borders sa Central Darfur.
Ni Marwan Taher
“Maligayang pagdating sa Paraiso ng Rokero”
“Malapit na tayo,” sabi ni El-Tayeb, mula sa puwesto ng drayber. Papunta kami noon sa Rokero, ang kabisera ng lokalidad ng Jebel Marra sa Central Darfur, kung saan susuportahan namin ang aming mga kasamahang Sudanese na pinananatili ang pagtakbo ng mga gawain ng Doctors Without Borders mula noong pumutok ang digmaan noong Abril 2023.
Mabato, mabuhangin at hindi patag, ang bawat kilometro ng kalsadang aming dinadaanan ay isang paalala ng pagkabukod na hinaharap ng mga tao rito. Para sa mga ambulansya, mga trak na may mga kargang supplies, o sa sinumang may kagyat na pangangailangan para sa pangangalagang pangkalusugan, ang daanan ay tila isang obstacle course, sa halip na isang landas.
Sa aming paglalakbay, nakita namin ang mga naiwan ng malagim na hidwaan: ang nakapangingilabot na katahimikan sa mga barangay, na inabandona ng mga taong tumakas mula sa karahasan. Sa paligid nito’y tila walang hangganan ang malawak na luntiang lupain.
“Sa katutubong wika, ang kahulugan ng rokero ay luntiang lambak,” sabi ni El-Tayeb. "Maligayang pagdating sa paraiso ng Rokero.”
Nakipagpulong ang Doctors Without Borders staff sa mga lider ng komunidad, na nagbahagi ukol sa mga nakapaligid sa kanilang bayan, upang ang sitwasyon ng kanilang pagkabukod at ang mga hinaharap nilang pakikibaka ay mabigyang-linaw. Sudan, 2025 © Taha Husain/MSF
Mga Nakalimutang Boses: Pangangalagang Pangkalusugan sa Gitna ng Hidwaan
Malugod kaming tinanggap ng aming mga kasamahang Sudanese. Habang inilalarawan nila ang kanilang sitwasyon, humanga ako sa kanilang katatagan. Nahaharap sila sa isang sistema ng pangangalagang pangkalusugan na nasa bingit ng pagkawasak, kawalan ng seguridad sa pagkain, at ang pag-agos ng napakaraming taong nawalan ng tirahan sa kanilang pagtakas mula sa karahasan sa El-Fasher, ang kabisera ng North Darfur.
Hindi nagtagal at ako mismo ang nakakita ng halimbawa ng kabayaran ng mga tao sa krisis na ito. Dumating ang isang ina sa ospital kasama ang kanyang isang taong gulang na anak na babae. Inaapoy ng lagnat ang bata, ang kanyang mukha ay may mga pantal at hirap siyang huminga. Ito’y pinaghihinalaang kaso ng tigdas. Hapis na hapis ang mukha ng ina nang sinabi niya sa aming team na hindi pa nababakunahan ang kanyang anak. Ito ay dahil wala silang mapagkukunan ng bakuna.
Ito ang isa sa mga di nakikitang epekto ng digmaan. Ang Essential Programme on Immunization (EPI) sa North Jebel Marra ay itinigil noong Oktubre 2024 nang naubusan ng supply ng bakuna. Ilang buwan na ang nakalipas bago ito napalitan. Libo-libong mga bata ang naiwang walang proteksyon dahil sa hidwaang ito.
Ang kaso ng batang babaeng iyon ay kumplikado – ang tigdas at malnutrisyon ay isang mapanganib na kumbinasyon. Habang tinitingnan ko ang inang karga ang kanyang may sakit na anak, naramdaman ko ang kawalan ng katarungan. Hindi pinipili ng mga bata ang pakikidigma, ngunit sila ang nagtatamo ng pinakamalalim na sugat nito.
Noong pagtatapos ng Nobyembre 2024, naglunsad kami ng kampanya ng pagbabakuna laban sa tigdas sa pitong barangay na bahagi ng lokalidad ng North Jebel Marra, kabilang rito ang Rokero. Sa loob ng anim na araw, binakunahan ng aming mga team ang mahigit sa 9,600 na bata. Hindi ko maiwaksi sa aking isipan ang nanghihinang batang babae sa isolation room. Ang kaginhawaang kitang-kita sa mga mukha ng mga ina habang nagaganap ang kampanya ay tila isang tahimik na tagumpay—isang patunay na may mga labang kaya pang maipanalo.
