Nahaharap ang Sudan sa isang napakalaking kapahamakang tao ang may gawa
Khadija Mohammad Abakkar, 25, in Zalingei hospital, Central Darfur, Sudan, 03 April 2024 © MSF
Nananawagan ang Doctors Without Borders para sa kagyat at matuling pagpapalaki ng tugong humanitarian
Matapos ang isang taon ng digmaan, ang tulong na ibinigay sa milyon-milyong tao ay mistulang patak lang sa dagat dahil sa mga pampulitikang balakid na nilikha ng mga magkakalabang partido at sa kakulangan ng aksyon mula sa United Nations at sa mga pandaigdigang organisasyong humanitarian.
Port Sudan/Darfur, 12 Abril 2024 – Sa isa sa pinakamalalang krisis sa mundo nitong mga nakaraang dekada, nahaharap ang Sudan sa isang napakalaking kapahamakang tao ang may gawa, isang taon pagkatapos magsimula ang digmaan sa pagitan ng pinamumunuan ng gobyerno na Sudanese Armed Forces (SAF) at ang paramilitary Rapid Support Forces (RSF). Ang buhay o kamatayan ng milyon-milyong tao ay nakasalalay sa agarang pagbibigay-daan sa ligtas na humanitarian access.
Sa pagpupulong sa Paris sa Abril 15 ng mga pamahalaan at mga opisyal nito, ng mga organisasyong nagbibigay ng tulong, at ng mga nagbibigay ng donasyon upang pag-usapan ang mga paraan upang mapabuti ang paghahatid ng humanitarian aid, ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ay nananawagan sa agarang pagpapalaki ng pagtugong humanitarian.
Si Chira Casah ay isang 24 na taong gulang na refugee mula sa Sudan. "Tumakas ako kasama ng aking ina, kapatid na lalaki, at kapatid na babae. Sa gitna ng kaguluhan ng digmaan, nawalan kami ng komunikasyon ng aking ama at dalawa pang kapatid na lalaki. Sana’y buhay pa sila." Sudan,15 Marso 2024 © MSF
- “Ang aking pamilya ay binibiktima ng sakit.”
Ako si Chira Casah, isang 24 na taong gulang na refugee mula sa Sudan. Ang paglikas namin mula sa Khartoum ay isang nakapanghihinang paglalakbay na pinalala pa ng aking pagiging desperado upang makakuha ng medical aid para sa aking thyroid disorder, na nagiging sanhi ng lagnat, pagkahilo, hormonal imbalance, hirap makatulog, at pangangayayat kung ito’y pababayaan lang. Tumakas ako kasama ang aking ina, kapatid na lalaki, at kapatid na babae. Hindi na namin makontak ang aming ama at ang dalawa pa naming kapatid na lalaki dahil sa kaguluhan ng digmaan. Sana’y buhay pa sila.
Matindi ang kaibhan ng buhay sa kampo sa aming maginhawang buhay sa Khartoum. Ang aking pamilya ay binibiktima ng sakit, kung kaya’t kinakailangan naming bumisita nang madalas sa klinika ng MSF para sa kanilang tulong. Nakaamba na ang mga kakulangan sa pagkain at tubig, kung kaya’t napipilitan kaming mangalahig para mabuhay. Mamamatay ka lang sa gutom kung hindi ka lalabas at subukang gawin ang lahat ng iyong makakaya upang makakuha ng trabaho at kumita ng kaunting pera.
Dati akong estudyante sa unibersidad kung saan pinag-aaralan ko noon ang pagprotekta sa mga hayop. Ang mga pangarap ko dati ay tila napakalayo na sa gitna ng kawalang katiyakan ng aming kinabukasan. Sa kabila ng aking nararamdaman na nagkakandawatak-watak na ang aking pamilya, nakakapit pa rin ako sa pag-asa.
