Malaysia: Doctors Without Borders, nagpahayag ng mga alalahaning nangangailangan ng agarang atensyon pagkatapos makatanggap ng mga ulat ng mga nawawalang tao mula sa lumubog na bangka
KUALA LUMPUR, MALAYSIA – Ang mga ulat kamakailan lang ukol sa daan-daang mga taong hindi na nakita matapos lumubog ang isang bangka sa may hangganan ng Thailand at Malaysia, at ang pagkawala ng isa pang bangka ay nagdulot ng mga kagyat na alalahaning humanitarian. Walang umaalis mula sa Myanmar o sa Bangladesh dahil ginusto nila ito –ang mga mapanganib na paglalakbay sa dagat ay ginagawa lamang ng mga taong nangangamba para sa kanilang mga buhay.
Kasabay ng kanilang pagdanas ng diskriminasyon, marahas na pang-uusig at mga kampanya ng dehumanisasyon, ang mga Rohingya sa Myanmar ay pinagkakaitan ng pagkamamamayan, ninanakawan ng mga legal na pamamaraan upang makakuha ng asylum sa ibang bansa, at itinutulak sila sa mga mapanganib na paglalakbay upang maghanap ng kaligtasan. Karamihan sa mga nasawi sa mga trahedyang ito ay nanggaling sa Buthidaung, sa estado ng Rakhine, kung saan ang opisina at ang parmasya ng Doctors Without Borders ay sinunog noong 2024. Mula noong huling bahagi ng 2023 ay kapansin-pansin na ang pagtindi ng mga labanan sa estado ng Rakhine sa Myanmar. Sa paglala ng hidwaan noong 2024, naging mas madalas ang pagsalakay sa mga lugar ng mga sibilyan. Kabilang rito ang mga pambobomba mula sa himpapawid, pagsalakay gamit ang drone, at ang walang pakundangang pagpapaputok ng baril.
Sabi nga ng isang refugee na Rohingya sa amin, “Kami ay tumatakas mula sa pang-uusig o pagkakakulong, naghahanap kami ng kalayaan upang mabuhay. Ano pa ba ang maaari naming gawin?”
Kinikilala ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ang mabilis na pagkilos ng Malaysian Maritime Enforcement Agency (MMEA) sa pamamagitan ng pagsasagawa ng isang rescue operation matapos ang trahedya. Ang bawat buhay na maililigtas ay hindi matutumbasan, at nasasaksihan naman namin ang kanilang pagsisikap upang maprotektahan ang mga nanganganib. Ngunit, marami pang maaaring gawin ang Malaysia upang maging magandang halimbawa na maaaring tularan ng rehiyon. Hinihimok ng Doctors Without Borders ang pamahalaan ng Malaysia na gawin ang mga sumusunod:
- Palakasin ang koordinasyon para sa search and rescue sa buong ASEAN upang mapabuti ang mga napapanahon at mahusay na pagtugon.
- Garantiyahan ang agarang pangangalagang medikal at sikolohikal upang matulungan ang mga survivor na harapin ang kanilang mga kagyat na pangangailangang pangkalusugan.
- Tiyakin na walang sinumang tumatakas lang mula sa pang-uusig o naghahanap lang ng kaligtasan ay parurusahan o ipipiit pagkatapos silang sagipin.
Sa pamamagitan ng mga mahahalagang hakbang na ito, makapagtatakda ang Malaysia ng mahabagin at humanitarian na pamantayan para sa rehiyon – alinsunod sa pananaw ng ASEAN sa pagsasama nang hindi namimili, at may layuning “walang maiiwan”. Ang pag-uulit-ulit ng mga trahedyang maaari namang maiwasan ay isang paalala na ang pagbibigay ng proteksyon, at hindi ang pagpigil, ang dapat na maging gabay sa pagtugon ng rehiyon sa mga dumadating mula sa karagatan.
Sa pagsasagawa ng aming mga medikal na aktibidad, nakausap ng mga team ng Doctors Without Borders ang mga nakaligtas sa mga mapanganib na paglalakbay, sa mga bansang tulad ng Bangladesh at Malaysia. Binigyang-pansin sa aming mga pag-uusap ang mga malubha at traumatikong kondisyon na kanilang hinaharap sa mga paglalakbay na ito. Sa pakikipag-usap niya sa mga team ng Doctors Without Borders noong 2023, ibinahagi ng isang survivor ang pagmamalupit na naranasan nila.
Pinaghahampas nila ako gamit ang isang makapal na piraso ng kahoy habang nasa bangka kami, dahil humingi ako ng tubig at ako’y uhaw na uhaw na. Hindi ako pinayagan ng mga human trafficker na gumamit ng palikuran. Nang subukan kong patagong gumamit nito, nahuli ako at pinagbubugbog ng isang human trafficker. Nasaksihan ko rin ang pambubugbog sa ibang mga kalalakihan ng mga trafficker dahil sa pagpaalam nila sa paggamit sana ng palikuran. Napilitan silang umihi na lang sa harap ng ibang mga tao. At hindi lang iyon, wala kaming mainom kundi tubig-dagat habang nasa bangka, kung kaya’t nanghina kami at sumama ang aming pakiramdam dahil wala kaming sapat na tubig.Isang survivor
Sa Bangladesh, walong taon matapos takasan ng mahigit sa 750,000 na Rohingya ang karahasan sa karatig-bansa ng Myanmar, mahigit 1.2 milyon na tao ang nabubuhay nang walang katiyakan sa Cox’s Bazar, Bangladesh, at pinananatili lamang sa mga kampo. Kabilang rito ang mahigit sa 150,000 na Rohingyang nagsidatingan mula noong Enero 2024, pagkatapos ng mga labanan sa pagitan ng militar ng Myanmar at ng mga armadong grupo. Sila ay halos ganap na umaasa lang sa pakaunti nang pakaunting humanitarian assistance sa Bangladesh, maging sa pagkain, at hindi sila pinahihintulutang makakuha ng pormal na hanapbuhay. Ilang henerasyon na ng mga bata ang walang nakukuhang edukasyon. At ang pinakakailangang pagtuunan ay ang kawalan nila ng pag-asa para sa isang kinabukasan sa labas ng mga hangganan ng mga kampo.
Ang ligtas na pagdaan at ang pagbibigay ng proteksyon ay hindi lang mga pandaigdigang responsibilidad, ito ay mga moral na obligasyon. Karapat- dapat ang mga refugee na makakamit ng dignidad, kaligtasan, at pag-asa habang naghahanap sila ng kaligtasan mula sa karahasan at pang-uusig.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.
Related articles