Skip to main content

    Nananawagan ang Doctors Without Borders para sa agarang pagkilos habang binibigo ng mga pamahalaan at mga donor ang mga batang may TB

    A grandmother with her grandson at one of MSF's active case finding sites for tuberculosis on March 13, 2023 in Tondo, Manila.

    Isang babae kasama ang kanyang apo sa isang Doctors Without Borders active case finding site para sa tuberculosis sa Tondo, Maynila. Pilipinas, Marso 2023. © Ezra Acayan

    Geneva, 15 Oktubre 2024 – Isang bagong ulat na inilabas ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ay nagpapakita na ang mga batang may tuberculosis (TB) ay patuloy na napag-iiwanan sa pandaigdigang pagsusumikap na wakasan ang sakit. Sinuri sa ulat, na pinamagatang TACTIC: Test, Avoid, Cure TB in Children, ang mga alituntunin para sa mga patakaran na may kaugnayan sa TB sa labing apat na bansa* na may high disease burden para sa TB. Inilantad ng ulat na maraming mga bansa ang nahuhuli sa pagtugma sa kanilang mga pambansang patakaran sa mga pinakahuling alituntunin na inilabas ng World Health Organization (WHO). 

    Inuudyukan ng Doctors Without Borders ang lahat ng mga bansa na baguhin ang kanilang mga pambansang alituntunin, alinsunod sa mga rekomendasyon ng WHO para sa pangangalaga ng mga batang may TB, at ilaan ang mga kinakailangang mapagkukunang-yaman—kasabay ng paglikha ng mga malinaw na plano na may nakatakdang panahon para sa pagpapatupad ng mga patakaran at sa pagdagdag ng access sa pagpigil, pagtukoy at paggamot ng TB sa mga bata sa buong bansa. Hinikayat din ng Doctors Without Borders ang mga pandaigdigang donor at mga technical support agency na magbigay ng sapat na pondo sa mga bansa upang masuportahan ang mga pagbabago at pagpapatupad ng paediatric TB policy. 

    “Nagagamot ang TB, maging sa mga bata. Binago ng WHO ang mga patakaran upang magabayan ang mga bansa sa pagbibigay ng pinakamahusay na pangangalaga sa mga batang may TB, na isa sa pinakanakamamatay na nakahahawang sakit sa buong mundo,” sabi ni Stijn Deborggraeve, ang Diagnostics Advisor para sa Access Campaign ng Doctors Without Borders. 

    Gayunpaman, ang mga bansa ay nahuhuli sa pagpapatibay at pagpapatupad ng mga solusyon para sa pagsusuri, pagpipigil, at paggamot ng TB sa mga bata. Hinihikayat namin ang mga bansa, mga donor at mga technical agency upang wakasan ang nakamamatay na status quo at pag-ibayuhin ang kanilang pagsusumikap na matiyak ang napapanahong pagtukoy at paggamot ng TB sa mga bata. Hindi na maaaring hindi tayo kumilos—ang bawat pagpapaliban ay nangangahulugang mas maraming bata ang mamamatay nang walang saysay.
    Stijn Deborggraeve, Diagnostics Advisor

    Ayon sa 14 na policy indicator na pinag-aralan sa ulat ng Doctors Without Borders, iisang bansa lang ang may mga patakarang tugma sa mga alituntunin ng WHO, habang pitong bansa ay mahigit sa 80% ang pagkakatugma, at 4 na bansa ang mas mababa pa rin sa 50% ng pagkakatugma. Ang mga pinakamalaking puwang ay makikita sa mga patakarang kaugnay ng pagtukoy ng TB sa mga bata. Halimbawa, 5 lang sa 14 na bansa ang binago ang kanilang mga alituntunin upang bigyan na ng paggamot para sa TB ang mga bata na may mga sintomas na indikasyon ng pagkakaroon ng sakit, kahit na negatibo ang resulta ng kanilang mga bacteriological test. Dagdag pa rito, apat lang sa limang bansa ang may mapagkukunang-yaman upang maipatupad ang alituntuning ito.
     

