Ang krisis ng mga Rohingya: Isang buod ng mga nalaman mula sa anim na pinagsama-samang survey
Mahirap ang buhay para sa mga Rohingya refugees sa mga camp sa Bangladesh. Bangladesh, 2017. © Mohammad Ghannam/MSF
Noong ika-25 ng Agosto 2017, isang operasyong militar laban sa mga rebelde sa estado ng Rakhine sa Myanmar ang nagtaboy sa napakaraming sibilyang Rohingya papunta sa Bangladesh. Sa mga sumunod na tatlong buwan, may 626,000 na Rohingyang tumawid papuntang Bangladesh upang takasan ang karahasan.
Upang tasahin ang laki ng problema at alamin ang mga pangangailangan para sa humanitarian assistance, ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ay nagsagawa ng anim na survey upang mapag-aralan ang retrospective mortality ng populasyon na nakatira sa mga pamayanan ng Kutupalong, Balukhali at Tasnimarkhola sa distrito ng Cox’s Bazar, sa Bangladesh. Balak nilang isagawa ang survey sa kabuuang populasyon na 608,108. 82.8% sa kanila ay mga bagong lipat mula sa Myanmar, at dumating pagkatapos ng Agosto 25, 2017.
Mapa ng mga proyekto ng Doctors Without Borders para sa Rohingya refugees sa Bangladesh, Disyembre 2017
Mga pamamaraan
Noong Nobyembre 2017, nagsagawa ang Doctors Without Borders ng anim na retrospective survey sa populasyon ng mga Rohingya sa Bangladesh. Apat na survey ang isinagawa sa mga pamayanan sa hilaga (sa mga pansamantalang pamayanan sa Kutupalong, Balukhali at sa mga karugtong ng mga pamayanang iyon), na sumasaklaw sa itinatayang populasyon na 367,718. Dalawa pang survey ang ginawa sa mga pamayanan sa timog (sa mga pamayanan ng Balukhali 2 at sa Tasnimarkhola), na sumasaklaw sa tinatantiyang mga 135,980 na tao. Sa hilaga, gumamit ang survey team ng simpleng random sampling, na may sample size na 905 na sambahayan; samantalang sa timog naman ay systemic sampling ang ginamit, na ang sample size naman ay 1,529 na sambahayan. Sa kabuuan, ang mga survey team ay nagsagawa ng panayam sa 2,434 na sambahayan (na kumakatawan sa 11,426 na tao). Ang panahong pinaaalala sa kanila para sa mga survey ay halos magkasinghabang panahon bago at pagkatapos ng Agosto 25, 2017. Nagsimula ito noong Mayo 27, 2017 at natapos noong Oktubre 30, 2017. Inilarawan ng mga pinuno ng sambahayan ang istruktura ng kanilang pamilya. Ibinigay rin nila ang petsa, lugar at ang ikinamatay ng mga kapamilya nilang pumanaw noong panahong iyon. Upang pagsama-samahin ang mga resulta ng survey, nagsagawa ang Doctors Without Borders ng weighted analysis gamit ang relative population estimates para sa sakop ng bawat survey.
Mga resulta
Inilalarawan sa mga survey na ito ang 503,698 na Rohingya na dumating mula sa estado ng Rakhine sa Myanmar dahil sa naganap na puwersahang pagpapaalis ng marami sa kanila mula sa kanilang mga tirahan. Dagdag pa riyan ang 104,410 na Rohingyang nakatira sa mga pamayanan sa Bangladesh bago mag-Agosto 25, 2017. Tinatantiyang may 626,000 na Rohingya ang dumating sa Bangladesh mula noong Agosto 25. Samakatuwid, ang mga survey na ginawa ng Doctors Without Borders ay kumakatawan sa 80.4% ng bagong dating na populasyon sa Bangladesh, galing sa Myanmar.
Ang mga iniulat na namatay noong unang buwan ng krisis (mula Agosto 25 hanggang Setyembre 24, 2017) ay 2.26% ng kabuuang bilang [95% CI: 1.87 – 2.73%], na may 2.83% [95% CI: 2.23 – 3.59%] ng mga lalaking namatay, at 1.69% [95 CI: 1.24 – 2.30%] ng mga namatay na babae noong panahong iyon. (Table 1).
