Skip to main content

    Rohingya: Dalawang uwak, isang puno na banyan, at ang pag-iwan ng bakas para sa hinaharap

    Kyssa

    Nagtipon-tipon ang isang grupo ng mga batang pasyente, ang kanilang mga pamilya, at ang mga staff ng Doctors Without Borders sa outpatient department ng Kutupalong Hospital para sa unang kyssa storytelling session kasama ang story panel at si Mohammed Rezuwan Khan, ang mananalaysay ng mga Rohingya. © Victor Caringal/MSF

    Sa isang kahoy na panel sa likod-bahay ng isang pasilidad pangkalusugan ng MSF sa kampo ng mga refugee sa Kutupalong, Cox’s Bazar, Bangladesh, unti-unting nagkakahugis ang isang punong gawa sa kawayan.

    Abala ang mga kamay na gumagawa ng puno, habang ang health staff naman ang gumagawa ng mga pagitan ng mga gusali at mga halaman sa paligid nito.  Nakapaligid sa puno ang isang grupo na naghahabi ng mahahaba’t makikitid na piraso ng kawayan sa pagitan nila. Itatagilid nila ang mga pirasong ito, isususon at itutupi hanggang ito’y kumurba at tatalian nila ang mga ito ng mga mas payat na piraso.

    Nagkakaporma na ang puno. Tila ulap ang taas ng puno, at umaapaw sa posibilidad na ito’y masisilungan ng taong uupo sa ilalim nito. Ito ay banyan—isang klase ng punong kilalang-kilala nina Nurus Safar at Nuru Salam, mga manghahabing Rohingya na kabilang sa mga gumagawa ng panel.

    Nang tumigil sila saglit sa paggawa, nakipag-usap sina Nurus Safar at Nuru Salam kay Tasman Munro, isang social designer na tumutulong rin sa proyekto.

    “Dati, kapag nagtatrabaho tayo sa ilalim ng puno ng banyan, marami ang lumalapit at nagtitipon-tipon. Tinuturuan natin ang iba sa kanila at ibinabahagi natin ang ating nararamdaman,” sabi ni Nurus Safar sa kanyang pagbabalik-tanaw sa paghabi sa Myanmar bago sila pumunta sa Bangladesh. “Masaya tayong naghahabi doon.”

    Ngayon, kahit na malayo sina Nurus Safar at Nuru Salam mula sa kanilang mga tahanan sa Myanmar, ang puno ng banyan ay muling nagbibigay ng lugar para sa pagtitipon-tipon, pagtuturo at pagbabahagi ng kultura ng mga Rohingya.

    Pagbalik nila sa kanilang ginagawa, nagdagdag sila ng makukulay na papel sa puno. Dinisenyo ang mga papel na ito noong nakaraang araw ng mga batang dibuhista na mga Rohingya rin. Ginawa nila ito habang sila’y nakikinig sa isang mananalaysay na nagkuwento ng isang kyssa (isang tradisyonal na kuwentong-bayan ng mga Rohingya).

    Unti-unting nabubuo ang matingkad na eksena: isang puno ng banyan, dalawang uwak, isang babaeng Rohingya at mga dahon ng gabi. Iyon ay isang kyssa story-panel; isang regalo para sa mga batang Rohingya na pasyente ng Doctors Without Borders.

    Noong Hunyo 2023, ang MSF, kasama ang isang social designer at ang Doctors Without Borders Bangladesh mission, ay nakipagtulungan sa dalawang manghahabi na Rohingya, isang mananalaysay, at mga kabataan sa mga kampo sa Cox’s Bazar upang lumikha ng story-panel para sa mga bata.

    “Unti-unting napuputol”

    “Ang kuwentong aming ginagawa, na tungkol sa mga uwak at puno ng banyan ay makakagaan ng pakiramdam. Nagpapaalala ito sa atin, at iniuugnay ang ating mga puso sa mundo,” sabi ni Ruhul, isang miymebro ng komunidad ng mga Rohingya at staff member ng Doctors Without Borders sa mga kampo sa Cox’s Bazar. “Ang koneksyong iyon ay unti-unting napuputol, partikular na para sa mas batang henerasyon.”

    Ang pagputol ng kaugnayan ng kanyang mga kapwa Rohingya mula sa kanilang mga lupain at tahanan ay nasa kanyang isipan, dahil ang komunidad na ito ng mga Rohingya ay anim na taon nang nasa mga kampo sa Bangladesh matapos silang paalisin mula sa estado ng Rakhine (Arakan) sa pamamagitan ng isang marahas na kampanyang militar sa Myanmar.

    Ang pangyayaring ito noong Agosto 25, 2017 ay hindi ang unang pagkakataong itinaboy ang mga Rohingya. Nawalan sila ng estado noong 1982 at nakaranas ng ilang dekada ng pang-uusig at nakapuntiryang karahasan sa Myanmar habang nahaharap sa diskriminasyon at pagkakabukod sa mga bansa kung saan sila lumilikas.

