May isang milyong dahilan para tayo’y kumilos
Ang mga masisilungan na gawa sa kawayan at trapal ay itinayo bilang mga pansamantalang solusyon lamang. Akala ng marami sa mga pamilyang Rohingya na tumakas mula sa Myanmar, makakabalik sila sa kanilang mga tahanan pagkatapos lamang ng ilang buwan. ©Victor Caringal/MSF
Isang bangungot ang mga pangyayari para sa mga Rohingyang nakatira sa mga kampo ng refugee sa Bangladesh. Ang mga sakit at ang mga kondisyon ng pamumuhay ay umaabot na sa mga antas na hindi katanggap-tanggap at hindi makatao.
Sa ngayon, may 40% na ng mga nasa kampo ang may scabies. Ibig sabihin, mahigit 400,000 na sa kanila ang pinaniniwalaang mayroon o nagkaroon ng lubos na nakahahawa at napabayaang tropical disease. Ang nangyari rito ay ang pinakamalaking naitalang outbreak ng sakit na ito sa pinakamalaking kampo para sa mga refugee sa mundo, tahanan ng halos isang milyong Rohingya – isa sa pinakainuusig na grupo ng mga tao sa modernong kasaysayan.
Ito ay isang impeksyon na dala ng mga parasito na nakikita lang sa ilalim ng mikroskopiko, ang Sarcoptes scabiei na pumapasok sa ilalim ng balat ng tao at doon nangingitlog. Hindi maganda ang nagiging epekto nito sa balat— pamamantal at pangangati. Bagama’t ito’y hindi nakamamatay, nakakaapekto ito sa kalidad ng pamumuhay, lalo na ng mga taong walang maayos na tirahan o walang pambili ng gamot. Maaaring hindi makatulog ang tao dahil sa sobrang pangangati, kung kaya’t maaari rin itong makaapekto sa kanyang kalusugang pangkaisipan.
Isang batang pasyente mula sa kampo ng mga Rohingya refugee ang bumisita sa pasilidad ng Doctors Without Borders sa Jamtoli upang magpagamot para sa scabies. ©MSF/Malvoisin
Ano pa ba ang maaari nating asahan na mangyayari kapag wala pa ring tiyak na haba ng panahon ang pamamalagi ng isang milyong refugee sa mga pansamantalang kampo?
Ang tanong ngayon ay hindi kung bakit ipinagwalang-bahala ng mundo ang mga babala tungkol sa mga Rohingya. Sa halip, ang tanong ay, anong kailangan upang ang pandaigdigang komunidad, ang mga donor, at ang United Nations ay mas umako ng responsibilidad para sa mga Rohingya?
Mahigit anim na taon kong nakatrabaho ang komunidad ng mga Rohingya. Mula 1993, nakapagbigay na ang mga team ng Doctors Without Borders ng pangangalagang pangkalusugan para sa mga Rohingya sa Myanmar, ang kanilang lupang tinubuan, at nasaksihan namin ang mga sunod-sunod na pagkabigo sa mga pandaigdigang responsibilidad.
Upang makontrol ang outbreak ng scabies, kailangan ng malawakang pagbibigay ng gamot, at epektibong vector control sa kabuuan ng mga kampo. Ang karaniwang ginagawa rito ay ang sabay-sabay na paglilinis ng mga hinihigaan at mga damit na isinusuot. Kaya lang, hindi ito posibleng gawin ng mga Rohingya dahil sa kakulangan ng supply ng tubig at sabon sa mga siksikang kampo.
Ang mga kampo ay nilikha bilang pansamantalang solusyon lamang, ngunit anim na taon na ang nakalipas, at ang mga pansamantalang istruktura ay nagiging pangmatagalang pabigat. Kung hindi babaguhin ang mga stratehiya ng mga pamahalaan na nagbibigay ng donasyon at ng mga pamahalaan ng mga bansa kung nasaan ang mga refugee, ang populasyon sa mga kampo ay nananatiling nanganganib na mahawa sa sakit na kumakalat.
