PAHAYAG: Tumawid ang pandaigdig na staff ng Doctors Without Borders sa border ng Ehipto
Alas dos ng madaling araw noong Oktubre 27 nang dumating ang aming medical team sa ospital ng Jenin upang gamutin ang mga sugatan matapos salakayin ng mga puwersang Israeli ang Jenin refugee camp. Dalawang Palestino ang iniulat na pinatay, at marami ang nasaktan. Palestine, 27 Oktubre 2023. © MSF/Faris Al-Jawad
Lahat ng pandaigdig na staff ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) na hindi makaalis sa Gaza mula noong Oktubre 7 ay tagumpay nang nakatawid sa border ng Ehipto gamit ang Rafah Crossing. Bunga ng negosasyon, may panahong inilaan para sa pagtawid ng mga foreign passport holder at mga international aid worker.
Kasama sa grupong ito ang 22 na Doctors Without Borders staff. Bagama’t ang ilan sa kanilang mga pangalan ay lumabas na sa social media, hinihiling pa rin naming igalang ang kanilang privacy at isaalang-alang ang kanilang kapakanan.
Kasabay nito, may ilan ding lubhang nasaktang mga pasyente na pinayagan ding umalis ng Gaza upang makakuha ng kritikal na pangangalaga. Kaya lang, mayroon pa ring mahigit 20,000 na mga sugatan sa Gaza na limitado lang ang nakukuhang pangangalagang pangkalusugan dahil sa digmaan.
Ang bagong team ng pandaigdig na staff, kung saan kasama ang isang specialised medical team, ay natukoy na at handa na silang pumasok ng Gaza kapag sila’y pinahintulutan upang suportahan ang humanitarian at medical response.
Samantala, marami sa aming mga kasamahang Palestino ay patuloy na nagtatrabaho at nagbibigay ng makasagip-buhay na pangangalaga sa mga ospital at sa ibang bahagi ng Gaza Strip, kahit na hindi ginagarantiyahan ang proteksyon para sa mga ospital at mga medical personnel.
May mga dalawang milyong Palestino ang hindi pa rin makaalis sa Gaza dahil sa pagbobomba. Kasama rito ang 300 Palestinong Doctors Without Borders staff at ang kanilang mga pamilya.
Dagdag pa rito, kailangan kaming payagang magpasok ng mga medical supply at personnel sa Gaza sa lalong madaling panahon upang tumugon sa mga matitinding pangangailangan doon.
Inuulit namin ang aming panawagan para sa isang agarang ceasefire. Ang mga kinakailangang humanitarian supply at staff ay dapat pahintulutang ipasok sa Gaza kung saan napupuspos na ang mga ospital at ang sistema para sa pangangalagang pangkalusugan ay nanganganib nang bumagsak.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.