Skip to main content

    Ang kautusan mula sa Israel na lisanin ang hilagang Gaza ay hindi katanggap-tanggap

    Destruction in Gaza. Palestine, October 2023. © MSF

    Palestinian Territories, Oktubre 2023. © MSF

    Ang pagsasabing hindi pa ito kailanman nangyari ay hindi sapat upang mailarawan ang medikal at humanitarian na epekto. Ang Gaza ay winawasak, libo- libong tao  na ang namatay. Kailangang tigilan na ito sa mas lalong madaling panahon. Mariin naming ikinokondena ang hinihingi ng Israel.”

    - Meinie Nicolai, General Director ng Doctors Without Borders, ukol sa kautusan ng Israel sa paglikas

    Ang walang pinipiling karahasan at ang pagpaparusa sa Gaza bilang kabuuan ay dapat nang tigilan.

    Gaza, Barcelona, Brussels, Paris, Oktubre 12, 2023 — Ang Doctors Without Borders / Médecins Sans Frontières (MSF) ay nasindak sa brutal na pagpaslang sa maraming sibilyan ng Hamas, at sa pagsalakay ng Israel sa Gaza. Nananawagan ang Doctors Without Borders para sa agarang pagtigil ng walang pinipiling pagdanak ng dugo, at sa halip ay pagtuunan ang pagtatayo ng mga ligtas na lugar at pagtitiyak ng ligtas ng pagdaan ng mga tutulong. Dapat magkaroon ang mga tao ng ligtas na access sa mahahalagang supplies gaya ng pagkain, tubig, at pasilidad pangkalusugan. Ang mahahalagang humanitarian supplies tulad ng gamot, kagamitang medikal, pagkain, gasolina at tubig ay dapat pahintulutang maipasok sa Gaza. Upang mapadali ito, kinakailangang buksan ang Rafah border crossing kasama ang Ehipto at ang pagbobomba sa crossing point ay kinakailangang tigilan.

    Tinatantiyang 2.2 milyong tao ang kasalukuyang hindi makaalis sa Gaza strip, kung saan ang matitinding pagbomba at mga walang pinipiling pagsalakay ay nagdudulot ng matinding kapahamakan. Mahigit tatlong daang staff ng Doctors Without Borders ang nasa Gaza, ang ilan sa kanila’y nawalan ng tirahan o di kaya’y mga mahal sa buhay, kung kaya’t naging halos imposible para sa kanila ang lumikas.

    Winasak ng fighter jets ang mga kalsada,lang lugar para magkubli, at walang panahon upang magpahinga. May ilang mga lugar na binomba nang magkasunod na gabi. Natatandaan pa namin ang nangyari noong 2014 at 2021, kung kailan libo- libo ang namatay. Noong panahong iyon, tuwing pumapasok sa trabaho ang aming mga kasamahan, hindi raw nila alam kung makikita pa nilang muli ang kanilang pamilya o ang kanilang tahanan. Pero ayon sa kanila, iba raw ngayon. Ngayon, limang araw pa lang ang nakalilipas ay 1,200 na ang namatay. Ano ang puwedeng gawin ng mga tao? Saan sila pupunta?
    Matthias Kennes, Head of Mission sa Gaza

    Ang mga lalaki, babae, at mga batang wala namang kinalaman sa kaguluhan ay walang ligtas na lugar na mapupuntahan.

    Milyon-milyong lalaki, babae, at mga bata ang nahaharap ngayon sa panlahat na pagpaparusa sa pamamagitan ng ganap na pagkubkob, walang pinipiling pagbobomba, at ang nakaambang banta ng sagupaan. Kinakailangang magkaroon ng mga ligtas na lugar, at dapat ay pahintulutang makapasok ang humanitarian supplies sa Gaza. Ang mga sugatan at may sakit ay kinakailangang makatanggap ng pangangalagang medikal. Ang mga pasilidad medikal at ang mga staff nito ay kinakailangang protektahan at igalang; ang mga ospital at mga ambulansiya ay hindi dapat puntiryahin.