Dumaraming mga Pangangailangan sa Rokero sa Gitna ng Pagliit ng Pondo at Lumalaking mga Medikal na Puwang
Saan ka man tumingin ay kitang-kita ang pangangailangan para sa humanitarian aid. Ang kawalan ng seguridad sa pagkain, kakulangan ng tubig, kawalan ng masisilungan at ang kakulangan ng mga mahahalagang non-food item ay araw-araw na nagpapahirap sa lbo-libong mga pamilyang nakatira sa Rokero.
Ang Doctors Without Borders ay isa sa apat lamang na pandaigdigang organisasyong humanitarian na patuloy pa ring kumikilos sa North Jebel Marra. Ang bawat isa sa mga organisasyong ito ay nakikipagbuno sa nasasagad nang mapagkukunang-yaman, na pilit pinupunan ang mga puwang na lampas na sa kanilang kapasidad. Ang Doctors Without Borders ay isang medikal na organisasyon, ngunit nahaharap kami sa mga sitwasyon kung saan napipilitan kaming tumugon sa mga pangangailangang humanitarian na di na saklaw ng aming organisasyon.
Lalong lumala ang sitwasyon noong kasisimula pa lang ng 2025, nang nagpasya ang US na bawasan nang malaki ang pondong inilalaan nito para sa mga pandaigidigang proyektong humanitarian. At, may ilan pang mga bansang nagbawas din ng malaking halaga sa kanilang mga kontribusyon sa international aid.
Bagama’t ang Doctors Without Borders ay hindi nakasalalay sa pondo mula sa pamahalaan ng US, ang iilang organisasyong nagtatrabaho sa rehiyon ng Jebel Marra ay sa kanila umaasa. Ang matinding dagok na ito ay naging sanhi ng mga pagbawas sa pondo na inilagay ang mga makasagip-buhay na programa sa panganib at nag-iwan sa mga komunidad nang walang natatanggap na kritikal na suporta.
Naglakad si Marwan Taher at ang isang team ng Doctors Without Borders sa may labas ng Umo, isang barangay kung saan nakatira ang humigit-kumulang 25 na libong tao. Dito’y sinusuportahan ng Doctors Without Borders ang isang sentro para sa pangunahing pangangalagang pangkalusugan. Sudan, 2025 © Taha Husain/MSF
Ang Pakikibaka ng isang Komunidad: Ang Kuwento ng Burgo
Nailantad sa akin ang laki ng mga pangangailangang humanitarian sa hilagang bahagi ng Jebel Marra, nang kausapin ako ng isang pinuno ng komunidad sa Burgo. Pumunta siya sa opisina ng Doctors Without Borders noong isang araw. Dinig sa kanyang pananalita ang pangangailangan ng madaliang pagkilos. Ipinaliwanag niya kung paanong ang Burgo, kung saan naninirahan ang humigit-kumulang 800 na kabahayan, ay nasasagad na ang kapasidad. Halos 2,000 na pamilya na ang nakatira rito, kabilang ang 200 na pamilyang nawalan ng tirahan sa El-Fasher.
Ang inaalala niya ay isa sa mga pinakapangunahing pangangailangan: ang tubig. Hindi na kaya ng tatlong solar-powered well sa Burgo na maibigay ang kinakailangang tubig. Ang mga kababaihan at mga bata ay matagal na nakapila sa ilalim ng init ng araw, para lang makakuha ng isang pitsel ng tubig. Naririnig ko ang pagod sa kanyang boses: ang kawalan ng magagawa ng isang lider na nakikitang nadaragdagan ang paghihirap ng kanyang komunidad. Ito ay isang pangangailangan na hindi kayang punan ng Doctors Without Borders lamang. At ang katotohanan ay ito: kung walang kolektibong pagkilos, kung walang tutulong na mas marami pang mga organisasyon, lalaki lamang ang mga puwang sa mga lugar na tulad ng Burgo.
Ang Daan Pabalik
Noong Marso 9, natapos na ang aking trabaho sa Rokero. Habang tinatahak namin ang lubak-lubak na daan, nananatili sa aking isipan ang mga naiwan namin sa luntiang lambak ng Darfur, ang mga taong nagpapakita ng katatagan at ang kanilang mga tahimik na pakikibaka.
May lakas sa Rokero, ngunit mayroon ding kahinaan. Dumarami ang mga pangangailangan araw-araw, habang ang mapagkukunang-yaman upang tumugon dito ay pakaunti nang pakaunti. Bagama’t patuloy ang Doctors Without Borders sa aming paninindigan, hindi namin kayang mag-isang pasanin ang bigat ng krisis na ito. Kung walang agarang pagsuporta, kung walang maibabalik na sinuspinding pagpopondo, kung walang mga bagong organisasyong humanitarian na tutulong, ang kinabukasan dito ay nanganganib na maging isang trahedya.