Skip to main content

    Myanmar: Ang mga community health worker ay nagpunyagi upang tumugon sa gitna ng matinding paghihigpit sa estado ng Rakhine

    A Doctors Without Borders (MSF) staff carry supplies into the clinic in Sin Thet Maw village in Pauktaw township. Myanmar, March 2022. © Ben Small/MSF

    Buhat ng Doctors Without Borders staff ang mga gamit papasok sa clinic sa Sin Thet Maw village, Pauktaw township. Myanmar, Marso 2022. © Ben Small/MSF

    Noong Nobyembre 13, muling nagningas ang alitan sa estado ng Rakhine, na pumutol sa isang taong informal ceasefire. Mula noon, hinahadlangan ng mga matitinding paghihigpit ang Doctors Without Borders kung kaya’t hindi nila mapatakbo ang kahit alin sa mga 25 na mga mobile clinic kung saan isinasagawa ang humigit-kumulang 1,500 ng mga patient consultation kada linggo. 

    Nitong nakaraang siyam na linggo, sa kabila ng aming pagsusumikap na makahanap ng solusyon upang malagpasan ang mga paghahadlang, sa pamamagitan ng mga tele-consultation ng mga pasyente sa kanilang mga doktor, ang mga Doctors Without Borders community health worker (CHWs) ay kabilang sa iilang taong may direct access sa aming mga pasyente.

    Ang mga community health workers ay nagbibigay ng mahalagang pangangalaga 

    Sinusuportahan ng Ann Thar Clinic sa Min Bya ang mahigit 4,000 na internally displaced na tao mula sa mga komunidad ng Rakhine at Rohingya. Mula noong Nobyembre 13, ang mga team ng Doctors Without Borders ay hindi makapagpatakbo ng kanilang mga klinika. Noong Nobyembre 17, ang Min Bya General Hospital, isang pasilidad na ginagamit ng Doctors Without Borders para sa mga emergency referral ay napinsala dahil sa armadong labanan.

    “Ako si Aung Aung (Alias). Isa akong Community Health Worker (CHW) mula sa klinika ng Ann Thar sa Min Bya sa ilalim ng Mrauk-U project. 

    "Malinaw na malinaw ang pagkakaiba ng sitwasyon dito bago nangyari ang alitan at pagkatapos ng kalsalukuyang alitan. Noon, nagagawa ko ang aking trabaho nang regular at matiwasay. Ngunit hindi ko na ito magawa pagkatapos ng kasalukuyang mga labanan. Sa halip, lagi akong nag-aalala na baka may mangyari, hindi ako kampante habang naglalakad sa kalsada, at umiikot pa ako sa mga bukid kahit na mas malayo ito sa dati kong dinadaanan. Hindi na kasi kami ligtas. 

    Ako’y isang CHW, kaya’t ang aking kasanayang medikal ay limitado. Sa mga ganitong sitwasyon, ang maaari kong gawin ay tawagan ang mga doktor at pangalagaan ang mga pasyente ayon sa inuutos ng mga doktor. Pero minsan, hindi gumagana ang mga mobile connection, kaya’t nahirapan akong makipag-ugnay sa kanila. Sinusubukan namin silang makausap linggo-linggo."

    "Nababahala ako at nag-aalala para sa aming pasyente rito. Sa hinaharap, mahihirapan ang mga emergency patient, at ang mga nangangailangan ng reseta buwan-buwan."

    May mga pasyenteng may sakit na hindi nakahahawa, tulad ng diabetes at altapresyon, ngunit wala kaming mga gamot para sa kanila sa ngayon. Hindi pa rin kami sigurado kung ano ang gagawin namin. Sa kasalukuyan, may mga gamot kami para sa antenatal care at epilepsy. Hindi pa namin masabi kung ano ang puwede naming gawin para sa mga pasyenteng may hindi nakahahawang sakit. 