    Ayon sa WHO, may 1.25 milyong bata at mga young adolescent (0 hanggang 14 na taong gulang) ang nagkakasakit ng TB kada taon, ngunit kalahati lang ng mga batang iyon ang natutukoy at nagagamot.

    Batay sa pinakahuling ebidensyang siyentipiko, binago ng WHO ang kanilang mga alituntunin noong 2022 para sa pagbibigay-lunas sa mga bata at mga adolescent na may TB, at gumawa sila ng ilang mahahalagang rekomendasyon. Kabilang rito ang paggamit ng mga treatment decision algorithm kung saan maaaring tukuyin ang sakit ng mga bata ayon lamang sa mga sintomas, nang walang pagkumpirma mula sa isang laboratoryo. Kasama rin dito ang pagbibigay ng mga oral regimen sa loob ng maikling panahon upang bigyang lunas at pigilan ang pagkakaroon ng TB ng mga bata. Kapag ito’y pinagtibay at ipinatupad, ang mga rekomendasyon ng WHO ay maaaring magresulta sa pagpapabuti ng paggawa ng diagnosis at ng kalidad ng pangangalaga para sa mga batang may TB.

    “Mula noong inumpisahan naming isatupad ang mga rekomendasyon ng WHO para sa mga bata sa distrito ng Bombali, mas maraming mga batang may TB ang aming natukoy at nagamot,” sabi ni Joseph Sesey, ang Clinical Officer ng Doctors Without Borders sa Makeni, Sierra Leone.

    “Ang mga bagong rekomendasyong ito ay nakatulong sa aming makaiwas sa pagbibigay ng maling diagnosis sa mga bata. Ang mga doktor na dati’y nag-aalangan sa pagbibigay ng paggamot sa TB sa mga bata nang walang positibong TB test result ay mas may kumpiyansa na ngayon sa pagtukoy ng TB batay sa mga klinikal na sintomas lamang, alinsunod sa mga rekomendasyon ng WHO. Nakita ko ang malaking pagkabawas sa mga namamatay na bata na may TB sa maraming health centre.”

    Subali’t hindi natatapos ang trabaho sa mga pagbabago sa patakaran. Halimbawa, ang mga bago at mas mabilis na umepektong all-oral regimen ay inirerekomenda na ngayon ng WHO para sa paggamot ng drug-susceptible (DS-) at drug-resistant TB (DR-TB) sa mga bata. Ngunit, ang pagpapatupad nito sa mga bansa ay nananatiling mabagal. Dagdag pa rito, kahit na mayroon nang mga bagong gamot sa TB na puwede sa mga bata na may DS- at DR-TB, hindi ito laging binibili ng mga bansa. 

    “Sa kasamaang palad, ang mga gamot sa TB na maaaring ipainom sa mga bata ay hindi pa rin makukuha sa maraming mga bansa dahil sa mga burukratikong balakid at mga kakulangan sa pagpopondo,” sabi ni Dr. Cathy Hewison, ang namumuno sa TB working group ng Doctors Without Borders.

    Dahil dito, ang mga batang may TB ay napipilitang uminom ng mga dinurog at mapapait na gamot nang walang angkop na dose ayon sa kanilang timbang, kung kaya’t nalalagay sila sa matinding panganib ng pagdanas ng mga side effect o di kaya nama’y ng hindi pagtalab ng mga gamot. Ang pagpapabayang ito ay dapat nang wakasan ngayon. Nananawagan kami sa mga pamahalaan, mga donor, at sa mga pandaigdigang organisasyong pangkalusugan na kumilos agad, at tiyaking walang batang mamamatay o magdurusa dahil sa isang sakit na maaari namang pigilan o gamutin, gaya ng TB. Ang mga kagamitan at paggamot na mayroon tayo ngayon ay dapat makarating sa mga batang pinakanangangailangan nito sa lalong madaling panahon.
    Dr Cathy Hewison, TB Working Group Head

    * Afghanistan, Central African Republic, Democratic Republic of Congo, Guinea, India, Mozambique, Niger, Nigeria, Pakistan, Philippines, Sierra Leone, Somalia, Republic of South Sudan, Uganda.