Karahasan ang tuwirang sanhi ng pagkamatay ng karamihan (71.7%) sa mga Rohingyang nasawi mula Agosto 25 hanggang Setyembre 24, 2017. 69.4%ng mga namatay ay binaril; 8.8% naman ang sinunog sa kanilang bahay; 5.0% ang naging biktima ng pambubugbog; sekswal na karahasan ang ikinamatay ng 2.6% sa kanila; at 1.0% ang nasabugan ng landmine (buod sa Table 2).
Pati ang mga bata ay nadamay sa karahasan: sa kabuuan, 1.70% [95% CI: 1.00 – 2.88%] ng populasyon na wala pang limang taong gulang ang namatay noong panahong iyon. 72.8% ng mga kamatayang iyon ay sanhi ng tuwirang karahasan, katulad ng pamamaril (59.1%), pagsunog habang nasa bahay (14.8%), pambubugbog (6.9%), at pagsabog ng landmine (2.3%) (buod sa Table 2).
Ipinapahayag sa pamamagitan ng mga mortality rate kada 10,000 bawat araw (Table 3), ipinapakita ng aming mga datos ang sobrang taas na antas ng mortality, na may pinagsamang crude mortality rate (CMR) of 8.02 na kamatayan/10,000/araw [95% CI: 6.63 – 9.71] sa 31 na araw pagkatapos ng Agosto 25, 2017. Ang mortality rate na ito ay 13.3 beses na mas mataas kaysa pinagsamang CMR para sa populasyon ding iyon bago nagsimula ang krisis (mula Mayo 27 hanggang Agosto 24, 2017) at 9.2 beses na mas mataas ito sa pinagsamang CMR ng populasyon ding iyon matapos ang unang 31 na araw ng krisis (mula Setyembre 25 hanggang Oktubre 30, 2017).
Ang mga pinagsamang under-five mortality rate (U5MR) ay 5.97 na kamatayan/10,000/araw [95% CI: 3.50 – 10.17] noong 31 na araw pagkatapos ng Agosto 25. Ito ay 23.9 beses na mas mataas kaysa pinagsamang U5MR para sa parehong populasyon bago ang panahong ito (Mayo 27 hangang Agosto 24, 2017) at 3.2 beses na mas mataas kaysa pinagsamang U5MR para sa populasyon ding iyon matapos ang unang 31 na araw ng krisis (mula Setyembre 25 hanggang Oktubre 30, 2017).
Para sa panahon ding ito (mula Agosto 25 hanggang Setyembre 24, 2017), ang pinagsamang mortality rate para sa populasyon na edad 50 pataas ay 21.28 kamatayan /10,000/araw [95% CI: 14.44 – 31.36]. Ang mortality rate na ito ay 9.9 beses na mas mataas kaysa pinagsamang mortality rate para sa populasyon bago ang panahong ito (mula Mayo 27 hanggang Agosto 24, 2017) at 8.2 beses na mas mataas kaysa pinagsamang mortality rate para sa populasyon ding iyon matapos ang unang 31 na araw ng krisis (mula Setyembre 25 hanggang Oktubre 30, 2017).
Konklusyon
Kung ating gagamitin ang mga proportion na ito sa kabuuang bilang ng bagong dating na populasyon sa mga kampong kasali sa survey, tinatayang may 11,393 na taong namatay [95% CI: 9,425 – 13,759] sa estado ng Rakhine sa Myanmar sa unang 31 na araw pagkatapos ng karahasang naganap noong Agosto 25, 2017. Kasama sa mga tinatayang namatay ang1,713 na bata na wala pang limang taong gulang [95% CI: 1,008 – 2,896]. Sa mga ito, 8,170 ang namatay dahil sa karahasan [95% CI: 6,759 – 9,867], kasama ang 1,247 na bata na wala pang limang taong gulang [95% CI: 734 – 2,109].
Ang mga survey na ito ay nagbibigay ng ebidensyang epidemiological na may mataas na mortality rate ang mga Rohingya dahil sa karahasan, at nagpapahiwatig na marahil, sila’y pinagpapapatay nang maramihan bago pumunta ang iba sa kanila sa Bangladesh. Dagdag pa rito, ang mortality rate na nakita sa survey ay malamang mas mababa kaysa sa totoong bilang dahil hindi pa kasali rito ang mga naiwan sa Myanmar at ang mga pamilyang wala nang naiwang buhay.