    Ang pagtaas ng presyo ng gasolina ay isa sa mga hinaharap naming mabibigat na hamon. Kung gusto ng mga taong pumunta sa klinika sa bayan, kailangan nila ng humigit-kumulang 60,000 Ks para sa isang round trip. Ang bayan ay limang milya ang layo mula sa aming nayon. Mas malaki pa ang gagastusin sa pagbiyahe kaysa sa kailangang bayaran para sa pangangalagang pangkalusugan. Nagmahal ang pamasahe mula noong nagsimulang muli ang alitan. 2,000 hanggang 2,500 Ks lang dati.

    Nababahala ako at nag-aalala para sa aming pasyente rito. Sa hinaharap, mahihirapan ang mga emergency patient, at ang mga nangangailangan ng reseta buwan-buwan. Hangga’t nakabarikada ang mga kalsada at patuloy ang mga labanan, mananatiling sarado ang mga klinika at parmasya sa bayan ng Min Bya.”

    Ang matinding paghihigpit sa paggalaw ay nakakaapekto sa mga mahihinang populasyon

    Si Min Thu ay isang community health worker sa kampo ng Kyein Ni Pyin para sa mga displaced na tao sa Pauktaw, isang lugar sa estado ng Rakhine. Ang kampo ng Kyein Ni Pyin ay tahanan para sa mahigit 7,500 na tao, karamihan sa kanila ay mga Rohingya na nawalan ng tirahan mula 2012. Ang Pauktaw ay isa sa mga pinakanaapektuhang bayan sa estado ng Rakhine, na pinauulanan ng matitinding pagsalakay at mass displacement.

    Napilitang isara ang Pauktaw Hospital, at ang mga paglalakbay sa loob at labas ng Pauktaw, pati sa mga kampo, ay halos naging imposible. Ang Doctors Without Borders at iba pang mga organisasyon ay humaharap sa mga hadlang na makapagbigay ng kahit anong uri ng tulong, at ang paglipat sa mga pasyenteng nangangailangan ng makasagip-buhay na emergency care ay isang malaking hamon.

    “Ako si Min Thu (Alias), 33 taong gulang. Bilang isang Community Health Worker (CHW) ng Doctors Without Borders, nagbibigay ako ng edukasyon ukol sa kalusugan ng komunidad na nasa kampo. Kapag bukas ang klinika, tumutulong ako sa halos lahat ng bagay, pati sa pagsasalin ng wika para sa mga pasyente. Isinasangguni ko rin ang mga emergency patient sa klinika.

    "Dahil sa kasalukuyang alitan, tumaas rin ang presyo ng transportasyon at pagkain. Hindi kami regular na nakatatanggap ng mga rasyon at mataas ang presyo ng mga bilihin.

    Doctors Without Borders counsellors and community-based health workers provide ongoing support to patients in villages, health clinics, and internally displaced peoples’ camps. These photos were taken before Cyclone Mocha, which has increased the needs for mental health support in Rakhine state. Myanmar, March 2023. © Zar Pann Phyu/MS

    Nagbibigay ng suporta ang mga Doctors Without Borders counsellors at community-based health workers sa mga pasyente sa iba-ibang bayan, klinika, at mga kampo ng mga mga taong napilitang lumikas. Ang litratong ito ay kinuha bago nangyari ang Cyclone Mocha, na naging sanhi ng pagtaas ng pangangailangan para sa pangangalagang magkaisipan sa estado ng Rakhine. Myanmar, Marso 2023. © Zar Pann Phyu/MSF

    "Bago nagsimulang muli ang labanan, pinapayagan kaming maglakbay basta’t nagpapaalam muna kami sa mga awtoridad. Ngunit ngayon, ito’y ipinagbabawal na.

