Pagtatayo ng mga tulay patungo sa dignidad ng mga refugee
Mula kaliwa papuntang kanan: Lilianne Fan, Co-Founder ng Geutanyoe Foundation Malaysia; Hafsar Tameesuddin, aktibistang Rohingya at Co-Secretary General ng Asia Pacific Refugee Rights Network; Dr. Sara Ruth, Medical Activity Manager ng Doctors Without Borders, Malaysia; at Charles Santiago, dating Malaysian MP at Co-Chair ng ASEAN Parliamentarians for Human Rights — isang kaganapang pinangasiwaan ng Doctors Without Borders para sa World Refugee Day. © MSF
Ngayon, bagama’t iba na ang takbo ng mga ugnayan, patuloy pa rin ang mga hidwaan sa Myanmar. Ang natatanggap na humanitarian assistance ay ang pinakamababa sa buong kasaysayan ng bansa. Labis ang pagwawalang-bahala sa buhay ng tao, at marami pa rin ang napipilitang gawin ang mapanganib na paglalakbay na ito. Ang kuwento ni Muhib ay kuwento ng kaligtasan ng buhay – sa kasamaang-palad, hindi ganito ang kuwento ng lahat.
Nitong nakaraang buwan, hindi bababa sa 427 na Rohingya ang pinangangambahang nasawi sa dalawang barkong lumubog. Ang mga nakaligtas ay naiwan nang may matinding trauma, at marami pa silang haharaping hamon saan man sila mapadpad sa kanilang paghahanap ng kaligtasan.
Sa Malaysia, bago pa man binawasan ang pondo, ang mga refugee ay hirap na sa pagkuha ng mga pangunahin at mahalagang pangangalagang pangkalusugan. Marami ang napipigilan ng mga gastusin na maaaring maliit na halaga lang para sa iba sa atin– tulad ng RM20 na registration fee para makatanggap ang mga dokumentadong refugee ng libreng bakuna para sa kanilang mga anak.
Ngunit para sa mga refugee na walang pormal na trabaho, ang fee na ito ay itinuturing nilang balakid. Ang iba pang mga balakid ay ang wika, at ang takot na maisumbong o makulong. Para sa mga nagdadalang tao at mga bata, ang mga balakid na ito ay maaaring maging banta sa kanilang buhay.
Si Aymen Abdullah, Head of Mission ng Doctors Without Borders sa Malaysia ay naghatid ng kanyang pahayag para sa malugod na pagtanggap sa mga dumalo sa kaganapang kaugnay ng World Refugee Day. Dito’y pinagsama-sama ang mga namumuno sa mga refugee, mga kinatawan ng lipunang sibil, at mga mambabatas upang mapag-usapan ang mga hinaharap na hamon at ang mga karapatan ng mga komunidad ng mga nawalan ng tirahan sa Malaysia. © MSF
Tinatawagan ng atensyon ni Dr. Sara Ruth, ang Medical Activity Manager ng Doctors Without Borders sa aming klinika sa Penang, Malaysia, ang mga hamon sa kalusugan na hinaharap ng mga pasyenteng Rohingya. Karamihan sa kanila ay nahihirapan dahil sa limitadong mapagkukunan ng pangunahing pangangalagang pangkalusugan at namumuhay sila sa mga mapanganib na kondisyon. © MSF
Bilang bahagi ng Refugee Artisans Fairs, ang mga organisasyong pinamumunuan ng mga refugee — tulad ng Mang Tha, Thimble Collective, Rohingya Women Development Network, at ang Alliance of Chin Refugees — ay nagpakita ng kanilang mga gawang-kamay, at binigyan ang mga bisita ng pagkakataong suportahan ang mga kabuhayan ng refugee sa pamamagitan ng pagbili ng kanilang mga ginawa. © MSF
Nitong nakaraang taon lamang, nagbigay ang Doctors Without Borders ng mahigit sa 5,600 na antenatal consultation. Ngunit alam naming higit pa roon ang kinakailangan. Ang aming mga team ay nakasasaksi at tumutugon sa pagtaas ng mga pangangailangan para sa kalusugang pangkaisipan, lalo na para sa mga nakaranas ng trauma, kadalasan, habang sila’y naglalakbay patungo rito o dahil sa matagal nilang pagkakulong.