Nang nagsimula ang digmaan noong Abril 15, ilang araw bago ang Ramadan, hindi kami makalabas sa aming bahay dahil sa pagsabog ng karahasan sa paligid namin. Dahil sa paunti nang paunti na ang aming mapagkukunang-yaman, binenta namin ang aming mga gamit. Iniwan namin ang aming mga mahal sa buhay nang kami’y pumunta sa Kosti mula sa Khartoum at sa kalaunan, ay sa transit center dito.
Marahas ang buhay sa kampo. Ang aking nanay at kapatid na babae ay nagsisikap na masanay sa isang kapaligiran na puno ng mga langaw, lamok, daga, at mga mababangis na hayop. Ang Kosti ay parang Khartoum din, mataas ang antas ng krimen at kawalan ng seguridad dito. Balak naming lumikas sa Joda at pagkatapos ay sa Renk. Ito’y isang pansamantalang transit center lamang.
Sa kabila ng aking mga pagsusumikap na makakuha ng gamot para sa aking thyroid condition, kulang ng mga kinakailangan kong gamot ang ospital sa kampo. Ipinaliwanag ko ang aking kondisyon sa isang doktor at ibinigay ko ang pangalan ng mga gamot na kadalasan kong iniinom, ngunit hindi niya ako matulungan.
Hinihintay namin ang dalawa kong kapatid na nasa Kosti pa rin. Ang isa sa kanila ay may schizophrenia. Nag-aatubili siyang sumama sa amin dahil sa kanyang kakulangang pinansiyal, isang pagpapatunay na naman ng malupit na katotohanan na pera ang nagdidikta ng ating mga mapagpipiliang gawin. Ang aming paglalakbay ay nakasalalay sa kanyang abilidad na sumama sa amin, at bigyang hugis ang hindi tiyak na daan na aming tatahakin. Ito ang aking kuwento, kung paano ako nabubuhay sa gitna ng mga pagsubok ng kawalan ng tirahan at ng mga hamon na dala ng aking sakit.
Milyon-milyong tao ang nasa panganib, ngunit tila nagbubulag-bulagan ang mundo habang hinaharangan ng mga magkalabang partido ang humanitarian access at ang paghahatid ng tulong. Dapat doblehin ng United Nations (UN) at ng mga bansang miyembro nito ang kanilang mga pagsusumikap na makakuha ng ligtas at walang balakid na access at palakihin ang pagtugong humanitarian upang maiwasang lumala pa ang sitwasyon na sa kasalukuyan ay desperado na.
Sa mga lugar na malapit sa kaguluhan, ginamot ng mga team ng Doctors Without Borders ang mga babae, lalaki, at mga batang nagtamo ng mga pinsala sa gitna ng mga labanan, gaya ng mga may shrapnel wounds, mga nasabugan, at mga nabaril, pati na rin ang mga natamaan ng mga ligaw na bala. Mula Abril 2023, ang mga pasilidad na sinusuportahan ng Doctors Without Borders ay nakatanggap ng mahigit sa 22,800 na mga kaso ng traumatic injury at nagsagawa ng mahigit sa 4,600 na operasyon o mga surgical intervention. Karamihan sa mga kaso ay may kaugnayan sa karahasang naganap sa Khartoum at Darfur. Sa Wad Madani, isang bayang napapaligiran ng tatlong aktibong frontline, kasalukuyang gumagamot kami ng 200 pasyente kada buwan dahil sa mga pinsalang natamo nila kaugnay ng karahasan sa kanilang paligid.
Ayon sa UN, mahigit walong milyong tao na ang napilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan, at ilang beses nang napaalis mula sa kanilang kinaroroonan. Tinatayang dalawampu’t limang milyon—kalahati ng populasyon ng bansa—ang nangangailangan ng humanitarian assistance.
Bagama’t nakikipagtulungan ang Doctors Without Borders sa Ministry of Health (MoH) ng bansa, ang Government of Sudan (GoS) ay laging sinasadyang harangan ang pagdala ng humanitarian aid, lalo na sa mga lugar na hindi nila kontrolado. Sistematiko ang pagkait nila ng mga travel permit para makatawid ang mga humanitarian staff at supplies sa mga frontline, ang mga paghihigpit sa paggamit ng mga border crossing, at ang pagpapatupad ng napakahigpit na proseso sa pagkuha ng humanitarian visa.
“Ngayon, ang aming pinakamalaking hamong hinaharap ay ang kakulangan ng medical supplies. Naubusan na kami ng surgical equipment, at kami’y nasa bingit na ng pagtigil sa lahat ng aming mga ginagawa kung wala pa ring darating na supplies,” sabi ni *Ibrahim, isang doktor na nagtatrabaho para sa Doctors Without Borders sa Khartoum, isang siyudad na anim na buwan nang nakabangkulong. Parang ganito rin ang sitwasyon sa siyudad ng Wad Madani mula pa noong Enero.
*Pinalitan ang pangalan para sa kanyang proteksyon
"Maraming mga pamilyang hindi makaalis sa mga delikadong lugar ang desperadong makarating sa ligtas na kanlungang ito. Subalit ang paglalakbay patungo rito ay mapanghamon: malaki ang magagastos at delikado ang biyahe dahil sa madalas na pagsalakay at laganap na pandarambong. Ang mga gumagawa nito ay walang iniiwang buhay. Kailangang-kailangan namin ng transportasyon at proteksyon. Walang salitang makapaglalarawan kung gaano kalala ang kasalukuyang sitwasyon."
"Nasa Darfur ako noon at kinailangang tumakas noong 2003. Napunta ako sa Myala, at ngayo’y tumatakas mula roon, at andito na ako ngayon,"sabi ni Ahmed Mohammed. UNHCR Transit Centre for Sudanese Refugees - Abyei. Sudan, 07 Agosto 2023 © MSF
Sa mga lugar na kontrolado ng RSF, kung saan naroon din ang iba’t ibang militia at mga armadong grupo, ang mga pasilidad pangkalusugan at mga bodega ay madalas looban noong mga unang buwan ng alitan. Ang mga insidente tulad ng carjacking ay naging pangkaraniwan, at ang mga medical worker, partikular na ang mga galing sa Ministry of Health, ay nililigalig at inaaresto.
Sa mga mahirap puntahang lugar gaya ng Darfur, Khartoum o Al Jazirah, madalas na ang Doctors Without Borders lang ang natatangi o isa sa iilang pandaigdigang organisasyong humanitarian na naroon, samantalang ang mga pangangailangan ay higit sa aming kapasidad na tumugon. Kahit sa mga mas madaling puntahang lugar gaya ng mga estado ng White Nile, Blue Nile, Kassala at Gedare, ang pangkalahatang pagtugon ay bale-wala: isang patak sa dagat.
Apat na buwan na ang nakararaan, mula noong nakahanap si Khartouma ng masisilungan sa Adré, Eastern Chad, matapos tumakas mula sa matinding karahasan at labanan sa kanyang tirahan sa Ardamata, sa West Darfur, Sudan. Kasama ang kanyang anim na anak, na ang mga edad ay mula siyam na buwan hanggang labinlimang taon, nagpupunyagi pa rin siyang buhayin ang kanyang pamilya sa transit refugees’ site ng Adré. 29 Marso 2024 © MSF
- “Napakahirap ng buhay rito. Ang pinaka-inaalala ko ay ang mga bata."
Apat na buwan na ang nakararaan nang nakahanap ng kaligtasan si Khartouma sa Adré, Eastern Chad, pagkatapos niyang takasan ang matinding karahasan at mga labanan sa kanilang barangay ng Ardamata, sa West Darfur, Sudan. Kasama ang kanyang anim na anak, na ang mga edad ay mula sa siyam na buwan hanggang labinlimang taon, humaharap siya sa mga hamon upang mabuhay sa Adré, isang lugar para sa transit refugees kung saan napakalimitado ng kanilang nakukuhang mga pangunahing serbisyo. Mula nang nag-umpisa ang alitan, 550, 000 na mga refugee mula sa Sudan ang nagsilikas sa Eastern Chad at ngayo’y nagdurusa sa mga kahindik-hindik na kondisyon ng pamumuhay, dahil sa kakulangan ng pagkain, tubig, at ng disenteng sanitasyon.