    "Hindi namin mabuksan ang aming mga klinika tulad dati, at ito’y nakaaapekto sa aming mga pasyente sa iba’t ibang paraan. Para sa mga emergency patient, tinatawagan namin ang mga doktor ng Doctors Without Borders upang humingi ng payo. Sinusunod namin ang mga ipinapagawa nila, subalit, napakahirap kapag hindi nila nakikita ang pasyente nang personal. Nagbibigay lang sila ng payo o paggamot ayon sa sasabihin ng mga pasyente, at susundin na lang namin ang mga tagubilin ng mga doktor.

    "Ang lahat ng mga staff sa opisina ng Doctors Without Borders sa Sittwe ay ginagawa ang lahat ng kanilang makakaya upang matiyak na ang mga gamot at mga supply ay ligtas na madadala sa aming mga CHW.

    "Nangangamba kami para sa kinabukasan. Kapag patuloy kaming hindi makapagbukas ng mga klinika dahil sa mga paghihigpit sa pagbiyahe at dahil sa alitan, matindi ang magiging epekto nito sa aming mga pasyente."
     

    Ang karahasan ay nagdudulot ng pagtaas ng displacement

    Sa Rathedaung, maraming mga kampo ng Internally Displaced Persons (IDP) malapit sa bayan, kung saan nakatira ang mga etnikong Rakhine na nawalan ng tirahan mula 2019 dahil sa nakaraang alitan. Kamakailan lang, noong pumutok ang labanan sa lugar, nilisan ng mga tao ang mga kampo at lumikas sa mga mas ligtas na rural area. Kabilang sa mga ito ang mga CHW ng Doctors Without Borders. 

    “Ngayon, may mga labanan malapit sa aming mga kampo. Ang mga taong nakatira sa mga kampong IDP sa siyudad ay kinailangang lumikas sa ibang lugar. Nagpapaulan ng bala malapit sa aming mga kampo, kung kaya’t, kailangan ng lahat na tumakas at maghanap ng ibang matitirhan kung saan pakiramdam nila’y sila’y ligtas. Ganoon din ako, isa ako sa mga evacuee mula sa isang kampo.

    "Sa usapin ng seguridad, iba-iba ang natatanggap naming balita araw-araw. Nabalitaan namin na isinara ang mga waterway, hinaharangan ang mga bumibiyahe sa mga daan, at may mga armadong labanan sa siyudad ng Rathedaung.

    "Hindi madali para sa amin ang tumira sa iba’t ibang lugar. Palipat-lipat kami, at malaki ang epekto ng kakulangan ng mga pangunahing pangangailangan. Tuwing napipilitan kaming lumipat, kadalasa’y walang kuryente kaya’t kailangan naming tipirin ang baterya ng aming mga telepono.

    "Ang mga kakulangan sa pagkain ay nakaaapekto sa mga tao. Ang tanging inaalala ko ngayon ay ang kalusugan at pagkain ng mga tao."

    "Sa tingin ko, hindi pa kami makakabalik sa siyudad dahil mainit pa ang mga labanan. Takot ang mga taong bumiyahe dahil balita namin, may mga sibilyang naaaresto o di kaya’y ginagamit bilang mga human shield.

    May mga pasyente kaming may sakit na hindi nakahahawa sa aming mga kampo, at sila ay ilan sa aming mga regular na pasyente. Matagal na silang nagpupunta sa aming klinika. Ngayon na hindi namin mabuksan ang aming klinika dahil sa mga paghihigpit, tinawagan ko ang aming doktor at pinag-usapan namin kung maaari kaming magbigay ng mga gamot sa mga pasyenteng ito kapag naubusan na sila. 

    "Dahil sa mga pagharang sa mga sasakyan, maaaring hindi makapunta ng klinika ang mga pasyente. Ang mga kakulangan sa pagkain ay nakaaapekto sa mga tao. Ang tanging inaalala ko ngayon ay ang kalusugan at pagkain ng mga tao.”

