Pagiging makatao nang walang hinihinging kapalit, kailangang maibalik sa Gaza
Ang malawakang pagpatay ng mga sibilyan ay nakaririmarim at dapat ikondena sa lahat ng posibleng paraan. Kahila-hilakbot ang karahasan na inihasik nitong nakaraang sampung araw.
Libo-libong mga lalaki, babae at mga bata ang pinatay sa Israel.
Libo-libong mga lalaki, babae at mga bata ang pinatay sa Palestine.
Ang kasalukuyang sitwasyon sa Gaza ay isang malaking trahedya. Ang mga ospital at klinikang tumatakbo pa ay napupuspos na at hindi sila makakilos nang maayos. Nauubusan na sila ng supply ng kuryente at ng mga medical supplies. Nag-oopera ang mga surgeon sa Al-Shifa Hospital nang di gumagamit ng mga painkiller. Bilang isa ring surgeon, di ko ito mailarawan sa aking isipan.
Sa kasalukuyan, ang pagbobomba sa Gaza ay walang patid. Marami ang namamatay habang pinupuwersa silang lumikas at maghanap ng ligtas na lugar. Hindi makatakas ang mga tao, wala silang ligtas na mapupuntahan. Napagkakaitan din sila ng mga pangunahing pangangailangan gaya ng tubig, pagkain, protektadong masisilungan, mga gamot.
Hindi namin makayang isipin ang nangyayaring ito. Hindi ito makatao.
Kailangang manumbalik sa Gaza ang paggalang sa pagkatao ng bawat isa.
Kailangan ng mga tao sa Gaza ng mga lugar na protektado, at mga paraan upang maabot sila nang ligtas at walang hadlang. Dapat pahintulutan ang mga taong gustong tumawid papunta sa Ehipto, at maaari silang bumalik, habang sila’y binibigyan ng wasto at makataong pagtulong. Kailangan din ng mga tao ng malinis na tubig, maaasahang supply ng kuryente, mapagkukunan ng pagkain, at access sa pangangalagang pangkalusugan.
Ang Rafah crossing papuntang Ehipto ay dapat buksan upang makapasok ang mga medical supplies at mga pangunahing pangangailangan para sa Gaza.
Para sa amin naman, at sa lahat ng medical staff sa Gaza, kailangan naming magarantiyahan ang aming kaligtasan upang makapagtrabaho kami nang maayos.
Bagama’t nahaharap kami sa mga matitinding pangangailangan, dahil sa malawakang pambobomba at sa kawalan ng posibilidad na makapagdala kami ng supplies ay napipilitan kaming suspindihin ang karamihan sa aming mga gawain. Ginagawa ng aming mga team sa loob at labas ng Gaza ang aming makakaya upang tumugon sa mga pangangailangan.
BIlang isang organisasyong medikal at humanitarian, nais naming makatulong nang higit pa sa nagagawa namin sa kasalukuyan. Ngunit sa ngayon, ito ay hindi talaga posible.
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.
Dr Christos Christou is the International President of Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF).