Skip to main content
SA KASALUKUYAN Ebola sa DRC: Doctors Without Borders, pinalalaki ang pagtugon sa mabilis na nagbabagong anyo ng outbreak Magbasa pa

    Katatagan sa gitna ng buhay na nakabinbin: Paano sinusuportahan ng kolektibong pagpapagaling at ng sining ang kalusugang pangkaisipan sa mga kampo para sa mga refugee na Rohingya

    MSF mental health consultation room in Cox's Bazar, Bangladesh

    Nagbibigay ang Doctors Without Borders ng dalubhasang serbisyo para sa kalusugang pangkaisipan ng mga taong nakararanas ng matinding pagkabalisa, at naghahandog ng ligtas at pribadong espasyo para sa sinumang nahihirapan — anuman ang kanilang paraan ng pagharap dito. Bangladesh, 2025. © Mohammad Sazzad Hossain/MSF

    Kasunod ng ilang dekada ng pang-uusig na nagwakas sa karahasang nakapuntirya sa lahi noong 2017, dala-dala ng mahigit isang milyong refugee na Rohingya sa Cox’s Bazar ang napakabigat na pasanin ng sapilitang paglisan sa kanilang mga tahanan, ng karahasan, at ng pagkawala. Habang ang mga pisikal na sugat ay gagaling, ang sikolohikal na pagkabalisa ay isang malalim na hamong hindi basta-bastang mawawala, at sa halip ay nagpapatuloy sa harap ng nagaganap na trauma. Para sa mga Rohingya, ang pamumuhay sa kampo ay panay paghihigpit sa pagkilos, pagbawas sa aid, kakaunting oportunidad para sa edukasyon at sa pagtatrabaho. Ang karahasan sa mga pamilya ay hindi lang mahirap kayanin, ito rin ay paulit-ulit na nagaganap bilang siklo ng trauma. Ang pinakamahapding sakit ay nanggagaling sa nakadudurog na kawalan ng kahit anong pag-asa para sa kinabukasan. Ang sistematikong pagkait ng kanilang mga karapatan bilang mga mamamayan noong 1982 ang siya ring nagtanggal sa mga Rohingya ng kanilang mga pangunahing karapatan, at ginawa silang mga walang estado, at lumikha ng siklo ng trauma na nag-iwan sa kanilang tila mga bihag na walang kontrol sa kanilang mga sariling buhay. Ang limbo na ito ay isang patuloy na pinanggagalingan ng pagdurusa na nangangailangan ng suporta ng mga dalubhasa.

    Ang stigma ay isa sa mga malalaking balakid sa pangangalaga. Sabi ni Ioannis Anagnosto, ang Mental Health Activity Manager ng Doctors Without Borders, “Isang malaking balakid ay ang kakulangan ng mga nauunawaan ukol sa kalusugang pangkaisipan. Layunin naming pagyamanin ang kaalaman at hamunin ang ilan sa kanilang mga paniniwala. Nakikipagtulungan kami sa mga Rohingya, binibigyan namin sila ng pagsasanay, sinusuportahan namin sila, at pinangangasiwaan din. Sila’y nakatutulong sa aming magpalaganap ng mga mensahe ukol sa kalusugang pangkaisipan sa paraang angkop sa kanilang kultura.”

    An MSF staff member conducting in regular mental health sessions with Rohingya youth

    Isang Doctors Without Borders staff ang nangangasiwa sa mga regular na sesyon para sa mga kabataang Rohingya — isang ligtas na espasyo kung saan maaari silang magbahagi ng kanilang mga pinagdadaanan kaugnay ng kalusugang pangkaisipan at mga balakid sa lipunan na kanilang hinaharap. Masusing nakikinig ang mental health team at nagbibigay ng suporta at paggabay upang matulungan silang makayanan ang mga hamon at makahanap ng mga solusyon. Bangladesh, 2025. © Mohammad Sazzad Hossain/MSF

    Ang paulit-ulit na sakit na dulot ng isang buhay na nakabinbin 

    Ang tindi ng unang karanasan nila ng trauma ay hindi nawawala sa isipan ng mga refugee na Rohingya sa mga kampo. Binalikan ni Mohammad Faruq, isa sa mga tumulong sa mental health team ng Doctors Without Borders sa paggawa ng mga materyales para sa pagtataguyod ng kalusugan, ang kahila-hilakbot na paglalakbay niya mula sa estado ng Rakhine sa Myanmar noong 2017. “Nakakita kami ng mga bagay na noon lang namin nasaksihan. Kinailangan naming tumawid sa mga ilog at batis kahit takot na takot kami. Iyon ang kauna-unahang pagkakataong nakakita ang mga kapatid ko ng ilog. Napakaliit ng mga bangka namin; bumabagyo pa noon. Nakakatakot talaga.”

    Sariwa pa sa alaala ng libo-libong mga refugee tulad ni Faruq ang mga kahila-hilakbot na pangyayaring ito habang hinaharap din nila ang mga araw-araw na hamon ng pamumuhay sa kampo. Ang kanilang pagdurusa ay pinalalaki pa ng sapilitang pagkakapiit nila sa isang lugar kung saan hindi sila maaaring makakuha ng edukasyon, maghanap ng ikabubuhay, at kumilos sa labas ng kampo. Nariyan pa ang mapangwasak na kaalaman na bilang mga taong pinagkaitan ng karapatan ng pagkamamamayan, nawalan sila ng kapangyarihan upang hawakan ang kanilang sariling mga buhay. Ang kawalan ng kakayahang kumilos at magpasya para sa sarili, kapag sinamahan pa ng kawalan ng katiyakan, ay nakapipinsala sa kanilang kagalingang pangkaisipan. Paliwanag ni Faruq, upang makausad ka mula sa iyong naranasan, kinakailangang harapin mo ang sakit na naidulot nito. “Kung magsasawalang-kibo lang ako dahil sa aking pagdurusa, hindi makabubuti sa akin iyon. Kailangan kong makipag-usap at humingi ng tulong upang magabayan ako tungo sa tamang daan.”

    Bagama’t marami ang tahimik na nagdurusa, tinutulungan naman sila ng mga inisyatiba ng komunidad upang basagin ang katahimikan.

    A Rohingya man posing with his artwork in a refugee camp in Cox's Bazar, Bangladesh

    Sa nilikha niyang larawan, ipinakikita ni Mohammod Faruq ang tahimik na pakikibakang hinaharap ng maraming Rohingya sa pagsapit ng dilim. Kapag sinusubukan nilang umidlip, napupuno ang kanilang mga isipan ng napakaraming alalahanin — mga pangamba para sa kaligtasan, mga alaala ng mga nawala, at ang kawalan ng katiyakan ng kanilang kinabukasan. Ang mga gabing hindi sila makatulog ay nagdudulot ng hindi lang pisikal na pagod, kundi pati na rin ng paghihirap ng kalooban. Sa pamamagitan ng nilikha niya, binibigyang-liwanag ni Faruq ang mga hamon sa kalusugang pangkaisipan na pinapasan ng kanyang komunidad. Bangladesh, 2025. © Farah Tanjee/MSF

    Ang paghahanap ng lunas sa pamamagitan ng sining

    Para kay Enayet Khan, ang paglikha ng sining ay isang paraan upang makayanan niyang harapin ang mga hindi kaya ng pag-uusap. Inilarawan niya ang kanyang pinagdaanan pagkadating niya sa mga kampo. “Pagkatapos ng 2017, nang lumikas kami mula sa aming bayan, hindi ako makahanap ng kapayapaan. Hindi ako mapalagay. Ayokong umupo lang sa isang tabi. Naisip ko, may talento naman ako. Nagsimula akong gumuhit. Noong una, hindi ko alam kung ano ang iguguhit ko. Pero naisip ko, hindi pa nakikita ng mundo ang aming mga pinagdaanan. Sinimulan ko sa pagguhit ng mga kuwentong iyon.”

    Naging mahalaga ang kanyang sining sa kanyang buhay, mula sa simpleng kaligayahan, ito’y naging kagyat na pangangailangan. “Noong nasa Myanmar pa ako, ginuguhit ko ang mga bagay na nagpapasaya sa akin. Ngunit ngayon, wala akong nararamdamang kaligayahan. Naisip ko, gagamitin ko ang aking karanasan sa pagguhit. Nagsimula ako sa pagguhit ng mga nasaksihan kong pangyayari,” sabi ni Enayet. 

    Ang kanyang mga likhang-sining, mga larawan ng mga sinunog na bahay, mga pamilyang lumilikas, at ang tahimik na katatagan ng kanyang komunidad ay nakatawag agad ng pansin. “Sa pamamagitan ng sining, mas nailalahad ko ang mga kuwento ng aking komunidad. Kung sampung tao ang magsasalita sa halip na isa lang, mas malayo ang mararating ng mga mensahe.”

    a 25-year-old Rohingya artist posing with his artwork at a Rohingya camp in Cox's Bazar

    Pinili ni Enayat Khan, isang alagad ng sining na Rohingya, ang pagpinta bilang kanyang paraan upang bigyan ng boses ang kanyang komunidad sa mundo. Hawak ang kanyang ipininta, inilarawan niya ang eksena: isang pamilyang may dalawang bata ang tumatakas bitbit ang kanilang mga gamit, habang nasusunog ang mga bahay sa likod nila. Natatakpan ng mga anino nila ang mga naiwang bahay, isang hindi malilimutang paalala ng mga nawala sa kanila. “Bilang mga Rohingya, kinailangan naming tumakas mula sa aming mga tirahan nang walang dala-dala kundi ang aming mga sarili,” sabi niya. “Ngunit sa aming mga isipan, lagi naming dala ang aming sariling bayan, ang aming tahanan, ang aming lupang tinubuan.” Bangladesh, 2025. © Farah Tanjee/MSF

    Pagbasag sa katahimikan – ang pangangailangan ng suportang dalubhasa para sa mga refugee na Rohingya

    Tumutulong na rin sina Enayet at Faruq sa iba, isang inisyatibang binibigyang-daan ng Doctors Without Borders sa pamamagitan ng sining at pagpinta. Si Faruq ay malinaw na naninindigan para sa kanyang komunidad. “Kailangang gamutin ang mga Rohingya na nagdusa at naging mga biktima ng karahasan o trauma. Tinanggap ko ang pagkakataong makatulong sa proyekto para sa kalusugang pangkaisipan, at isinasantabi ko ang aking sakit na nararamdaman.”

    Upang pagtibayin ang suportang ito, binibigyan ng pagsasanay ng Doctors Without Borders ang mga psychosocial team ng mga Rohingya na magbahagi ng impormasyon sa mga paraang makahulugan sa kanilang kultura. “Sa mga taong nahihirapan talaga, sa kabila ng anumang ginagawa nila upang makayanan ang pagkabalisa, nagbibigay kami ng mga dalubhasang serbisyo para sa kalusugang pangkaisipan. Nakikipagtulungan kami sa mga boluntaryong Rohingya, sa kanilang mga guro, at mga namumuno sa komunidad,” sabi ni Ioannis. “Sa tulong ng mga likhang-sining na gawa ng mga Rohingya, nagpapalaganap sila ng mga mensahe at nagiging pasimula ng mga diskusyon ukol sa pagkaya, katatagan, at kalusugang pangkaisipan. Hindi namin inaasahang mababago agad ang kanilang mga paniniwala, ngunit layunin naming dagdagan ang kanilang kaalaman at ipakita sa mga taong hindi sila nag-iisa, at mayroong mga handang magbigay ng suporta.”

    Dahil sa stigma, ang pangangalaga para sa kalusugang pangkaisipan ay kadalasang naisasawalang-bahala. Ngunit para sa mga Rohingya sa Cox’s Bazar, ito’y kasinghalaga ng ibang mga serbisyong medikal. Sa pamamagitan ng katapangan ng mga miyembro ng komunidad gaya nina Faruq at Enayet, at sa tulong ng dedikasyon ng mga team ng Doctors Without Borders, may mga nalilikhang espasyo kung saan ang mga tao ay maaaring magpahayag ng kanilang nararamdamang sakit, makahanap ng koneksyon, at makagawa ng mga hakbang tungo sa pagpapagaling at pagdaig. Sabi nga ni Enayet, “maraming mga tao ang hindi kinakaya ang kanilang sakit na nararamdaman. Kung kami’y mag-uusap, kung kami’y lilikha, kung kami’y magbabahagi, gagaan ang aming mga puso. Dito nagsisimula ang aming paghilom.”


    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.