“Nang nagkaroon na ng mga armadong labanan at pagbobomba malapit sa aming barangay, wala na akong magawa kundi lisanin ang aking tirahan. Isang grupo kaming sumubok na tumakas, ngunit may ilang hindi nakaabot nang buhay sa hangganan. Ikinarga namin ang lahat ng puwedeng mapagkasya sa isang kotse, at umalis kami kasama ang aming kapitbahay. Ngunit hindi ligtas ang aming mga dadaanan, may mga taong namatay dahil sinalakay sila habang nasa daan. Sa kabutihang-palad, bagama’t may mga armadong lalaking naka-engkuwentro namin, kinuha lang nila ang aming mga gamit, at hindi ang aming mga buhay.
Gabing-gabi na noong dumating kami sa hangganan. Noong sumunod na araw, pumunta kami sa Adré transit refugee site kung saan nakipagtagpo kami sa aking tiyahin. Ibinahagi niya ang kakaunting mayroon siya: isang trapal, ilang pirasong kahoy at tatlong kilo ng harina. Kahit papaano, maaari kaming magtayo ng masisilungan, matulog at kumain. Nitong nakaraang apat na buwan, dalawang beses akong nakinabang sa pamamahagi ng mga donasyon. Nakatanggap ako ng mga bag ng cereal, harina, mantika at iba pa. Ngunit hindi iyon sapat para sa aming mga pangunahing pangangailangan.
Sa dati kong tirahan, ang paggawa ng mga paso at palayok ang pinagkakitaan ko. Upang mabuhay kami rito, naghanap ako ng mga paraan upang makagawa uli ng mga naturang gamit, na binebenta ko sa komunidad para magkaroon ng pambili ng pagkain.
Napakahirap ng buhay rito. Ngunit ang pinakainaalala ko ay ang mga bata. Hindi ko kayang ibigay ang kanilang mga pangangailangan, kahit man lang sapatos. Walang paaralan dito, kaya’t walang ginagawa ang mga bata buong araw, paikot-ikot lang sila. Ayaw nila rito sa kampo, gusto nilang bumalik sa Sudan.Naunang lumikas ang asawa ko dahil mayroon siyang isa pang asawa sa El Geneina. Inilipat na siya sa isang opisyal na kampo sa Farshana. Desperado na ako sa pagsubok na makasama namin siya ng mga anak niya, ngunit hindi ko alam kung kailan iyon mangyayari. Isang araw, sinabihan kami na ililipat din kami kaya’t nag-empake kami. Ngunit hindi ito natuloy at hanggang ngayo’y naghihintay kami.“
Isang halimbawa ay ang kapaha-pahamak na krisis ng malnutrisyon sa kampo ng Zamzam sa North Darfur, kung saan walang pagkaing ipinamamahagi ang WFP mula noong Mayo 2023. 23% ng mga batang idinaan namin sa screening sa isang rapid assessment noong Enero ay napag-alamang may acute malnutrition. Pitong porsyento sa mga kasong ito ay malala. 40% ng mga nagdadalang-tao at nagpapasusong mga kababaihan ay nakararanas ng malnutrisyon. Nakapanghihina na ang mortality rate sa kampo ay 2.5 kada 10,000 na tao ang namamatay araw-araw.
Si Khadija Mohammad Abakkar, na tumakas mula sa kanyang tirahan sa Zalingei, Central Darfur, upang maghanap ng kaligtasan, ay nagkuwento sa amin kung gaano kahirap ang mabuhay nang walang humanitarian assistance: “Habang may labanan, walang makukuhang pangangalagang pangkalusugan o pagkain sa kampo. Binenta ko ang ilan sa aking mga kagamitan para magkaroon ng pambili ng pagkain.”