    Ikinukumpara ni Ruhul ang sitwasyon ng mga Rohingya sa kasabihan tungkol sa tubig na pumapatak sa dahon ng gabi. Kahit gaano karaming tubig ang pumatak sa dahon ng gabi, wala itong iiwang bakas. “Daan-daang taon na kaming nakatira sa Myanmar, ngunit noong pinaalis kami, wala kaming iniwang bakas. Kami ay parang mga lumulutang na tao—ang dahon ng gabi ay pagpapaalala sa amin ng aming sitwasyon.”

    Sa mga kampo sa Cox’s Bazar, may hindi bababa sa isang milyong refugee na Rohingya ang kasalukuyang humaharap sa krisis sa kalusugan. Sila rin ay hindi makakuha ng tamang edukasyon at hindi pinapahintulutang magtrabaho. Sa paglipas ng panahon, habang ang kanilang kinabukasan ay walang katiyakan, marami sa mga Rohingya ang nakatuon na lamang sa pangangalaga ng kanilang kultura at pagkakakilanlan para sa mga susunod na henerasyon.

    Si Yakub, ang mananalaysay na nagbahagi ng kyssa para gawing batayan ng story-panel, ay sang-ayon dito. “Ang aming kultura ay naglalaho na,” sabi niya. “Ito ang dahilan kaya mahalagang ituro ang aming kultura sa susunod na henerasyon. Noong sinimulan ko na ang pagkukuwento ng kyssa, nakikita ko na masaya at nakangiti ang mga bata. Maaaring hindi ako makatulong sa malaking paraan, pero may nagagawa akong maliit na bagay para mapangalagaan ang aming kultura.”

    kyssa

    Noong Hunyo 2023, ang Doctors Without Borders, kasama ang isang social designer, ay nakipagtulungan sa mga mananalaysay na Rohingya, mga batang alagad ng sining at mga manghahabi ng kawayan sa Kutupalong refugee camp. Sama-sama silang lumikha ng isang story-panel na naglalarawan ng mga tradisyonal na kyssa (kuwentong-bayan), upang ibahagi ang kulturang Rohingya at ang kanilang mga mensahe sa mga batang pasyente at kanilang mga pamilya sa klinika ng Doctors Without Borders, at sa mundo. Ito rin ay tanda na anim na taon na ang nakalipas mula noong malawakang paglikas ng mga Rohingya mula sa Myanmar. © Victor Caringal/MSF

    Sa pakikipagtulungan sa komunidad

    Noong simula ng Agosto, ang mga batang pasyente, ang kanilang mga pamilya at ang Doctors Without Borders staff ng Doctors Without Borders Kutupalong Hospital ay nagtipon-tipon sa unang pagkakataon para sa isang kyssa storytelling session gamit ang story-panel. Isang grupo ng maliliit na bata ang nagsiksikan sa harap upang mapalapit sa puno ng banyan at mga uwak, nang nagsimulang magkuwento ang mananalaysay na si Mohammed Rezuwan Khan.

    Habang nagsasalita si Rezuwan sa kanilang wika, ang mga bata ay tumutugon din. May kaunting kalituhan, maraming galaw, halakhak at mga ngiti.

    Pagkatapos ng pagsasalaysay, nagbigay ng pahayag si Arunn Jegan, ang head of mission ng Doctors Without Borders sa Bangladeshz. “Napakahalagang makita ang mga Rohingya na nagbabahagi ng kanilang kultura at kyssa. Madalas na nakikita ang mga Rohingya bilang mga mahihinang tao—bilang mga pasyente, bilang mga taong walang estado at walang legal na karapatan upang mamuhay nang may kalayaan sa Myanmar, o bilang mga refugee.

    “Ngayon, ipinagdiriwang natin ang mga Rohingya bilang mga tao, sa pamamagitan ng kanilang kultura. Ang mga masasayang sandali na nakatuon sa pagpapahalaga sa kanilang mga sarili ay nakabubuti para sa mga pasyenteng Rohingya, lalo ang ilang nahaharap sa mga napakahirap na kondisyon kaugnay ng kalusugang pangkaisipan.”

    Ayon kay Tasman Munro, ang ugnayang nalikha sa pagitan ng mga taong sangkot sa proyekto ay nakapagpabago ng tingin ng mga tao sa mga Rohingya: “Maraming mga kuwento tungkol sa mga Rohingya. Ang prosesong ito ay nakatutulong upang sila’y lumikha ng mga kuwentong gusto nilang maiugnay sa kanila.”

    Para naman kay Ruhul, may isang kuwentong nakatitiyak siya.

    “Bagama’t limang dekada na kaming nagdurusa, matatag pa rin kami. Bagama’t kinuha ang aming mga lupain, may sapat pa rin kaming lakas upang mabuhay.”

    *Ang ilang mga pangalan ay binago para sa kanilang proteksyon.