    Nakakapanibagong antas ng karahasan sa buong Myanmar

    Walang kapantay ang antas ng karahasan sa Myanmar nitong nakaraang ilang buwan at matindi ang epekto nito sa mga taong nakatira sa loob at sa paligid ng mga lugar ng labanan kung saan ang mga makasagip-buhay na serbisyo ay hindi gumagana, o limitado at mapanganib puntahan.   

    Sa estado ng Rakhine, ang mga komunidad ay nakasalalay sa humanitarian assistance at namumuhay nang may paghihigpit na nakakasagabal sa kanilang pagkilos. Ang tulong na pinahihintulutan na pumasok sa estado dati ay nakasasagip ng buhay lalo na sa mga komunidad na pinagsisilbihan ng aming mga mobile clinic, kung saan walang pangangalagang medikal na makukuha sa mababang halaga. 

    Dati nang kontroladong-kontrolado ang access ng mga humanitarian organization sa estado ng Rakhine, ngunit ang pagpapatuloy ng kasalukuyang pagbabarikada ay magkakaroon ng matinding epekto sa kalusugan ng mga tao.

    Reproductive healthcare patients wait to be seen in Doctors Without Borders (MSF)’s clinic in Sin Thet Maw village in Pauktaw township. Myanmar, March 2022. © Ben Small/MSF

    Naghihintay ang mga pasyente sa klinika ng Doctors Without Borders’ sa Sin Thet Maw village, sa Pauktaw township. Myanmar, Marso 2022. © Ben Small/MSF

    Napapansin ng aming mga community health worker na may mga pasyenteng hindi sapat ang nakukuhang gamot at nahihirapang makipag-usap sa mga doktor, mga pasyenteng hinaharangan sa pagkuha ng secondary healthcare, at mga hindi nakakayang gumastos para sa pagkuha ng mga serbisyong kaugnay ng pangangalagang pangkalusugan mula sa malalayong lugar. Ayon sa pinakahuling datos mula sa Global Camp Coordination and Camp Management cluster, umaabot ng mahigit 120,000 na bagong displaced na tao sa Rakhine mula noong Nobyembre 13, at mukhang patuloy pang tataas ang bilang na ito. 

    Ang mga ospital sa sentrong bahagi ng Rakhine ay naapektuhan ng matitinding barilan o di kaya’y inabandona ng staff na napilitang lisanin ang lugar. Dalawang ospital sa Central Rakhine kung saan ang mga team ng Doctors Without Borders ay karaniwang tumatanggap ng mga emergency patient ay di na tumatakbo, habang ang isa pa, ang Min Bya General Hospital, ay napinsala noong Nobyembre 17. 

    Sa hilagang bahagi ng Rakhine, may mga emergency referral na naging posible sa tulong ng aming mga community health worker. Bukas naman ang mga pasilidad pangkalusugan, ngunit ang ilan sa kanila’y pinapatakbo ng skeleton staff o kaunting tao lamang, at limitado ang kanilang mga medical supply, o kaya’y inililipat nila ang kanilang mapagkukunang-yaman sa mga mas liblib na lugar bilang suporta sa mga displaced na tao na palipat-lipat ng pansamantalang tirahan. 

    Dahil hinaharangan ang mga access route at wala kaming pahintulot na magbigay ng tulong, hindi mapatakbo ng Doctors Without Borders ang aming 25 na mga mobile clinic. Ang mga paghihigpit na ito ay nakakaapekto rin sa ibang mga humanitarian organisation, at maraming nag-uulat na hindi sila makapaghatid ng tulong. Dapat tiyakin ang mga sangkot sa alitan na ang mga pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan at mga humanitarian worker ay maaaring magpatuloy sa kanilang mga aktibidad at dapat garantiyahan ang ligtas na access sa pangangalagang pangkalusugan ng populasyon ng Rakhine.

    *Pinalitan ang mga pangalan

    Maaari basahin ang ulat na ito sa salitang Burmese.

    Categories