Bangladesh: Doctors Without Borders, naglunsad ng malaking kampanya laban sa hepatitis C sa mga kampo ng Rohingya
Isang pasyenteng tumatanggap ng mga gamot para sa Hep C mula sa pasilidad ng Doctors Without Borders sa kampo ng mga refugee na Rohingya sa Jamtoli sa Ukhiya, Cox’s Bazar, Bangladesh
COX'S BAZAR, BANGLADESH – 22 Mayo 2025 –Upang harapin ang nakababahalang pagdami ng mga kaso ng hepatitis C sa mga kampo ng mga refugee na Rohingya sa Cox’s Bazar, Bangladesh, 30,000 na tao ang makatatanggap ng pangangalaga sa pagtatapos ng 2026, kung kailan palalawakin ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ang mga programa nito sa paggamot.
Pinauunlad ng inisyatibang ito ang pagkuha ng pangangalaga para sa hepatitis C ng isang grupo ng mga taong walang estado na nalalantad sa nagagamot, ngunit posibleng nakamamatay na sakit na ito. Nagtatayo ang Doctors Without Borders ng tatlong specialized hepatitis C treatment centre sa mga pasilidad pangkalusugan sa loob ng mga kampo, bilang bahagi ng “test and treat” na kampanyang sumasaklaw sa tinatayang sangkatlo ng mga taong nabubuhay nang may hepatitis C sa mga kampo.
Bangladesh. Mayo 2025. ©MSF
Sa pagitan ng Oktubre 2020 at Disyembre 2024, ginamot ng Doctors Without Borders ang mahigit sa 10,000 na tao na may hepatitis C sa aming mga klinika sa mga kampo sa Jamtoli at sa Hospital on the Hill. Subali’t sa isang pag-aaral ng Doctors Without Borders noong 2023 na inilathala nitong nakaraang buwan sa The Lancet Gastroenterology & Hepatology, napag-alaman na ang isa sa bawat limang nakatatanda—o humigit-kumulang 86,000 na tao– ang namumuhay nang may matagal nang aktibong impeksyon. Ipinapakita nito ang kagyat na pangangailangan para sa isang mas matatag na pagtugon.
“Ang makukuhang pangangalaga para sa hepatitis C sa mga kampo, kung saan walong taon nang nakatira ang mahigit isang milyong mga refugee, ay sobrang limitado,” sabi ni Dr. Wasim Firuz, ang deputy medical coordinator ng Doctors Without Borders. “Ang paggamot ng hepatitis C ay hindi bahagi ng pangangalagang pangkalusugan na ibinibigay ng napupuspos nang mga pasilidad. Ang mga tao ay hindi pinapayagang lumabas sa mga kampo upang kumuha ng pangangalagang pangkalusugan, at gustuhin man nila, malamang ay di nila abot-kaya ang halaga ng paggamot.”
Ang malupit na mga kondisyon ng pamumuhay sa masisikip at siksikang kampo, ang kakulangan ng paraan upang makakuha ng, o ang pagbawas sa ibinibigay na pangangalagang pangkalusugan, ang kawalan ng legal na katayuan na kailangan para makakuha ng mga pangunahing karapatan—ang lahat ng mga ito ay naglalagay sa mga refugee na Rohingyang nakatira sa Myanmar at Bangladesh sa panganib ng mga impeksyong tulad ng hepatitis C. Sa pamamagitan ng isang survey, napag-alaman naming ang ilang dekada ng pagkalantad sa hindi ligtas na mga medikal na kasanayan, tulad ng mga therapeutic injection, ay maaaring pangunahing sanhi ng paglaganap ng sakit na ito, na makukuha mula sa kontaminadong dugo, sa loob ng mga kampo.
Bangladesh. Mayo 2025. ©MSF
Sa aming pinalaking programa ng pagtugon, nagsasagawa ang aming mga team ng sistematikong screening sa mga komunidad upang maging maagap sa pagtukoy ng mga taong may hepatitis C, isang sakit na sa umpisa’y walang ipinapakitang senyales at sintomas. Ang rapid testing ay susundan ng pagkumpirma sa laboratoryo ng mga bagong tayong treatment centre sa Balukhali, Jamtoli, at sa Hospital on the Hill. Ipinapatupad din namin ang isang komprehensibong kampanya para sa kamalayan ukol sa pangangalagang pangkalusugan. Kasama rito ang pagbibigay ng gamot para sa hepatitis C, pagbabahagi ng mga mensahe para sa pagpigil sa sakit, at counselling ukol sa pagsunod sa kinakailangang paggamot para sa mga nakatatanda.
“Sa kawalan ng mga alternatibong mapagkukunan ng pangangalaga para sa hepatitis C ng sampu-sampung libong tao sa mga kampo, malaki ang idadagdag namin sa aming kapasidad sa paggamot,” sabi ni Dr. Firuz. “Layunin naming makapagbigay ng curative care sa 30,000 na tao sa pagtatapos ng 2026. Ang pagpapalawak na ito ay isang mahalagang hakbang sa pagpigil sa paglaganap ng hepatitis C, lalo na sa mga susunod na henerasyon.”
Sa pagharap sa malawakang epidemya ng hepatitis C, may mga malalaking hamon sa limitadong kapasidad ng pangkalahatang tugong pangkalusugan sa mga kampo. Magsasaliksik ang Doctors Without Borders upang masuri ang mga hamong ito at magpatupad ng mga solusyon bilang bahagi ng aming pagtugon.
“Habang pinapalaki namin ang aming mga ginagawa at nakikipagtulungan kami sa ibang mga organisasyon, ang mga limitasyon sa tugong pangkalusugan, kasali na ang kakulangan sa staff, sa mga kagamitan, at sa mga mapagkukunang-yaman ng mga magkakatuwang ay pawang malalaking hadlang,” sabi ni Dr. Firuz. “Ang aming kampanya ay pansamantala lamang at hindi nito ganap na mapupuksa ang hepatitis C sa mga kampo. Ang pagbibigay ng atensyon sa hepatitis C ay dapat magpatuloy habang at pagkatapos ng kampanya. Muli kaming nananawagan sa ibang mga katuwang sa kalusugan at sa pandaigdigang komunidad na unahin ang pagbubuo ng komprehensibong estratehiya upang mabawasan ang mapangwasak na epekto ng sakit na ito sa komunidad.”
Related articles