Ang Ilusyon ng Pagpipilian: Ang alingawngaw ng mga boses ng mga Rohingya mula sa mga kampo bago idaos ang pagpupulong ng UN
Mahigit 1.2 milyong Rohingya ang nakatira sa mga kampo para sa mga refugee sa Kutupalong, kung saan sila lumikas mula sa kanilang lupang tinubuan sa Myanmar. © Victor Caringal
29 Setyembre, Bangladesh – Walong taon pagkatapos tumakas ng daan-daang libong mga Rohingya mula sa isang kampanya ng sukdulang nakapuntiryang karahasan sa Myanmar, isang bagong ulat mula sa Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ang nagpapakita ng populasyon na nakakulong sa isang nagpapatuloy na krisis, nahaharap sa palagiang banta ng karahasan, patuloy na pagbawas ng aid, at ang kawalan ng kontrol sa kanilang sariling kinabukasan.
Habang naghahanda ang pandaigdigang komunidad para sa isang pagpupulong ng mga opisyal na nasa mataas na posisyon sa United Nations sa New York sa Setyembre 30 ukol sa sitwasyon ng mga Muslim na Rohingya at ibang mga minorya sa Myanmar, ang mga boses ng mga pinakaapektado ay nananatiling hindi napakikinggan. Bago ang pagpupulong, kinonsulta ng Doctors Without Borders ang 427 na mga refugee na Rohingya na nakatira sa mga kampo sa distrito ng Cox’s Bazar sa Bangladesh, upang makapagbigay sila ng larawan ng mga hamon na hinaharap ng mahigit isang milyong Rohingya. Napag-alaman sa kinalabasang ulat, ‘The Illusion of Choice: Rohingya Voices Echo from the Camps’ (Ang Ilusyon ng Pagpipilian: Ang Alingawngaw ng mga Boses ng mga Rohingya mula sa mga Kampo) ang mga sumusunod:
- 84% ng mga refugee na Rohingya ay hindi nakararamdam na ligtas silang makababalik sa Myanmar
- 58% ng mga refugee ay hindi nakararamdam na ligtas sila sa mga kampo ng refugee sa Cox’s Bazar, Bangladesh
- 56% ng mga refugee sa Cox’s Bazar ay nag-ulat ukol sa mga dinadaanang paghihirap sa pagkuha ng pangangalagang pangkalusugan
- 37% lamang ng mga refugee na Rohingya ang may kamalayan ukol sa mga gagawing diskusyon sa UN, karamihan sa kanila‘y natututunan lang ang mga iyon sa pamamagitan ng mga plataporma ng social media
Kabilang sa mga konsultasyon na isinagawa kamakailan lang ay ang isang nakabalangkas na talatanungan na ibinahagi sa mga pasyenteng edad 18 pataas (46% ay mga lalaki at 54% ay mga babae) na kumukuha ng mga serbisyo sa apat na pasilidad medikal ng Doctors Without Borders. Ang survey, na nasa wika ng mga Rohingya, ay isinagawa mula Agosto 26 hanggang Setyembre 2, 2025.
Sa aming mga pag-uusap ng mga refugee na Rohingya sa mga kampo, nalantad ang pakiramdam ng kawalan ng magagawa sa komunidad ngunit may kaakibat din itong pagnanais na magkaroon ng mga pangmatagalang solusyon. Ang mga dekada ng pang-uusig at nakabinbing pamumuhay ay nagdulot ng matinding pinsala hindi lang sa pisikal na kalusugan, kundi pati na rin sa kanilang kagalingang pangkaisipan.Paul Brockmann, Regional Ops Director
Inilarawan ng marami sa mga pasyenteng nakausap namin — lalo na ang mga pinakahuling dumating sa Bangladesh noong 2024 — ang karahasang kanilang tinakasan. Ang lalaking ito, na dumating sa Cox’s Bazar noong 2024 mula sa Northern Rakhine, ay nagkuwento ng nangyari sa kanila ng anak niya:
“Sa Myanmar, isang drone ang nahulog malapit sa akin. Marami ang nasaktan dahil dito, wala itong piniling edad o kasarian. Kasama ko ang aking anak na babae, at pareho kaming nagtamo ng pinsala dahil sa drone. Natamaan ako sa tiyan at sa aking mga binti. Noong nagkamalay ako, nakita kong patay na ang aking anak. Marahil, inisip ng mga tao na patay na rin ako. Nakalugmok ako sa tabi ng aking anak, at halos hindi na ako humihinga. Pagsapit ng dilim, unti-unti na akong nagkamalay. Tinalian ko ang aking mga sugat ng mga pinunit na piraso ng aking damit at nagsimula akong gumapang sa lupa. Alas tres na ng umaga noon, at sumisigaw ako upang humingi ng tulong. Muli akong nawalan ng malay. Pagkatapos ng isang gabi at isang araw ay nasaklolohan ako.”
