Isang bagong kabanata ng pag-asa: Ang pagputol ng tanikala ng paglaganap ng hepatitis C sa mga refugee camp ng mga Rohingya
Isang refugee na Rohingya na nagdurusa dahil sa hepatitis C ay nakatatanggap ng paggamot sa klinika ng Doctors Without Borders sa Balukhali. Bangladesh, 2025 © Farah Tanjee/MSF
Ang pagharap sa hepatitis C sa Cox’s Bazar ay isang mahalagang hakbang sa pagtugon sa tahimik na krisis ng kalusugan ng mga refugee na Rohingya.
Si Dr. Fatema Ferdousee ang medical team leader sa klinika ng Doctors Without Borders sa Balukhali. Siya ang namamahala sa mga aktibidad sa klinika kaugnay ng pagtugon sa Hep C. Bangladesh, 2025 © Farah Tanjee/MSF
"Tinatawag ko ang hepatitis C na isang ‘tahimik na mamamatay-tao' dahil sa karamihan sa mga kaso, wala itong ipinapakitang senyales o sintomas. Maaaring lingid sa iyong kaalaman ay ilang taon o dekada ka nang mayroon nito."
Ako si Dr. Fatema Ferdousee, ang Medical Team Leader para sa proyekto ng hepatitis C sa Balukhali. Ang viral hepatitis, partikular na ang type B at C, ay isang pandaigdig na krisis sa kalusugan, isang trahedyang kumikitil sa mahigit 1.3 milyong buhay taun-taon. At mas malala pa ang sitwasyon sa mga kampo ng refugee na Rohingya sa Cox's Bazar. Dahil sila’y nagsisiksikan sa maliliit na lugar at limitado ang nakukuha nilang pangangalagang pangkalusugan, lalong nagiging madali ang paglaganap ng sakit. Sa isang pag-aaral na isinagawa ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) kamakailan lang, lumitaw ang isang kagulat-gulat na katotohanan: halos 20% ng mga refugee na Rohingyang sumailalim sa testing sa mga kampo ay mayroong aktibong impeksyon ng hepatitis C.
Ang team ng Doctors Without Borders sa Balukhali, kung saan ako’y kabilang, ay nagsasagawa ng screening at testing sa tatlong partikular na kampo: Camp 9, Camp 8E, at Camp 10. Ang target naming populasyon ay mga 57,000 na tao, at ang aming misyon ay magawan silang lahat ng screening, at mabigyan sila ng mga mahahalagang serbisyo para sa paggamot ng hepatitis C.
Tinatawag ko ang hepatitis C na isang ‘tahimik na mamamatay-tao' dahil sa karamihan sa mga kaso, wala itong ipinapakitang senyales o sintomas. Maaaring lingid sa iyong kaalaman ay ilang taon o dekada ka nang mayroon nito. Minsan, maaari kang kakitaan ng mga banayad na sintomas tulad ng sa flu, gaya ng sinat, pagduduwal, o pagsusuka. Ngunit kadalasan, wala talaga. Ang sakit na ito ay lihim na mapanira: sa paglipas ng panahon, unti-unti itong magdudulot ng pinsala sa iyong atay na maaaring mauwi sa mga seryosong kondisyon gaya ng cirrhosis o liver cancer. Dahil ang mga sintomas ay hindi lumalabas nang maaga, maraming mga pasyenteng hindi sumasailalim sa testing o nagpapagamot hanggang sa huli na ang lahat.
Upang labanan ito, ang aming team ay nakatutok sa tatlong kritikal na aspeto: ang pag-angat ng kamalayan, ang pagbibigay ng komprehensibong testing at paggamot, at ang pagtanggal ng mga kaakibat nitong stigma.
Sa pag-angat ng kamalayan, ang aming layunin ay mabigyan ng impormasyon ang komunidad ukol sa hepatitis C, maipaliwanag ang mga panganib na dala nito, at bigyang-diin ang halaga ng maagang paggamot.
Pagdating naman sa testing at pagsusuri, ang mga team ng Doctors Without Borders ay nagsagawa ng 12,000 na test sa pagitan ng 2020 at 2024. Ang team sa Balukhali ay nagsimulang magsagawa ng testing noong kalagitnaan ng Mayo (2025). Sa maikling panahong ito, nakapagsagawa na kami ng screening sa 2,275 na tao, at 496 sa kanila ay napag-alamang positibo sa unang screening. Ito ay unang hakbang pa lang. Tinitiyak namin na ang mga positibo sa sakit ay makatatanggap ng paggamot.
Ang pangatlong pinagtutuunan namin ay ang pagtanggal ng stigma. Tuwing umaga, may mahusay na team na pumupunta sa mga komunidad. Kinabibilangan ito ng 23 na tao – 16 na boluntaryo mula sa komunidad, dalawang team leader at limang nars – na nagbabahay-bahay sa mga kampo. Sa kanilang pagbibisita, nagsasagawa sila ng mga test at nagbibigay ng mahalagang edukasyong pangkalusugan ukol sa hepatitis C. Ipinapaliwanag nila kung ano ang sakit na ito, kung ano ang pinsalang naidudulot nito, at binibigyang-linaw na ang isang RDT-positive na resulta ay nangangahulugan ng pangangailangan para sa karagdagang testing at posibleng paggamot.
Ang natanggap naming tugon at suporta mula sa komunidad ay napakapositibo. Ang tulong na ito ay matagal nang inaabangan ng marami. Dahil sa mga limitasyon ng pangangalagang pangkalusugan at kakulangan ng maibibigay ng pamahalaan na paggamot, marami ang nag-aalala kung kailan sila makatatanggap ng pangangalaga. Kapag ang aming mga team ay pumupunta sa komunidad, malugod silang tinatanggap at gustong-gustong kausapin ng mga tao.
Ngunit may mga kaunting hamon pa rin. Minsan ay may pangamba na ang nagpositibo para sa sakit ay mahihirapang makapangasawa o maaari siyang itakwil ng komunidad. Subali’t hindi naman laganap ang ganitong paniniwala. Ang karamihan naman sa mga tao ay lumalawak na ang pang-unawa, basta’t mabigyan lang sila ng edukasyong pangkalusugan. Dahil walang sintomas, tulad ng lagnat na makapag-uudyok sa isang tao na pumunta agad sa klinika, hindi nararamdaman ng mga may hepatitis C na may sakit sila. Naiintindihan naman ng mga tao ang mga implikasyon nito at ang mataas na halaga ng paggamot, alam nilang hindi nila ito kayang gastusan. Nais nilang makatanggap ng paggamot sa tulong ng aming programa. Ang aming mga health educator at mga boluntaryo ay walang pagod na nagpapaliwanag kung paano kumakalat ang sakit: hindi sa pamamagitan ng simpleng pakikihalubilo sa may impeksyon, kundi sa pamamagitan ng direktang paglapat sa impektadong dugo.
Ang pakikipaglaban sa hepatitis C ay nangangailangan ng kolektibong pagsisikap. Ang pagpigil nito ay hindi kakayanin ng isang tao lamang, lalo na sa isang komunidad na may napakalaking populasyon. Naniniwala ako na sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kamalayan ukol dito, kaya nating maipaabot sa lahat ang kaalamang ito. Ang ating layunin ay puksain ang hepatitis C sa kampo ng mga refugee na Rohingya sa pamamagitan ng pagpapalawak ng testing, paggamot, at pag-angat ng kamalayan. Ang mga ito’y makatutulong sa pagpapabuti ng kalusugan ng mga tao at makalilikha ng magandang kinabukasan para sa buong komunidad.
Si Nur Kayas ay isang babaeng Rohingya na nakatira sa camp 8W kasama ang kanyang pamilya. Siya at ang kanyang asawa ay natukoy na may Hepatitis C noong sumailalim sila sa screening ng Doctors Without Borders. Bangladesh, 2025 © Farah Tanjee/MSF
"Sobra kaming nagulat. Wala akong kamalay-malay na mayroon ako ng sakit na ito dahil wala naman akong nakitang mga senyales."
Ako si Nur, 30 na taong gulang. Nagpunta ako sa klinika para sa isang blood test, at pinabalik nila ako ng alas diyes ng umaga upang makuha ang pangalawang ulat. Medyo matagal na akong naghihintay rito.
Oo, nakatanggap na ako ng ulat at napag-alamang ako’y may hepatitis C. Buti na lang, bibigyan nila ako ng gamot para rito! Pinakukuha rin nila ako ng health card para sa aking paggamot, at ito ay magandang balita para sa akin. Noong una kong nalaman na mayroon akong hepatitis C, natakot ako. Wala akong alam tungkol sa sakit na ito, at hindi pa ako nakararanas na uminom ng gamot sa buong buhay ko. Bilang ina ng apat na anak, ang tingin ko sa aking sarili ay isang malusog na babae. Wala akong nakitang mga sintomas, wala akong naramdamang sakit, walang pananakit ng katawan. Kaya naman noong sinabi nila pagkatapos ng blood test na may sakit ako, sobra akong nagulat. Hindi ko alam na mayroon ako ng sakit na ito dahil wala naman itong ipinakitang senyales.
At hindi lang pala ako ang mayroon nito sa pamilya namin. May hepatitis C din ang asawa ko. Sumama siya sa akin sa klinika.