Ang kakulangan ng access sa ligtas na inuming tubig at ang mga mahihinang kondisyon ng sanitasyon ay nakadadagdag sa mga banta sa kalusugan sa mga siksikang kampo, at binibigyang-daan ang mga outbreak ng mga sakit na tulad ng scabies. ©Victor Caringal/MSF
Ang pinakahuling outbreak ng scabies ay dapat sapat na upang ang mga pamahalaan ay maging maagap at determinadong makahanap ng mga pangmatagalang solusyon. Ngunit sa kasamaang palad, hindi ito nangyari. Hindi na dapat pang ipaliwanag kung bakit ang outbreak na ito ay isang krisis sa pampublikong kalusugan na hindi dapat pagdaanan ng kahit sino.
Bukod pa rito, kung pag-uusapan naman ang sitwasyon ng nutrisyon sa kampo, nag-aalala kami sa bilang ng mga kaso ng malnutrisyon na nakararating sa aming mga klinika. Noong 2022, sa dalawang pasilidad lang namin ay nakahawak na kami ng 3,200 na kaso ng malnutrisyon sa mga nagdadalantao at nagpapasusong kababaihan. 40% sa kanila ay anemic, at ang 25 hanggang 28% ng mga sanggol na ipinanganak ay mababa ang timbang kaysa karaniwan. Ang general acute malnutrition rates sa mga batang wala pang limang taong gulang ay 19% noong 2022, at 21% hanggang kalagitnaan ng 2023.
Kung idadagdag pa rito ang pagbawas ng World Food Programme sa food allowance para sa mga Rohingya na $8 USD na lang sa isang buwan, inaasahan naming aakyat ang antas ng malnutrisyon at anemia. Ang resulta nito’y tataas din ang bilang ng mga sanggol na ipapanganak na kulang sa timbang, at mauuwi rin sa mas mataas na mortality rate ng mga kababaihan at mga bata. May isang henerasyon ng mga Rohingya na haharap sa posibilidad ng pagkabansot mula pagkabata dahil sa kakulangan ng nutrisyon. Ang mga batang ito rin ay pinagkakaitan ng karapatan na makakuha ng edukasyon. Ang mga kampo para sa mga Rohingya refugee sa Cox’s Bazaar sa Bangladesh ay tila mga lugar kung saan ang mga pamantayang humanitarian ay hindi nagagamit, kadalasa’y nakakalimutan, at napapabayaan ng ibang tao sa mundo.
Isang henerasyon ng mga kababaihan, bata, at mga kalalakihan ay kilala na lang ngayon bilang isang grupo ng mga refugee o mga taong walang estado. Pero sila’y higit pa roon. Sila’y mga taong nagtiis sa pang-uusig, nasaksihan ang pagtupok ng kanilang mga tahanan, nabalitaan ang pagpatay sa mga miyembro ng kanilang pamilya, at nahaharap sa isang buhay kung saan nababakuran sila at nagdurusa sa mga kondisyong hindi natin mararanasan kailanman. Gayunpaman, sila’y mga taong lumalaban upang mabuhay araw-araw, bilang mga ina, ama, at anak. Tulad natin, sila’y mga tao rin: mga guro, pintor, tagapangalaga, at marami pang iba.
Ang mga mapanganib na sitwasyon sa mga kampo ay nangyayari kapag hindi mulat ang mga organisasyong pandaigdigan sa mga banta na unti-unting lumalala. Sa kaso ng mga Rohingya sa Bangladesh, may isang milyong dahilan upang hindi tayo maging kampante.
Si Arunn Jegan ay ang Head of Mission ng Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) sa Bangladesh. Bago iyon, nagtrabaho siya bilang isang Emergency Coordinator sa Yemen, Syria, at Venezuela para sa Doctors Without Borders, at sa Afghanistan, Iraq, Jordan, Lebanon, at Turkey naman para sa ibang mga pandaigdigang NGOs kung saan siya’y humawak din ng senior management position. Dalubhasa siya sa humanitarian crisis coordination of public health emergencies at sa malikhaing pamamaraan ng pagsulong ng adbokasiya.