Skip to main content
SA KASALUKUYAN Ebola sa DRC: Doctors Without Borders, pinalalaki ang pagtugon sa mabilis na nagbabagong anyo ng outbreak Magbasa pa

    Ang dahon ng taro bilang metapora para sa karanasan ng mga Rohingya: Isang usapang inabot ng walong taon

    MSF colleagues sitting next to each other at the Rohingya taro leaf workshop.

    Sina Ruhul Amin at Arunn Jegan, na parehong nagtatrabo sa Doctors Without Borders / Medecins Sans Frontieres (MSF), ay magkasama sa Rohingya taro leaf workshop. Nagkakilala sila nung 2017, nang dumating ang mahigit 700,000 na Rohingya mula sa Myanmar. Walong taon na silang magkatrabo. Bangladesh, 2025. © Victor Caringal/MSF

    Arunn: Noong nakilala ko si Ruhul, katatawid lang nila ng kanyang pamilya sa hangganan patungong Bangladesh. Wala silang ibang dala bukod sa damit na suot nila. Hindi ko siya kilala, ngunit noong nalaman kong nagtrabaho siya para sa Doctors Without Borders sa Myanmar, pakiramdam ko’y may kaugnayan ang aming buhay. Nakadudurog ng puso ang kanyang kuwento kung paanong nawala sa kanya ang lahat. 

    Itinuro ko sa kanya ang opisina kung saan niya maaaring kunin ang kanyang sahod, sabi niya’y kailangan niya ng tubig, at naghiwalay na kami ng landas. 

    Ruhul: Noong nakilala ko si Arunn, hindi ko siya natingnan nang mabuti. Alam ko lang na isa siyang maitim na lalaking taga-Australia. Hindi ko maalala ang kanyang pangalan at hindi ko alam na isa pala siyang Tamil, isang komunidad ng mga taong nahaharap din sa mga pang-aabuso. Nakatuon lang ang aking isipan sa pagkabuhay. Saan kami matutulog? Paano kami kakain? Pagod na pagod ako. Pakiramdam ko, lumulutang ako sa dagat, at hindi ako sigurado kung saan ako maaaring pumunta. Iniisip kong umuwi, ngunit lingid sa aking kaalaman, kahit makalipas ang walong taon ay hindi pala ako makababalik sa aming sariling bayan.

    Ang sandaling usapang ito ay naging simula ng isang tumagal na samahan. Sina Ruhul at Arunn ay magkasamang nagtrabaho sa mga emergency response at sa mga matagal nang tumatakbong mga programang humanitarian. Ngunit paulit-ulit nilang binabalikan ang isang katanungan:  ano ba ang ibig sabihin ng pagbibigay ng pangangalaga? Ang pangangalagang medikal ay laging mahalaga, ngunit ang pananatiling buhay ay hindi kapareho ng pagkakaroon ng buhay. At nagsisikap ang mga Rohingya na parehong makamit ang mga iyon.

    A Rohingya woman walks into MSF’s Balukhali clinic in Kutapalong refugee camp, Bangaldesh.

    Isang babaeng Rohingya ang pumasok sa Balukhali clinic ng Doctors Without Borders sa Kutapalong refugee camp. Bangladesh, 2025. © Victor Caringal

    Ruhul: Noong 2017, ang Doctors Without Borders ay isa sa mga unang NGO na nagtrabaho sa mga bagong kampo na nilikha matapos ang maramihang paglikas ng mga Rohingya mula sa Myanmar. Sa loob lamang ng dalawang linggo, nakabuo kami ng isang grupo ng mga community health worker. Simple lang ang kailangan naming gawin: dalhin ang mga may sakit sa ospital at sabihin sa mga tao kung saan sila makakakuha ng medical aid. Ang mga tao’y nagsisidatingan nang may mga pinsalang dulot ng pagkakabaril, pagkasaksak, at mga sanhi ng hindi ginamot na impeksyon. Walang mga palikuran, masisilungan, o madadaanan. 

    Isang araw, may nakita akong tatlong babaeng nakahandusay sa putik. Wala silang malay at dinadapuan na sila ng mga langaw. Binayaran ko ang ilang miyembro ng komunidad ng 600 na taka (humigit-kumulang $6 US) mula sa sarili kong bulsa para madala sila sa ospital ng Doctors Without Borders. Ang mayroon lang kami ay mga taong nagsisilbing ambulansya – pinapasan nila ang mga may sakit sa kanilang mga likod, o kaya’y dinadala nila ang mga ito sa mga stretcher na gawa sa kawayan.