Sa kabila ng mga hamong ito, nagpakita ang mga refugee sa Malaysia ng kakaibang katatagan at ng pagnanais na makapagbigay ng kontribusyon sa lipunan. Ipinakita sa isang IDEAS study na ang pagbibigay sa mga refugee ng kanilang karapatang magtrabaho ay magdudulot ng makahulugang kontribusyon sa GDP.
Ang Malaysia ay tahanan ng halos 200,000 na rehistradong refugee at mga asylum seeker, karamihan sa kanila ay mga Rohingyang mula sa Myanmar, at iba pang mga refugee sa 50 na mga bansa kung saan tinatakasan nila ang digmaan at pang-uusig.
Marami sa kanila ang nakaranas ng hindi lubos maisip na paghihirap – tumatakas mula sa karahasan, pang-uusig, at sa kawalan ng katatagan para lamang humarap sa mga bagong hamon saan man sila pumunta.
Ibinahagi ni Sitti, isa sa aming mga boluntaryong Rohingya, ang saloobin niyang ito:
“Ang gusto kong maipaintindi sa lahat ay walang umaalis ng Myanmar o Bangladesh dahil gusto nila. Walang may gustong maglakbay lulan ng mga barkong iyon dahil sa pangamba para sa aming mga buhay. Ang ginagawa lang namin ay tumatakas mula sa pang-uusig o pagpipigil, at naghahanap ng kalayaang mabuhay. Ano pa ba ang iba naming mapagpipiliang gawin?”
Mahalagang kilalanin na ang dignidad ay hindi isang pribilehiyo; ito ay isang batayang karapatang pantao. Kailangan nating magtulungan – ang pamahalaan, ang lipunang sibil, ang mga organisasyong pandaigdigan, at ang mga lokal na komunidad – at ipagpatuloy ang mga diskusyong ito, wasakin ang mga balakid, lalo na ang mga nagpapaliban sa pagkuha ng pangangalagang pangkalusugan, at magtayo ng mga sistemang nagsasama, gumagalang at nagpoprotekta sa mga refugee.
Ito ang dahilan kung bakit ang isang mahalagang bahagi ng ating trabaho rito ay makatulong sa mga refugee at mga asylum seeker na harapin ang mga balakid sa pagkuha ng pangangalagang pangkalusugan sa Malaysia. Ating tandaan – ang paghahanap ng kaligtasan ay hindi isang krimen. Nangangalahati na tayo sa termino ng pagiging chairman ng Malaysia sa ASEAN nang may pagtutuon sa pagsasama sa lahat at pagpapanatili –mayroon pa ring kakaibang oportunidad upang mamuno sa pamamagitan ng pagiging mabuting halimbawa – ang pagtataguyod ng mga makataong patakaran, pagwawakas ng di-makatwirang pagkulong, pagpapadali ng ligtas na disembarkation, at sa pagtiyak na makakakuha ng mahahalagang serbisyo ang lahat.
Bilang pagpaparangal sa World Refugee Day, muling pagtibayin ang pagiging bahagi nating lahat sa sangkatauhan at ang ating paninindigan sa pagtatayo ng mga tulay.
*Ang talumpating ito ay mula sa isang kaganapan noong Hunyo 10, 2025. Idinaos ito ng Doctors Without Borders at sinuportahan ng Geutanyoe Foundation Malaysia kasabay ng World Refugee Day. Dito’y pinagsama-sama ang mga aktibista, mga kinatawan ng lipunang sibil, mga opisyal ng pamahalaan at mga organisasyong pandaigdigan para sa isang panel discussion na pinamagatang “Ang Pagtatayo ng mga Tulay Tungo sa Dignidad ng mga Refugee” upang maghimok ng makahulugang pag-uusap, magpalakas ng mga kolaborasyon, at itaguyod ang mga karapatan at dignidad ng mga refugee sa Malaysia at sa labas nito.
Related articles