Nang pumanaw ang biyenan kong lalaki mga isang taon na ang nakararaan, sumailalim na kami ng asawa ko sa testing para sa hepatitis C. Subali’t noon, ang mga resulta ng aming mga test ay negatibo. Iyon ang kauna-unahang pagkakataong sumailalim kami sa testing. Hindi ko alam kung sino pa sa aming mga kamag-anak bukod sa mga kabilang sa aming kabahayan ang mayroon din nito. May apat akong bayaw at apat na hipag na magkakasama sa iisang bahay. Mayroon din akong apat na bayaw na wala pang mga asawa. Pagkatapos ng isinagawang testing kamakailan lang, natuklasan naming ako, ang aking asawa, ang isa sa aking mga hipag, at ang aking biyenang babae ay pawang impektado ng virus na hepatitis C.
Walong taon na kaming naninirahan sa Bangladesh. Matagal na akong may asawa; ikinasal kami nong kami ay nasa sarili pa naming bansa, ang Myanmar.
Ang dalawa kong nakatatandang anak na lalaki ay parehong ipinanganak sa aming bahay sa Burma [Myanmar], sa tulong ng aking ina at ng mga tradisyonal na birth assistant. Marami ring naitulong ang aking ina sa mga pang-araw-araw na gawaing-bahay tulad ng pagluluto at pag-aalaga sa mga bata. Ang dalawa kong nakababatang anak ay ipinanganak naman sa Bangladesh, sa bahay rin lang. Matanda na ang aking ina ngayon, at hindi na siya ganoon kalakas, kaya’t ang nakatatanda kong kapatid na babae naman ang pumarito upang makatulong sa pagpapaanak sa akin at umalalay sa buong proseso. Nang maayos na ang kalagayan ko, bumalik na siya sa kanilang tahanan sa Jamtoli.
Ngayon, pagkatapos ng aming pagbisita sa klinika, marami akong natutunan mula sa mga counselor tungkol sa mga paraan ng pagkalat ng hepatitis C. Ipinaliwanag nila na ang pangunahing paraan ng pagkahawa ay sa pamamagitan ng dugo sa dugo. Halimbawa, kung ang isang razor blade na ginamit sa pag-ahit ay ginamit uli ng ibang tao, o kung ang iniiniksyong gamot ng mga lokal na botika o ng mga rural na doktor ay gumamit lang ng iisang karayom para sa ilang tao, maaaring maging sanhi ang mga ito ng pagkalat ng sakit. Maaari ring magkahawaan kapag gumamit kayo ng iisang nail clipper o iba pang mga personal na kagamitan na maaaring lumapat sa dugo. Nalaman ko rin na ang pagbahagi ng pagkain ng isang taong impektado ay hindi magreresulta sa pagkahawa mula rito, na nakaluwag sa aking kalooban.
Batay sa ibinigay na impormasyon, napaisip ako kung nakuha ko ang sakit habang nanganganak, lalo pa’t isinilang ang aking mga anak sa bahay, at hindi sa isang medikal na pasilidad. Ngunit ang totoo niyan, hindi ko alam kung saan ko nakuha ang sakit. Sa dami na ng naging trabaho ko, di ko na matukoy kung paano ako nagkaroon nito.
Si Nazmul Hoque ay isang medical assistant na nagtatrabaho para sa Jamtoli Primary Healthcare Center ng Doctors Without Borders sa Camp 16 sa Cox’s Bazar. Bangladesh, 2025 © Farah Tanjee/MSF
"Upang putulin ang tanikala ng paglaganap ng hepatitis C sa loob ng mga kampo ng Rohingya, kailangang pagsabayin ang paggamot at pagpigil sa sakit."
Ako si Nazmul Hoque, isang medical assistant ng Doctors Without Borders.
Kapag ang isang pasyente ay napag-alaman na may hepatitis C, susuriin siya ng isang doktor at bibigyan siya ng reseta ng gamot. Bilang mga medical assistant, may mahalagang papel kaming ginagampanan sa konsultasyon ng mga pasyente at sa pamamahala sa kanilang mga susunod na appointment sa doktor. Sinusubaybayan namin ang kanilang pagsunod sa itinakdang pag-inom ng gamot, inaalam namin kung may panibagong isyu sa kanilang kalusugan o kung nagkakaroon sila ng mga kumplikasyon, at gumagawa kami ng mga angkop na hakbang. Ipinapaalam din namin sa kanila ang tungkol sa kanilang susunod na appointment at binibigyan sila ng mahahalagang paalala ukol sa rehimen ng paggamot na kinakailangan nilang sundin para sa hepatitis C. Ginagabayan namin sila kapag nagsimula na ang paggamot at inuulit namin ang mga tagubilin sa bawat konsultasyon. Mahalaga ring maipaliwanag namin sa kanila kung paanong mapipigilan ang patuloy na pagkalat ng sakit na ito.