© Doctors Without Borders
© Doctors Without Borders
© Doctors Without Borders
© Doctors Without Borders
Ang mga patotoo ng mga bagong dating ay nagpipinta ng malagim na larawan na nakapagbibigay-liwanag kung bakit para sa karamihan sa kanila, hindi ligtas ang bumalik sa Myanmar sa kasalukuyan. Ngunit bagama’t may malalim na pinanggagalingan ang kanilang pangambang bumalik sa Myanmar, maraming mga refugee ang nagpapahayag din ng kawalan ng pag-asa sa kinabukasan ng buhay sa kampo. Paliwanag ng isang pasyente, “kung tatanungin mo ako kung gusto kong bumalik sa Burma, ayaw kong bumalik [maluluha]... Ngunit may pangarap ako para sa aking mga anak. Hindi ako edukado, at hindi ako nagkaroon ng kahit isang oportunidad (para makapag-aral). Pero nais kong makakuha ng edukasyon ang aking mga anak. Dito [sa Bangladesh], walang pag-asang makakuha ang mga anak ko ng edukasyon. Maaaring kunin ng iba ang iyong mga ari-arian, pera, ang lahat-lahat na, pero di nila makukuha ang iyong mga kaalaman at ang iyong edukasyon.”
Patuloy na nahaharap ang mga refugee na Rohingya sa mga matinding paghihigpit sa kanilang mga aktibidad at sa kanilang araw-araw na pamumuhay. Ang kawalan ng seguridad ay nakaaapekto sa lahat ng aspeto — mula sa kakayahan ng mga magulang na dalhin ang kanilang anak na may sakit sa isang klinika sa gabi, hanggang sa araw-araw na realidad ng pamumuhay sa mga shelter nang halos walang proteksyon mula sa karahasan.Paul Brockmann, Regional Ops Director
Dahil sa pagbabawas sa mga ibinibigay na mahahalagang serbisyo, lumalala ang sitwasyon sa mga kampo. Ang malalaking ibinawas sa pondong nagmumula sa mga donor ay naglalagay sa panganib ng mahalagang pagtulong sa populasyong nakasalalay sa aid. Mula noong huling bahagi ng 2023, ang paglala ng mga labanan sa estado ng Rakhine sa Myanmar ay nagtulak sa isang bagong bugso ng mga Rohingya na lumikas patungong Bangladesh. Pagdating ng Hulyo 2025, nagtala ang United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR) ng 150,000 na bagong dating na mga refugee. Ang totoong bilang ay malamang na mas malaki kaysa naitala, dahil ang ilan ay hindi pormal na nakatira at nananatili lamang sa loob at labas ng mga kampo. Bago pa man idaos ang pagpupulong ng UN sa linggong ito, nagpahayag na ang mga Rohingya ng kanilang mga inaalala at mga kahilingan para sa isang mapapanatiling kinabukasan. Sabi ng isang pasyente, “Nais namin ng isang mas mabuting buhay, na makapagbibigay sa amin ng dignidad at pagkakapantay-pantay sa mundo, dahil ang lahat ng tao ay karapat-dapat na magkaroon ng mapayapang buhay. Nais naming pabalikin kami sa aming sariling bansa hawak ang aming mga karapatan bilang mga mamamayan, ang aming kaligtasan, ang aming mga tirahan, at ang aming pagkakakilanlan.”
“Pagkatapos ng walang taon ng pagkabitin sa limbo ng Cox’s Bazar, ang sitwasyong humanitarian ng mga refugee na Rohingya ay nananatiling hindi makatwiran. Ang kawalan ng matatanaw na daan para sa kinabukasan at ang paglala ng kalusugang pangkaisipan ay unti-unting nagtatanggal ng pag-asa. Ang hinihingi ng mga Rohingya ay higit pa sa mga masisilungan at mga rasyon ng pagkain. Nais nilang magkaroon ng kinabukasan—sa pamamagitan ng pagpapabalik sa kanilang sariling bansa nang may mga karapatan at may kaligtasan, o di kaya’y ilipat sila sa ibang lugar nang may dignidad. Upang magawa ito, dapat gawing sentro ng lahat ng diskusyon ang kanilang mga boses, bigyan sila ng mga mahahalagang serbisyo at ng mga oportunidad na makatayo sa sariling mga paa, at makapagtrabaho para sa isang buhay kung saan posible silang makabalik (sa kanilang bansa) nang ligtas, may dignidad, at may kalayaan,” dagdag ni Brockmann.
Related articles