Skip to main content
SA KASALUKUYAN Ebola sa DRC: Doctors Without Borders, pinalalaki ang pagtugon sa mabilis na nagbabagong anyo ng outbreak Magbasa pa

    Buhay sa mga kampo: Isang biswal na kuwento ng katatagan ng Rohingya sa Kutupalong refugee camps

    Children use taro leaves as umbrellas.

    Bangladesh, 2025. © Sahat Zia Hero

    “Magandang karanasan ang pagkuha namin ng mga larawan nang magkasama. Ang napili naming tema ay ang ‘paggawa ng palatandaan’ dahil ang aming ‘palatandaan’, ang aming pagkakakilanlan, ang aming kultura at kasaysayan ay unti-unting binubura. At marami pang ibang mga hamon ang buhay sa kampo – ang kakulangan ng mapagkukunan ng edukasyon, mga oportunidad para sa kabuhayan, pangangalagang pangkalusugan at marami pang iba. 

    Kaya’t sinisikap naming makagawa ng palatandaan sa pamamagitan ng aming sining, pagguhit, pagsulat ng mga tula, at pagkuha ng mga larawan, upang mapanatiling buhay ang aming kultura at ang aming pagkakakilanlan, at ipaalala sa amin kung sino kami. Ayaw naming kami’y makalimutan.”

    – Zia Sahat Hero, Rohingyang photojournalist 

    “Isang pribilehiyo ang maglibot sa mga kampo kasama si Zia. Buong araw kaming kumuha ng larawan, ngunit maliit na bahagi lang ng kampong kasinlaki ng isang siyudad ang aming nakunan. Ang maikling panahong iyon ay pinayaman ng kanilang mga kuwento at buhay, na sana’y makita ng mga tao sa pamamagitan ng mga imaheng napili namin.”

    – Victor Caringal, photographer mula sa Doctors Without Borders Australia

     

    Rohingya photojournalist Zia Sahat Hero and MSF Australia photographer Victor Caringal produced a series of photographs to show live of the Rohingya

    Zia Sahat Hero, isang Rohingya photojournalist (sa kanan) at si Victor Caringal, photographer mula sa Doctors Without Borders Australia (sa kaliwa)

    Ang mga sumusunod na larawan ay nakaayos ayon sa gustong pagsunod-sunog ng mga photographer.

    A lone Rohingya man walks through the Kutapalong refugee camps.

    Isang lalaking Rohingya ang naglalakad sa mga kampo ng refugee sa Kutapalong. Bangladesh, 2025 © Victor Caringal

    Noong 2017, malalaking bahagi ng kagubatan sa Bangladesh ang hinawan upang bigyang-daan ang pagtatayo ng mga masisilungan ng mahigit sa 700,000 na Rohingyang tumakas mula sa karahasan sa Myanmar at naghanap ng kaligtasan sa karatig-bansa na Bangladesh. Tumubo nang muli ang ilan sa mga halaman, at ang mga ito’y nagbibigay ng lilim mula sa init sa siksikang mga kampo. Walong taon na mula noong iniwan ng mga Rohingya ang kanilang lupang tinubuan. 

    Pinili namin ang larawang ito upang ipakita ang pagiging siksikan ng mga kampo. Bagama’t napakalaki ng mga kampo, kulob na kulob ito, maraming paghihigpit at mapanupil. Puna ni Zia, ang kagandahan ng luntiang kapaligiran na muling yumayabong ay ibang-iba sa mga mahihirap na kondisyong tinitiis ng mga Rohingya sa mga pansamantala nilang tirahan. 

    A Rohingya woman walks into MSF’s Balukhali clinic in Kutapalong refugee camp, Bangaldesh.

    Isang babaeng Rohingya ang papasok sa Balukhali clinic ng Doctors Without Borders sa kampo ng mga refugee sa Kutapalong, Bangladesh. Bangladesh, 2025. © Victor Caringal

    Pinapaalala ng larawang ito ang mga napag-usapan namin ukol sa pagkabigo ng mga Rohingya na mag-iwan ng kanilang bakas o pamana sa mundo. Tumawid ang babaeng ito sa kampo, ngunit ang kanyang mga bakas ay nabura ng pag-ulan. Tila nakalutang ang ulan, tulad ng pakiramdam ng mga Rohingya sa kanilang sitwasyon, na para bang pansamantalang huminto ang kanilang mga buhay. 