Isa sa mga pinakamalaking hamon sa komunidad ay ang karaniwang ginagawa ng mga di-pormal na tagapagbigay ng pangangalagang pangkalusugan na mga iniksyon at mga saline drip. Kapag nanghihina ang mga tao at di sila makakain, ang madalas nilang ginagawa ay kumuha ng mga saline o glucose injection, sa paniniwalang ito ang makakapagpabuti ng kanilang pakiramdam. Mariin naming ipinapayo na huwag na itong gawin. Ang mga nagbibigay ng ganitong mga iniksyon o mga drip ay hindi nakatanggap ng pormal na pagsasanay at maaaring gamitin nila ang iisang karayom para sa ilang tao, na maaaring umabot sa apat hanggang limang indibidwal. Ang gawaing ito ay maaaring isa sa mga dahilan ng paglaganap ng mga sakit na dala ng dugo gaya ng hepatitis C, HIV, at hepatitis B. Sa pamamagitan ng pagpapayo sa mga taong umiwas sa mga ganitong di ligtas na gawi, sinisikap naming matanggal ang isang pangunahing pinag-uugatan ng impeksyon o pagkahawa.
Ang aming outreach and health promotion team ay nagsasagawa ng screening sa mga bahay sa komunidad sa pamamagitan ng mga rapid diagnostic test (RDT) para sa Hepatitis C matapos magbigay ng kumpletong impormasyon ukol sa mga test at sa mga posibleng resulta ng mga ito. Kapag positibo ang nakuhang resulta, kukunan ng aming mga nars ng mga sample ang mga pasyente para sa polymerase chain reaction (PCR) testing. Ang mga sample na ito ay maingat na ilalagay sa mga icebox, at dadalhin sa ospital para sa isa pang test na magkukumpirmang positibo nga sila para sa sakit na ito. Pinapupunta ang mga pasyente sa susunod na araw upang makuha ang ulat tungkol sa kanilang resulta. Ang mga pasyenteng nakakuha ng negatibong resulta sa PCR ay bibigyan ng komprehensibong pagpapayo ukol sa kanilang nakuhang resulta at sa mga paraan ng pagpigil, samantalang ang mga nagpositibo naman ay kokonsulta sa doktor upang masimulan ang kanilang paggamot.
Malaki ang iniangat ng kamalayan ukol sa Hepatitis C simula noong inilunsad ang "test and treat" na kampanyang ito. Dati, may mga mahigpit kaming sinusunod na mga alituntunin para sa paggamot ng Hepatitis C. Limitado ang aming mga stock ng mga gamot para sa hepatitis C na iniinom, at ang mga pasyenteng positibo para sa hepatitis C ngunit hindi kinakikitaan ng sintomas at maayos pang gumagana ang atay ay di nakatatanggap ng paggamot. Sa halip, pinahihintay sila hanggang sa susunod na pagtatasa, na nakapanghihina ng kanilang loob. Ang kanilang pinansiyal na sitwasyon at ang mga paghihigpit sa paglalakbay ay nakapipigil din sa kanila upang kumuha ng paggamot sa labas ng kampo. Wala silang magawa kundi ang mabuhay na lang nang may ganitong sakit.
Noon, maraming mga pasyente ang nagbabahagi na ang kanilang mga magulang at ang ibang mga miyembro ng kanilang pamilya ay nahawaan ng Hepatitis C ngunit hindi nakatatanggap ng paggamot. Ngayon, nakatatanggap na sila ng paggamot. Dati’y wala silang kaalaman ukol sa pagkalat ng sakit at mga panganib na maaaring idulot ng Hepatitis C. Ngayon, sa tulong ng aming mga counseling session ay nagkakaroon na sila ng komprehensibong pag-unawa sa sakit na ito.
Mahalagang itala na ang national prevalence ng Hepatitis C sa Bangladesh ay itinatayang nasa mga 1- 3% ng pangkalahatang populasyon, kung kaya’t ang epektibong pagpigil at paggamot ay mahalaga para sa lahat. *
Upang maputol ang tanikala ng paglaganap ng hepatitis C sa mga kampo ng Rohingya, kailangang pagsabayin ang paggamot at pagpigil sa sakit na ito. Ibig sabihin, dapat tiyaking may paraan ang lahat upang makinabang mula sa mga ligtas na mga kasanayang medikal tulad ng mga iniksyon at pagsasalin ng dugo, at mabigyan ng lakas ang komunidad sa pamamagitan ng mga impormasyon ukol sa mga panganib na dala ng pagkahawa sa mga sakit, at sa kahalagahan ng mga gawing kaugnay ng kalinisan.
* Mula sa: National Lever Foundation Bangladesh
Related articles