    Ang pagkubkob na isinagawa ng pamahalaan ng Israel, kasama na ang pagkakait ng pagkain, tubig, gasolina at kuryente ay  di katanggap-tanggap. Matapos ang 16 na taon ng military blockade sa Gaza strip, mahina na ang kanilang mga istrukturang medikal, at walang naiwang mapaglalagakan ng mga pasyente, at maging ng mga medical staff na naiipit sa mga tunggalian. Ito ay kumakatawan sa isang sinasadyang balakid para sa mga gamit na pangsagip-buhay. Ang pagpasok ng mga supplies at ng mga mahahalagang medical staff ay   kailangang padaliin sa mas lalong madaling panahon. 

    Sa mga ospital ng Ministry of Health, iniuulat ng medical staff na nauubusan na sila ng mga anaesthetics at painkillers. Sa parte naman ng Doctors Without Borders, kinuha namin ang aming mga medical supply mula sa aming emergency reserves para sa dalawang buwan sa Al Awda Hospital. Ngunit  sa loob lang ng tatlong araw ay naubos na namin ang nakalaan para sa tatlong linggo," sabi ni Darwin Diaz, ang Medical Coordinator ng Doctors Without Borders sa Gaza.

    Ang mga sibilyan, imprastrukturang pangsibilyan, at ang mga pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan ay kinakailangang laging protektahan.

    Ang staff ng Doctors Without Borders, kung saan kabilang ang mga medical personnel, ay hindi makakilos mula pa noong Sabado. Hindi sila makahanap ng ligtas na paraan upang mapuntahan at masuportahan ang kanilang mga Palestinong kasamahan,  na nagtatrabaho nang araw at  gabi upang gamutin ang mga nasaktan. Ang mga lalaki, babae, at mga bata na walang kinalaman sa kaguluhan ay walang ligtas na lugar na mapupuntahan. Nasaksihan ng mga team ng Doctors Without Borders ang antas ng pinsalang naidudulot ng digmaang ito, na maaaring lampas na sa mga dating napagdaanan. Dalawa sa mga ospital na sinusuportahan ng Doctors Without Borders, ang Al Awda at ang Indonesian Hospital, ay parehong nagtamo ng pinsala dahil sa mga airstrike, habang ang klinika naman ng Doctors Without Borders ay napinsala rin dahil sa isang pagsabog noong Lunes.

    Sa kasalukuyan, nagpapatakbo ang Doctors Without Borders ng isang standalone clinic, habang patuloy ang pagsuporta nila sa ospital ng Al Awda, Nasser, at Indonesian hospital sa Gaza. Muling binuksan ng Doctors Without Borders ang isang operational theatre sa Al-Shifa noong ika- 10 ng Oktubre upang tumanggap ng mga pasyenteng nagtamo ng mga burn at trauma. Nakapagbigay na rin kami ng mga medical supplies sa Al-Shifa Hospital at ipagpapatuloy namin ang pagbibigay ng suporta sa mga ospital. Inaalam ng aming mga team sa Jenin, Hebron at Nablus ang mga pangangailangang medikal sa West Bank, kung saan tumitindi ang karahasan. Hindi bababa sa 27 Palestino ang napatay sa settler attacks at sa pakikipatunggali sa hukbong militar ng Israel.

    Ang mga sibilyan, imprastrukturang pangsibilyan, at ang mga pasilidad para sa pangangalagang pangkalusugan ay kinakailangang laging protektahan. Nananawagan ang Doctors Without Borders sa pamahalaan ng Israel na itigil na ang kampanya nitong parusahan ang buong Gaza. Ang mga awtoridad at mga pangkat na mula sa Israel at Palestine ay kinakailangang maglaan ng mga ligtas na lugar. Ang pagpasok sa Gaza strip ng humanitarian assistance, pagkain, tubig, gasolina, gamot at kagamitang medikal ay kinakailangang pabilisin sa lalong madaling panahon upang maiwasan ang pagkawala ng mas marami pang buhay.

    Susuportahan mo ba ang aming emergency response?

    Tulungan kaming makapagbigay ng makasagip-buhay na pangangalagang medikal sa mga emergency sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ngayon.

    Categories