Bagama’t ito’y mga kondisyon kung saan mahirap kumilos, ang pagtugon ay dapat dagdagan at hindi bawasan, lalo na sa mga lugar kung saan posibleng makaabot ang tulong. Ang karagdagang pagsusumikap ay kinakailangan mula sa lahat ng kumikilos na organisasyon at indibidwal upang makahanap ng mga solusyon para sa mga suliranin at lakihan ang mga nasasaklaw ng mga aktibidad sa bansa.
“Ang United Nations at ang kanilang mga katuwang ay nagpatuloy sa pagkilos ayon sa mga paghihigpit na itinakda nila sa kanilang sarili. Bilang resulta, hindi sila nasa tamang puwesto para makisangkot o magpatakbo ng mga team sa mismong lugar kapag may oportunidad,” pagpatuloy ni Agbas.
- “Tatlong araw kaming di makatulog.”
Ako si Khadija Mohammad, dalawampu’t limang taong gulang. Ito ang aking anak, si Malaka. Napilitan akong lumikas dahil sa digmaan sa Sudan. Limang buwan na ang nakalilipas nang napilitan akong iwan ang aming tinitirhan sa kampo ng Hasahissa, sa Zalingei, Central Darfur, Sudan. Naghanap ako ng bagong matitirhan sa kampo ng Tululu, mga isang araw ang layo mula sa dati kong tirahan.
Nang nagsimula ang alitan ng SAF at RSF, nakatira ako sa gilid ng kampo [ng Hasahissa], malapit sa isang base militar. Pumupunta ang mga milisya sa aming mga tirahan upang kunin ang aming mga gamit para sa kanilang sariling pakinabang. Nang nagsimula ang labanan, walang paraang makakuha ng pangangalagang pangkalusugan o pagkain sa kampo. Kinailangan kong magbenta ng mga kagamitan upang magkaroon ng pambili ng pagkain. Sa kalaunan, naging masyadong delikado na ang sitwasyon, kaya’t napilitan akong lumipat sa kampo ng Tululu, na isang oras ang layo sa tinitirhan ko noon.
Lubos kaming nagdusa. Tatlong araw kaming di nakatulog [sa kampo ng Hasahissa]. Ngayon, hindi rin mabuti ang aming kinaroroonan dahil walang sapat na pagkain.
Sa kampo ng Tululu, walang paraan upang ako at ang aking pamilya’y makakuha ng pangangalagang pangkalusugan. Kinailangan naming bumiyahe ng mahigit isang oras patungo sa Zalingei teaching hospital upang maipagamot ang aking anak na si Malaka, na napag-alamang positibong may malaria.
Sa kampo ng Hasahissa [ang dati naming tirahan], nakakatanggap kami ng libreng gamot. Hindi gano’n dito sa Zalingei. Ngunit ngayong araw na ito [sa kauna-unahang pagkakataon], nakatanggap kami ng libreng gamot.
Sinusuportahan ng mga team ng MSF ang Zalingei teaching hospital. Noong Abril 2, binuksan ang bagong ayos na emergency department ng ospital, kung saan sinusuportahan ng mga team ng MSF ang staff ng Ministry of Health sa pamamagitan ng pagbibigay ng ng mga insentibo at pagsasanay sa staff, at pagpapagawa ng mga bahagi ng pasilidad na kailangan ng rehabilitasyon.
Nananawagan ang Doctors Without Borders sa mga partido na sangkot sa alitan na kumilos ayon sa International Humanitarian Law at sa humanitarian resolutions ng Jeddah declaration sa pamamagitan ng paglikha ng mga mekanismong magpoprotekta sa mga sibilyan at matiyak ang humanitarian access sa lahat ng lugar sa Sudan, walang hindi kasali – kabilang rito ang pagpigil sa mga blockage. Nananawagan din ang Doctors Without Borders sa UN na magpakita ng katapangan sa harap ng matinding krisis at pagtuunan ang mga malinaw na resulta kaugnay ng pagdagdag sa access upang sila ay aktibong makapag-ambag sa mabilis na pagpapalaki ng humanitarian assistance. Inuudyukan din ng Doctors Without Borders ang mga nagbibigay ng donasyon na taasan ang pondo para sa pagtugong humanitarian sa Sudan.