Palestine: Mga napilitang lumikas sa West Bank, nananabik nang makauwi
Ang mga team ng Doctors Without Borders ay nagbibigay ng suporta para sa kalusugang pangkaisipan ng mga Gazan na napilitang lumikas sa West Bank, at ngayo’y pansamantalang namamalagi sa mga displacement centre. West Bank, Palestinian Territories, Oktubre 2023. © Faris Al-Jawad/MSF
Pagkatapos ng mga pagsalakay ng Hamas noong Oktubre 7, kinansela ang mga permit ng libo-libong mga Gazan na nagtatrabaho sa Israel. Ayon sa Palestinian Ministry of Labour may mga 6,000 na manggagawa ang nasa West Bank ngayon, at ang ilan sa kanila ay kalunos-lunos ang kondisyon ng pamumuhay. Sinusuportahan sila ng mga team ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) sa pamamagitan ng mga donasyon, gaya ng mga gamot para sa hindi nakahahawang sakit, at nagbibigay din sila ng suporta para sa kalusugang pangkaisipan.
"Bago dumating ang Oktubre 7, maayos naman ang buhay ko," sabi ni Hussein*, 62, na nakatira sa Gaza ngunit nagtrabaho sa Israel nang 37 na taon bago nagkaroon ng digmaan sa Strip. "Nagtatrabaho ako sa Ashdod. Minsan doon ako natutulog, minsan nama’y umuuwi ako sa Gaza upang bisitahin ang aking pamilya at mamalagi muna doon."
Upang kumita para sa mga pangangailangan ng kanyang pamilya, nagpipintura si Hussein ng mga bahay at nagtatrabaho sa mga bukid sa Ashdod, isang siyudad sa Israel na 35 hanggang 40 kilometro sa hilagang Gaza.
"Mabuti naman ang pagtrato sa akin, at marami akong kaibigang Israeli," sabi niya. "Noong araw bago ang mga pagsalakay noong Oktubre 7, nagkakape kami ng matalik kong kaibigan sa lugar kung saan ako nakatira. Siya’y isang Israeli na nakilala ko habang bumibili ng gulay sa palengke. Dinadalhan ko pa siya at ang kanyang pamilya noon ng mga prutas at gulay mula sa Gaza. Naging magkaibigan din ang aming mga pamilya."
Ang mga labi ng isang nawasak na gusali sa Jenin pagkatapos itong salakayin ng mga Israeli noong Nobyembre 1. Ang pagdanak ng dugo sa Gaza ay nangyayari na rin sa West Bank, kung saan 141 na Palestino na ang pinatay mula noong Oktubre 7. West Bank, Palestinian Territories, Nobyembre 2023. © Faris Al-Jawad/MSF
Pero noong Oktubre 7, ang lahat ay nagbago para kay Hussein. "Natutulog ako noon nang pumasok sa kuwarto ko ang aking kaibigan. May kasama siyang isa pang lalaki at pinaghahampas nila ako ng kahoy at sinigawan ako. 'Pinapatay kami ng inyong mga kababayan samantalang natutulog kayo sa aming mga bahay!' Pinakawalan nila ang kanilang mga aso upang lapain ako. Pinagkakagat ako ng mga aso at winakwak ang aking katawan at ang aking tiyan."
Pagkatapos ng sampung minuto, nakatakas si Hussein, ngunit inabot siya ng tatlumpung minuto bago siya makarating sa isang ligtas na lugar.
"Tinawagan ko ang isa ko pang kaibigang Israeli, at sinundo niya ako. Dinala niya ako sa bahay ng isa pa naming kaibigan, kung saan sampung araw akong nagtago sa dilim. Noong Oktubre 18, sumakay ako ng taxi patungong West Bank."
Dumating si Hussein sa Ramallah, ang pangunahing siyudad ng West Bank, at nagpasyang pumunta sa bandang hilaga, sa Jenin, kung saan daan-daang taga-Gaza ang namamalagi sa mga centre na pinapatakbo ng mga awtoridad na Palestino.
Pumupunta ang aming mga team sa mga centre na ito upang magbigay ng mga donasyong medikal, kagaya ng mga gamot para sa mga di nakahahawang sakit, at magbigay ng suporta para sa kalusugang pangkaisipan. Ayon sa ilang mga pasyente, sila’y binugbog, pinahiya at inabuso ng mga Israeli habang sila’y nakakulong mula pa noong Oktubre 7.
"Napakabait ng mga tao rito. Hindi ko inaasahanag mangyayari ito," sabi ni Hussein. "Nasa siyudad ng Gaza ang pamilya ko. Doon nakatira ang aking asawa at mga anak. Minsa’y natatawagan ko sila, at nakakausap sa telepono. Kinukuwento nila sa akin ang sitwasyon doon. Kinikilabutan ako sa mga nangyari."
"Gusto ko lang mabuhay nang mapayapa. Ayaw naming makaabala ng tao, at umaasa kaming wala ring aabala sa amin. Gusto namin –ako, ng aking pamilya, mga anak at apo—ng mapayapang pamumuhay. Ang Palestine ang aking bayan, kahit nasaan ako, ito pa rin ang aking tahanan. Gusto ko nang makapiling ang aking pamilya sa Gaza."
Naniniwala si Hussein na hindi na siya makababalik sa Ashdod, ang siyudad kung saan siya dating nagtatrabaho.
"Hindi na makababalik pa sa dati ang sitwasyon," sabi niya.
*Pinalitan ang kanyang pangalan para sa kanyang proteksyon.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.