    A man repairs his shelter in the Kutapalong camps.

    Inaayos ng isang lalaki ang kanilang sinisilungan sa isang kampo sa Kutapalong. Bangladesh, 2025 © Victor Caringal

    Nakita namin ang lalaking ito na inaayos ang kanilang sinisilungan habang naglalakad kami sa mga makikitid na daan sa kampo. Humanga kami sa ipinakita niyang lakas habang kinukumpuni niya ang pansamantalang masisilungan na gawa sa kawayan. Ito’y magsisilbing proteksyon ng kanyang pamilya sa panahon ng tag-ulan. Ang ganitong lakas at katatagan ay madaling maipakita sa pamamagitan ng isang larawan, ngunit para sa akin, ang lalaking ito ay kumakatawan sa pagtingin ko sa lahat ng mga Rohingya–mga taong kailangang maging malakas upang mabuhay, at upang pumasan ng mas mabigat na suliranin kaysa anumang bigat na dapat pasanin ng sinuman. 
     

    Shelter on an unstable slope.

    Masisilungan sa isang hindi matatag na dalisdis. Bangladesh, 2025 © Zia Sahat Hero

    Dahil sa paglala ng karahasan sa estado ng Rakhine sa Myanmar, may higit sa 700,000 na Rohingya ang dumating kamakailan lang sa Bangladesh. Dahil wala nang lugar para sa kanila sa mga siksikang kampo, ang mga Rohingyang ito ay nagtayo na lang ng masisilungan sa isang lugar kung saan madalas gumuho ang lupa. Ang kanilang bagong tahanan ay napakaliit kung ikukumpara sa iniwan nilang tirahan. 

    A Rohingya girl studies in her shelter.

    Isang batang babaeng Rohingya ang nag-aaral sa loob ng kanilang sinisilungan. Bangladesh, 2025 © Zia Sahat Hero

    Dahil sa malaking pagbawas sa aid kamakailan lang, maraming mga learning center ang nagsara at 1,179 na mga guro sa mga kampo ang nawalan ng trabaho. Ang edukasyon ay isa sa iilang oportunidad upang mapabuti ng mga kabataang Rohingya ang kanilang sitwasyon. 

    Pinili namin ang larawang ito dahil ipinakikita rito ang kahinaan at ang pag-asa ng mga batang Rohingya, at kung paanong nakaaapekto ang mga desisyong ginagawa natin ngayon sa mga susunod na henerasyon. 
     

    Children use taro leaves as umbrellas.

    Ang paglalaro at imahinasyon ng mga bata. Bangladesh, 2025. © Zia Sahat Hero

    Ang paglalaro at imahinasyon ng mga bata ay lumilikha ng mga sandali ng kaginhawaan mula sa mga pang-araw-araw na hamon sa mga kampo. Ang kanilang pananaw para sa isang mabuting kinabukasan ay hindi lang mga pagpapahayag ng pag-asa, kundi isa ring paraan ng pagharap at pagproseso sa mga paghihirap sa paligid nila.

    Sa aming paglalakad sa mga kampo, kahit saan kami tumingin ay maraming mga bata – nagtatawanan, naglalaro, at minsa’y napapagalitan. Sila ang nagdadala ng buhay at ng maliliit na kaligayahan sa mga kampo. Ayon kay Zia, marami kaming nakitang mga bata dahil sa pagsara ng mga paaralan mula noong nawalan ang mga ito ng pondo. 
     

    A child overlooks the camps from an eroded hill top in Rohingya refugee camp in Bangladesh.

    Isang bata ang nakatingin sa mga kampo mula sa tuktok ng isang burol na may gumuhong bahagi. Bangladesh, 2025. © Zia Sahat Hero

    Pinili namin ang larawang ito upang iangat ang kamalayan ukol sa mga pagguho ng lupa sanhi ng Habagat, mga pagbaha, at ang mga lupang mula sa pagguho na napupunta sa mga kampo. Dati’y may mga itinayong masisilungan dito, ngunit natabunan ang mga ito ng gumuhong lupa. Bagama’t makikita sa larawan ang isang batang nakatayo at nakangiti habang nasa tuktok siya ng burol, ang paligid nito’y mapanganib pa rin at wala nang nakatira rito. 

