“Isang malaking trahedya ang sitwasyon sa Gaza; napupuspos na ang mga ospital."
Palestine, Oktubre 2023. © Mohammed ABED
“Ang sitwasyon sa Gaza ay isang malaking trahedya; ang mga ospital ay napupuspos na. Ang bilang ng mga nasugatan ay napakataas--dinadagsa ng mga pasyente ang lahat ng mga ospital sa Gaza Strip. Hapong-hapo ang mga medical team, 24 oras silang nagtatrabaho upang gamutin ang mga sugatan.
Matindi ang mga pambobomba. Buo-buong mga gusali ang nawawasak, pati ang gusaling katabi ng opisina ng Doctors Without Borders office ay gumuho dahil sa pagbomba. Minsan, katulad ng nangyari sa iba naming mga team member sa Gaza, sa kalagitnaan ng gabi’y makakatanggap ang mga tao ng mensahe na nagsasabing kailangan nilang lumikas mula sa kanilang mga tahanan. Isipin ninyo, kailangan ninyong gisingin ang inyong mga anak nang hatinggabi , magmadaling umalis nang walang dalang kagamitan upang pumunta sa isang ligtas na lugar. Ngunit kadalasa’y di alam ng mga tao ang kanilang pupuntahan, at makikita na lang nila ang kanilang mga sarili na nasa labas gayong dis-oras ng gabi, habang umuulan ng bomba sa paligid nila. Saan sila makatatagpo ng kaligtasan?
Palestine, Oktubre 2023. © Mohammed ABED
Ayon sa pinakahuling pagtatantiya, mga 200,000 na tao ang nawalan ng tirahan. Karamihan sa kanila’y nakatanggap ng nabanggit na mensahe at nawasak ang kanilang mga tirahan. Kailangan nila ng lahat: tubig, paliguan, pagkain, isang kutsong mahihigan… sa madaling sabi, ito’y mga iba-iba ngunit lahat ay mga pangunahing pangangailangan.
Ngayo’y nagpasya na ang pamahalaan ng Israel na putulin na ang supply ng tubig at kuryente at malubha naman ang pagkakapinsala sa kanilang phone network. Kaninang umaga, di namin makontak sa telepono ang aming mga team sa Gaza. Gagawin nitong mas mahirap ang pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan para sa rescue operations at upang maabot ang mga nasaktan.
Sa kasalukuyan, ang mga tao sa Gaza ay takot na takot. Regular kong nakakausap ang mga kasamahan namin doon. Dahil napakarami na nilang pinagdaanang mga digmaan, masasabi kong pawang malalakas ang loob ng mga taong ito. Gayunpaman, lubha silang nababahala sa kasalukuyang sitwasyon. Sabi nila’y iba raw ngayon: wala silang nakikitang solusyon at di nila maisip kung paano ito magwawakas.Labis silang nababalisa, at di mailarawan ninuman ang kanilang pinagdadaanan.
Kami naman sa Doctors Without Borders ay nababahalang makita na maski ang mga pasilidad medikal ay hindi nakakaligtas sa pambobomba. Isa sa mga ospital na sinusuportahan namin ay natamaan sa isang airstrike at ito ay napinsala. At dahil naman sa isa pang airstrike, isang ambulansyang may mga lulang sugatan ang nawasak sa tapat mismo ng ospital kung saan kami nagtatrabaho. Kahit may inooperahang pasyente ang Doctors Without Borders team noong nangyari iyon, kinailangan nilang dali-daling lisanin ang ospital. Inuulit namin: dapat igalang ang mga pasilidad medikal. Ito’y di na dapat pang padaanin sa negosasyon.
Sa kasalukuyan, nagbibigay ang Doctors Without Borders ng mga donasyon—mga mahahalagang gamot at medical equipment—sa mga pangunahing ospital sa Gaza Strip. Nagpadala na rin kami ng mga surgical team sa dalawang ospital upang tumulong sa pagbibigay-lunas sa mga sugatan. Sa mga darating na araw, maraming isasagawang post-operative surgery, dahil karamihan sa aming mga natatanggap na sugatan ay nangangailangan ng ilang surgical intervention bago sila tuluyang maisalba. Kahapon, nagtayo rin kami ng kliinika sa downtown Gaza para sa mga taong may ibang mga natamong pinsala, na pagsusumikapan naming panatilihing bukas hangga’t pahihintulutan pa ito ng mga kondisyon.
Kahapon nang umaga, nakatanggap kami ng labintatlong taong gulang na lalaki na sunog ang halos buo niyang katawan nang bumagsak ang isang bomba sa mismong tabi ng bahay nila, at ito’y pinagmulan ng isang sunog. Ito’y mga kasong napakakumplikadong gamutin sa ilalim ng mga ganitong kondisyon,at kapag bata ang mga apektado, napakahirap nito sa ating kalooban.
Ang matinding karahasan at pambobomba ay nakakagulat,pati na rin ang bilang ng mga namatay.Ang pagdeklara ng digmaan ay di dapat,sa anumang kadahilanan,mauwi sa pagpaparusa sa kabuuang populasyon ng Gaza. Ang pagputol sa kanilang supply ng tubig, kuryente, at gasolina ay di katanggap-tanggap dahil napaparusahan ang buong populasyon at sila’y napagkakaitan ng kanilang mga pangunahing pangangailangan.”
Susuportahan mo ba ang aming emergency response?
Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.