    Arunn: Sobrang sakit. Dahil dito, naalala ko ang mga eksenang nasaksihan ko sa aming komunidad: daan-daang libong mga pamilyang dala ang lahat ng kanilang makakaya; napakaraming taong nabaril, at amoy na amoy pa sa kanilang mga kasuotan ang pulbura; at mga pamilyang desperado nang mahanap ang kanilang mga anak na nahiwalay sa kanila dahil sa kaguluhan. Nakapagtayo kami ng mga ospital sa loob ng anim na linggo, at nakapagkabit ng mga water pump sa loob lamang ng ilang araw. Walang panahon upang tumigil at makaramdam ng kahit ano.

    Ruhul: Natatandaan kong may naramdaman ako. Noong muli kaming nagkita ni Arunn pagkalipas ng ilang taon, napagtanto ko kung ano iyon: ang kapangyarihan ng pagbuo ng mga ugnayan sa pagdaan ng panahon. 

    A view from outside the camps perimeter to the outskirts of the Kutupalong refugee camp.

    Isang tanawin mula sa labas ng Kutupalong refugee camp. Bangladesh, 2025. © Victor Caringal/MSF

    Sa paglipas ng mga taon, nagbago ang mga pangangailangan. Ang mga tama ng baril na natamo sa Myanmar ay naging mga pangmatagalang kondisyong medikal. Ang malalaking epidemya ng diphtheria, scabies, at hepatitis C ay nagsisimula nang magsabog ng lagim sa komunidad, mabilis at hindi mapipigilan. Ang komunidad ng mga Rohingya ay nahaharap sa mga panibagong hamon na kasama ng pagiging isang refugee.  

    Umunlad man ang mga imprastruktura’y wala pa ring linaw ang kanilang kinabukasan. Ang pandemyang idinulot ng COVID-19 at ang mga patakarang ipinatutupad upang hindi kumalat ang sakit ay nagdala ng mga paghihigpit sa paglalakbay, isang kawat na bakod, at ang pakaunti nang pakaunting aid. 

    Ang kampo kung saan nakatira ang mahigit sa 1.3 milyong mga refugee na Rohingya—ang iba’y ilang dekada nang naroon, ang iba nama’y ilang buwan pa lamang—ay naging isang slum area kung saan ang mga tirahan ay tila mga pansamantalang masisilungan lamang na gawa sa kawayan at trapal. Isinisilang roon ang mga sanggol at tumatanda ang mga tao sa limbo.

    Naiisip tuloy nina Ruhul at Arunn ang mga katanungang ito: Paanong mabubuhay ang isang tao kapag nawala ang pagpopondo rito? Ano ang mangyayari kapag hindi nagbago ang legal na katayuan ng isang tao sa loob ng 40 na taon? Ano ang tunay na kahulugan ng kawalan ng estado, at ano ang kahulugan nito sa mga maninindigan para sa kanila?

    Arunn: Nagkita uli kami ni Ruhul noong 2019. Iyon ang panahon kung kailan pakiramdam ko ay umusbong ang aming ugnayan. Sabi niya, inabot siya ng apat na taon bago niya naramdaman na ligtas niyang masasabi sa akin kung ano ang tunay na kahulugan ng kawalan ng estado.

    Ruhul: Hindi ko tinawag iyon na kawalan ng estado. Buhay lang ang itinawag ko roon. Hindi naman ako umasang mabibigyan ng edukasyon. Hindi ko naisip na pahihintulutan kaming makakuha ng pangangalagang medikal. Hindi ako umasang bibigyan kami ng kalayaang makapaglakbay. Akala ko, ang edukasyon at iba pang mga oportunidad ay para sa ilan lamang. Napakakitid ng aming mga imahinasyon pagdating sa maaaring mangyari sa aming buhay. Noong nilisan namin ang aming sariling bayan, saka lang namin naintindihan kung gaano kalalim ang pagkait sa amin ng aming mga karapatan. Napakasakit isipin. Hindi lang masakit sa pangangatawan, masakit din sa kaisipan.

    A small taro leaf

    Kinakatawan ng simbolo ng dahon ng taro ang mga karanasan ng mga Rohingya. Ang dahon ng taro ay galing sa kasabihan na "Hoñsu Fathar Faaní" na kapag isinalin ay, “kahit ang tubig ay walang iniiwang marka sa isang dahon ng taro”. Bangladesh, 2025. © Victor Caringal

    Sa kanilang pag-uusap ay umusbong ang isang ideya. Kung ang medical aid ay para sa pagpapagaling sa katawan, ano ang magpapagaling sa bahagi natin na nag-iisip kung tayo’y mahalaga? 

    Lumikha sila ng isang proyektong nakaugat sa buhay ng mga tao, sa kanilang kultura, at sa kanilang mga kuwento, upang makatulong sa mga Rohingya na ipahayag ang kanilang mga sarili, labanan ang pagkabura, at manatiling nakaugnay sa kung sino sila.

    Nakahanap sila ng mga Australyano at mga Rohingyang alagad ng sining na ang mga nilikha at iniisip ay nakaugat sa mga prinsipyong ito, at sama-sama nilang binuo ang Creative Advocacy Partnership (CAP). 