    Rohingya women in her shelter

    Si Rayhana, isang Rohingyang nagmamay-ari ng food stall, sa loob ng kanyang sinisilungan. Bangladesh, 2025. © Victor Caringal

    Humanga ako sa dami ng pagkaing naihanda ni Rayhana sa napakaliit na kusina ng kanyang sinisilungan. Nagbukas siya ng isang maliit na food stall sa kampo upang suportahan ang kanyang pamilya. May rasyon naman ng pagkain na ipinamamahagi sa lugar, ngunit ang nakalaan dito’y nagkakahalaga ng US$10 lamang para sa bawat tao kada buwan. Ang mabibiling pagkain sa mababang halagang ito ay napakakaunti kumpara sa kinakailangan upang mabuhay sa mga kampo, at ang pagbawas ng aid ay nangangahulugang mas kakaunti pa ang mairarasyong pagkain sa hinaharap. 
     

    A young child seen through the tarpaulin in Rohingya refugee camp in Bangladesh.

    Isang batang makikita sa likod ng trapal. Bangladesh, 2025. © Zia Sahat Hero

    Pinili at pinagpareha namin ang mga larawang ito dahil sa pareho silang nagpapakita ng pagkakulong, isang sentimyentong ipinapahayag ng maraming mga Rohingya habang pinag-uusapan nila ang buhay sa loob ng mga bakod na bakal.

     

    A chicken in a makeshift coup in front of a makeshift shelter in Rohingya refugee camp in Bangladesh

    Ang manok sa isang kulungang nasa harap ng isang pansamantalang masisilunganBangladesh, 2025. © Victor Caringal

    Noong bata pa si Zia, ang pagsasaka ay isang mahalagang bahagi ng buhay ng mga Rohingya. Sa mga siksikang kampo kung saan ang mga tao’y walang permanenteng tirahan, lupain o espasyo, bihira ang mga taong nag-aalaga ng mga hayop, o nagtatanim ng sapat na gulay upang makain o di kaya’y  ikabuhay nila sa pamamagitan ng pagbebenta sa mga ito. 

    A daily worker prepares bamboo materials for building and repairing shelters in Rohingya refugee camp in Bangladesh

    Inihahanda ng Isang manggagawang arawan ang mga materyales na kawayan sa pagtatayo at pagkukumpuni ng mga istrukturang masisilungan. Bangladesh, 2025. © Zia Sahat Hero

    Ipinaliwanag ni Zia na ang kawayan ay materyales na karaniwang ginagamit ng mga Rohingya sa pagtatayo ng mga istruktura. Sa larawang ito, mukhang sariwa at luntian ang kawayan, ngunit ang kalidad nito ay mas mababa kaysa ginagamit ng mga Rohingya para sa kanilang mga tirahan at sa iba pang mga istruktura sa Arakan. 

    A Rohingya man walking on a bridge crossing separates camp districts in Kutapalong refugee camp in Bangladesh

    Isang tulay ang pumapagitan sa mga distrito ng kampo ng mga refugee sa Kutapalong. Bangladesh, 2025. © Victor Caringal

    Pinagmasdan namin ang mga tao habang sila’y tumatawid sa tulay na gawa sa kawayan. Dalawang batang babae ang maingat na naglalakad, habang dalawang batang lalaki naman ang nag-uunahan sa tuktok nito at pagkatapos ay sumirko nang pabaligtad at tumalon sa tubig. Sa walong taon niya rito sa kampo, marami nang kuhang larawan si Zia ng lugar na ito. Dati’y mas malawak ang tulay rito, ngunit nang magkaroon ng pagguho, ang huminang lupa ay tinatangay na ng mga pagbaha tuwing panahon ng tag-ulan. Bagama’t mukha itong mabuway, ang tulay na ito ay mahalagang daan sa pagitan ng mga kampo. 

    A man is transported to a health facility in Rohingya refugee camp in Bangladesh

    Dinala ang isang lalaki sa isang pasilidad pangkalusugan. Bangladesh, 2025. © Zia Sahat Hero

    Ang mga nagtatrabaho sa mga NGO at ang mga dayuhang bumibisita sa mga kampo ay kadalasang sa mga arterial road dumadaan. Ngunit sa loob ng mga kampo, makikipot ang mga daan, at paliwanag ni Zia, maraming mga bahagi ng kampo ang mararating lamang kung lalakarin. Kapag may nangangailangan ng atensyong medikal, kailangang buhatin ang pasyente sa pinakamalapit na ospital, isang mahirap na paglalakbay na maaaring abutin ng ilang oras kapag tag-ulan.