    Ruhul: Isang simbolo ang nagsimulang umusbong sa aming mga workshop: ang dahon ng taro. Ang nagbigay ng inspirasyon para rito ay isang kasabihan ng mga Rohingya, “Honsu-fathar Phani”, na ang ibig sabihin ay hindi nag-iiwan ng marka ang tubig sa isang dahon ng taro.  

    Arunn: Ang ibabaw ng dahon ng taro ay parang wax, kung kaya’t ang ibinuhos ditong tubig ay nagiging butil-butil at dumudulas nang walang naiiwang marka. 

    Ruhul: Ito’y simbolo ng ginagawa ng mundo upang mawalan ng estado ang mga Rohingya at sinisikap na wala kaming maiwang palatandaan. Ngunit narito pa rin kami. At nag-iiwan kami ng marka.

    Arunn: Ang mga nakatatandang Rohingya, ang mga bata at ang mga alagad ng sining ay gumawa ng sarili nilang dahon ng taro. Napakalalim na karanasan ang makakita ng mga pagbabago sa mga tao dahil sa kanilang mga paglikha. Sinabi sa amin ng isang Rohingyang gumagawa ng ceramics na walong taon na ang nakararaan mula noong winasak ang kanyang tahanan, ngunit nilisan niya ito kamakailan lang. Ang bigat ng dahan-dahang pagbura sa kanila ay hindi nila makayanan. Ngunit, sa pagbabahagi nila sa pinagsasaluhang espasyo, naging bukas ang mga tao ukol sa kanilang mga karanasan. Pati ang mga tensyon sa pagitan ng mga relihiyon at ng mga etnikong pagkakakilanlan ay humupa. Iyon ang kapangyarihan ng sama-samang paglikha.

    Ruhul: Ngunit hindi lang iyon tungkol sa pagpapahayag ng sarili. Iyon din ay tungkol sa pananatiling buhay. Ang mga NGO ay aalis. Ang mga pondo ay mauubos. Ayaw naming umasa sa mga NGO sa buong buhay namin; nakakahiya ang patuloy na pag-asa sa iba. Ngunit kung mananatili kaming konektado sa aming kultura, sa aming pagkakakilanlan, at sa aming mga ugnayan— maaari kaming manatiling buhay. Ang mga ugnayan ay ang pinakamahalagang gamot.


    Taro leaf artworks

    Mga likhang-sining na binigyang inspirasyon ng dahon ng taro, gawa ng mga Rohingya na refugee. Bangladesh, 2025. © Victor Caringal


    Arunn: Sabi ni Ruhul, pakiramdam niya’y nagdidilim ang ilaw sa kanyang kalooban. Hindi ito indikasyon ng kanyang pagsuko, kundi palatandaan na bumibigat ang kanyang pinapasan dahil sa pagkakabukod mula sa paglalakbay, sa pangangalaga, at sa oportunidad. Mas madalas kong naririnig ang mga salitang “tadhana” at “kapalaran” kaysa “pag-asa” at “kinabukasan”.

    Ruhul: Hindi ako nag-iisa —marami sa mga nakatira sa kampo ay ganito ang pakiramdam. Para sa amin, ang proyektong ito ay hindi lang isang aktibidad; ito’y isang paraan upang panatiliing maliwanag ang ilaw sa aming kalooban. Nahaharap pa rin kami sa mga malalaking hamong pangkalusugan: ang mga rasyon ng pagkain ay binawasan, may mga hindi maipapaliwanag na lagnat, at mahirap ang mga kondisyon ng pamumuhay. Ang pagkawala ng pondo mula sa USAID at UK ay nakapipinsala sa aming kinabukasan—maraming mga sentro para sa pangangalagang pangkalusugan ang nagsara na. Nangailangan ang isa kong anak ng agarang pangangalaga, ngunit wala kaming sapat na pera para sa operasyon.

    Arunn: Hindi ito tungkol sa pagpapalit sa medikal na tulong ng malikhaing adbokasya. Ito’y tungkol sa pagtanggap na kapag parehong wala nito, ang naiiwan sa mga tao ay hindi na makikilala. Sa holistikong pangangalaga, binibigyang-halaga ang pangangailangan ng mga tao para makilala, magkaroon ng ugnayan, at mapabilang— at hindi sapat ang mga malilinis na mga bendahe at mga rasyon ng pagkain. Doon dapat papunta ang tulong na humanitarian.

    Ruhul: Sa isang lugar kung saan ipinagkakait sa mga tao ang kanilang nasyonalidad, ang kalayaang maglakbay, pati ang pangangalagang medikal, ang simpleng gawain ng paghubog ng luwad, paghabi ng kawayan, o paglalahad ng isang kuwento ay nagiging pagpapakita ng pagtutol at dignidad. Sinasabi nito na, “narito pa kami, nakakaramdam, at may halaga.”